Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Exodo 7–13


“Exodo 7–13,” Manwal ng Guro ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)

lalaking inihahanda ang tahanan para sa Paskua

The Passover [Ang Paskua], ni W. H. Margetson

Exodo 7–13

Ipinakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa harapan ni Faraon nang maraming beses sa magkakasunod na salot. Gayunpaman, patuloy na pinatigas ni Faraon ang kanyang puso at tumangging palayain ang mga anak ni Israel. Ang huling salot na magpapalaya sa mga Israelita, ay ang kamatayan ng lahat ng panganay na anak sa Egipto. Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin para lampasan ng salot ang mga Israelita na masunuring nagtiwala sa Kanya. Upang matulungan ang mga anak ni Israel na maalaala na iniligtas sila ng Panginoon mula sa Egipto, pinasimulan Niya ang Pista ng Paskua na gugunitain bawat taon pagkatapos noon.

Karagdagang Resources

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Exodo 7–13

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Bakit kung minsan ay mahirap magpasakop sa kalooban ng Diyos? Habang binabasa ang Exodo 7–10, isipin kung ano ang magagawa mo para hindi mo mapatigas ang puso mo laban sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta.

  • Ang mga banal na kasulatan ay kadalasang gumagamit ng mga simbolo para ituro sa atin ang tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano. Habang pinag-aaralan mo ang salaysay tungkol sa Paskua at sa pagkakaligtas sa mga Israelita sa Exodo 12–13, tingnan kung ano ang matututuhan mo mula sa mga simbolo na natagpuan mo.

  • Habang pinag-aaralan mo ang Exodo 12:14–17, 24–27 at 13:1–16, bigyang-pansin ang pagkakatulad na nakikita mo sa pagitan ng kapistahan ng Paskwa at ng sakramento.

icon na talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Exodo 7–13.

icon ng pagsasanay ng kasanayan
Pagsasanay ng Kasanayan

Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Exodo 12–13 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Maghanap ng mga simbolo na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga simbolo na nakaturo kay Jesucristo. Makatutulong ang madalas na hilingin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa kanilang pinag-aaralan. Talakayin kung ano ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga simbolong nahanap nila (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas7).

Exodo 7–11

Ano ang mga panganib ng pagpapatigas ng aking puso laban sa Diyos?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan o maaari kang magdrowing ng katulad nito sa pisara. Maaari mong lagyan ang isang puso ng label na “matigas” at ang isa naman ay “malambot.”

puso na parang bato at drowing na puso

Pagkatapos, maaari mong itanong:

  • Ano ang ilang katangian ng matigas na pusong espirituwal? Ano ang ilang katangian ng malambot na pusong espirituwal?

Sabihin sa mga estudyante na isaalang-alang ang kasalukuyang espirituwal na kalagayan ng kanilang sariling puso. Maaari mong sabihin sa kanila na isipin ang ilan sa kanilang mga pag-uugali o asal na maaaring magpakita ng isang matigas na puso o isang malambot na puso. Himukin sila habang nag-aaral sila ngayon na hanapin ang mga panganib ng pagpapatigas ng kanilang puso laban sa Diyos.

nakikipag-usap sina Moises at Aaron kay Faraon

Moses and Aaron in the Court of Pharaoh [Sina Moises at Aaron sa Korte ni Faraon], ni Robert T. Barrett

Isiping magpakita ng larawan nina Moises at Aaron na nakatayo sa harapan ni Faraon. Ipaalala sa mga estudyante na nang unang hilingin nina Moises at Aaron kay Faraon na palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin, tinanggihan ni Faraon ang kanilang kahilingan at sa halip ay dinagdagan ang mga pasanin ng mga Israelita (tingnan sa Exodo 5:1–19). Pagkatapos ay iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron na bumalik kay Faraon at muling sabihin sa kanya na palayain ang mga Israelita (tingnan sa Exodo 7:1–2).

Ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 7:3–5, na inaalam kung paano sinabi ng Panginoon na tutugon si Faraon sa pangalawang kahilingan na ito na paalisin ang mga Israelita.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na magiging tugon ni Faraon? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na nilinaw sa Joseph Smith Translation na patitigasin ni Faraon ang kanyang sariling puso. Ang mga katulad na paglilinaw ay ginawa rin sa mga sumunod na pagkakataon.)

Ituro na “ang aking mga tanda at aking mga kababalaghan” na binanggit ng Panginoon sa talata 3 ay ang mga salot na dadalhin Niya sa Egipto dahil sa pagtanggi ni Faraon na sumunod. Isiping sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung aling mga salot ang maaalala nila. Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang sumusunod na listahan:

  • Ang Sampung Salot

    1. Ang tubig ay naging dugo (tingnan sa Exodo 7:19–25)

    2. Mga palaka (tingnan sa Exodo 8:5–15)

    3. Mga Kuto (tingnan sa Exodo 8:16–19)

    4. Mga langaw (tingnan sa Exodo 8:20–24, 29–32)

    5. Namatay ang mga baka (tingnan sa Exodo 9:1–7)

    6. Mga pigsa (tingnan sa Exodo 9:8–12)

    7. Yelong ulan at apoy mula sa langit (tingnan sa Exodo 9:22–35)

    8. Mga balang (tingnan sa Exodo 10:12–20)

    9. Kadiliman (tingnan sa Exodo 10:21–27)

    10. Kamatayan ng bawat panganay (tingnan sa Exodo 11:4–10; 12:29–33)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto upang mapag-aralan ang ilan sa mga talata sa listahan. Anyayahan silang pag-isipan kung ano ang matututuhan nila mula sa mga tugon ni Faraon sa mga salot. Pagkatapos mag-aral ng mga estudyante, isaalang-alang ang pagpapakita ng mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa kapartner:

  • Ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa mga aksiyon ni Faraon sa mga talatang pinag-aralan ninyo?

