Mismo sa Ating Harapan
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay lumalago sa bilang ng mga miyembro at pamilya, mission at mga missionary, mga meetinghouse at mga templo.
Mga kapatid, ako ay nagpapasalamat na makasama kayo. Mahal namin kayo, nagpapasalamat kami sa inyo; at nadarama namin ang mga pagpapala ng inyong mga panalangin.
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson sa ating huling kumperensya na: “Nakikita ba ninyo ang nangyayari mismo sa ating harapan? Dalangin ko na makita natin ang karingalan ng sandaling ito! Talagang minamadali na ng Panginoon ang Kanyang gawain.”
Minamadali ang Kanyang gawain. Ang salitang “minamadali” ay mahalaga. Nagpapahiwatig ito ng pagkilos nang mabilis, mas mabilis, at nang may pagmamadali. Sa pag-unlad ng Simbahan at sa plano ni Cristo, mayroong pagmamadaling nagaganap. Lahat tayo ay bahagi nito.
Noong Abril 1834, sa Kirtland, Ohio, tinipon ni Propetang Joseph Smith ang lahat ng mayhawak ng priesthood sa maliit na paaralan na may sukat na humigit-kumulang 14 na talampakang parisukat (4.3 m). Mapagkakasya natin sa Conference Center na ito ang ilang dosenang paaralan na iyon at may ekstrang espasyo pa. Sabi ni Joseph Smith, “Kakaunti lamang ang nakikita ninyo ritong mga Priesthood ngayong gabi, ngunit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo.”
Ang propesiyang iyan ay natutupad “mismo sa ating harapan.” Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay lumalago sa bilang ng mga miyembro at pamilya, mga mission at mga missionary, mga meetinghouse at mga templo, at sa mga naka-enroll sa ating mga seminary, mga institute, at mga unibersidad sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nagpapasalamat tayo na narito tayo sa mundo sa panahon kung saan ang Simbahan ay lumalawak sa bilang at impluwensiya nito, ngunit ang mas mahalaga ay sa mga puso at buhay ng mga miyembro nito. Kilala tayo bilang mga disipulo ni Jesucristo. Ibinabahagi natin ang ating mga patotoo tungkol sa Kanya, sa Kanyang Simbahan, sa Kanyang mga pamamaraan, at sa Kanyang landas ng tipan. Tayo ay Kanyang mga tao, at Siya ang ating Tagapagligtas.
Namamangha ako sa tinatawag ni Pangulong Nelson na “karingalan ng sandaling ito” at ipinapahayag ko ang aking malalim na pasasalamat sa Panginoon at sa Kanyang gawain. Hinihikayat ko ang lahat na maging matatapat na disipulo Niya, na sinasaksihan ang katuparan ng propesiyang iyon, sa nakaraan at sa kasalukuyan.
Mayroong mga taong sumasalungat at sinasabing, “Halina rito at halina roon!” tulad ng ginawa nila noong panahon ni Propetang Joseph Smith. Gayunman, maliit lamang ang magiging epekto nila sa marangal na gawaing ito sa kasalukuyan at pati na rin sa hinaharap. Tandaan ang mga salita ni Joseph Smith: “Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit … subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa lahat ng lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”
Sa aking mga assignment ngayong taon, nagkaroon ako ng pagkakataong masaksihan mismo na “minamadali ng Panginoon ang Kanyang gawain.” Ang Simbahan ay nagtatayo ng napakaraming templo sa maikling panahon, na siyang magbibigay sa mga miyembro ng pagkakataong sumamba sa bahay ng Panginoon. Pangalawa, ang gawaing misyonero ay nagtitipon ng napakaraming tao sa kawan ng Mabuting Pastol na si Jesucristo. At pangatlo, ang Church education sa maraming anyo nito ay nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng mga taong tinuturuan na “[hinahanap] ang Jesus na ito.”
Ngayon, ang Simbahan ay mayroon nang 367 templo na dinidisenyo, itinatayo, o pinapatakbo. At para sa anong layunin? Ang sagot ay nasa bawat templo: “Kabanalan sa Panginoon.” Ang mga templo ay nagbubukas ng daan tungo sa pinakadakilang mga pagpapala na inihanda ng Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin. Mga kapatid, minamadali natin ang ating kabanalan habang tayo ay namumuhay nang nararapat para sa templo, habang tayo ay sumasamba sa bahay ng Panginoon, at habang tayo ay gumagawa ng mga tipan sa Diyos para sa ating sarili at alang-alang sa ating mga ninuno na nasa kabilang panig ng tabing.
Sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang mga pagsalakay ng kalaban ay lalong nadaragdagan, sa tindi at sa iba’t ibang uri. Ang pangangailangan sa malimit na pagpunta natin sa templo ay mas lalo nang napakahalaga sa ngayon. Nakikiusap ako sa inyo na mapanalanging tingnan kung saan ninyo ginugugol ang inyong oras.” Sa Kanyang bahay ay madarama natin ang banal na presensiya ng Panginoon at ang makalangit na kapayapaan.
Nitong nakaraang taon, nagkaroon ako ng pribilehiyo na pamunuan ang paglalaan ng Mendoza Argentina Temple. Sa aking mensahe, binanggit ko ang propesiya ni Elder Melvin J. Ballard noong 1926 na ang gawain ng Panginoon sa South America ay dahan-dahang lalago sa loob ng ilang panahon, “tulad ng dahan-dahang pag-usbong ng oak mula sa isang acorn. Hindi ito lalaki sa loob lamang ng isang araw,” ngunit libu-libo ang aanib sa Simbahan, at ang mga bansa sa South America ay “magiging isang kapangyarihan sa Simbahan.” Nakita ko mismo na natupad ang propesiyang iyan.
Ang Mendoza, na noon ay isang maliit na acorn, ay naging isang magiting na puno ng oak. Ang paglagong iyan ay naulit sa maraming kontinente at sa mga isla ng karagatan.
Nakikita natin na minamadali ng Panginoon ang Kanyang gawain sa mga mission. Noong 2024, 80,000 mga missionary ang naglilingkod sa 450 na mga mission. Tatlumpu’t anim sa mga iyan ay mga bagong mission. Nitong nakaraang taon, ang gawaing misyonero ay nakapagdala ng mahigit 308,000 na mga bagong miyembro sa Simbahan. Higit pa sa mga bilang, ang diwa ng pagtitipon ay ang pagdadala ng mga kaluluwa kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Naaalala ko ang mga Apostol na sina Brigham Young at Heber C. Kimball na noong 1839 ay nagpunta sa British Isles bilang mga missionary. Sila ay may sakit; iniwan nila ang kanilang mga pamilya na may sakit at naghihikahos. Gayunpaman, ang dalawa ay sumakay sa bagon at habang natatanaw pa ang kanilang mga mahal sa buhay, sinabi ni Heber, “Tayo na at tumayo at pasiglahin sila.” Sinikap na makatayo ng dalawa at sumigaw ng, “Mabuhay, mabuhay, ang Israel.”
Nakita ko ang parehong kasigasigan para sa gawain ng Panginoon sa Lima, Peru, noong makipagkita ako sa mga missionary mula sa missionary training center at sa mga mission sa Lima. Kaygandang pagmasdan! Nakita ko mismo ang pagmamadali. Ngayon ay may pitong mission na sa lungsod pa lang ng Lima.
Pagkatapos ng aming pulong, nagbigay ng isang espesyal na sorpresa ang mga missionary para sa akin. Sila ay tumayo at sumigaw ng, “Mabuhay ang Israel.” Hinding-hindi ko malilimutan ang sandaling iyon; sana naroon din kayo. Nakita ko mismo ang mga missionary na iniwan “ang mga bagay ng daigdig na ito” para maglingkod sa Panginoon at tumulong na madaliin ang Kanyang pagparito.
Nakikita natin na minamadali ng Panginoon ang mga oportunidad sa edukasyon para sa ating mga miyembro at kahit sa mga hindi kabilang sa ating relihiyon, sa buong mundo. Ang isa sa mga bagay na bukod-tangi sa atin bilang Simbahan ay ang ating pagpapahalaga sa edukasyon. Noong mga unang bahagi ng Pagpapanumbalik, ipinag-utos ng Panginoon na “maghanap ng kaalaman maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.” Ito ay nangyayari ngayon at nararapat para sa malakas na pagsigaw ng “mabuhay.”
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 800,000 mga estudyante sa buong mundo ang naka-enroll sa seminary at institute, ang pinakamataas na bilang ng mga nag-enroll sa kasaysayan ng Simbahan. Ang ating mga kabataan ay nagtitipon sa iba’t ibang paraan, mula sa early morning seminary, sa umaga, at sa gabi hanggang sa pag-aaral online at sa tahanan. Sila ang magiting at mabuting batalyon, na pinalalakas ang isa’t isa habang sila ay nag-aaral tungkol kay Jesucristo, at sinusunod at pinatototohanan Siya bilang Anak ng Diyos.
