Mga Kurso Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7


Gumamit si David ng tirador para talunin si Goliat

David Slays Goliath [Pinatay ni David si Goliat], ni Gary L. Kapp

1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7

Hinarap ng mga Israelita ang mga Filisteo sa digmaan, at hinamon sila ni Goliat. Natakot si Haring Saul at ang kanyang hukbo sa higante. Nang dumating si David para maghatid ng mga suplay sa kanyang mga kuya sa hukbo, narinig niya ang hamon ni Goliat at nagboluntaryo siyang harapin ito. Taglay ang kanyang pananampalataya sa Diyos, isang tirador, at limang bato, tinalo ni David si Goliat. Pagkaraan ng ilang taon, kinailangang tumakas ni David mula kay Haring Saul patungo sa ilang. Habang naroon, naging mabait si David at ang kanyang mga tauhan sa isang lalaking nagngangalang Nabal. Nang tumanggi si Nabal na tulungan sila, naghangad si David na maghiganti. Ngunit namagitan ang asawa ni Nabal na si Abigail para sa kanyang asawa at pinakalma si David.

Mga Karagdagang Resource

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7

Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng gabay sa kung paano gamitin ang mga sumusunod na pamantayang elemento ng lesson.

icon ng pag-aaral
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral

Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa sarili mong mga mensahe:

  • Habang pinag-aaralan mo ang 1 Samuel 17, isipin kung paano ka matutulungan ng Panginoon na madaig ang “mga Goliat” sa iyong buhay.

  • Paano ka matutulungan ng Panginoon na maiwasan ang alitan o pagkainggit o pagkapoot? Pag-isipan ito habang pinag-aaralan mo ang mga interaksiyon nina David at Saul sa 1 Samuel 18 at 24.

  • Habang pinag-aaralan mo ang salaysay tungkol kina David, Nabal, at Abigail sa 1 Samuel 25, alamin kung ano ang ginagawa ni Abigail na nagpapaalala sa iyo kay Jesucristo.

icon ng talakayin
Mga Tanong at Pagbabahagi

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng 1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7.

icon ng pagsasanay ng kasanayan
Pagsasanay ng Kasanayan

Ang aktibidad sa pag-aaral para sa 1 Samuel 25 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Pagtuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.

icon ng mga opsiyon sa aktibidad sa pag-aaral
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral

Maraming opsiyon sa pag-aaral ang inilaan para sa iyo at sa iyong mga estudyante. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo. Maaari ka ring humingi ng input sa iyong mga estudyante.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Magtuon sa mga katotohanang humahantong sa pagbabalik-loob at pananampalataya kay Jesucristo. Nang magturo ang Tagapagligtas, nagtuon Siya sa mga katotohanang itinuturo ang Kanyang mga tagapakinig sa Kanya at sa Kanyang Ama. Kabilang sa mga halimbawa ng mga katotohanang nakapagbabalik-loob ang pagtuon sa plano ng Ama sa Langit, sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at sa mga kautusan na mahalin ang Diyos at ang ating kapwa. Kapag itinuro natin ang mga simpleng katotohanang ito ng ebanghelyo, tinutulungan natin ang iba na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at magbalik-loob sa Kanya. Upang malaman ang iba pa, tingnan ang “Ang Tagapagligtas ay Nagturo ng mga Katotohanang Humahantong sa Pagbabalik-loob at Nagpapalakas ng Pananampalataya” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22).

1 Samuel 17

Paano ako matutulungan ng Panginoon na harapin ang mga Goliat sa aking buhay?

Maaari mong isulat ang David sa isang bahagi ng pisara at Goliat sa kabila. Maaari mong ipakita ang larawan mula sa simula ng lesson at anyayahan ang mga estudyante na isulat sa bawat panig ng pisara ang mga detalyeng naaalala nila tungkol sa mga nangyari na naging dahilan ng labanan nina David at Goliat. (Kung kinakailangan, maaaring mabilis na maghanap ang mga estudyante ng mga detalye sa 1 Samuel 17:1–25.)

Ipaliwanag na may matututuhan tayong mahahalagang katotohanan mula sa salaysay tungkol kina David at Goliat na makatutulong sa mga hamong kinakaharap natin. Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng isang pagsubok na kasalukuyan nilang kinakaharap. Hikayatin sila habang nag-aaral sila ngayon na bigyang-pansin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo na makakatulong sa kanila na harapin ang mga hamon sa kanila sa tulong ng Panginoon.

Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Samuel 17:26, 32–37, at alamin kung paano tumugon si David nang marinig niya ang mga banta ni Goliat sa hukbo ng Israel. Pagkatapos ay maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang nakita ninyo sa mga talatang ito na nagpapakita ng pananampalataya ni David sa Diyos?

  • Ano ang ilang katotohanan na matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa tugon ni David? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng katotohanang tulad nito: Kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayong harapin ang mga hamon sa atin.)

Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Samuel 17:38–51 at markahan ang mga paraan na umasa si David sa Panginoon. Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong ipabahagi sa mga estudyante ang mga pananaw nila sa isang kapartner o sa maliit na grupo. Maaari din nilang talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang nagawa ng ugnayan ni David sa Panginoon sa kanyang tagumpay?

  • Ano ang ilang paraan kung paano natin maipapakita na umaasa tayo sa Panginoon kapag nahaharap tayo sa mga hamon?

Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga pananaw mula sa mga talakayan sa klase. Pagkatapos ay maaari mong itanong ang sumusunod:

Anyayahan ang mga estudyante na alalahanin ang personal na hamon na naisip nila sa simula ng aktibidad sa pag-aaral. Ipaalala sa kanila na pumili si David ng limang bato upang maghandang harapin si Goliat. Hikayatin silang magsulat ng limang paraan kung paano sila makakaasa sa Panginoon sa pagharap nila sa kanilang partikular na hamon.

Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na patotoo mula kay Sister Andrea Muñoz Spannaus ng Young Women General Presidency:

Sister Andrea Muñoz Spannaus

Masigasig si Cristo na samahan tayo sa pagtahak sa landas ng ating buhay. … Gagabayan Niya kayo at tuturuan Niya kayo. Sa Kanyang patnubay, maitutumba ninyo ang lahat ng Goliat na dumarating sa inyong buhay. (“Tapat Hanggang Wakas,” Liahona, Mayo 2024, 61)

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Samuel 18; 24

Paano ko maiiwasan ang alitan, pagkapoot, at inggit?

Maaari kang magsulat ng mga salitang tulad ng alitan, hinanakit, at pagkainggit sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang huling pagkakataon na naranasan nila ang isa sa mga ito. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Bakit maaaring mahirap iwasan kung minsan ang mga ito?

Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila ngayon na pag-isipang mabuti kung ano ang matututuhan nila mula kina David at Saul na makatutulong sa kanila sa mga sitwasyong maaaring humantong sa alitan na kinakaharap nila sa kanilang buhay.

Ipaliwanag na matapos talunin ni David si Goliat, inataasan ni Haring Saul si David na pamunuan ang kanyang hukbo. Kalaunan, nainggit si Saul sa tagumpay ni David at paulit-ulit niyang sinubukang patayin si David. Para matulungan ang mga estudyante na matuto mula sa interaksiyon nina David at Saul, maaari mong ipamahagi ang handout na “Pagkatuto mula sa Salaysay tungkol kina David at Saul.” Anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang una o pangalawang aktibidad sa pag-aaral ng handout nang may kapartner o sa maliit na grupo. Maaaring makatulong na papiliin ang mga estudyante ng isang tao sa kanilang grupo para maging lider ng talakayan.

Handout na Pagkatuto mula sa Salaysay tungkol kina David at Saul

Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na kumpletuhin ang kanilang bahagi ng handout, anyayahan silang ibahagi sa klase ang katotohanang natukoy nila. Kasama sa mga halimbawa ng gayong mga katotohanan ang mga ito: Kapag tayo ay naiinggit o naghihinanakit, tinutulutan natin ang kaaway na magkaroon ng impluwensiya sa ating buhay. Sasamahan tayo ng Panginoon habang sinisikap nating kumilos nang matalino sa mga sitwasyong maaaring humantong sa alitan. Dahil ang Panginoon ay isang perpektong hukom, hindi tayo naghahangad na maghiganti sa mga nagkasala sa atin.

Maaari mong ibahagi at talakayin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Ngayon, hinihiling ko sa atin na makipag-ugnayan sa iba sa mas dakila at mas banal na paraan. …

Ang pagtatalo ay nagtataboy sa Espiritu—sa tuwina. Pinalalakas ng pagtatalo ang maling paniniwala na ang kumprontasyon ay ang paraan para malutas ang mga hindi pagkakasundo; subalit hindi ito kailanman nangyayari. Pinipili nating makipagtalo. Pinipili nating maging tagapamayapa. May kalayaan kayong piliin ang pagtatalo o pagkakasundo. Hinihikayat ko kayo na piliing maging tagapamayapa, ngayon at sa tuwina. (“Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 99–100)

Maaaring talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang mga turo o halimbawa mula sa buhay ni Jesucristo na makatutulong sa ating tumugon nang naangkop sa mga alitan na kinakaharap natin?

  • Paano kayo napagpala ng mga tao na piniling maging mga tagapamayapa?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang kanilang buhay at mga ugnayan. Anyayahan silang gumawa ng plano para mas mahusay na tumugon sa mga sitwasyong maaaring humantong sa alitan na maaari nilang maranasan. Hikayatin silang manalangin para humingi ng tulong sa Panginoon upang madaig ang alitan o pagkapoot o inggit.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”

1 Samuel 25

Ano ang maituturo sa akin ng kuwento ni Abigail tungkol kay Jesucristo?

Maaaring sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng kakilala nila na parang nagpapaalala sa kanila sa Tagapagligtas. Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo o magkaka-partner at magpabahagi sa kanila ng paglalarawan ng taong iyon. Maaari din silang magpakita ng litrato kung gusto nila. Maaari nilang talakayin ang ilan sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang mayroon sa taong ito na nagpapaalala sa inyo sa Tagapagligtas?