  • Anong mga aral ang matututuhan ninyo mula sa salaysay na ito tungkol sa mga kahihinatnan ng pagpapatigas ng ating puso laban sa Diyos?

Ipabahagi sa ilang estudyante ang natalakay nila. Maaari nilang matukoya ang isang katotohanang tulad nito: Kung patitigasin natin ang ating puso laban sa Diyos, maaari tayong magdala ng negatibong kahihinatnan sa ating sarili at sa iba.

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na banal na kasulatan, nang naghahanap ng karagdagang mga ideya tungkol sa pagpapatigas at pagpapalambot ng ating mga puso:

Maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na maibahagi ang kanilang mga nalaman:

  • Ano ang maaaring maging sanhi ng espirituwal na pagtigas o paglambot ng ating puso?

  • Anong mga negatibong kahihinatnan ang maaaring ibunga ng pagkakaroon ng matigas na puso?

  • Paano tayo pagpapalain ng Diyos kung tayo ay may malambot na puso? (Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa mula sa kanilang sariling buhay.)

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa mga estudyante na itala kung paano sila hinimok ng Espiritu na luminang o magpanatili ng isang malambot na puso sa Diyos. Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang mga partikular na aksiyong gagawin nila. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga ideya na hindi masyadong personal.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Exodo 12–13

Ano ang itinuturo ng mga simbolo ng Paskua tungkol kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang simbolo na ginamit sa mga banal na kasulatan at ibahagi ang itinuturo nito sa kanila tungkol kay Jesucristo o sa Kanyang ebanghelyo. Maaari nilang ibahagi ang simbolong ito sa isang kapartner o sa maliit na grupo. (Para sa iba pang mga ideya tungkol sa kung paano ipapakilala ang paksa ng simbolismo, tingnan sa “Understanding Symbolism in the Scriptures” sa Scripture Study Skills).

Ipaalala sa mga estudyante na noong gabi bago iniligtas ang Israel mula sa Egipto, ipinabatid ng Panginoon ang tungkol sa Paskua. Binigyan niya ang mga Israelita ng espesipikong mga tagubilin na dapat sundin nang sa gayon ay “lalampasan” ng kamatayan ang kanilang mga panganay na anak nang walang pinsala. Ang Paskua ay puno ng simbolismo na magtuturo sa mga Israelita tungkol sa Panginoon at tungkol sa kanilang sariling mga karanasan.

Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang Exodo 12:3–15, 21–23 para makita kung anong mga simbolo ang matatagpuan nila. Himukin silang partikular na bigyang-pansin ang matututuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito. Kung kinakailangan, maaari mo munang tukuyin at talakayin ang isang simbolo nang magkasama bilang isang klase. Maaari mo ring sabihin sa kanila na tingnan ang entry para sa Exodo 12:1–15 sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.

Para matulungan ang mga estudyante na ayusin ang mga ideya nila, hikayatin silang gumamit ng table o talahanayan na katulad ng sumusunod:

Simbolo at talata

Mga posibleng kahulugan

Kapag tapos na ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila. Maaari mo ring isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan at anyayahan silang ibahagi kung paano nila nakikita ang katotohanang iyon na kinakatawan ng mga simbolo ng Paskua: Ibinibigay sa atin ni Jesucristo ang kaligtasan mula sa pagkaalipin ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang dugo.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano maaaring maiugnay ang mga simbolong ito sa kanilang mga buhay, maaari mong talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paanong ang kasalanan ay katulad ng pagkaalipin na naranasan ng mga Israelita?

  • Ano ang maaari nating gawin para matamo ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

  • Ano ang nalalaman ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa inyo o sa iba na nangangailangan ng pagliligtas? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Patrick Kearon.)

Elder Patrick Kearon

Ang layunin ng dakilang plano ng kaligayahan ng Ama ay ang inyong kaligayahan, dito mismo, ngayon mismo, at sa mga kawalang-hanggan. Hindi nito layunin ang hadlangan ang inyong kaligayahan at magdulot sa inyo ng pag-aalala at pangamba.

