“Genesis 24–33,” Manwal ng Titser ng Institute para sa Lumang Tipan (2026)
Esau and Jacob Embracing [Sina Esau at Jacob na Magkayakap], ni Robert T. Barrett
Genesis 24–33
Naghanda ang Panginoon ng paraan upang makapagsimula sina Isaac at Rebeca ng walang-hanggang kasal. Kalaunan ay nagkaanak sina Isaac at Rebecca ng kambal na sina Jacob at Esau. Nang lumaki na si Esau, hindi niya inuna ang pagtanggap sa pagkapanganay o sa kanyang mga walang-hanggang pagpapala. Si Jacob na lang ang tumanggap ng pagkapanganay at pagkatapos ay naglakbay siya patungo sa bayan ng kanyang ina upang maghanap ng asawa. Habang naglalakbay, nagkaroon siya ng pangitain na nagtulak sa kanya na makipagtipan sa Diyos sa tipang Abraham. Ginawa niya ang lahat ng makakaya niya para maikasal sa loob ng tipan, matamo ang mga pagpapala ng Panginoon sa kanyang gawain sa araw-araw, at magawa ang ipinagagawa sa kanya ng Diyos upang maayos ang mga ugnayan ng kanyang pamilya. Pinalitan ng Panginoon ang pangalan ni Jacob at ginawa itong Israel.
Karagdagang mga Resource
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan, “Genesis 24–33”
Paalala: Ang “Pambungad sa Kurso” ay nagbibigay ng patnubay sa kung paano gamitin ang mga elemento ng karaniwang lesson na kasunod nito.
Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral
Bago magklase, maaari kang magpadala sa mga estudyante ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mensahe o ng ilan sa mga sarili mong mensahe:
-
Paano ko gagawing priyoridad sa buhay ko ang walang-hanggang kasal? Pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa mo sa Genesis 24 ang tungkol sa kasal nina Isaac at Rebeca.
-
Kung minsan, lahat tayo ay natutukso na unahin ang ating mga agarang hangarin sa mga walang-hanggang bagay. Pag-aralan ang karanasan nina Jacob at Esau sa Genesis 25:24–34; 26:34–35. Tingnan kung ano ang matututuhan mo na nagbibigay-inspirasyon sa iyo na unahin ang Panginoon at ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala.
-
Isipin ang mga tipang ginawa mo sa Diyos. Paano ka mas napalapit ng mga ito sa Kanya? Pag-isipan ito habang pinag-aaralan mo ang Genesis 28:10–22. Maaari mo ring basahin ang “Genesis 28:10–15. Ano ang kahalagahan ng panaginip ni Jacob tungkol sa isang hagdan?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.
-
Pinalitan ng Diyos ang pangalan ni Jacob at ginawa itong Israel, na maaaring isalin bilang “hayaang manaig ang Diyos.” Basahin ang Genesis 32, at maghanap ng mga pagpapalang maaaring mangyari kapag hinayaan nating manaig ang Diyos.
Mga Tanong at Pagbabahagi
Bigyan ng oras ang mga estudyante na magtanong at magbahagi ng mga pananaw at katotohanan na natuklasan nila sa personal na pag-aaral nila ng Genesis 24–33.
Pagsasanay ng Kasanayan
Ang aktibidad sa pag-aaral para sa Genesis 24 ay maaaring magandang paggamitan ng kasanayang “Using Restoration Scripture to Understand the Bible” sa Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.
Mga Opsiyon sa Aktibidad sa Pag-aaral
Maraming opsiyon sa pag-aaral na ginawa para sa iyo at sa mga estudyante mo. Mapanalanging piliin kung aling opsiyon o mga opsiyon ang magiging pinakamakabuluhan para sa klase mo.
Pagpapabuti ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral
Gamitin ang Mga Tulong sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Sa iyong paghahanda, pag-aralan nang mabuti ang mga kaugnay na entry sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan. Ang resources na ito ay ginawa upang makatulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng mga guro at estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon ng konteksto, mga kabatiran sa wika, at paglilinaw para sa mahihirap na scripture passage. Maaari mong ipadala ang bahagi ng Mga Tulong sa Banal na Kasulatan na tumutugma sa iyong lesson block sa mga estudyante sa buong linggo.
Genesis 24
Bakit dapat maging priyoridad sa buhay ko ang walang-hanggang kasal?