  • Paano kayo napagpala ng kanyang mga ginagawa na tulad ng kay Cristo?

Ipaliwanag na ang 1 Samuel 25 ay naglalaman ng salaysay tungkol sa alitan na nangyari sa pagitan ni David at ng isang lalaking nagngangalang Nabal. Sa salaysay na ito, maituturing ang asawa ni Nabal na si Abigail na isang magandang halimbawa o sagisag ni Jesucristo. (Maaaring magandang pagkakataon ito para ipakilala ang kasanayang “Pagtuon kay Jesucristo sa mga Banal na Kasulatan” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.) Anyayahan ang mga estudyante habang pinag-aaralan nila ang salaysay na ito na mag-isip ng mga paraan kung paano ipinaaalala ni Abigail sa kanila si Jesucristo.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kontekstong nauugnay sa salaysay na ito, maaari mong ibahagi o ng isang estudyante ang sumusunod na buod:

Pagkamatay ng propetang si Samuel, si David at ang kanyang mga tauhan ay tumakas patungo sa ilang upang makaligtas kay Haring Saul, na gustong patayin si David. Sa panahon nila sa ilang, pinrotektahan ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga kawan at pastol ng isang mayamang lalaki na nagngangalang Nabal, na kasal kay Abigail. Kalaunan, nangailangan si David at ang kanyang mga tauhan ng pagkain at mga suplay at humingi sila ng tulong kay Nabal. Gayunpaman, ininsulto ni Nabal si David at tumanggi siyang magbigay ng anumang tulong. Nasaktan si David at inihanda niya ang kanyang mga tauhan na salakayin si Nabal at ang kanyang sambahayan. Nang malaman ni Abigail ang alitan sa pagitan ni David at ng kanyang asawa, agad siyang kumilos upang tumulong na magkaroon ng kapayapaan.

Ipabasa sa mga estudyante ang 1 Samuel 25:18–35 at isipin kung paano ipinaaalala sa kanila ng mga ginawa at sinabi ni Abigail si Jesucristo. Maaari kang gumamit ng talahanayan tulad ng sumusunod para maitala ng mga estudyante ang kanilang mga natuklasan. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, sabihin sa kanila na pag-aralan ang entry para sa 1 Samuel 25 sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.

Abigail

Si Jesucristo

Kapag natapos nang mag-aral ang mga estudyante, maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ilang ginawa ni Abigail na nagpapaalala sa inyo kay Jesucristo? (Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari silang makatukoy ng mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na tulad ng sumusunod: Matutulungan tayo ni Jesucristo na patawarin ang mga nakasakit sa atin.)

Para matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Sister Kristin M. Yee ng Relief Society General Presidency:

Sister Kristin M. Yee

Tulad ni Abigail na handang akuin ang kasalanan ni Nabal, gayon din ang Tagapagligtas—sa paraang hindi kayang maunawaan—inako Niya ang ating mga kasalanan at ang mga kasalanan ng mga taong nakasakit sa atin. Sa Getsemani at sa krus, inako Niya ang mga kasalanang ito. Naglaan Siya ng paraan upang maiwaksi natin ang paghihiganti. Ang “paraang” iyan ay ang pagpapatawad—na maaaring isa sa pinakamahihirap na bagay na gagawin natin at isa sa pinakamabubuting bagay na mararanasan natin. Sa landas ng pagpapatawad, ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo ay maaaring dumaloy sa ating buhay at magsisimulang pagalingin ang malalim na mga sugat ng puso at kaluluwa. (“Putong na Bulaklak sa Halip na mga Abo: Ang Nagpapagaling na Landas ng Pagpapatawad,” Liahona, Nob. 2022, 37)

  • Bakit mahirap o imposible kung minsan na patawarin ang isang taong nakasakit sa atin?

Sabihin sa mga estudyante na isipin na may kilala sila na nahihirapang patawarin ang isang tao. Bigyan sila ng oras na maghanap ng isa o mahigit pang banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa taong iyon na magpatawad. Kapag natapos na ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang nalaman nila sa isang kapartner o maliit na grupo. Maaari mo ring ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang banal na kasulatan o pahayag sa klase.

Upang matulungan ang mga estudyante na matuto tungkol sa mga halimbawa sa makabagong panahon ng pagtulong ni Jesucristo sa mga tao na magpatawad, maaari mong ipanood ang “Forgiveness after Betrayal Is a Process [Hindi Simple ang Magpatawad pagkatapos ng Pagtataksil]” [5:21] or “Ibig Mo Bagang Gumaling?” (mula sa time code 5:49 hanggang 7:44).

5:20
9:38

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang anumang ideya at impresyon na natanggap nila ngayon na makatutulong sa kanilang personal na buhay. Hikayatin silang isulat ang mga plano na kailangan nilang gawin o mga espirituwal na impresyon na natanggap nila mula sa Espiritu Santo.

Bumalik sa “Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral.”