2025
Tulad sa Isang Maliit na Bata
Mayo 2025


15:10

Tulad sa Isang Maliit na Bata

Pinatototohanan ko na ang mga sanggol at bata at kabataan ay mga larawan ng kaharian ng Diyos na yumayabong sa lupa sa lahat ng kalakasan at kagandahan nito.

Sinimulan ni Jesus ang huling taon ng Kanyang buhay sa mundo sa pamamagitan ng pagpapaigting ng pagsasanay sa Kanyang mga Apostol. Kung ang Kanyang mensahe at ang Kanyang Simbahan ay iiwan Niya, higit pa ang kailangang ipaunawa sa puso ng 12 napakaordinaryong kalalakihan na halos 24 na buwan pa lamang Siyang nakikilala.

Isang araw, nasaksihan ni Jesus na nagtatalu-talo ang Labindawa at maya-maya pa’y nagtanong, “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” Malinaw na nahiya sila, kaya “sila’y tumahimik,” ayon sa talaan. Ngunit nahiwatigan Niya, na pinakadakila sa lahat ng guro, ang nilalaman ng kanilang puso at naramdaman Niya ang unang bugso ng personal na kapalaluan. Kaya’t “tinawag Niya ang isang maliit na bata, …

“At sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

“Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.”

Dapat nating bigyan ng pansin na bago pa man isilang si Cristo, nabanggit na ni Haring Benjamin sa mensahe ng kanyang pamamaalam ang malalim na komentong ito tungkol sa pagiging mapagpakumbaba ng isang bata. Nakasaad dito: “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, … at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung … maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, … mapagpakumbaba, … puno ng pag-ibig, … maging katulad ng isang batang [tumutugon] sa kanyang ama.”

Ngayon, malinaw na may ilang gawi ang mga bata na hindi natin hinihikayat. Dalawampu’t limang taon na ang nakalipas, kinagat sa braso ng apo kong lalaki na noo’y tatlong taong gulang pa lang ang noo’y limang taong gulang na kapatid niyang babae. Tarantang naituro yata ng aking manugang, na siyang nag-aalaga sa mga bata nang gabing iyon, ang lahat ng aralin tungkol sa pagpapatawad na naisip niya sa anak na babae, at nagsabi na marahil ay hindi alam ng nakababatang kapatid kung ano ang pakiramdam ng kagatin sa braso. Ang komentong iyon ng ama na hindi matamang napag-isipan ay naging epektibo sa loob ng halos isang minuto o isa’t kalahating minuto, hanggang sa isang malakas na iyak ang pumalahaw mula sa silid-tulugan ng mga bata, kung saan kalmadong nagsalita ang apo kong babae at sinabing, “Alam na niya ngayon.”

Ano nga ba ang makikita nating mabubuting bagay sa buhay ng isang bata? Ano ang nagpaluha mismo kay Cristo sa pinakamatamis na tagpo sa buong Aklat ni Mormon? Ano ang itinuturo ni Jesus noon nang tumawag Siya ng apoy mula sa langit at ng mga anghel na poprotekta para palibutan ang mga batang iyon, at sinabi sa matatanda na “masdan ang [kanilang] mga musmos”?

Hindi natin alam kung ano ang nagbunsod sa lahat ng iyon, ngunit sa aking palagay ay may kinalaman ito sa kanilang kadalisayan at kawalang-muwang, sa kanilang likas na kababaang-loob, at sa maaaring idulot nito sa ating buhay kung pananatilihin natin ito.

Bakit ang mga araw ng ating kawalan ng pag-asa ay binansagan ng isang tao na “walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan”? Bakit “mga walang-kabuluhang guni-guni at ang kapalaluan ng mga anak ng tao” ang mga salitang naglalarawan sa malaki at maluwang na gusaling iyon, na totoong espirituwal na patay sa pangitain ni Lehi? At ang mga Zoramita, ang grupong iyon na nanalangin nang napakamakasarili? Sinabi ni Alma sa kanila, “O Diyos, sila ay [nananalangin] sa inyo sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, samantalang sila ay nagmamataas … sa mga bagay na walang kabuluhan ng daigdig.”