Maaari mong ibahagi sa klase ang sumusunod na sitwasyon:
Sina Lucia at Maria ay kapwa matatapat na miyembro ng Simbahan. Kamakailan, pinagdudahan ni Lucia ang kahalagahan ng pagpapakasal sa templo. Sa pakikipag-usap kay Maria, ibinahagi niyang “Hindi ko maunawaan kung bakit napakahalaga ng pagpapakasal sa templo. Mahal ko naman ang Simbahan, pero kung minsan, nararamdaman kong nakakadagdag lang ito ng stress sa isang bagay na dapat ay maganda at simple. Hindi ba makabuluhan ang lahat ng kasal sa harap ng Diyos?”
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano maaaring tumugon si Maria upang makatulong sa mga alalahanin ni Lucia. Maaari mong rin silang hikayating tahimik na pag-isipan ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Gaano kahalaga sa akin ang walang-hanggang kasal?
-
Anong mga balakid ang kinakaharap ko sa pagkakaroon ng walang-hanggang kasal?
Maaari mong ipakita ang sumusunod na mapa habang ipinapaliwanag mo na nanirahan si Abraham at ang kanyang pamilya sa Canaan, kung saan sumasamba ang mga tao sa mga diyus-diyusan. Si Abraham ay may mga kapamilyang nakatira sa Haran, na mahigit 400 milya (650 kilometro) ang layo.
Ipabasa sa mga estudyante ang Genesis 24:1–9, at alamin ang mga tagubilin na ibinigay ni Abraham sa kanyang tagapaglingkod.
-
Kung ikaw ay naging tagapaglingkod ni Abraham, anong mga tanong o alalahanin ang maaaring mayroon ka tungkol sa mga tagubiling ito?
-
Sa iyong palagay, bakit labis na pinapahalagahan ni Abraham kung kanino ikakasal ang kanyang anak? (Maaari din ninyong sama-samang pag-aralan ang “Genesis 24:2–9. Bakit ayaw ni Abraham na ikasal si Isaac sa isang taga-Canaan?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ninais ni Abraham na magpakasal si Isaac sa babaeng tumutupad sa tipan. Sa ganitong paraan matatamo ni Isaac ang mga pagpapalang nauugnay sa tipang Abraham para sa kanyang sarili at sa kanyang mga inapo. Ang desisyon ni Isaac na maikasal sa loob ng tipan ay katulad ng pagpili natin ngayon sa pagpapakasal sa templo.
Ipaliwanag na naglakbay sa Haran ang tagapaglingkod ni Abraham, kung saan dating nanirahan si Abraham. Doon ay dinala siya ng Panginoon sa isang matwid na babaeng nagngangalang Rebeca. Nakipagkita ang tagapaglingkod sa pamilya ni Rebeca upang pag-usapan ang kanyang pagbabalik kasama nito sa Canaan upang pakasalan si Isaac.
Ipabasa sa mga estudyante ang Genesis 24:50–67, at alamin kung paano tumugon si Rebeca sa sitwasyong ito at sa mga sakripisyong ginawa niya para pakasalan si Isaac. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang natimo sa iyong isipan mula sa mga talatang ito?* Bakit?
-
Ano ang matututuhan mo tungkol sa walang-hanggang kasal mula sa salaysay na ito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan, kabilang ito: Mahalagang magsikap at magsakripisyo para matamo ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal.)
-
Sa palagay mo, bakit mahalagang magsakripisyo para sa walang-hanggang kasal? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap at magbahagi ng mga banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa pagsagot sa tanong na ito. Ang isang halimbawa ng banal na kasulatan na magagamit nila ay ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4.)
Sa inyong talakayan, maaaring mahalagang tanggapin na hindi lahat ng naghahangad na tumahak sa landas ng tipan ay magkakaroon ng pagkakataong pumasok sa walang-hanggang kasal sa buhay na ito. Maging sensitibo sa mga pangangailangan at sitwasyon ng mga tao. Maaaring makatulong na ipaalala sa mga estudyante na “walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak” (D. Todd Christofferson, “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52). Ibibigay ng Panginoon ang pagkakataon sa kabilang-buhay para sa mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong mag-asawa sa buhay na ito (tingnan sa Neil L. Andersen, “Ang Tagumpay ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2024, 5). Magpatotoo na maaari tayong makaranas ng kagalakan ngayon sa pamamagitan ni Jesucristo, anuman ang ating katayuan sa pag-aasawa.
Sabihin sa mga estudyante na isulat kung ano ang magagawa nila para unahin ang walang-hanggang kasal, anuman ang kanilang kasalukuyang kalagayan sa buhay.
