2025
Sa Likod ng mga Kaganapan: Mga Serbisyo sa Interpretasyon at Panauhin
Mayo 2025


“Sa Likod ng mga Kaganapan: Mga Serbisyo sa Interpretasyon at Panauhin,” Liahona, Mayo 2025.

Sa Likod ng mga Kaganapan: Mga Serbisyo sa Interpretasyon at Panauhin

Kada anim na buwan sa araw ng sabado at linggo, masaya tayong nagsasama-sama sa pangkalahatang kumperensya. Ngunit sa likod ng mga kaganapang ito, libu-libong mga boluntaryo at empleyado ng Simbahan ang nagtatrabaho nang ilang buwan para mangyari ito.

Isinasaayos nila ang lahat ng bagay para ma-broadcast ang mga mensahe ng propeta sa milyun-milyong tao sa buong mundo. Narito ang isang munting sulyap sa napakalaking gawaing ito.

Mga Serbisyo sa Interpretasyon

Isandaan at apatnapu’t tatlong language team sa iba’t ibang panig ng mundo ang nag-iinterpret sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya nang real time para mapakinggan ang mga ito ng mga miyembro sa kanilang sariling wika nang walang pagkaantala. 57 lamang sa mga team na iyon ang nagbibigay ng interpretasyon mula sa headquarters ng Simbahan sa Salt Lake City.

Ang pagbibigay ng interpretasyon ay naiiba sa pagsasalin, na kinapapalooban ng pagbabago ng mga nakasulat na salita sa ibang wika. Sa interpretasyon, dapat na handa ang mga language team na mag-interpret sa mga huling minutong pagbabago at pananalita na ginawa sa pulpito. Tinutulungan ng mga interpreter ang mga miyembro sa buong mundo na marinig ang ebanghelyo sa kanilang sariling wika (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 90:11).

Mga Serbisyo sa Panauhin

Kung nakadalo na kayo sa pangkalahatang kumperensya sa Salt Lake City, USA, mapapansin ninyo na may mga usher na nagdidirekta sa inyo sa inyong upuan. Mga 400 missionary sa Temple Square ang nagboboluntaryo ng mga 9,000 oras sa pangkalahatang kumperensya para tulungan ang mga panauhin na makapasok at makalabas ng Conference Center nang maayos.

Ginagabayan nila ang 20,000 bisita para sa bawat sesyon ng pangkalahatang kumperensya. Kapag natapos na ang isang sesyon, tinutulungan nilang mabilis na makalabas ang mga bisita sa abot ng kanilang makakaya para lumuwang ang mga pasilyo para sa iba na mga dadalo sa susunod na sesyon.