Kabaligtaran nito, may mas tatamis pa ba, mas dalisay pa, o mas mapagpakumbaba pa kaysa sa isang bata na nagdarasal? Tila ang langit ay nasa loob ng silid. Ang Diyos at si Cristo ay buhay na buhay sa kanila, ngunit kalaunanan, maaaring mas mababaw na karanasan ito para sa iba.

Tulad ng binanggit noon ni Elder Richard L. Evans mga 60 taon na ang nakararaan: “Marami sa atin ang nagsasabi nang hayagan na tayo’y mga Kristiyano, subalit … Hindi natin Siya siniseryoso. … Iginagalang natin Siya, pero hindi tayo sumusunod sa Kanya. … Binabanggit natin ang Kanyang mga turo, ngunit hindi natin isinasabuhay ang mga ito.” “Hinahangaan natin Siya, ngunit hindi natin Siya sinasamba.”

Iba marahil ang takbo ng buhay kung itinuturing ng sanlibutan si Jesus nang higit pa sa paggamit ng Kanyang pangalan bilang mura.

Ngunit talagang mahal Siya ng mga bata, at ang pagmamahal na iyon ay maaari nilang madala sa iba pa nilang mga relasyon sa palaruan ng buhay. Karaniwan, kahit sa kanilang kamusmusan, ang mga bata ay madaling magmahal, madaling magpatawad, nakatutuwa ang kanilang tawa na kaya nitong tunawin maging ang pinakamalamig at pinakamatigas na puso.

At marami pang iba. Kadalisayan? Tiwala? Tapang? Pagkatao?

Samahan ninyo ako sa pagtanaw sa ipinakitang pagpapakumbaba sa harap ng Diyos ng isang batang kaibigan na mahal na mahal ko.

Easton Darrin Jolley

Noong Enero 5, 2025—91 araw na ang nakalipas—iginawad kay Easton Darrin Jolley ang Aaronic Priesthood at inorden siya na isang deacon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Noon pa man, sabik na sabik na si Easton na magpasa ng sakramento ng Hapunan ng Panginoon. Ngunit ang sagradong oportunidad na ito ay nababalot ng takot na dama niya hanggang sikmura na baka mabigo siya, na magkakamali siya, na tutuksuhin siya o mapahiya ang sarili niya at ang kanyang pamilya.

Si Easton ay may bibihira at mapaminsalang sakit.

Kasi nga, may bibihira at mapaminsalang sakit si Easton, ang Ullrich congenital muscular dystrophy. Unti-unting pinupuno nito ang kanyang kabataan ng mabibigat na hamon habang sinisira ang kanyang mga pag-asa at pangarap sa hinaharap. Hindi magtatagal at permanente na siyang uupo sa isang wheelchair. Hindi na pinag-uusapan ng kanyang pamilya kung ano ang naghihintay sa kanya pagkatapos nito.

Sa Linggo kasunod ng kanyang ordinasyon, magpapasa si Easton ng sakramento sa unang pagkakataon. At ang kanyang pribadong motibasyon ay maiharap niya ang kanyang sarili at maihatid ang mga sagradong sagisag na ito sa kanyang ama, na siyang bishop ng ward. Sa inaasahang gawaing iyon siya ay nagmakaawa at nagsumamo at umiyak at nagmakaawa, na humihingi ng garantiya na walang sinuman, walang sinuman, ang magtatangkang tulungan siya. Sa maraming kadahilanan, na personal sa kanya, kailangan niyang gawin ito nang mag-isa at walang tulong.