Genesis 25:24–34; 26:34–35
Ano ang makatutulong sa akin na unahin ang mga walang-hanggang bagay kaysa sa mga temporal na bagay?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan at isulat kung paano naaangkop sa kanila ang bawat sumusunod na pahayag gamit ang mga sagot na “talaga,” “kadalasan,” “kaunti,” at “hindi talaga.”
-
Handa akong isakripisyo ang mga makamundong hangarin para sa mga walang-hanggang pagpapala.
-
Nauunawaan ko kung bakit iniuutos sa akin ng Panginoon na mas pahalagahan ang Kanyang mga walang-hanggang pagpapala kaysa sa mga bagay na ninanais ko ngayon.
-
Nakikilala ko ang mga pagpapalang dumarating kapag mas inuuna ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo kaysa sa mga makamundong bagay.
Sabihin sa mga estudyante na humingi ng inspirasyon sa pag-aaral nila ngayon tungkol sa kung paano unahin ang mga walang-hanggang pagpapala kaysa sa makamundong hangarin.
Ipaliwanag na hindi nagkaanak sina Rebeca at Isaac sa loob ng maraming taon. Kalaunan, sila ay biniyayaan ng kambal na mga anak na lalaki na nagngangalang Jacob at Esau. Sa pagbubuntis ni Rebeca, tinulungan siya ng Panginoon na maunawaan na si Jacob, ang mas bata sa dalawang lalaki, ang magiging panganay na anak kalaunan—kahit na ang pinakamatandang anak ang tradisyonal na nagmamana ng pagkapanganay (tingnan sa Genesis 25:23). Hindi lamang minamana ng anak na lalaki na maytaglay ng pagkapanganay ang mga lupain at pag-aari ng kanyang ama, kundi pati na rin ang posisyon ng kanyang ama bilang espirituwal na lider ng pamilya at ang “awtoridad na mamuno” (tingnan sa Bible Dictionary, “Birthright”).
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Genesis 25:27–34 at 26:34–35, at alamin ang nadama ni Esau tungkol sa pagkapanganay. (Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang “Genesis 25:29–34. Bakit ipinagbili ni Esau ang kanyang pagkapanganay?” sa Mga Tulong ng Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
-
Ano ang ipinahihiwatig ng mga pagkilos ni Esau tungkol sa nadarama niya tungkol sa kanyang pagkapanganay?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa mga karanasan nina Jacob at Esau? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad nito: Ang pagtutuon sa mga agarang hangarin ay makapaglilihis sa atin sa mga bagay na may walang-hanggang kahalagahan.)
Para matulungan ang mga estudyante na makita kung paano maiuugnay ang katotohanang ito sa mga sitwasyong kinakaharap nila, maaari ninyong sama-samang talakayin ang mga sumusunod na pahayag nina Elder David A. Bednar at Brother Bradley R. Wilcox:
Dahil sa mga pang-araw-araw na gawain sa buhay at kaguluhan ng bagong mundong ginagalawan natin, maaaring mapalayo tayo sa walang-hanggang mga bagay na pinakamahalaga sa pamamagitan ng pagprayoridad sa kasiyahan, kayamanan, katanyagan, at karangyaan. Ang ating panandaliang pagkaabala sa “mga bagay ng daigdig na ito” at “mga parangal ng tao” ay maaari tayong ilayo sa ating espirituwal na pagkapanganay na ang kapalit ay higit na mas kakarampot pa sa isang mangkok ng nilaga. (“Isuot Mo ang Iyong Lakas, O Sion,” Liahona, Nob. 2022, 94)
Huwag ipagpalit ang inyong pagkapanganay para sa isang tasang nilaga. Huwag ipagpalit ang lahat ng bagay sa wala. (“O Mga Kabataang May Marangal na Pamana,” Liahona, Nob. 2024, 95)
Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga ito sa ka-partner o sa maliit na grupo:
-
Ano ang ilang halimbawa kung paano maaaring unahin ng mga tao ngayon ang mga agaran o makamundong hangarin kaysa sa mga walang-hanggang pagpapala ng Panginoon?
-
Paano inuna ni Jesucristo ang mga walang-hanggang pagpapala kaysa sa mga agarang hangarin?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na unahin ang mga walang-hanggang pagpapala kaysa sa mga agaran o makamundong hangarin?
Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano nila magagamit sa kanilang buhay ang mga katotohanang tinalakay nila ngayon. Bigyan sila ng panahon na magtala ng plano at iba pang espirituwal na impresyon na maaaring nagkaroon sila.
Genesis 28
Paano maaapektuhan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos ang ugnayan ko sa Kanya?