Sa katunayan, layunin ng plano ng pagtubos ng Ama na kayo ay matubos, kayo ay masagip sa pamamagitan ng mga pagdurusa at kamatayan ni Jesucristo, kayo ay mapalaya mula sa gapos ng kasalanan at kamatayan. Hindi para iwan kayo sa gayong kalagayan. (“Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo,” Liahona, Mayo 2024, 87–88)

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon at ang kapangyarihan ni Jesucristo na iligtas tayo mula sa ating mga paghihirap.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

Exodo 12:14–17, 24–27; 13:1–16

Paano ipinaaalala sa akin ng sakramento ang aking pagkakaligtas sa pamamagitan ni Jesucristo?

Maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo.

Jesucristo

Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno], ni Heinrich Hofmann (detalye)

Ipaalala sa mga estudyante na bawat linggo kapag nakikibahagi tayo sa sakramento, nakikipagtipan tayo na “laging … aalalahanin” si Jesucristo (Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Pagkatapos ay maaari mong sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa kapartner:

  • Ano ang tumutulong sa iyo na alalahanin si Jesucristo?

  • Ano sa palagay mo ang mahalagang maalaala tungkol sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan nila ang lesson na ito para matulungan silang malaman kung ano ang magagawa nila para maalala ang Tagapagligtas araw-araw.

Maaari mong ipakita ang isang imahe na naglalarawan ng Paskua at anyayahan ang mga estudyante na ibuod ang naaalala nila tungkol sa himala ng unang Paskua (kung kinakailangan, maaari nilang pag-aralan ang Exodo 12:1–13).

pamilya na nakikilahok sa Paskua

The Passover Supper [Ang Hapunan sa Paskua], ni Brian Call

Ipaliwanag na iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na gawing muli ang hapunan ng Paskua “sa buong panahon ng [kanilang] mga salinlahi” (Exodo 12:14). Anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na passage, at hanapin ang mga salita at pariralang nagsasaad ng nais ng Panginoon na maalaala at gawin ng mga Israelita.

  • Exodo 12:14, 17, 25–27

  • Exodo 13:3, 8–10

Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang nilalayon ng paghahanda at pakikibahagi sa hapunan ng Paskua na makatutulong sa mga Israelita na maalaala ang tungkol sa Panginoon?

Ipaliwanag na noong panahon ng Bagong Tipan, sa panahon ng hapunan sa Paskua na kilala bilang Huling Hapunan, pinasimulan ni Jesucristo ang kilala natin ngayon bilang sakramento.

Si Jesucristo kasama ang Labindalawang Apostol

In Remembrance of Me [Sa Pag-alaala sa Akin], ni Walter Rane

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Lucas 22:13–15, 19–20. Maaari mong simulan ang isang talakayan sa klase, at magtanong ng tulad ng sumusunod:

  • Paano natutulad ang Paskua sa ordenansa ng sakramento? Paano ito naiiba?

  • Bakit naglaan ang Ama sa Langit at si Jesucristo ng mga ordenansa tulad ng Paskua at ng sakramento para sa atin?

Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, kabilang ang mga ito: Naglaan ang Ama sa Langit at si Jesucristo ng mga ordenansa tulad ng Paskua at sakramento upang matulungan tayo na maalaala Sila.

  • Anong pagkakaiba ang magagawa sa ating buhay ng palaging pag-alaala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund.)

Elder Dale G. Renlund

Nais ng ating Ama sa Langit na alalahanin natin ang kabutihan Niya at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, hindi para sa sarili Nilang kasiyahan kundi para sa impluwensya sa atin ng pag-alaalang iyon. Sa pagninilay sa Kanilang kabaitan, lumalawak ang ating pananaw at pang-unawa. Sa pagbubulay sa Kanilang habag, nagiging mas mapagkumbaba, madasalin, at matatag tayo. (“Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 41)

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang kahalagahan ng ordenansa ng sakramento at kung paano makatutulong sa kanila ang pagtanggap ng sakramento na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang sumusunod ay ilang ideya na makatutulong sa klase na talakayin at matuto pa:

  1. Magkaroon ng talakayan tungkol sa ginawa ng mga estudyante para maging mas makabuluhan ang sakramento sa kanilang buhay. Maaari din nilang ibahagi ang mga pagpapalang naranasan nila sa pag-alaala kay Jesucristo sa oras ng sacrament at sa buong linggo.

  2. Kantahin o basahin ang mga salita ng mga himno ng sacrament (halimbawa, “Habang Ating Tinatanggap” o “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” sa Mga Himno). Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga salita, parirala na pinakamahalaga para sa kanila.

  3. Ipatukoy sa mga estudyante ang ilan sa mga simbolo ng Paskua na binanggit sa Exodo 12:1–12. Maaari nilang talakayin kung paanong ang mga ito at ang iba pang mga simbolo ay makatutulong sa kanila na maalala ang Tagapagligtas habang tumatanggap sila ng sakramento.

  4. Ipabasa sa mga estudyante ang mga panalangin sa sakramento sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79. Maaari nilang itala ang kanilang mga impresyon hinggil sa mga pangako at pagpapala ng tipan na nakasaad sa mga panalangin.

Anyayahan ang mga estudyante na tahimik na pagnilayan ang natutuhan o nadama nila sa lesson na ito. Hikayatin silang pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin para maging mas makabuluhang bahagi ng kanilang pagsamba ang sakramento.

Balikan ang “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”