The Lord shewed him all [Ipinakita sa kanya ng Panginoon ang buo]: Deuteronomio 34:1–5, ni Eva Timothy
Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34
Pagkalipas ng 40 taong paglalakbay sa ilang, nagtayo ng kampo ang mga anak ni Israel sa labas lang ng lupang pangako. Tinawag ng Panginoon si Josue upang pamunuan sila papasok sa lupain ng Canaan. Inihanda ni Moises ang mga Israelita sa pagpasok sa lupang pangako sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng kahalagahan ng pag-alaala at pagsunod sa Panginoon. Iniutos din niya na pangalagaan nila ang mga maralita at nangangailangan.
Mga Karagdagang Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang sumusunod na mga pamantayang elemento ng lesson.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o higit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Ano ang tumutulong sa inyo na maalala si Jesucristo sa inyong pang-araw-araw na buhay? Isipin kung bakit mahalaga na palagi Siyang isipin habang pinag-aaralan ninyo ang Deuteronomio 6–8.
-
Ano ang personal na kahulugan sa inyo ng ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at lakas? Pagnilayan kung paano ninyo palalakasin ang inyong pagmamahal sa Diyos habang pinag-aaralan ninyo ang Deuteronomio 6:1–6 at 30:15–20.
-
Habang pinag-aaralan ninyo ang Deuteronomio 15, isipin ang mga magagawa ninyo upang matulungan kayong mas mapangalagaan ang mga taong nangangailangan.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante para magtanong at magbahagi ng mga kabatiran at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Deuteronomio 6:1–6; 30:15–20 o Deuteronomio 15 ay maaaring makatulong sa pagsasanay ng Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan, “Paghahanap sa mga Banal na Kasulatan at sa Gospel Library.”
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral ang nakalaan para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input mula sa iyong mga estudyante.
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Magturo mula sa mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta sa huling araw. Kapag ang mga turo ay batay sa mga banal na kasulatan at sa salita ng mga propeta sa mga huling araw, maaaring mas madama ng mga estudyante ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa mga katotohanang natututuhan nila. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano nagturo ang Tagapagligtas sa ganitong paraan, tingnan sa “Ang Tagapagligtas ay Nagturo mula sa mga Banal na Kasulatan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21).
Deuteronomio 6–8
Paano ko maaalala ang Panginoon?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon sa iyong mga estudyante at anyayahan silang mag-isip kung nagkaroon na rin sila ng katulad na mga ideya:
Isang Linggo ng hapon, nasa sacrament meeting si Isla. Habang pinakikinggan niya ang mga panalangin sa sakramento, ang pariralang “sa tuwina ay aalalahanin Siya” ay namumukod-tangi sa kanya. Napapaisip siya kung talagang nauunawaan ba niya ang ibig sabihin ng pag-alaala kay Jesucristo sa tuwina at kung paano niya ito magagawa sa kabila ng lahat ng nangyayari sa kanyang buhay.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin kung gaano nila kahusay na sinusunod ang kautusang alalahanin si Jesucristo sa tuwina. Hikayatin silang isulat ang nadarama nila na dapat nilang gawin para alalahanin Siya sa tuwina habang pinag-aaralan nila ang Deuteronomio 6–8.
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na pagkalipas ng 40 taong paglalakbay sa ilang, papasok na ang mga anak ni Israel sa lupang pangako. Ang aklat ng Deuteronomio ay naglalaman ng huling payo ni Moises sa kanyang mga tao. Karamihan sa kanyang payo ay nakatuon sa mahahalagang pangyayari sa ilang na gusto niyang maalala ng kanyang mga tao.
Upang tulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang payo ni Moises, pag-partner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang klase. Idispley ang mga sumusunod na scripture passage at tagubilin, at bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante para mag-aral at magtalakayan:
-
Deuteronomio 6:3–13, 20–25
-
Deuteronomio 8:1–18
-
Pag-aralan ang Deuteronomio 6:3–13, 20–25 o Deuteronomio 8:1–18 nang mag-isa.
-
Hanapin kung ano ang ipinayo ni Moises na tandaan ng mga tao. Maaari ninyong markahan ang inyong mga matutuklasan.
-
Ibahagi ang payong nahanap ninyo. Ipaliwanag kung bakit sa palagay ninyo ay maaaring naging mahalaga ang payong ito sa mga anak ni Israel noong panahong iyon.
Pagkatapos magtalakayan ng mga estudyante, anyayahan silang ibahagi sa klase ang ilan sa kanilang mga kabatiran. Maaari mo ring itanong:
-
Ano ang nahanap ninyo sa mga turo ni Moises na makatutulong sa atin ngayon? (Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, kabilang ito: Hinihiling sa atin ng Panginoon na alalahanin Siya at ang impluwensya Niya sa ating buhay.)
