2025
Elder Clement M. Matswagothata
Mayo 2025


“Elder Clement M. Matswagothata,” Liahona, Mayo 2025.

Elder Clement M. Matswagothata

General Authority Seventy

Noong bata pa si Elder Clement M. Matswagothata sa Botswana, binabasa niya nang malakas ang Biblia sa kanyang lola. Nabasa niya ang 1 Samuel 3, kung saan nakikipag-usap ang Diyos kay Samuel, na kalaunan ay tinawag na isang propeta.

“Ang natural na tanong ko, ‘Ginagawa pa rin ba ng Diyos ang ganitong bagay?’”

Ang tanong na iyon ang naging simula ng kanyang paglalakbay sa pagsisikap na mahanap ang Diyos na nakikipag-usap pa rin. Nakilala niya ang mga Latter-day Saint missionary noong siya ay 16 na taong gulang, binasa niya ang Aklat ni Mormon pagkaraan ng ilang araw, at tinawagan sila nang alas-3:00 ng umaga para sabihin sa kanila na gusto niyang magpabinyag.

Lumipas ang panahon at tinawag siya na maging unang stake president sa Botswana, pagkaraan ay naging unang Area Seventy, at ngayon ay naging unang General Authority Seventy.

“Malalim ang aking patotoo na ang Diyos ay buhay at nakikipag-usap sa atin sa mga huling araw na ito at nabubuhay tayo sa araw at panahon na nabubuhay sa mundo ang mga propeta,” sabi niya.

Isinilang si Clement Mosiame Matswagothata sa Middlepits, Botswana, noong Enero 8, 1980, kina Bojotlhe J. at Rachel M. Matswagothata. Matapos maglingkod sa South Africa Cape Town Mission, nakilala niya ang kanyang asawang si Novelty Busisiwe Buthelezi, sa isang area young single adult convention. Sila ay ikinasal sa Johannesburg South Africa Temple noong Pebrero 28, 2004. Mayroon silang tatlong anak.

Siya ay tumanggap ng bachelor’s degree sa pilosopiya. Nagtrabaho siya sa industriya ng automotive sa iba’t ibang tatak ng kotse, humawak ng ilang posisyon sa pamumuno, kabilang na dito ang pagiging sales manager, general manager, at country manager para sa Barloworld Motor.

Nang tawagin siya sa tungkulin, naglilingkod noon si Elder Matswagothata bilang temple ordinance worker sa Johannesburg South Africa Temple at area self-reliance specialist.