“Genesis 3–4; Moises 4–5,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)
Adam and Eve [Adan at Eva], ni Douglas M. Fryer
Genesis 3–4; Moises 4–5
Sa buhay bago tayo isinilang, sinunod ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa Langit at Siya ang piniling maging ating Tagapagligtas. Hinangad ni Satanas na sirain ang kalayaang pumili. Tinukso niya sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, na humantong sa Pagkahulog. Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay nagdala ng pisikal at espirituwal na kamatayan sa mundo. Bagama’t nagdala ito ng paghihirap, kalungkutan, at kasalanan, nagdala rin ang Pagkahulog ng pagkakataong gamitin ang karapatang pumili, matuto, umunlad, at ng kakayahang mag-anak. Sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, madadaig natin ang mga epekto ng Pagkahulog.
Karagdagang mga Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Genesis 3–4; Moises 4–5”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Bakit mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ang kalayaang pumili? Pag-isipan ang tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang Moises 4:1–4.
-
Naranasan mo na bang itago ang iyong mga pagkakamali sa Diyos? Habang pinag-aaralan mo ang Moises 4:13–19, 27, pag-isipan kung paano ka pagpapalain ng pagbaling kay Jesucristo, anuman ang nagawa mo.
-
Habang pinag-aaralan mo ang Moises 4:5–32 at 5:1–12, pag-isipan ang mga biyayang matatanggap mo dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Genesis 3–4 at Moises 4–5.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang Moises 4:1–4 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Looking for Contrasts in the Scriptures” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Maaari mo ring gamitin ang kasanayang “Understanding Symbolism in the Scriptures” kapag pinag-aaralan ang Moises 5:4–12.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral na ginawa para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Matutuhan ang doktrina ni Jesucristo para sa iyong sarili. May kapangyarihan ang pag-aaral, pagninilay, at pagkatuto ng doktrina ng Tagapagligtas para sa iyong sarili habang naghahanda kang magturo sa iyong mga estudyante. Upang matuto pa tungkol dito, tingnan ang bahaging “Natutuhan ng Tagapagligtas ang Doktrina” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 20–21). Ang pagbibigay ng mga tanong sa klase na masasagot nang malaya ay makatutulong sa mga estudyante na mapagnilayan, maipahayag, at mas matutuhan ang doktrina ng Tagapagligtas para sa kanilang sarili.
Bakit mahalaga ang aking kalayaang pumili?
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito sa isang kapartner. Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante, maaari nilang pag-aralan ang Mga Paksa at mga Tanong, “Kalayaan at Pananagutan” (Gospel Library) bago sila magsimula sa kanilang talakayan.
-
Ano ang kalayaang pumili?
-
Bakit mahalaga ang kalayaang pumili?
Ipaliwanag na inilalarawan sa Moises 4 ang premortal na Kapulungan sa Langit, kung saan pinili ng Ama sa Langit si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. Ang kalayaang pumili ang isa sa pinakamahalagang mga usaping tinalakay sa premortal na kapulungan na ito. Habang nag-aaral sila ngayon, anyayahan ang mga estudyante na tingnan kung ano ang matututuhan nila tungkol sa kahalagahan ng kanilang kalayaang pumili at kung paano nila ito mapoprotektahan.
Maaari mong ipakita ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral at anyayahan ang mga estudyante na tapusin ito nang magkakapartner o sa maliliit na grupo:
Pag-aralan ang Moises 4:1–4, at pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ilang pagkakaiba na napansin mo sa pagitan ng mga salita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at ng mga salita ni Satanas?
-
Paano mo nakitang kinilala o hindi pinansin ang kalayaang pumili sa mga talatang ito?
Mag-anyaya ng iba’t ibang estudyante para ibahagi sa klase ang mga kabatirang nakuha nila mula sa kanilang pag-aaral at talakayan. Habang nagbabahagi sila, maaari nilang tukuyin ang mga katotohanang tulad nito: mapagpakumbabang ginagawa ni Jesucristo ang kalooban ng ating Ama sa Langit. Hinahangad ni Satanas na sirain ang ating kalayaang pumili at akayin tayo sa pagkabihag.
-
Paano hinahangad ni Satanas na sirain ang ating kalayaang pumili ngayon? Bilang bahagi ng iyong talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Paul V. Johnson:
Nililinlang at binubulag ngayon ni Satanas ang mga tao, at dinadala niya silang bihag ayon sa kanyang kalooban. Kung dinadala niya sa pagkabihag ang mga tao, hindi ba parang sinisira niya ang kalayaang pumili?
