Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Halina’t Basahin ang Lumang Tipan


Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Lumang Tipan

Halina’t Basahin ang Lumang Tipan

Paalala: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga endnote ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay ineendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.

Ano ang Lumang Tipan?

Ang Lumang Tipan ay isang talaan ng mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang anak mula sa Paglikha hanggang sa humigit-kumulang apat na raang taon bago isinilang si Jesucristo. Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “testamento” ay maaari ding mangahulugang “tipan.” Sa Lumang Tipan, mababasa natin ang tungkol sa kasaysayan ng mga pinagtipanang tao ng Diyos. Ang tipang ito ay nagsimula kay Adan at nagpatuloy sa pamamagitan ng mga dakilang patriyarka. Ito ay pinanibago sa pamamagitan nina Abraham, Isaac, at Jacob at ng kanilang mga inapo, na tinatawag na “sambahayan ni Israel” o “mga anak ni Israel.”

Ginabayan ng mga turo at tipan sa Lumang Tipan ang mga tagasunod ni Jehova mula sa simula. Ang mga turo at propesiya ng maraming propeta sa Lumang Tipan ay napanatili para sa mga Nephita at Lamanita sa mga laminang tanso. Ang mga turong ito ay nagsisilbing pundasyon ng banal na kasulatan na ginamit nina Nephi, Jacob, Abinadi, Alma, at iba pa upang makapagturo sa kanilang mga tao at makapagsulat ng sarili nilang mga talaan. Ito ang mga banal na kasulatan noong panahon ni Jesus, at madalas Niyang binabanggit ang mga nakasulat sa Lumang Tipan sa panahon ng Kanyang ministeryo. Madalas na ginamit ng mga manunulat ng Bagong Tipan tulad nina Mateo, Juan, at Pablo ang Lumang Tipan bilang pundasyon ng kanilang mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Ang mga turo at tipan ng Lumang Tipan ay nananatiling pundasyon para sa atin ngayon.

Tulad ng lahat ng banal na kasulatan, ang Lumang Tipan ay nagtuturo at nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Siya si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang mga propeta sa Lumang Tipan mula kay Adan hanggang kay Malakias ay nagpapatotoo sa kabanalan ng Panginoong Jesucristo at ng ating Ama sa Langit. Si Jesucristo ang Diyos ng Lumang Tipan, at Siya ang nakipag-usap noon kina Abraham at Moises. Siya ang nagbigay-inspirasyon kina Isaias at Jeremias; Siya ang nagpropesiya sa pamamagitan ng mga piling kalalakihang iyon tungkol sa mga magaganap sa hinaharap, maging hanggang sa pinakahuling araw at oras.”

Paano natin nakuha ang Lumang Tipan?

Ang mga aklat ng Lumang Tipan ay malamang na orihinal na nakasulat sa materyal na tulad ng katad o papyrus. Ang mga ito ay isinalin at pinangalagaan bilang mga balumbon o scroll, kung saan ang karamihan ay nakasulat sa Hebreo. Kalaunan, pinagsama-sama ang mga sinaunang manuskrito sa isang koleksyon na naging kilala bilang Biblia ng mga Hebreo. Ang salitang biblia, ay nagmula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “mga aklat.” Walang nakaligtas na orihinal na manuskritong isinulat ng mga may-akda ng Lumang Tipan. May pinakalumang manuskrito ng mga teksto ng Lumang Tipan na nagmula pa noong ikatlong siglong BC.

isang propeta sa Lumang Tipan na nagsusulat sa isang balumbon

Old Testament Prophet [Propeta sa Lumang Tipan], ni Judith Mehr

Nagsagawa ng ilang mahahalagang hakbang sa nakalipas na mga siglo upang ayusin at pangalagaan ang mga nakasulat sa Lumang Tipan. Dalawa sa mga pagsisikap na ito ay ang tekstong Septuagint at Masoretic. Ang Septuagint ay isang pagsasalin sa Griyego ng mga nakasulat sa Lumang Tipan na pinagsama-sama noong ikatlo hanggang ikalawang siglong BC. Ito ang bersiyon ng Lumang Tipan na karaniwang ginagamit ng mga Judio noong panahon ng Tagapagligtas. Ang tekstong Masoretic ay nabuo noong humigit-kumulang ikapito hanggang ikasampung siglong AD ng isang grupo ng mga iskolar na Judio na kilala bilang mga Masorete. Ang mga modernong Ingles na bersiyon ng Lumang Tipan, kabilang ang King James Version, ay naimpluwensyahan ng tekstong Septuagint at Masoretic.