Maaari kang makipag-ugnayan sa ilang estudyante bago ang klase at anyayahan silang lumahok sa maikling talakayan sa klase tungkol sa mga tipan. Maaari mong ipadala sa kanila nang maaga ang mga sumusunod na tanong at hilingin sa kanila na pumili ng isa na sasagutin sa klase.
-
Paano mo ipaliliwanag ang kahalagahan ng mga tipan sa isang taong bago sa ating pananampalataya?
-
Paano napalakas ng pagtupad sa iyong mga tipan sa iyong pang-araw-araw na buhay ang iyong ugnayan sa Diyos?
-
Bakit mo tinutupad ang iyong mga tipan sa Diyos sa kabila ng panunuksong hindi tuparin ang mga ito?
Maghanda ng ilang upuan sa harap ng silid, at paupuin sa mga ito ang mga estudyanteng nakaugnayan mo kanina. Ipakita ang mga naunang tanong at ipasagot sa mga estudyante ang isang pinili nila.
Ipaliwanag na nagpasiya si Esau na patayin si Jacob matapos magkaroon ng alitan ang dalawa tungkol sa pagkapanganay at sa huling pagpapala ni Isaac (tingnan sa Genesis 27:36-41). Inutusan nina Rebeca at Isaac si Jacob na maglakbay nang mahigit 400 milya (650 kilometro) patungong Haran, kung saan siya ay maliligtas mula kay Esau at makakahanap ng asawang mapapakasalan sa loob ng tipan. Sa paglalakbay ni Jacob sa Haran, nagkaroon siya ng karanasang nagpapakita ng kahalagahan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos.
Para matulungan ang mga estudyante na malaman ang tungkol sa karanasan ni Jacob, anyayahan silang pag-aralan ang Genesis 28:10–15 at “Genesis 28:10–15. Ano ang kahalagahan ng panaginip ni Jacob tungkol sa isang hagdan?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang nalaman mo tungkol sa mga tipan mula sa karanasan ni Jacob?
-
Sa iyong palagay, bakit naging partikular na makabuluhan ang mga pangakong ginawa ng Diyos kay Jacob sa bahaging iyon ng kanyang buhay?
-
Batay sa natutuhan mo sa talata 15, ano ang ilang pagpapalang matatanggap natin kapag gumawa at tumupad tayo ng mga tipan sa Diyos? (Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang isang alituntuning tulad nito: Kapag gumawa at tumupad tayo ng mga tipan sa Diyos, makakasama natin Siya, poprotektahan at aalagaan Niya tayo, at hindi Niya tayo iiwan.)
Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Emily Belle Freeman:
Tumayo ang Panginoon sa tabi ni Jacob, ipinakilala ang Kanyang sarili bilang ang Diyos ng ama ni Jacob, at nangako:
Kasama mo Ako.
Iingatan kita.
Iuuwi kitang muli.
Hindi kita iiwang mag-isa.
Tutuparin ko ang aking pangako sa iyo.
Kailangang pumili si Jacob. Maaari niyang piliing mamuhay na kilala lamang ang Diyos ng kanyang ama, o maaari Niyang piliing mamuhay na may tapat na ugnayan sa pakikipagtipan sa Kanya. Makalipas ang ilang taon, nagpatotoo si Jacob tungkol sa buhay na nakaayon sa mga pangako sa tipan ng Panginoon: “Sumagot sa akin [ang Diyos] sa araw ng aking kabalisahan at naging kasama ko saanman ako nagtungo” [Genesis 35:3; idinagdag ang pagbibigay-diin]. (“Mamuhay na Nakaugnay kay Cristo sa Pamamagitan ng Tipan,” Liahona, Nob. 2023, 77)
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang pinakanapansin nila sa pahayag na ito.
Ipaliwanag na pagkatapos ng kanyang sagradong karanasan sa Diyos, ipinahayag ni Jacob ang kanyang damdamin. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Genesis 28:16–22, at alamin ang mga pagpapahayag ni Jacob na pinakanapansin nila. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Maaari kang magtapos sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na kantahin o basahin ang mga titik ng himnong “Sa Inyo, Aking Diyos, Lumalapit” (Mga Himno ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw), kabilang ang talata 4 at 5. Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng paboritong linya o parirala. Maaari mong itanong:
-
Anong mga koneksyon ang nakikita mo sa pagitan ng himnong ito at ng karanasan ni Jacob?
-
Paano ka tinutulungan ng pagtupad ng iyong mga tipan na mas mapalapit sa Diyos?