Ang katotohanan ay hindi niya kayang sirain ang kalayaang pumili sa buhay bago isilang sa mundo, at hindi niya rin ito magagawa ngayon. Pero dinadala niya tayo sa pagkabihag sa pamamagitan ng pag-akit sa atin na magkasala. Kapag nagkasala tayo, nagpapasakop tayo sa kanya. Sa katunayan, ibinibigay natin sa kanya ang bahagi ng ating kalayaang pumili. Hindi niya ito makukuha sa atin, pero maaari nating isuko ito. (“Free to Choose,” Ensign, Peb. 2019, 64)
Ipaliwanag na taliwas kay Satanas, na naghahangad na sirain ang ating kalayaang pumili, hangad ni Jesucristo na ingatan at protektahan ito.
-
Paano naprotektahan ng mga pagkilos ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa Kapulungan sa Langit ang iyong kalayaang pumili?
-
Paano patuloy na pinoprotektahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang iyong kalayaan ngayon? (Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Johnson bilang bahagi ng talakayang ito:)
Kapag sumusunod tayo kay Satanas, binibigyan natin siya ng kapangyarihan. Kapag sumusunod tayo sa Diyos, binibigyan Niya tayo ng kapangyarihan. Hindi ito ang mensaheng nakukuha natin mula sa mundo, pero ito ang katotohanan. Ang tunay na kapangyarihan, ang kapangyarihang maging katulad ng Tagapagligtas, ay matatagpuan lamang sa pagsunod. Ang tunay na kalayaan ay matatagpuan lamang sa pagsunod—sa pagpapasailalim sa kalooban ng Diyos sa halip na sa kagustuhan ng laman o kagustuhan ng diyablo. Ang pagsunod ay nagdudulot ng kalayaan, kapangyarihan, kagalakan, kapayapaan, at pag-asa.*
… Sa pamamagitan ng pamumuhay nang matwid, maaari tayong maging malaya sa anumang kapangyarihang gustong gamitin ng kaaway sa atin. Nagkakaroon lang siya ng kapangyarihan kapag pinahihintulutan natin ito sa pamamagitan ng ating mga pagpili. Kung may bagay sa ating buhay na bumabagabag sa atin at gumagapos sa atin, magsisi tayo. Alisin natin ito at dagdagan ang kalayaan sa ating buhay. (“Free to Choose,” 69)
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang mga paraan na sa tingin nila ay maaaring sinusubukan ni Satanas na akayin sila sa pagkabihag. Hikayatin silang mag-isip ng mga pagkilos na maaari nilang gawin upang mas lubos na umasa kay Jesucristo para maranasan nila ang higit na kalayaang nagmumula sa Kanya. Anyayahan silang isulat ang mga saloobin at impresyon na natatanggap nila.
Paano ako matutulungan ni Jesucristo kapag nagkakasala ako?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:
Kamakailan ay nakagawa si Lucas ng ilang pagkakamali na ikinahihiya niya. Huminto siya sa pagdarasal dahil hindi siya sigurado kung gugustuhin ng Diyos na makarinig mula sa kanya. Hindi siya sigurado kung gusto pa niyang mapansin siya ng Diyos ngayon.
-
Ano ang mga saloobin mo tungkol sa tugon ni Lucas sa kanyang sitwasyon?
Ipaliwanag na ang mga ginawa nina Adan at Eva pagkatapos nilang kumain ng ipinagbabawal na bunga ay makapagtuturo sa atin ng mahahalagang aral tungkol sa kung saan tayo tutungo kapag nilabag natin ang mga utos ng Diyos. (Kung kinakailangan, maaari mong balikan ang salaysay tungkol kina Adan at Eva na kumain ng bunga sa pamamagitan ng pag-aaral ng Moises 3:15–17; 4:5–12.) Hikayatin ang mga estudyante na humingi ng pang-unawa mula sa Ama sa Langit tungkol sa kung paano nila maisasabuhay ang mga katotohanang pinag-aralan nila ngayon.
Sama-samang pag-aralan ang Moises 4:12–19, 27. Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang mga katotohanan mula sa mga talatang ito na maaaring makatulong kay Lucas na baguhin ang kanyang pananaw sa mga pagkakamali niya. Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga pananaw sa isang kapartner o sa maliliit na grupo. Maaari mong ipakita ang mga tanong tulad ng sumusunod upang mapabuti ang talakayan:
-
Sa iyong palagay, bakit sinubukang magtago nina Adan at Eva sa Diyos? Paano minsan sinusubukang “magtago” ng mga tao sa Diyos ngayon?
-
Ano ang matututuhan mo sa tanong ng Diyos na “Saan ka paroroon?” (talata 15)?
-
Paano tinulungan ng Diyos sina Adan at Eva sa talata 27? Paano Niya tayo matutulungan kapag may nalabag tayo?
