Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Heograpiya ng Lumang Tipan


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan

Heograpiya ng Lumang Tipan

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga endnote ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Saan naganap ang Lumang Tipan?

Karamihan sa mga pangyayari sa Lumang Tipan ay naganap sa tinatawag na sinaunang Malapit na Silangan [Near East], na kilala ngayon bilang Gitnang Silangan [Middle East]. Kabilang dito ang rehiyon sa pagitan ng Dagat ng Mediterania at Golpo ng Persia, pati na rin ang Egipto. Ang mga may-akda ng Lumang Tipan ay nagbanggit ng heograpiya, topograpiya, at mga pangalan ng mga lugar na maaaring hindi pamilyar sa mga makabagong mambabasa. Ang pag-unawa sa heograpikong lugar ay maaaring maghatid ng karagdagang kabatiran sa iyong pag-aaral ng Lumang Tipan.

Ipinapakita ng sumusunod na mapa ang ilan sa mahahalagang lokasyon na binanggit sa Lumang Tipan.

isang mapa kung saan naganap ang mga pangyayari sa Lumang Tipan
  1. Ang Ur ang unang tahanan ni propetang Abraham. Ito ang lugar kung saan muntik na siyang maging biktima ng pag-aalay ng tao, nakita niya ang anghel ni Jehova, at tinanggap niya ang Urim at Tummim. (Tandaan na may dalawang posibleng lokasyon para sa Ur na nakalista sa mapa.)

  2. Ang Babilonia o Babel (Shinar) ay ang kinaroroonan ng Tore ng Babel. Kalaunan, ito ay naging kabisera ng lalawigan ng Babilonia at ang tirahan ng mga hari ng Babilonia. Noong 587 BC, binihag ng hari ng Babilonia na si Nebukadnezar ang maraming Judio, kabilang ang propetang si Daniel, sa lungsod na ito kasunod ng pagkawasak ng Jerusalem. Nanatili sa pagkabihag ang mga Judio sa Babilonia sa loob ng 70 taon hanggang sa panahon ni Haring Ciro ng Persia, na sumakop sa Imperyo ng Babilonia. Pinahintulutan ni Ciro ang mga Judio na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo.

  3. Ang Susa ay ang kabiserang lungsod ng Imperyo ng Persia sa ilalim ng paghahari nina Dario I (Ang Dakilang Dario), Xerxes (Ahasuerus), at Artaxerxes. Ito rin ang tirahan ni Reyna Esther, na may tapang at pananampalataya na siyang nagligtas sa mga Judio. Si Daniel at kalaunan ay si Nehemias ay naglingkod dito.

  4. Sinakop ng Asiria ang Hilagang Kaharian ng Israel at binihag ang sampung lipi noong 721 BC. Ang Asiria ay naging banta rin sa Katimugang Kaharian ng Juda hanggang 612 BC, nang sakupin ng Babilonia ang Asiria.

  5. Ang Haran (Padan-aram) ay kung saan nanirahan si Abraham sa isang partikular na panahon bago pumunta sa Canaan. Nanatili rito ang ama at kapatid ni Abraham. Sina Rebecca (asawa ni Isaac) at Raquel, Lea, Bilha, at Zilpa (mga asawa ni Jacob) ay nagmula sa lugar na ito.

  6. Ang Canaan ay ang lupang pangako na ibinigay kina Abraham, Isaac, Jacob, at sa kanilang mga inapo bilang walang hanggang pag-aari.

  7. Ang Bundok ng Sinai (Horeb) ay kung saan kinausap ng Panginoon si Moises mula sa isang nagliliyab na palumpong at kung saan ibinigay kay Moises ang batas at ang Sampung Utos. Kinausap ng Panginoon si Elijah sa marahan at banayad na tinig sa bundok na ito.

  8. Ang Egipto ay ang lugar kung saan naglakbay si Abraham dahil sa matinding taggutom sa Ur. Sinabi ng Panginoon kay Abraham na ituro sa mga taga-Egipto ang Kanyang inihayag sa kanya. Kalaunan, ipinagbili si Jose ng kanyang mga kapatid bilang alipin sa Egipto, at nang maglaon ay nakakuha siya ng posisyong may awtoridad dito. Pagkatapos na makasamang muli ni Jose ang kanyang mga kapatid, lumipat si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto. Ang mga anak ni Israel ay nanirahan bilang mga alipin sa Egipto hanggang iligtas sila ng Panginoon.

Para sa mga karagdagang mapa na naglalarawan ng mga lokasyon ng mga pangyayari at panahon na inilarawan sa Lumang Tipan, tingnan sa bahaging Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia na matatagpuan sa Tulong sa Pag-aaral sa Gospel Library.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 32–33.

  2. Ang mapa at mga paliwanag ay hango sa Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia, blg. 9, “Ang Daigdig ng Lumang Tipan.”

  3. Tingnan sa Genesis 11:28–32; 12:1; Abraham 1; 3:1.

  4. Tingnan sa Genesis 11:1–9; 2 Mga Hari 24–25; Jeremias 27:1–29:10; Ezekiel 1:1; Daniel 1:1–6; Omni 1:21–22. Tingnan din sa Eter 1:33–43.

  5. Tingnan sa Nehemias 1:1; 2:1; Esther 1:1; Daniel 8:2.

  6. Tingnan sa 2 Mga Hari 14–15; 17–19.

  7. Tingnan sa Genesis 11:31–32; 24:10; 29:4–6; Abraham 2:4–5.

  8. Tingnan sa Genesis 17:8; 48:3–4.

  9. Tingnan sa Exodo 3:1–2; 19–20; 1 Mga Hari 19:8–12.

  10. Tingnan sa Genesis 37:28; 39–46; 47:6; Exodo 12:31–41; Abraham 2:1, 21; 3:15.

  11. Tingnan lalo na sa Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia, blg. 2–7 at 9–10.