Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Pag-aaral ng Lumang Tipan


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan

Pag-aaral ng Lumang Tipan

Resources

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga endnote ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Ano ang makatutulong sa akin sa pag-unawa ng Lumang Tipan?

Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng mga pangunahing turo tungkol sa Diyos, sa Kanyang plano ng kaligtasan, at sa paggawa ng tipan na nais Niya na gawin ng bawat isa sa atin. Gayunpaman, ang pagkakaiba sa panahon at kultura sa pagitan ng sinaunang panahon at ngayon ay maaaring magpahirap sa pag-unawa sa ilang aspeto ng Lumang Tipan. Ang mga sumusunod na alituntunin at mungkahi ay makatutulong sa iyo na makaunawa at makahanap ng kaugnayan habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan.

Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ay isang guro at tagapaghayag. Sa pamamagitan ng Espiritu, maliliwanagan ng Diyos ang ating pang-unawa at matutulungan Niya tayong malaman ang katotohanan. Mapanalanging hangaring makasama ang Espiritu Santo habang nag-aaral ka. Sa paggawa mo nito, lalawak ang iyong pag-unawa tungkol sa Lumang Tipan.

Hanapin si Jesucristo

Ang Lumang Tipan ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Naglalaman ito ng mga propesiya ng Kanyang mortal na ministeryo, nagbabayad-salang sakripisyo, at Ikalawang Pagparito. Sa pamamagitan ng mga kilos at salita ni Jehova sa Lumang Tipan, matututuhan natin ang tungkol sa Kanyang pagkatao, mga katangian, at mga turo. Makakahanap din tayo ng mga simbolong nagpapatotoo tungkol sa Kanya. Marami sa mga simbolong ito ang madaling maunawaan, at ang iba naman ay hindi gaanong madaling maunawaan. Habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan, bigyang-pansin ang iyong natututuhan tungkol kay Jesucristo. Mas mapapalapit ka sa Kanya kapag natututo ka tungkol sa Kanyang pagmamahal, awa, at kapangyarihan sa buhay ng mga sinaunang tao.

isang anghel na nagpakita kina Adan at Eva habang naghahanda silang mag-alay ng isang tupa bilang handog na susunugin

Adam and Eve Offering Sacrifices [Sina Adan at Eva na Nag-aalay ng mga Hain], ni Keith Larson

Gumamit ng mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik

Sa ating dispensasyon, pinagpala tayo ng Panginoon ng maraming banal na kasulatan na sumusuporta at nagbibigay-linaw sa mga turo sa Lumang Tipan. Halimbawa, ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming pagbanggit at sipi mula sa Lumang Tipan. Ang inspiradong pagsasalin ng Biblia ni Propetang Joseph Smith ay nagbibigay sa atin ng mga nakatutulong na paglilinaw ng maraming passage sa Lumang Tipan. Ang mga aklat nina Moses at Abraham sa Mahalagang Perlas ay may kasamang mga detalye at mga pananaw mula sa doktrina na hindi nakatala sa Genesis. At ang ilan sa mga paghahayag ni Joseph Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan ay nagpapaliwanag din o naglilinaw sa mga passage ng Lumang Tipan.

Ang paggamit ng mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang Lumang Tipan at ang kahalagahan ng mensahe nito.

Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng banal na kasulatan

Ang mga Latter-day Saint edition ng Biblia ay naglalaman ng mga makatutulong na tool sa pag-unawa sa Lumang Tipan. Kabilang dito ang mga heading ng kabanata, footnote, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at mga mapa. Kasama rin sa Gospel Library app ang feature na “Kahulugan” para sa tulong sa pag-unawa sa kahulugan ng mga salita.

  • Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS). Mga sipi mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Marami sa mas maiikling rebisyon ng Propeta ang kasama sa mga footnote, habang ang mas mahahabang sipi ay nasa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia (matatagpuan sa Mga Tulong sa Pag-aaral sa koleksyon ng mga Banal na Kasulatan ng Gospel Library).

isang babaeng nakaupo sa may mesa at nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Alalahanin ang layunin ng banal na kasulatan

Hindi nilalayon ng mga manunulat ng Lumang Tipan na magbigay ng isang komprehensibong makasaysayang salaysay sa kanilang mga isinulat. Ang kanilang layunin ay magturo tungkol sa Diyos at kung paano Siya nakikipag-ugnayan sa Kanyang mga tao. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo—pananampalataya na Sila ay buhay; pananampalataya sa plano ng Ama para sa ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan; pananampalataya sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, na nagsakatuparan sa planong ito ng kaligayahan; pananampalatayang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo; at pananampalatayang makilala ‘ang iisang Dios na tunay, at siyang [Kanyang] sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo’ (Juan 17:3).”

Isaisip ang pananaw ng may-akda

Dahil nabubuhay tayo sa mundong ibang-iba sa mundo ng mga taong sumulat ng Lumang Tipan, maaari tayong magkamali sa paggamit ng sarili nating mga makabagong pananaw at pamantayan sa kultura sa ating binabasa. Ito ay maaaring humantong sa hindi pagkakaunawaan. Sikaping maunawaan ang iyong binabasa mula sa pananaw ng mga inspiradong may-akda sa kanilang orihinal na konteksto.

Para sa iba pang ideya na makatutulong sa iyo na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, sumangguni sa mga paksang tinalakay sa Scripture Study Skills (2025).

Alamin ang Iba pa

Mga Tala

  1. Tingnan sa Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 3.

  2. Tingnan sa Juan 14:26; Alma 5:46.

  3. Tingnan sa Alma 32:28; Moroni 10:5; Doktrina at mga Tipan 11:12–13.

  4. 2 Nephi 25:4.

  5. Tingnan sa Lucas 24:25–27; Juan 5:39; 1 Nephi 19:23; 2 Nephi 11:4.

  6. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Gary J. Coleman, “The Book of Mormon: A Guide for the Old Testament,” Ensign, Ene. 2002, 45–49.

  7. Kabilang sa mga halimbawa ang Doktrina at mga Tipan 2; 65; 84:5–39; 107:40–57; 113; 116; 132:34–39. Maraming iba pang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan ang gumamit ng pananalita sa Lumang Tipan (tingnan sa Nicholas J. Frederick, “Old Wine in New Bottles: Exploring the Use of the Old Testament in the Doctrine and Covenants,” sa Prophets and Prophecies of the Old Testament, pat. Aaron P. Schade at iba pa [2017], 231–64).

  8. D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 34.

  9. Sinabi ni Matthew J. Grow, isang mananalaysay ng Simbahan: “Bilang isang mananalaysay, sinisikap kong sundin ang payo ng isang nobelistang Briton. Sabi niya: ‘Ang nakaraan ay isang banyagang bansa: iba ang paggawa ng mga bagay-bagay doon’ (L. P. Hartley, The Go-Between [1953], paunang salita). Ibig sabihin, kapag binalikan natin ang nakaraan, hindi natin dapat ipilit dito ang mga makabagong ideya at pamantayan ng lipunan ngayon. Dapat sikapin nating unawain ang mga tao ayon sa kanilang sariling konteksto at kultura. Dapat pagpasensyahan natin ang mga bagay na itinuturing natin bilang pagkakamali nila. Dapat maging mapagpakumbaba tayo dahil limitado ang ating kaalaman. At dapat magkaroon tayo ng diwa ng pag-ibig para sa nakaraan” (“Paano natin malalaman kung ang isang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Simbahan ay maaasahan?,” sa Quentin L. Cook, “Kasaysayan ng Simbahan: Isang Pinagmumulan ng Lakas at Inspirasyon,” Ensign, Hulyo 2020, 15).