2025
Ang Sistema ng Ating Banal na Gabay
Mayo 2025


10:48

Ang Sistema ng Ating Banal na Gabay

Kapag nakatuon ang ating buhay kay Jesucristo, makikita natin ang daan pauwi, magiging tapat hanggang wakas at magagalak hanggang sa katapusan.

Binago ni Jesucristo ang buhay ko noong mabinyagan ako sa edad na 26 sa mahal kong bayang Frutillar, Chile. Nang panahong iyon, dahil sa trabaho ko, nalakbay ko ang karagatan, mga ilog, at lawa ng magandang Patagonia sa Chile. Pagkatapos kong mabinyagan, nabago at naiba ang pananaw ko sa aking trabaho at buhay, nauunawaan na tunay nga ang “lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos.”

Likas sa mga salmon ang ipanganak sa pinagbubukalan ng mga ilog. Sa isang punto ng kanilang buhay, kailangang lumangoy ng mga salmon pababa sa ilog para makarating sa karagatan, kung saan makahahanap sila ng pagkain at mga kalagayan na kailangan sa kanilang paglaki.

Ngunit ang karagatan ay mapanganib din, may mga maninila rito at mangingisda na nais makahuli ng salmon gamit ang makikinang na kawit na may pain na parang pagkain pero hindi nagbibigay ng sustansiya sa mga ito. Kung makaliligtas ang mga salmon sa mga panganib na ito, magiging handa sila na gamitin ang mabisang gabay nila para makabalik sa lugar kung saan sila ipinanganak, at haharap sa bago at ilang pamilyar na mga hamon. Pinag-aralan ng mga siyentipiko ang pandarayuhan ng mga ito sa maraming taon at natuklasan nila na gumagamit ang mga ito ng isang uri ng magnetic map, na tulad ng GPS, para gabayan sila papunta sa huling destinasyon nila nang may katumpakan na talagang pambihira.

Lahat tayo ay maaaring makabalik sa ating tahanan sa langit kung saan tayo nagmula. At tulad ng mga salmon, may sarili tayong magnetic map, o Liwanag ni Cristo, na gumagabay sa atin papunta roon. Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Kapag nakatuon ang ating buhay kay Jesucristo, makikita natin ang daan pauwi, magiging tapat hanggang wakas at magagalak hanggang sa katapusan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”

Ang Ating Banal na Katangian at Tadhana

Mula sa paghahayag sa pamilya, mababasa natin na “bawat isa [sa atin] ay minamahal na espiritung anak ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may banal na katangian at tadhana. … Sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, kilala at sinamba ng mga espiritung anak ang Diyos bilang kanilang Amang Walang Hanggan at tinanggap ang Kanyang plano na naglaan ng daan para magkaroon ang Kanyang mga anak ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo para umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”

Bago Siya isinilang sa mortalidad, si Jesucristo ay nagpakita kay Moises at kinausap ito sa ngalan ng Ama. Sinabi Niya kay Moises na may dakilang gawain Siya na ipagagawa sa kanya. Sa pag-uusap na iyon, tinawag siya ng Panginoon na “aking anak” nang ilang beses.

Matapos ang karanasang iyon, dumating si Satanas upang tuksuhin siya, nagsasabing, “Moises, anak ng tao, sambahin mo ako.”

Tumugon si Moises sa pamamagitan ng pag-alaala sa kanyang banal na katangian, nagsasabing, “Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos.” Ang katotohanan ay nagpalaya kay Moises mula sa pag-atake ng kaaway.

Mga kapatid, ang mga kawit ng mortalidad ay totoo. Kadalasan ay nakakaakit ang mga ito, pero iisa lang ang kanilang layunin: ang hilahin tayo palayo mula sa daloy ng tubig na buhay na humahantong sa Ama at buhay na walang hanggan.

Alam ko kung gaano katotoo ang mga kawit ng mortalidad. Isang Linggo, noong bagong miyembro ako, nagtuturo ako sa priesthood class nang magkaroon ng hindi magandang pag-uusap. Nahirapan akong tapusin ang aking lesson. Nasaktan ako at nadamang ako ang biktima. Nang walang pasabi, naglakad ako palabas na iniisip na hindi muna ako magsisimba.

Sa mismong sandaling iyon, isang nag-aalalang priesthood holder ang tumayo sa harapan ko. Magiliw niya akong inanyayahan na magtuon kay Cristo at hindi sa sitwasyong naranasan namin sa klase. Sa paggunita sa karanasan naming iyon, ibinahagi niya sa akin na nakarinig siya ng tinig na nagsabi sa kanya, “Habulin mo siya; mahalaga siya sa akin.”

Si Elder Vargas at ang lider na humabol sa kanya.

Mahal kong mga kaibigan, lahat tayo ay mahalaga sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Nelson na “dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin.” Ang ating banal na katangian at kaugnayan sa Diyos dahil sa pakikipagtipan ay nagbibigay sa atin ng karapatang tumanggap ng banal na tulong.