Matapos pagpira-pirasuhin ng priest ang tinapay at basbasan ito—isang sagisag na kumakatawan sa katawan ni Cristo—si Easton, na may idinaraing sa katawan, ay hirap na tinanggap ang tray niya. Gayunman, may tatlong malalaking baitang ng hagdan mula sa sahig ng meetinghouse hanggang sa mataas na pulpito. Kaya, matapos matanggap ang kanyang tray, umunat siya nang husto at inilapag ang kanyang tray sa patungan sa itaas ng handrail. Pagkatapos, umupo siya sa isa sa mas mataas na baitang ng hagdan, at gamit ang dalawang kamay, hinila niya ang kanyang kanang binti pataas sa unang baitang. Pagkatapos, hinila niya ang kanyang kaliwang binti sa parehong baitang at patuloy niyang ginawa ito hanggang, nahirapan man, narating niya ang tuktok ng kanyang personal na tatlong-baitang na Mount Everest.

Pagkatapos, ipinuwesto niya ang sarili sa isang istrukturang poste na makakapitan niya hanggang sa makatayo siya. Binalikan niya ang tray. Ilang hakbang pa at nakatayo na siya sa harap ng bishop, na tatay niya, na basang-basa ng luha ang mga mata at umaagos ito sa kanyang mukha, na kinailangang pigilan ang sarili nito na yakapin ang napakatapang at matapat na anak niyang ito. At si Easton, na nasisiyahan at masayang-masayang nakangiti, ay kulang na lang sabihin na “Niluwalhati ko [ang aking ama at natapos] ko na ang gawaing [ibinigay niya] sa akin.”

Pananampalataya, katapatan, kadalisayan, pagtitiwala, karangalan, at, sa huli, pagmamahal sa amang iyon na nais niyang mapasaya. Ang mga ito at isang dosena pang katangian ang nagtutulak sa atin na sabihin din, “Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.”

Mga kapatid at kaibigan ko, sa tuktok ng listahan ng pinakamagagandang larawang alam ko ay ang mga sanggol at bata at kabataan na kasintapat at walang kasinghalaga na tulad nila na mga nabanggit natin ngayon. Pinatototohanan ko na mga larawan sila ng kaharian ng Diyos na yumayabong sa lupa sa lahat ng kalakasan at kagandahan nito.

Sa parehong diwa ng patotoo, pinatototohanan ko na sa kanyang kabataan, nakita ni Joseph Smith ang sinabi niyang nakita niya at nakipag-usap sa kanila na sinabi niyang nakausap niya. Pinatototohanan ko na si Russell M. Nelson na mapagpakumbaba at dalisay ang siyang inorden at mahusay na kahalili ng mga nagdaang propeta at tagakita ng Diyos. Mula sa pagbabasa buong buhay ko, pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ang kasiya-siya sa lahat ng aklat na nabasa ko na at tunay na saligang bato ng munti kong tirahan sa isang kaharian na maraming tahanan. Pinatototohanan ko na ang priesthood at panalangin ang nagbabalik ng buhay sa buhay ko—ang priesthood ni Cristo at ang inyong mga panalangin. Alam ko na totoo ang lahat ng ito at pinatototohanan ko ito sa ngalan ng pinakamatapat at pinakamapagpakumbaba sa lahat ng anak ng Diyos—ang Alpha at Omega, ang Dakilang Ako, ang ipinako sa krus, ang tapat na saksi—maging ang Panginoong Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Marcos 9:33.

  2. Marcos 9:34.

  3. Tingnan sa Lucas 9:47.

  4. Mateo 18:2–4.

  5. Mosias 3:19.

  6. 3 Nephi 17:23; tingnan din sa mga talata 11–24.

  7. Eclesiastes 1:2.

  8. 1 Nephi 12:18.

  9. Alma 31:27.

  10. James W. Clarke, binanggit ni Richard L. Evans, sa Conference Report, Abr. 1965, 136. Nabanggit ni Elder Evans na ang sipi na ito ay nagmula sa isang sermon sa radyo na ibinigay ni Dr. James W. Clarke, na sinipi ni William H. Danforth.

  11. Clarke, sa Richard L. Evans, sa Conference Report, Abr. 1965, 136.

  12. Juan 17:4. Personal na salaysay na ibinahagi nina Brian at Charisa Jolley kay Jeffrey R. Holland, Ene. 2025.

  13. Mateo 18:4.

  14. Tingnan sa Apocalipsis 1:5.