Genesis 32
Hinahayaan ko bang manaig ang Diyos sa buhay ko?
Maaari mong ipakita ang sumusunod na pagsusuri sa sarili o i-print ito para sa mga estudyante. Bigyan ng oras ang mga estudyante na kumpletuhin ito nang mag-isa.
Para sa bawat isa sa mga sumusunod na opsiyon, i-rate ang iyong sarili gamit ang scale na mula 1 (bihirang maging totoo sa akin) hanggang 5 (madalas na totoo sa akin).
-
Sinisikap kong tiyakin na ang Diyos ang pinakamahalagang impluwensya sa aking buhay.
-
Sinusunod ko ang Diyos dahil gusto ko—hindi dahil sa inaasahan ng iba.
-
May pananampalataya ako sa itinakdang oras at layunin ng Diyos, kahit na hindi ko naiintindihan ang mga ito.
-
Kapag mayroon akong mga tanong na nauugnay sa ebanghelyo, hinahangad kong akayin ako ng Diyos sa walang-hanggang katotohanan.
Ipaliwanag na sa aktibidad sa pag-aaral na ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang isang sagradong karanasan na nagkaroon si Jacob. Anyayahan sila habang nag-aaral sila na hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa kanila na mapalakas ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Genesis 32, ipaliwanag na matapos magtrabaho para sa kanyang biyenang si Laban sa loob ng 20 taon, inutusan ng Diyos si Jacob na bumalik sa lupain ng Canaan. Noong dating naninirahan doon si Jacob, nais siyang patayin ng kanyang kapatid na si Esau dahil sa mga hindi pagkakaunawaan sa pagkapanganay (tingnan sa Genesis 27:41). Sa panahon ng paglisan niya, nagkaroon si Jacob ng maraming karanasan na nagdulot sa kanyang mas mapalapit sa Diyos. Ngunit siya ay “natakot nang husto at nabahala” (Genesis 32:7) tungkol sa muling pagkikita nila ng kanyang kapatid.
Ipabasa sa mga estudyante ang Genesis 32:9–12, 24–30 para malaman ang nadarama ni Jacob at ang karanasan niya sa Diyos sa panahong ito. (Para sa tulong na maunawaan ang mga talatang ito, ipabasa sa mga estudyante ang “Genesis 32:24–32. Ano ang kahalagahan ng pakikipagbuno ni Jacob?” sa Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan.)
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng mga sumusunod:
-
Ano ang natimo sa iyong isipan tungkol sa mga hangarin ni Jacob na inilarawan sa talata 9–12?
-
Ano ang itinuro ng Panginoon kay Jacob sa talata 28 tungkol sa dahilan kung bakit pinalitan Niya ng Israel ang pangalan ni Jacob?
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng bagong pangalan ni Jacob, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Naranasan ni Jacob na makipagtunggali. Sinubukan ang kanyang kalayaang pumili. Sa pagtutunggaling ito, ipinakita ni Jacob kung ano ang pinakamahalaga sa kanya. Ipinakita niya na handa siya na hayaang manaig ang Diyos sa kanyang buhay. Bilang tugon, binago ng Diyos ang pangalan ni Jacob at ginawang Israel, na ibig sabihin ay “hayaang manaig ang Diyos.” At nangako ang Diyos kay Israel na lahat ng pagpapalang ipinagkaloob kay Abraham ay makakamit niya rin. (“Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92)
-
Batay sa iyong natutuhan mula sa karanasan ni Jacob, ano ang maaaring mangyari kapag hinayaan nating manaig ang Diyos sa ating buhay? (Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng: Kapag handa tayong hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay, matatanggap natin ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala.)
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kahulugan ng pariralang “Hayaang manaig ang Diyos.” Maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante na pag-aralan ang ilang bahagi ng mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Hayaang Manaig ang Diyos” (Liahona, Nob. 2020, 92–95). Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isang kapartner ang natutuhan nila tungkol sa hayaang manaig ang Diyos. Maaari din ninyong sama-samang talakayin ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
-
Ano kaya ang mangyayari kung hahayaan mong manaig ang Diyos sa iyong buhay?
-
Ano ang makatutulong upang madagdagan ang iyong kahandaang hayaang manaig ang Diyos?
-
Ano ang mga naranasan mo noong hinayaan mong manaig ang Diyos? Ano ang kaibhang nagawa nito para sa iyo?
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga paraan kung paano nila higit na mahahayaan ang Diyos na manaig sa kanilang buhay. Anyayahan silang isulat ang kanilang mga mithiin.