Sa kabila ng pagsisikap ng matatapat na tao na panatilihin ang teksto ng Biblia, mayroon pa ring mga inspiradong kasulatan na hindi kasama sa Biblia. Halimbawa, may ilang aklat ng banal na kasulatan na binanggit sa Biblia na sa iba’t ibang kadahilanan ay nawala o naglaho. Bukod pa rito, nagsimulang magkaroon ng mga pagkakaiba-iba sa mga teksto ng Biblia sa paglipas ng panahon. Ito ay kadalasang resulta ng mga pagkakamali sa pagsusulat o pagsasalin. Ipinropesiya rin ng propetang si Nephi sa Aklat ni Mormon na ang ilang malinaw at mahalagang katotohanan ay aalisin sa Biblia ng mga taong may hindi matwid na motibo upang “[mailihis] nila ang mga tamang landas ng Panginoon” at mailigaw ang mga tao.

Sa kabila ng mga kakulangan na naroon sa mga makabagong Biblia, isang himala na naingatan at napangalagan ang ito at hindi ito dapat balewalain. Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard: “Ang Banal na Biblia ay isang himala! Himalang ang 4,000 taon ng sagrado at sekular na kasaysayan ng Biblia ay naitala at naingatan ng mga propeta, apostol, at inspiradong tao ng simbahan.”

Paano isinaayos ang Lumang Tipan?

Nang pagsama-samahin ang Lumang Tipan, ang mga aklat ay hindi palaging nakaayos ayon sa pagkakasunud-sunod nito kundi sa halip ay hinati ayon sa mga paksa ng mga ito. Noong unang panahon, nahahati ang mga aklat ng Lumang Tipan sa tatlong pangunahing bahagi: ang Batas, ang mga Propeta, at ang mga Kasulatan. Inayos ng karamihan sa mga Biblia ng mga Kristiyano ngayon ang mga aklat ng Lumang Tipan ayon sa sumusunod na apat na kategorya:

  1. Ang Batas. Ang mga aklat mula sa Genesis hanggang Deuteronomio ay nagbibigay ng kasaysayan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak mula sa paglikha ng mundo hanggang sa magwakas ang buhay ni Moises. Ang mga ito ay madalas na tinatawag na Batas dahil naglalaman ito ng batas ni Moises.

  2. Ang Kasaysayan. Ang mga aklat mula sa Josue hanggang sa Esther ay patuloy na nagsasalaysay ng kasaysayan ng mga anak ni Israel sa loob ng mahigit 600 taon pagkatapos ng panahon ni Moises.

  3. Ang Tula. Ang mga aklat mula sa Job hanggang sa Awit ng mga Awit ay puno ng mga aral at paghahayag na isinulat sa anyong patula. Ang aklat ng Mga Awit ay naglalaman ng mga salita sa iba’t ibang mga sagradong musika.

  4. Ang mga Propeta. Ang mga aklat mula sa Isaias hanggang Malakias ay naglalaman ng mga turo ng mga propeta na naglingkod sa panahong namumuno ang mga hari sa mga anak ni Israel o noong matapos ang panahong ito. Ang mga aklat na ito ay hindi magkakasunod ayon sa kasaysayan.

Bakit ginagamit ng mga Banal sa mga Huling Araw ang King James Version ng Biblia?

Mula 1604 hanggang 1611, mga 50 iskolar na hinirang ni King James I ng England ang gumawa ng bagong pagsasalin ng Biblia sa Ingles. Nakilala ito bilang King James Version, na kung minsan ay tinatawag na Authorized Version [Awtorisadong Bersiyon].

Ginamit ng mga tagasalin ang mga naunang pagsasalin ng Biblia sa Ingles. Sumangguni rin sila sa iba pang mga resource, kabilang ang mga manuskrito ng mga teksto ng Biblia sa Hebreo at Griyego. Ang King James Version ng Biblia ang pinag-aralan ni Joseph Smith. Ang King James Version ay may walang hanggang kahalagahan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil ang bokabularyo at estilo ng wika nito ay makikita sa buong Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan.

Si Joseph Smith na nakaupo sa isang silya at nagbabasa ng Biblia

Isinulat ng Unang Panguluhan: “Bagama’t maaaring mas madaling basahin ang iba pang mga bersiyon ng Biblia kaysa sa King James Version, sa mga bagay na may kinalaman sa doktrina sinusuportahan ng paghahayag sa mga huling araw ang King James Version kaysa iba pang mga salin sa Ingles. … Ang Biblia sa wikang Ingles ang siyang ginagamit ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Saan ko malalaman ang iba pa tungkol sa mga piniling pagsasalin ng Biblia na hindi Ingles?

Sa koleksyon ng mga Banal na Kasulatan sa Gospel Library, makikita mo ang Mga Pagsasalin at Format. Piliin ang “Banal na Biblia” para makita ang listahan ng mga pagsasalin ng Biblia na inilathala o pinili para gamitin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ano ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia?