Upang tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano tayo makikinabang sa pag-alaala sa Panginoon, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund:
Nais ng ating Ama sa Langit na alalahanin natin ang kabutihan Niya at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, hindi para sa sarili Nilang kasiyahan kundi para sa impluwensya sa atin ng pag-alaalang iyon. Sa pagninilay sa Kanilang kabaitan, lumalawak ang ating pananaw at pang-unawa. Sa pagbubulay sa Kanilang habag, nagiging mas mapagkumbaba, madasalin, at matatag tayo. (“Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 41)
Maaari mong talakayin ang ilan sa o ang lahat ng sumusunod na tanong:
-
Ano ang makahahadlang sa mga tao sa pag-alaala sa Panginoon ngayon?
-
Ano ang ilang partikular na bagay ang makatutulong sa ating maalala ang Diyos at ang Kanyang impluwensya sa ating buhay? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mo ring ipanood ang mga video na “O Remember, Remember [O Pakatandaan, Pakatandaan]” [1:28] o “Spiritual Memories [Mga Espirituwal na Alaala]” [1:19].)
1:281:19
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maglaan ng ilang sandali upang alalahanin ang kabutihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Maaari silang maglaan ng ilang sandali upang itala ang kanilang mga sagot sa isa o pareho sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang pumapasok sa inyong isipan kapag iniisip ninyo ang tungkol sa kabutihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa inyong buhay o sa buhay ng iba?
-
Anong mga pagpapala ang inyong naranasan nang sinubukan ninyong alalahanin ang impluwensya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa inyong buhay?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang paraan na sa pakiramdam nila ay higit nilang maaalala ang Panginoon sa kanilang buhay, at hikayatin silang itala ang kanilang mga naiisip. Maaari din silang gumawa ng paalala para sa kanilang sarili na maaari nilang ilagay sa isang lugar kung saan madalas nila itong makikita.
Deuteronomio 6:1–6; 30:15–20
Ano ang makatutulong sa akin para makaramdam nang higit na pagmamahal sa Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong mahal nila. Maaari silang magpakita ng larawan ng taong iyon sa klase o sa ka-partner. Hikayatin silang isipin kung paano lumago o nagbago ang kanilang ugnayan sa taong iyon sa paglipas ng panahon. Maaaring ibahagi ng mga estudyante kung bakit nila mahal ang taong iyon o kung ano ang ginawa nila para makaramdam nang higit na pagmamahal sa kanila.
Ipaliwanag na mahalaga rin para sa atin na magtuon sa pagpapalakas ng ating ugnayan at pagmamahal sa Diyos, tulad ng ating paglalaan ng oras at pagsisikap na patatagin ang ating mga ugnayan sa mga mahal natin sa buhay. Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila ngayon na hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo upang tulungan silang makilala kung paano nila mapalalakas ang kanilang pagmamahal sa Diyos.
Ipaalala sa mga estudyante na ang aklat ng Deuteronomio ay naglalaman ng huling payo ni Moises sa mga Israelita bago sila pinamunuan ni Josue papasok sa lupang pangako. Ipabasa sa mga estudyante ang Deuteronomio 6:1–6 at 30:15–20, at hanapin ang ilan sa mga payo ni Moises sa mga tao. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod upang tulungan silang maibahagi ang kanilang natutuhan:
-
Ano ang namukod-tangi sa inyo mula sa payo ni Moises?
-
Paano ninyo ibubuod ang payong ito bilang isang pahayag ng katotohanan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Inuutusan tayo ng Diyos na mahalin natin Siya nang buong puso, kaluluwa, at lakas.)
Ipaliwanag na sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo, itinuro ni Jesucristo na ang pagmamahal sa Diyos “ang dakila at unang utos” (Mateo 22:38). Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-link o i-cross reference ang Deuteronomio 6:5 sa Mateo 22:35–40.
Upang tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kautusang ito, maaari mong idispley ang mga sumusunod na tanong at papiliin sila ng isa o higit pang pagtutuunan nila. (Maaari mo ring ipakilala ang “Asking Questions That Invite Diligent Learning” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan at sabihin sa mga estudyante na gumawa ng sarili nilang mga tanong.) Bigyan ng oras ang mga estudyante para saliksikin ang mga banal na kasulatan, mga mensahe mula sa mga lider ng Simbahan, o iba pang mga resource sa Gospel Library upang makahanap ng mga kabatiran na nauugnay sa mga tanong na ito.
-
Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at lakas?
-
Sa Kanyang mortal na ministeryo, paano ipinakita ni Jesucristo na mahal Niya ang Ama sa Langit?
-
Ano ang magiging pagkakaiba ng pagmamahal sa Diyos nang buong puso, kaluluwa, at lakas sa aking buhay?
