“Genesis 6–11; Moises 8,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)
Family Prayer [Panalangin ng Pamilya], ni Kendal Ray Johnson
Genesis 6–11; Moises 8
Tinawag ng Panginoon si Noe para mangaral tungkol sa pagsisisi sa mga taong inilalarawan na “nagpatuloy lamang sa kasamaan“ (Moises 8:22). Tinanggihan ng mga tao ang mga paulit-ulit na panawagan ni Noe na magsisi at sila ay nalipol sa Baha. Sinunod ni Noe ang utos ng Panginoon na gumawa ng arka, at iniligtas ng Panginoon si Noe at ang kanyang pamilya. Marami sa mga inapo ni Noe ang tumalikod sa Panginoon at nagtayo ng dakilang tore sa Babel. Ginulo ng Panginoon ang kanilang wika at ikinalat sila sa buong mundo.
Karagdagang mga Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Genesis 6–11; Moises 8”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Inilalarawan sa Moises 8:13–30 ang mga pagsisikap ni Noe na tawagin ang mga tao na magsisi. Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito, isipin kung paano naging katulad ni Noe ang mga buhay na propeta ng Panginoon. Paano ka tumutugon sa mga turo at babala ng mga propeta ng Diyos?
-
Naisip mo na bang isang pagpapakita ng awa ng Diyos ang Baha? Maghanap ng katibayan nito habang pinag-aaralan mo ang Genesis 6–7. Anong karagdagang katibayan ng awa ng Panginoon ang nahanap mo sa Moises 7:38–39, 43; 1 Pedro 3:18–20; at Doktrina at mga Tipan 138:28–34?
-
Habang pinag-aaralan mo ang Genesis 11:1–9, bigyang-pansin kung paano hindi naging bahagi si Jesucristo ng pagtatangka ng mga inapo ni Noe na umabot “hanggang sa langit” (Genesis 11:4). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga sumusunod na talata tungkol sa tungkulin ng Tagapagligtas sa pagtulong sa iyo na makabalik sa Diyos? Juan 3:16; 14:6; Mosias 3:17.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Genesis 6–11 at Moises 8.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Genesis 6–7 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Reading with an Eternal Perspective” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral na ginawa para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Alamin ang mga kalagayan, pangangailangan, at lakas ng iyong mga estudyante. Mas handang matuto ang mga estudyante mula sa isang taong alam nila na nagmamalasakit sa kanila. Bukod pa rito, kapag nagsikap tayong makilala ang mga estudyante at nagsikap na mahalin sila, mabibigyang-inspirasyon tayo sa kung paano sila pinakamainam na matutulungang makahanap ng personal na kahulugan at kapangyarihan sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 13).
Paano ako makatutugon sa mga propeta ng Panginoon nang may higit na pananampalataya?
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng pagkakataon na kumilos sila ayon sa payo ng isang propeta at napagpala o naprotektahan sila. Maaaring ibahagi ng ilang estudyante ang kanilang mga karanasan. Maaari mo ring itanong:
-
Ano ang maaaring magpahirap sa pagsunod sa payo mula sa mga propeta ng Panginoon?
Ipaalala sa mga estudyante na matapos dalhin sa langit si Enoc at ang kanyang mga tao, ang karamihan sa mga taong nanatili sa lupa ay napakasasama. Sa Kanyang awa, tinawag ng Panginoon si Noe upang mangaral at balaan ang mga tao na sila ay lilipulin kung hindi sila magsisisi. Sabihin sa mga estudyante habang nag-aaral sila na hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na tumugon nang may higit na pananampalataya sa payo at mga babala ng mga propeta ng Panginoon.
Ipamahagi ang handout na pinamagatang “Ang Pangangaral ni Noe Bago ang Baha.” Bigyan ang mga estudyante ng oras para kumpletuhin ang handout nang may kapartner o sa maliit na grupo. Upang magkaroon ng pagkakaiba-iba, maaari mong hayaan ang mga estudyante na gumawa nang may ibang kapartner o grupo para sa bawat set ng mga talatang pag-aaralan nila.
Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga kabatirang natamo nila mula sa mga talakayan nila. (Habang nagbabahagi sila, maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad nito: Dahil mahal Niya tayo, tumatawag ang Panginoon ng mga propeta upang balaan, turuan, at hikayatin tayong magsisi.)
Ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ay maaaring gamitin bilang bahagi ng talakayang ito:
Matagal ko nang hinahangaan, at nadarama rin, ang magiliw na pagmamahal ng mga propeta ng Diyos sa kanilang mga babala laban sa kasalanan. Hindi sila inuudyukan ng hangarin na magparusa. Ang kanilang totoong hangarin ay sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos; sa katunayan, iyon ang pagmamahal ng Diyos. Minamahal nila ang mga tao kung kanino sila ipinadadala, sinuman sila at anuman ang katangian nila. Tulad ng Panginoon, hindi gusto ng Kanyang mga tagapaglingkod na pagdusahan ninuman ang mga kirot ng kasalanan at mga maling pagpili. (“Ang Pagmamahal ng Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 17)
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto upang mahanap ang mga kamakailang babala at payo mula sa mga propeta at apostol sa mga huling araw. Maaari mong ipasulat sa mga estudyante ang ilan sa mga babala o payo na makikita nila. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila sa ilang taong nakaupo malapit sa kanila at ipaliwanag kung bakit naging makabuluhan sa kanila ang payong iyon. Maaari ding ibahagi ng mga estudyante kung paano ipinapakita ng mga babala at payo na ito ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa atin.
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkilos na maaaring ipinahiwatig sa kanila ng Espiritu Santo habang nag-aaral sila ngayon. Maaari mo rin silang anyayahan na magsulat ng sagot sa sumusunod na tanong:
-
Anong turo ng propeta, babala, o payo ang kailangan ko pang higit na isagawa?
Genesis 6–7
Bakit ipinadala ng Diyos ang Baha?
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon:
Nag-uusap kayo ng kaibigan mo tungkol sa kung ano ang paniniwalaan ng bawat isa sa inyo tungkol sa Diyos. Sa pag-uusap ninyo, sinabi ng iyong kaibigan, “Hindi ako sigurado kung ano ang nadarama ko tungkol sa Diyos. Kung Siya ay mapagmahal gaya ng sinasabi mo, bakit Niya nilipol ang mga tao sa Baha?”
Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang alalahanin ng kanilang kaibigan. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang 2 Nephi 26:24 at tukuyin kung ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa katangian ng Diyos. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari nilang tukuyin ang isang katotohanang tulad nito: Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng mundo.)
-
Ano ang nakita mong katibayan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng mundo?
Ipaliwanag na ang salaysay tungkol sa Baha ay naglalaman ng katibayan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng mundo. Ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at bigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral. (Maaaring makatulong ito para ipakilala ang kasanayang “Reading with an Eternal Perspective” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.)
Basahin ang mga sumusunod na talata tungkol sa Baha at sa kapalaran ng mga taong namatay. Habang ginagawa mo ito, maghanap ng katibayan ng pagmamahal at awa ng Panginoon.
-
Genesis 6:13–22; 7:1–5, 16–19
-
Kahit isa sa mga sumusunod: Moises 7:38–39, 43; 1 Pedro 3:18–20; Doktrina at mga Tipan 138:28–34; o “Genesis 6:7–13, 17; Moises 8:17, 23–30. Ano ang ilang posibleng dahilan kung bakit ipinadala ng Diyos ang Baha?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga pananaw nila sa isang kapartner o sa maliliit na grupo. Maaari din ninyong talakayin bilang klase ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang napansin ninyo tungkol sa kahalagahan ng arka? Paano mapapaalala sa inyo ng arka si Jesucristo?
-
Paano ipinapakita ng salaysay tungkol sa Baha ang katotohanan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng mundo? (Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Patrick Kearon.)
Ang Diyos ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa inyo. “Nais [Niya] na ang lahat ng Kanyang mga anak ay piliing bumalik sa Kanya,” [Pangkalahatang Hanbuk, 1.1, Gospel Library], at ginagawa Niya ang lahat para matulungan tayong makauwi sa Kanya. …
Lahat ng bagay tungkol sa plano ng Ama para sa Kanyang pinakamamahal na mga anak ay nilayong iuwi tayong lahat. …
Sa katunayan, layunin ng plano ng pagtubos ng Ama na kayo ay matubos, kayo ay masagip sa pamamagitan ng mga pagdurusa at kamatayan ni Jesucristo, kayo ay mapalaya mula sa gapos ng kasalanan at kamatayan. Hindi para iwan kayo sa gayong kalagayan. (“Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo,” Liahona, Mayo 2024, 87–88)
-
Kailan mo nasaksihan ang pagsisikap ng Diyos na tulungan ka o ang iba na maranasan ang Kanyang nakaliligtas at nakatutubos na kapangyarihan?