Nitong nakaraang taglagas ay nagsalita ako sa isang debosyonal sa isang arena sa University of Utah na puno ng mga estudyante ng seminary at institute kasama ang kanilang mga magulang. Ipinahiwatig ng kanilang pagdalo ang kanilang pagnanais na kilalanin at sundin si Jesucristo. Ang aking mensahe sa mga estudyanteng iyon ay malinaw: Bigyan natin ng panahon ang Panginoon. Pinayuhan ko sila na balansehin ang kanilang pag-aaral sa tunay at mas maringal na pag-aaral, na siyang pag-aaral tungkol sa “Anak ng buhay na Diyos.”
Gayundin ang hihilingin ko sa inyo ngayon: Anuman ang nasa inyong listahan ng mga gagawin, bigyan ninyo ng panahon, at hindi lamang ng natitirang oras, ang Panginoon sa inyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, bilang pamilya, pananalangin, mga calling sa Simbahan, pakikibahagi sa sakramento, pagsamba sa templo, at pagninilay ng mga bagay na nauukol sa Diyos. Sinabi ng ating Panginoon at Tagapaglitgas na, “Matuto kayo sa akin … at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.” Magtiwala kayo sa Kanyang mga salita. At bigyan ninyo Siya ng panahon.
Sabi ni Pangulong Nelson: “Nakikiusap ako sa inyo na hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay. Bigyan Siya ng makatwirang bahagi ng inyong oras. Sa paggawa nito, pansinin ang mangyayari sa inyong positibong espirituwal na momentum.”
Nakikita nating lumalakas ang momentum na iyan sa mga seminary, mga institute, at mga unibersidad ng Simbahan. Sa mga lugar na ito, ang Panginoon ang priyoridad. At dapat gayundin sa buhay ng bawat isa sa atin.
Ang isa pang aspekto na nagpapakita ng pagpapalaganap ng edukasyon sa Simbahan ay ang BYU–Pathway Worldwide. May halos 75,000 ang nag-enroll sa iba’t ibang panig ng mundo at ito ay patuloy na mabilis na nadaragdagan. Karamihan ay mga miyembro, at mahigit sa sangkatlo ay nasa Africa. Ang Pathway ay nakatuon sa pagkakaroon ng access sa edukasyon. Ang pagkumpleto ng mga kurso ay naghahatid ng oportunidad para makapagtrabaho, at ang pagkakaroon ng trabaho ay maghahatid ng mas mabuting buhay para sa mga pamilya at mas maraming oportunidad na makapaglingkod sa Panginoon.
Nang nakipagpulong ako sa mga lider ng stake sa Uganda, nalaman ko na ang buong stake presidency ay naka-enroll sa BYU–Pathway. Habang mas handa tayo sa temporal at espirituwal na aspekto ng buhay, magiging mas handa tayong labanan ang mga pag-atake ng kalaban. Tandaan ang sinabi ni Pedro: “Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na humahanap ng kanyang malalapa.”
Alam ko na sa gitna ng magandang balita ng ebanghelyo, mayroon sa atin na nahihirapan, na may mga pagsubok sa kanilang pananampalataya, mga pagdududa, at mga tanong na tila walang kasagutan. Mga kapatid, si Jesucristo ang sagot. Magsimula kayo sa Kanya. Hanapin ang Kanyang impluwensiya sa inyong buhay. Pakinggan Siya. “Huwag mabagabag ang inyong puso,” ang sabi Niya sa Kanyang mga disipulo bago Siya magtungo sa Getsemani, bago Niya pasanin ang Kanyang krus sa mga kalsada ng Jerusalem, bago ang Golgota, kung saan Niya ginanap ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo—na Siya lamang bilang Bugtong na Anak ng Diyos ang makagagawa.
Dapat ninyong malaman na nakauunawa Siya. Dinala Niya sa Kanyang sarili ang lahat ng ating mga kasalanan, mga pagkakamali, mga paghihirap, at ang mga pagsubok nang sa gayon ay muli nating makapiling sa kawalang hanggan ang ating Ama sa Langit. Sinabi Niya, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip, huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” Ang pananampalataya kay Jesucristo ay “[da]dakilain ka[yo]” at magpapahilom ng inyong sugatang kaluluwa. Magtiwala sa Kanya at mamadaliin ninyo ang inyong pagbabalik sa “bisig ng kanyang pagmamahal.”
Muli kong bibigyang-diin ang mga salita ng ating buhay na propeta: “Nakikita ba ninyo ang nangyayari mismo sa ating harapan? Dalangin ko na makita natin ang karingalan ng sandaling ito! Talagang minamadali na ng Panginoon ang Kanyang gawain.” Nawa tayo bilang mga disipulo ngayon, ay maisigaw ang “Mabuhay ang Israel,” habang tayo ay naghahandang makabalik sa piling ng ating Panginoon at Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.