-
Ano ang makahahadlang sa akin para mahalin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at lakas?
-
Ano ang makatutulong sa akin para makaramdam nang higit na pagmamahal sa Diyos?
Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante sa paghahanap ng mga resource, maaari kang magbigay ng mga mungkahing tulad ng sumusunod: Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagmamahal,” Gospel Library; D. Todd Christofferson, “Unahin ang Unang Utos” (digital lang na artikulo), Liahona, Peb. 2023, (Gospel Library); “Mahalin ang Diyos, mahalin ang inyong kapwa,” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022), 10–12.
Kapag tapos na ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi sa maliliit na grupo ang kanilang mga kabatiran. Pagkatapos ay ipabahagi sa klase sa ilang handang estudyante ang ilan sa kanilang mga kabatiran. Maaari mo ring talakayin ang ilang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Ano ang nakatulong sa inyo sa pagpapalalim ng inyong pagmamahal sa Diyos?
-
Ano ang nagawang kaibahan ng pagmamahal ninyo sa Diyos sa inyong buhay?
Deuteronomio 15
Bakit gusto ng Panginoon na pangalagaan ko ang mga taong nangangailangan?
Isulat ang mga salitang maralita at nangangailangan sa pisara. Anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga pagkakataon na maaaring nangangailangan ang isang tao—sa pisikal man, emosyonal, o espirituwal na aspeto. Maaaring ilista mo o ng isang miyembro ng klase ang kanilang mga sagot sa pisara. Habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang Deuteronomio 15, hikayatin silang bigyang-pansin kung paano tayo tinuturuan ng Panginoon na pangalagaan ang mga taong nangangailangan.
Ipaliwanag na sa bawat pitong taon, inuutusan ng Panginoon ang mga anak ni Israel na magdiwang ng isang taon ng Sabbath. Bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng taon ng Sabbath, dapat silang magpatawad sa mga utang, palayain sa pagkaalipin ang mga tao, at alisin ang mga pasanin ng iba. (Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa “Deuteronomio 15:1–18. What was the year of release?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
Ipabasa sa mga estudyante ang Deuteronomio 15:1–11, at hanapin ang mga tagubilin ng Panginoon para sa taon ng Sabbath. Sabihin sa klase na sagutin ang sumusunod:
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagkatao at katangian ng Diyos mula sa mga talatang ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “[buksan] ang [ating] kamay” kapag nagbibigay tayo sa iba? Kailan ipinakita sa inyo ng Panginoon ang Kanyang pangangalaga sa pamamagitan ng “bukas na kamay?”
-
Anong mga pangako ang nakita ninyo sa mga talatang ito na maiaangkop sa ating mga pagsisikap na paglingkuran ang mga taong nangangailangan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad nito: Kapag handa tayong tulungan ang mga taong nangangailangan, pagpapalain tayo ng Panginoon sa lahat ng ating ginagawa.)
Maaari mong gamitin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na aktibidad para tulungan ang mga estudyante na mas makilala ang mga paraan kung paano nila masusunod ang utos ng Panginoon na pangalagaan ang mga maralita at ang mga taong nangangailangan:
-
Magsanay sa “Searching in the Scriptures and in Gospel Library” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan. Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang ilang mahahalagang salita mula sa talakayan, tulad ng “maralita,” “nangangailangan,” “paglilingkod,” “pangangalaga sa iba,” at iba pa. Bigyan ng oras ang mga estudyante para magsanay sa paghahanap ng mga salita o pariralang ito sa Gospel Library. Maaari nilang matukoy ang mga banal na kasulatan, pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, o iba pang mga resource na nagtuturo sa kanila kung paano pinangangalagaan ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan ang Kanyang mga tao ngayon.
-
Maghanap ng halimbawa mula sa buhay ni Jesucristo kung saan pinagpala Niya ang mga taong nangangailangan. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang natuklasan nila.
-
Ilista sa pisara ang mga sumusunod na kategorya: pinansyal, pisikal, espirituwal, panlipunan, emosyonal. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga partikular na paraan kung paano nila masusunod ang utos ng Panginoon na pangalagaan ang mga taong may ganitong mga uri ng pangangailangan.
Maaari mo ring talakayin ang ilang tanong na tulad ng mga ito:
-
Paano kayo pinagpapala ng Ama sa Langit sa kahandaang maglingkod sa Kanyang mga anak?
-
Kailan kayo inalagaan ng isang tao sa paraang katulad ng kay Cristo?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na manalangin sa Ama sa Langit upang malaman kung paano nila mapangangalagaan ang isang taong nangangailangan na nasa paligid nila. Hikayatin silang itala at kumilos ayon sa impresyong natatanggap nila.