Nagpakita si Propetang Joseph Smith ng matinding pagmamahal para sa Biblia sa buong buhay niya. Gayunpaman, alam niya na may mga problema sa teksto nito. Ipinaliwanag niya na sa nakalipas na mga panahon, maraming pagbabago at pagkakamali ang pumasok sa teksto ng Biblia, na naging sanhi para mamali sa pag-unawa ang mga tao sa mga turo nito.

Noong tag-init ng 1830, sinimulang baguhin ni Propetang Joseph Smith ang King James Version ng Biblia sa Ingles, na naglalayong iwasto at linawin ang teksto. Ang rebisyong ito ay nakilala bilang ang Pagsasalin ni Joseph Smith. Itinuring ni Joseph ang gawaing ito bilang bahagi ng kanyang tungkulin bilang propeta. Natapos ni Joseph ang malaking bahagi ng kanyang gawain noong Hulyo 1833, bagama’t patuloy siyang gumawa ng maliliit na pagbabago sa manuskrito hanggang sa kanyang pagkamatay noong 1844.

Kahit na madalas na tinatawag na “pagsasalin” ang kanyang rebisyon, hindi isinalin ng Propeta ang Biblia sa ibang wika. Hindi rin siya gumamit ng mga source o diksyunaryo sa wikang Hebreo at Griyego. Sa halip, pinag-aralan niya ang mga passage mula sa King James Version ng Biblia at pagkatapos ay gumawa siya ng mga pagwawasto at pagdaragdag ayon sa inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang mga nauna niyang gawa sa pagsasalin ay lumawak at idinagdag sa maraming mga salaysay sa Biblia, at lumikha ito ng ganap na mga bagong passage ng teksto. Ilan sa mga halimbawa nito ang aklat ni Moises at ang Joseph Smith—Mateo. Kabilang sa iba pang mga rebisyon ang “mas maliliit na pagbabago na nagpaganda sa gramatika, nagpa-moderno sa wika, nagwasto sa mga paksa ng doktrina, o pumawi sa mga hindi pagtutugma.”

Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon na nakaupo sa may mesa habang idinidikta ni Joseph ang inspiradong rebisyon ng Biblia

Joseph and Sidney [Sina Joseph at Sidney], ni Annie Henrie Nader

Ipinahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks na “bilang miyembro ng maringal na pamilya ng banal na kasulatan, dapat na bigyang-pansin at papurihan [ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia] sa anumang okasyong naroon ito.”

Marami sa mga inspiradong rebisyon ng Propeta ang matatagpuan sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia sa koleksyon ng Mga Tulong sa Pag-aaral sa Gospel Library. Matatagpuan din ang ibang mahalagang rebisyon sa mga footnote at appendix ng Biblia sa Latter-day Saint edition ng Biblia.

Alamin ang Iba pa

Buod ng Lumang Tipan

Ang Biblia

  • M. Russell Ballard, “Ang Himala ng Banal na Biblia,” Liahona, Mayo 2007, 80–82

  • D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 32–35

  • Richard N. W. Lambert and Kenneth R. Mays, “400 Years of the King James Bible,” Ensign, Ago. 2011, 40–45

Pagsasalin ni Joseph Smith

Media

Mga Video

“The Blessings of Scripture” (3:03)

3:4

“The Holy Bible” (1:39)

1:41

Mga Larawan

Si Moises na nakatingin kay Jehova

Moses Seeing Jehovah [Si Moises na Nakikita si Jehova], ni Joseph Brickey

si propetang Isaias na nagsusulat sa isang balumbon

Isaiah Writes of Christ’s Birth (The Prophet Isaiah Foretells Christ’s Birth) [Sumusulat si Isaias tungkol sa Pagsilang ni Cristo (Ibinadya ni Propetang Isaias ang Pagsilang ni Cristo)], ni Harry Anderson

isang larawan ng malaking balumbon o scroll
Si Ezra na hawak ang isang balumbon sa kanyang mga kamay

Ezra Called as Scribe [Tinawag si Ezra na maging Tagasulat], ni Robert T. Barrett

isang timeline ng Lumang Tipan

Mga Tala

  1. Si Malakias, ang may-akda ng huling aklat sa Lumang Tipan, ay nagsulat at nagpropesiya noong mga 430 BC (tingnan sa Bible Chronology, “Chronology of the Old Testament”; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Malakias,” Gospel Library).

  2. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biblia,” Gospel Library.

  3. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:14–17.

  4. Tingnan sa Genesis 46:8; Exodo 2:23–25; 40:38; Isaias 46:3. Tingnan din sa “Thoughts to Keep in Mind: The Covenant [Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tipan],” Come Follow Me—For Home and Church: Old Testament 2026 [Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026], 55.