Maaari kang muling sumangguni sa sitwasyon sa simula ng aktibidad sa pag-aaral na ito. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ng magkakapartner kung paano nila maaaring sagutin ngayon ang tanong ng kaibigan.
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na maglaan ng ilang minuto para pagnilayan at isulat kung ano ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos sa kanilang buhay na para sa kanilang kapakanan. Hikayatin silang maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo upang matulungan silang matukoy ang mga bagay na ito.
Genesis 11:1–9
Paano ako mas lubos na makakaasa kay Jesucristo?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung nakarinig na sila ng kasabihang tulad ng “Ang lahat ng landas ay patungo sa langit.” Pagkatapos ay itanong:
-
Paano maaaring makaapekto sa buhay ng isang tao ang paniniwala sa pilosopiyang ito?
Ipaliwanag na pagkatapos ng Baha, itinatag ng ilan sa mga inapo ni Noe ang kaharian ng Babel (tingnan sa Genesis 10:8–10). Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na makitang kailangan nilang sundin si Jesucristo habang pinag-aaralan nila ang salaysay tungkol sa mga taong ito.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Genesis 11:1–9, at alamin kung bakit itinayo ng mga tao ang tore at kung paano tumugon ang Panginoon sa kanilang mga pagsisikap. (Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito, maaari ding pag-aralan ang “Genesis 11:1–9. Ano ang mali sa pagtatayo ng Tore ng Babel?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang natutuhan. Maaari mo ring itanong ang sumusunod:
-
Anong mga problema ang napansin mo sa mga pagtatangka ng mga tao na maabot ang langit?
Ipabasa sa mga estudyante ang isa o higit pa sa mga sumusunod na talata: Juan 3:16; Juan 14:6; o Mosias 3:17. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga turo na maaaring mahalagang maunawaan ng mga tao ng Babel.
-
Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito na maaaring makatulong sa mga tao ng Babel? (Matutukoy ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad nito: Maililigtas lamang tayo sa pamamagitan ni Jesucristo.)
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:
Naaalala ko ang awiting pinasikat ilang taon na ang nakararaan ng mang-aawit na si Frank Sinatra na may pangwakas na linyang “Ginawa ko ito sa aking paraan [I did it my way].” Tiyak sa buhay ay maraming pagkakataon para sa personal na kagustuhan at pagpili ng bawat isa, pero pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan at buhay na walang hanggan, ang dapat na theme song natin ay, “Ginawa ko ito sa paraan ng Diyos,” dahil tunay na walang ibang paraan. …
Walang “aking paraan” kung tutularan natin ang halimbawa ni Cristo. Ang pagtatangkang maghanap ng ibang daan papunta sa langit ay tulad ng walang-kabuluhang pagtatayo ng Tore ng Babel sa halip na umasa kay Cristo at sa Kanyang kaligtasan. (“Pagbabaon ng Ating mga Sandata ng Paghihimagsik,” Liahona, Nob. 2024, 28)
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang sumusunod na tanong sa ka-partner o sa maliit na grupo:
-
Ano ang ilang halimbawa kung paano maaaring piliin ng mga tao ngayon na gawin ang mga bagay sa “kanilang paraan” sa halip na sundin ang halimbawa at mga turo ni Jesucristo? Bakit maaaring piliin ng mga tao ang mga ibang paraang iyon?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na matutuhan ang kahalagahan ng pagsunod kay Jesucristo?
Pagkatapos ng mga talakayan ng mga estudyante, maaari mong anyayahan ang ilan na magbahagi ng kanilang mga sagot sa buong klase.
Maaari mong ipanood ang video na “Jesus Christ Is the Way” (5:20) o awitin ang “Jesus Is the Way” (Mga Himno—para sa Tahanan at sa Simbahan). Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga sarili nilang pagsisikap na umasa at sumunod kay Jesucristo habang pinapanood nila ang video o kinakanta ang himno. Hikayatin silang itala ang anumang mga impresyon na natatanggap nila mula sa Espiritu Santo, kabilang ang mga pagsasaayos na maaari nilang gawin sa kanilang buhay.
Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mahalagang tungkulin sa pagtulong sa atin na makatanggap ng kaligtasan at iba pang pagpapalang nais ibigay sa atin ng Ama sa Langit.