Pagkatapos ng mga talakayan ng mga estudyante, ipaliwanag na may mahalagang simbolikong kahulugan ang “mga kasuotang balat” na inilaan ng Diyos para kina Adan at Eva. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Sister J. Anette Dennis. (O maaari mong pag-aralan ang “Genesis 3:21; Moises 4:27. Ano ang kahalagahan ng pananamit ng Diyos kina Adan at Eva ng mga kasuotang balat?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tayo na nagpasiyang makipagtipan sa Diyos sa bahay ng Panginoon ay nagsusuot ng panlabas na sagradong kasuotang panseremonya habang sumasamba sa templo, na simbolo ng mga kasuotang isinuot sa sinaunang mga ritwal sa templo. Isinusuot din natin ang garment ng banal na priesthood, kapwa sa pagsamba sa templo at sa araw-araw ng ating buhay.
Ang garment ng banal na priesthood ay may malalim na simbolo at nagtuturo din sa Tagapagligtas. Nang kumain sina Adan at Eva ng bunga at kailangang nilang umalis sa Halamanan ng Eden, sila ay binigyan ng kasuotang balat na isinuot nila. Marahil ay isang hayop ang isinakripisyo upang gawin ang mga kasuotang balat na iyon—na simbolo ng sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin. Ang salitang Kaphar ay salitang Hebreo para sa pagbabayad-sala, at isa sa mga kahulugan nito ay “takpan.” Ipinapaalala sa atin ng ating temple garment na ang Tagapagligtas at ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala ay bumabalot sa atin habambuhay. Kapag isinuot natin ang garment ng banal na priesthood, ang magandang simbolong iyan ay nagiging bahagi natin. (“Ibihis Ninyo ang Panginoong Jesucristo,” Liahona, Mayo 2024, 11)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo at sa mga temple garment mula sa pahayag ni Sister Dennis (Gamit ang sarili nilang mga salita, maaari nilang ibahagi ang isang katotohanan tulad nito: Simbolikong kumakatawan ang mga temple garment kay Jesucristo at sa mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.)
-
Paano makakaapekto ang pag-unawa sa katotohanang ito sa ating kahandaang tanggapin ang mga pagpapala ng templo at suotin ang banal na garment? Paano ito maaaring makaimpluwensya sa nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Jeffrey R. Holland at anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang namukod-tangi sa kanila:
Kapag isinuot natin ang garment, isinusuot natin, tulad ng itinuro ng Unang Panguluhan, ang isang sagradong simbolo ni Jesucristo. Dahil diyan, bakit pa tayo maghahanap ng dahilan para hubarin ang simbolong iyon? Bakit natin ipagkakait sa ating sarili ang pangakong kapangyarihan, proteksyon, at awa na kinakatawan ng garment? Bagkus, tuwing kailangan talaga natin na pansamantalang hubarin ang garment, dapat tayong maging sabik na isuot itong muli, sa lalong madaling panahon, dahil naaalala natin kapwa ang mga pangako at ang mga panganib na nagbibigay ng kabuluhan sa ating mga tipan. Higit sa lahat, naaalala natin ang krus at libingang walang-laman ni Cristo.
Maaaring sabihin ng ilan, “May iba akong mga paraan para alalahanin si Jesus.” At ang sagot ko ay, mabuti iyan. Mas marami, mas mabuti. Mag isip tayong lahat ng maraming paraan hangga’t kaya natin para matupad ang ating pangako na “lagi siyang alalahanin.” Pero sa paggawa nito, hindi makabubuti na sadyang pabayaan ang paalalang ibinigay mismo ng Panginoon sa taong tumanggap na ng endowment, ang garment ng banal na priesthood. (“Ang Garment ng Banal na Priesthood,” Liahona, Set. 2024, 7)
Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay mo. Anyayahan ang mga estudyante na itala ang mga espirituwal na impresyon na maaaring natanggap nila mula sa Espiritu Santo tungkol sa kung paano nila maisasabuhay ang mga katotohanang pinag-aaralan nila. Hikayatin silang kumilos ayon sa kanilang mga espirituwal na impresyon.
Paano ako naaapektuhan ng Pagkahulog nina Adan at Eva?
Bago dumating ang mga estudyante, maaari mong isulat ang mga salitang tulad ng kapayapaan, pag-unlad, kasiyahan, kagalakan, at kaligayahan sa isang panig ng pisara at mga salitang tulad ng sakit, pagkabalisa, kalumbayan, pinsala, at kalungkutan sa kabilang panig ng pisara.
