2025
Elder Ozani Farias
Mayo 2025


“Elder Ozani Farias,” Liahona, Mayo 2025.

Elder Ozani Farias

General Authority Seventy

Ang ipagdasal ang mahihirap na desisyon ay naging pundasyon na ni Elder Ozani Farias mula pagkabata. Nagdasal si Elder Farias matapos niyang makilala ang mga misyonero sa edad na 15. Ipinagdasal niya ang tungkol sa full-time mission, pag-aaral, pag-aasawa, at mga oportunidad sa trabaho.

At kahit pa hindi malinaw ang landas na tatahakin, alam niya ang dapat niyang gawin.

“Ang Diyos ang laging uunahin,” sabi niya. “Una Siyang paglingkuran. Malalaking biyaya ang natamasa na namin sa paggawa nito.”

Ang pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo ay hindi kailanman nagligaw sa kanya at sa kanyang asawa, sabi niya. “Nalaman ko ang kapangyarihan ng personal na paghahayag. Nakikipag-usap ang Diyos sa Kanyang mga anak. At may plano ang Diyos para sa amin.”

Isinilang si Ozani Barboza Marques Farias sa Recife, Brazil, noong Oktubre 19, 1969, kina José Osanã Farias at Severina Barbosa Marques. Siya at ang kanyang asawang si Giovanna de Medeiros Prata Farias ay nabuklod sa São Paulo Brazil Temple noong Enero 18, 1994. Sila ay may tatlong anak.

Si Elder Farias ay nagtamo ng bachelor’s degree sa accounting mula sa Catholic University of Pernambuco, postgraduate degree sa finance mula sa University of Pernambuco, at master of business administration mula sa Getulio Vargas Foundation. Nagtrabaho siya para sa Simbahan sa iba’t ibang posisyon, kabilang na ang pagiging financial manager, human resources manager, at kamakailan lamang bilang director of temporal affairs para sa Brazil Area.

Si Elder Farias ay kasalukuyang naglilingkod bilang mission president ng Georgia Atlanta Mission. Nakapaglingkod na rin siya bilang stake presidency counselor, stake clerk, high councilor, bishop, bishopric counselor, at Primary teacher.