“Elder Michael Cziesla,” Liahona, Mayo 2025.
Elder Michael Cziesla
General Authority Seventy
Naaalala pa ni Elder Michael Cziesla ang mga paghihirap noong 2017. Isang araw ng Martes noong Enero, nawalan siya ng trabaho sa isang international law firm nang magdeklara ang kumpanya ng insolvency. Binaha kinabukasan ang kanyang bahay nang masira ang isang linya ng tubig. Sa ikatlong araw ay pinasok ng mga magnanakaw ang kanyang bahay na nagtangkang kunin ang mahahalagang gamit ng pamilya. Sa loob lamang ng ilang araw, nagbago ang takbo ng kanyang buhay.
“Nakangiti ako nang Linggong iyon na tulad ng dati habang nakaupo ako sa pulpito bilang stake president,” sabi niya. “Walang may alam sa mga nangyayari. Ngunit sa loob ko ay nagdadalamhati ako nang husto. Nasa madilim na madilim na lugar ako.”
Pagkatapos ng miting, isang tahimik at magiliw na lalaki sa ward ang nagtanong sa kanya kung ano ang problema. “Nakinig lamang siya, at pagkatapos ay niyakap niya ako,” sabi ni Elder Cziesla. “Naramdaman ko na niyayakap ako ng Panginoon, na alam Niya ang aking sitwasyon, na magiging maayos ang lahat.”
Isinilang si Michael Cziesla kina Armin Ludwig at Irmtraut Hanna sa Neumünster, Germany, noong Hulyo 26, 1972. Lumaki siya sa Schleswig-Holstein at kalaunan ay naglingkod sa Utah Ogden Mission. Ang kanyang asawang si Margret Anne Rauh ay naglingkod sa Temple Square Mission. Ikinasal sila sa Frankfurt Germany Temple noong Abril 4, 1997. Nang tinawag siya sa tungkulin, nakatira sila noon kasama ang kanilang limang anak sa Griesheim, Germany, kung saan nasisiyahan sila sa paggalugad sa mga kagubatan at pagbabakasyon sa isang isla sa Denmark.
Si Elder Cziesla ay nagtamo ng law degree mula sa University of Mainz noong 2000. Nakumpleto niya ang kanyang karera bilang senior corporate partner sa McDermott Will & Emery.
Bago siya tinawag bilang General Authority Seventy, naglingkod si Elder Cziesla bilang Area Seventy sa Europe Central Area, interim mission president sa Germany Frankfurt Mission, stake president, high councilor, at bishopric counselor.