Ang Pangangailangang Pangalagaan ang Espirituwal

Tulad ng mga salmon na kailangang kumain sa karagatan para lumaki, kailangan din natin ng espirituwal na pagkain para hindi tayo mamatay sa espirituwal na malnutrisyon. Ang panalangin, mga banal na kasulatan, templo, at regular nating pagdalo sa mga miting tuwing Linggo ay mahalaga sa ating espirituwal na menu.

Noong Nobyembre 1956, si Ricardo García ay inilubog sa mga tubig ng binyag sa Chile, at naging unang miyembro ng Simbahan sa aming bansa. Isang araw bago siya pumanaw, sinabi niya sa kanyang pamilya at mga kaibigan, “Maraming taon na ang nakararaan, inanyayahan ako ng mga missionary na maging masaya kasama ang aking pamilya. Masaya ako. Sabihin sa lahat ng tao sa Chile na ang ebanghelyo ay kaligayahan.”

Matapos palakasin ng ebanghelyo ni Jesucristo, inilaan ni Ricardo ang buong buhay niya sa paglilingkod sa Diyos at sa kanyang kapwa nang may pagmamahal. Ilang henerasyon ang pinagpala ng kanyang halimbawa ng pagiging disipulo, kabilang na ako. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “ang isang taong puspos ng pag-ibig ng Diyos, ay hindi kuntentong pamilya lamang niya ang mapagpala, kundi ang buong mundo, sabik na mapagpala ang buong sangkatauhan.”

Pagbalik sa Ating Tahanan sa Langit

Sa kaibuturan ng ating puso ay ang hangaring makabalik sa ating tahanan sa langit, at si Jesucristo ang ating banal na gabay. Siya ang daan. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, naging posible para sa atin na gumawa ng mga sagradong tipan sa Diyos. Kapag nakipagtipan tayo, matatagpuan natin kung minsan ang ating sarili na lumalangoy pasalungat sa agos. Ang panganib, kabiguan, tukso, at paghihirap ay susubok sa ating pananampalataya at espirituwal na lakas. Humingi ng tulong. Si Jesucristo ay nakauunawa at palaging sabik na tulungan tayo sa ating mga pasanin.

Tandaan na Siya ay kilala bilang “isang taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan.” Itinuro ng Tagapagligtas, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa pag-uusig: ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.” Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang ating mga kasalanan ay napapatawad, at hindi na Niya ito naaalala pa.

Maaaring hindi natin lubos na nakakalimutan ang ating mga kasalanan bilang bahagi ng ating pagkatuto sa mortalidad upang maalala natin na huwag nang ulitin ang mga ito. Sa halip, aalalahanin natin Siya kapag tumatanggap tayo ng sakramento sa simbahan tuwing Linggo. Ang ordenansang ito ay mahalagang bahagi ng pagsamba at espirituwal na pag-unlad. Ang kagalakan ay dumarating kapag nauunawaan natin na hindi ito isang ordinaryong araw lamang. “Ang sabbath ay ginawa para sa tao” na may layuning bigyan tayo ng kapahingahan sa mundo at panibaguhin ang ating katawan at espiritu.

Naaalala rin natin Siya kapag pumupunta tayo sa templo—ang bahay ng Panginoon. Ang mga templo ay nagbibigay sa atin ng mas malalim na kaalaman tungkol kay Jesucristo bilang sentro ng tipan na umaakay sa atin sa buhay na walang hanggan, “ang pinakadakila sa … mga kaloob ng Diyos.”

Ang pagdalo sa templo ay nagbigay sa akin ng kapanatagan at malaking pag-asa hinggil sa ating walang-hanggang tadhana. Nakaranas ako ng mga banal na kaugnayan sa mga tao sa magkabilang panig ng tabing. Nakita ko ang mahimalang pagpapagaling sa buhay ng mga anak ko, dalawa sa kanila ang may mga karamdaman na hindi nakikita na nangangailangan ng araw-araw na pangangalaga habambuhay.

Nagagalak ang aming pamilya kapag pinag-uusapan namin ang plano ng kaligayahan. Sumasaya ang mukha ng aking mga anak kapag naririnig nila na, salamat kay Jesucristo, ang kanilang “mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang.” Mahal na mahal namin ang aming mga anak, at alam namin na balang-araw, tulad ng itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, sila “ay tatayo sa ating harapan na niluwalhati at maringal, sakdal-ganda sa katawan at isipan.” Ang ating mga tipan ay mas naglalapit sa atin sa Diyos hanggang sa nagiging posible ang imposible, pinupuno ng liwanag at kapayapaan ang bawat puwang ng kadiliman at pagdududa.

Salamat kay Jesucristo, may pag-asa at may matibay na mga dahilan para patuloy na magmahal, manalangin, at suportahan ang mga taong mahalaga sa atin.

Alam ko na Siya ay buhay. Kilala Niya tayo at mahal Niya tayo. Siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay ng sanlibutan.

Inaanyayahan ko ang lahat ngayon na ituon ang ating buhay kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo. Ang paggawa nito ay tutulong sa atin na maiwasan ang mga kawit ng tukso, hinanakit, at awa sa sarili. Tayo ay tatayo tulad ng mga templo—banal, matatag, at hindi natitinag. Kakayanin natin ang mga unos, at makakauwi tayo, magiging tapat hanggang wakas at magagalak hanggang sa katapusan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.