  5. Tingnan sa 1 Nephi 5:10–16.

  6. Tingnan sa Thomas F. Olmstead, “The Savior’s Use of the Old Testament,” Ensign, Hulyo 2002, 46–51.

  7. Tingnan sa Bible Dictionary, “Quotations from the Old Testament in the New Testament.”

  8. Tingnan sa Andrew C. Skinner, “Finding Jesus Christ in the Old Testament,” Ensign, Hunyo 2002, 24–28; Marissa Widdison, “Hanapin si Jesucristo sa Lumang Tipan,” Liahona, Ene. 2022, 12–17.

  9. Spencer W. Kimball, “Revelation: The Word of the Lord to His Prophets,” Ensign, Mayo 1977, 76.

  10. Tingnan sa Bible Dictionary, “Bible;” Richard Neitzel Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament: An Illustrated Reference for Latter-day Saints (2009), 374; M. Russell Ballard, “Paano Inihanda ng Panginoon ang Mundo para sa Panunumbalik,” Liahona, Ene. 2020, 16.

  11. Tingnan sa Bible Dictionary, “Bible.”

  12. Tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 374. Ang mga Dead Sea Scroll, na natuklasan simula noong 1947, ay isang koleksyon ng maraming sinaunang manuskrito at mga natitirang pirasong naglalaman ng ilan sa mga pinakalumang halimbawa ng mga teksto sa Lumang Tipan sa wikang Hebreo.

  13. Tingnan sa Bible Dictionary, “Septuagint.”

  14. Tingnan sa Michael D. Coogan at iba pa, mga pat., The New Oxford Annotated Bible: New Revised Standard Version, ika-5 ed. (2018), 1845; tingnan din sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 374. Nang matuklasan ang mga Dead Sea Scroll mula noong 1947, nalaman ng mga iskolar na ang mga teksto ng mga Dead Sea Scroll—na mahigit isang libong taon na mas luma kaysa sa tekstong Masoretic—ay malapit ang pagkakatugma sa mga tekstong Hebreo na iningatan ng mga Masorete (tingnan sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 374–75).

  15. Tingnan sa Bible Dictionary, “Bible.”

  16. Tingnan sa bahaging pinamagatang “Banal na Kasulatan, Mga Nawala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Kasulatan, Mga,” Gospel Library.

  17. Tingnan sa Lori Driggs, “Nephi’s Vision and the Loss and Restoration of Plain and Precious Truths,” sa The Things Which My Father Saw: Approaches to Lehi’s Dream and Nephi’s Vision, pat. Daniel L. Belnap at iba pa (2011), 78–80. Tingnan din sa Holzapfel at iba pa, Jehovah and the World of the Old Testament, 374.

  18. 1 Nephi 13:26–27.

  19. M. Russell Ballard, “Ang Himala ng Banal na Biblia,” Liahona, Mayo 2007, 80.

  20. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biblia,” Gospel Library. Nang magsalita si Jesus tungkol sa Batas at mga Propeta (tingnan sa Mateo 7:12; 22:37–40), tinutukoy Niya ang istrakturang ito ng mga banal na kasulatan.

  21. Ang limang aklat na ito ay tinatawag ding Torah (salitang Hebreo para sa “mga turo”) at Pentateuch (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pentateuch,” Gospel Library).

  22. Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang Awit ng mga Awit ay hindi isang inspiradong aklat (tingnan sa Bible Dictionary, “Song of Solomon”).

  23. Tingnan sa Lincoln H. Blumell at Jan J. Martin, “The King James Translation of the New Testament,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell (2019), 673–74, 677.

  24. Tingnan sa Blumell at Martin, “The King James Translation of the New Testament,” 674–75.

  25. Tingnan sa “History of the Scriptures,” sa About the Scriptures, Gospel Library. Tingnan din sa Eric D. Huntsman, “The King James Bible and the Doctrine and Covenants,” sa The King James Bible and the Restoration, pat. Kent P. Jackson (2011), 182–96.

  26. First Presidency Statement on the King James Version of the Bible,” Ensign, Ago. 1992, 80. “Ang iba pang mga edisyon ng Biblia ay maaaring maging kapaki-pakinabang para sa personal o akademikong pag-aaral” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.8.40.1, Gospel Library).

  27. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 239.

  28. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS),” Gospel Library.

  29. Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,” Gospel Library.

  30. Dallin H. Oaks, “Scripture Reading, Revelation, and Joseph Smith’s Translation of the Bible,” sa Plain and Precious Truths Restored: The Doctrinal and Historical Significance of the Joseph Smith Translation, pat. Robert L. Millet at Robert J. Matthews (1995), 13.