Sabihin sa klase na mag-isip ng mga pagkakataong naranasan nila ang alinman sa mga ito kamakailan. Maaari mo ring itanong:
-
Anong tungkulin ang ginampanan ng Pagkahulog nina Adan at Eva sa pagkakaroon natin ng mga damdamin o karanasang ito?
Sa aktibidad sa pag-aaral na ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang mga paraan kung paano sila naapektuhan ng Pagkahulog, pati na rin ang mahalagang tungkulin ni Jesucristo sa pagdaig sa mga epekto ng Pagkahulog. Bago sila magsimulang mag-aral, maaaring makatulong na ibahagi sa ilang estudyante ang nalalaman nila tungkol sa mga pangyayaring humahantong sa Pagkahulog nina Adan at Eva. (Kung kinakailangan, maaari ninyong pag-aralan ang Moises 3:15–17; 4:5–12 nang magkakasama.)
Ipakita ang sumusunod na talahanayan at anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng sarili nilang bersyon. Bigyan sila ng oras para kumpletuhin ang talahanayan nang mag-isa o may kapartner. (Maaari mo ring sabihin sa kanila na pag-aralan ang mga entry na nauugnay sa mga talatang ito sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
|
Dahil sa Pagkahulog … |
Dahil kay Jesucristo … |
|---|---|
Dahil sa Pagkahulog … Moises 4:22–25, 28–31; 5:1–4; 6:48–49 (Tingnan din sa 2 Nephi 2:19–25; Mosias 3:19) | Dahil kay Jesucristo … (Tingnan din sa 2 Nephi 2:26; 9:6–13, 21; Alma 7:11–13) |
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa dalawang column sa talahanayan. Ang ilan sa kanilang sagot ay maaaring magsama ng mga katotohanang tulad ng sumusunod: Isang mahalagang bahagi ang Pagkahulog sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Kung hindi nahulog sina Adan at Eva, hindi sila magkakaanak. Bilang resulta ng Pagkahulog, nakararanas ang lahat ng tao ng pisikal at espirituwal na kamatayan. Sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari tayong matubos mula sa Pagkahulog.
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan at madama ang kahalagahan ng mga katotohanang ito, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:
-
Bakit mahalagang bahagi ang Pagkahulog sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
-
Paano ka natutulungan ng pag-unawa sa Pagkahulog na mas maunawaan ang pangangailangan mo kay Jesucristo?
-
Ano ang ipinapahayag ng Pagkahulog tungkol sa pagmamahal at inaasam ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak?
Maaaring makatulong na gamitin ang ilan sa mga sumusunod na pahayag sa iba’t ibang punto ng talakayan:
Tulad ng pag-ayaw ng tao sa pagkain hangga’t hindi siya gutom, gayon din naman na hindi niya hahangaring maligtas kay Cristo hangga’t hindi niya alam kung bakit niya kailangan si Cristo. Walang sinuman ang malalaman nang sapat at wasto kung bakit kailangan niya si Cristo hangga’t hindi niya nauunawaan at tinatanggap ang doktrina ng Pagkahulog at ang epekto nito sa buong sangkatauhan. (Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon and the Doctrine and Covenants,” Ensign, Abr. 1987, 85)
Ang mortal na buhay ay likas na hindi makatarungan. … Sa mga di-makatarungang sitwasyon, ang isa sa ating mga gagawin ay magtiwala na “lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” [Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2018), 52]. Dinaig ni Jesucristo ang sanlibutan at “tinanggap” ang lahat ng kawalang-katarungan. Dahil sa Kanya, maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa mundong ito at magalak. (Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 43)
Kumilos sina Adan at Eva para sa lahat na pumiling makibahagi sa dakilang plano ng kaligayahan ng Ama. Ang kanilang Pagkahulog ay lumikha ng mga kundisyong kailangan para sa ating pisikal na pagsilang at karanasan bilang mortal at matuto nang malayo sa presensya ng Diyos. Dahil sa Pagkahulog nalaman natin ang mabuti at masama at ang kapangyarihang pumili na bigay ng Diyos. Sa huli, ang Pagkahulog ay naghatid ng pisikal na kamatayan na kailangan upang ang ating panahon sa lupa ay maging pansamantala lamang upang hindi tayo mabuhay sa ating mga kasalanan magpakailanman. (D. Todd Christofferson, “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 51)
Maaari kang magtapos sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na isiping nakikipag-usap sila sa isang taong nakadarama na isang masamang bagay ang Pagkahulog at ito ang pinagmumulan ng lahat ng kasamaan sa mundo, at iniisip nila kung bakit isang positibong bagay ang tingin ng mga miyembro ng Simbahan dito. Maaari mo silang bigyan ng oras upang magsanay kasama ng isang kapartner kung paano sila tutugon.