2025
Pagsamba
Mayo 2025


14:14

Pagsamba

Para sa atin, ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa Diyos?

“Nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa kapanahunan ng haring si Herodes, may mga Pantas na lalaki mula sa silangan na dumating sa Jerusalem,

“[N]a nagtatanong, Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang siya’y sambahin.”

Ang mga Pantas na ito, na siyang tawag sa kanila, ay matalino sa paghahanap at pagsamba sa Mesiyas. Para sa kanila, ang pagsamba ay pagluhod sa Kanyang harapan at pagbibigay sa Kanya ng mga regalong ginto at mga mamahalin at mababangong sangkap.

Para sa atin, ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa Diyos?

Kapag iniisip natin ang pagsamba, ang ating isipan ay karaniwang nababaling sa mga paraan ng pagpapakita ng ating debosyon sa Diyos kapwa sa pribado nating buhay at sa mga pulong sa Simbahan. Habang pinagbubulayan ko ang tungkol sa pagsamba natin sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na ating Tagapagligtas, may apat na konsepto na pumasok sa aking isipan: una, ang mga ginagawa natin na nagpapakita ng ating pagsamba; pangalawa, ang ating saloobin at damdamin habang tayo ay sumasamba; pangatlo, ang pagiging eksklusibo ng ating pagsamba; at pang-apat, ang pangangailangang tularan ang mga Banal na Nilalang na ating sinasamba.

Una, ang mga Ginagawa Natin na Nagpapakita ng Ating Pagsamba

Ang isa sa pinaka-karaniwan at pinakamahalagang mga anyo ng pagsamba ay ang pagtitipon sa isang inilaang lugar para magpakita ng debosyon. Sinabi ng Panginoon, “At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sarili na walang-bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw.” Ito, siyempre pa, ang ating pangunahing dahilan sa pagtatayo ng mga chapel. Ngunit, kung kinakailangan, maaaring angkop ang isang di-inilaang lugar kung maipapaayos natin ito para maging isang banal na lugar.

Sacrament meeting.

Ang pinakamahalaga ay kung ano ang ginagawa natin kapag tayo ay nagtitipon sa araw ng Panginoon. Siyempre, isinusuot natin ang pinakamaganda nating kasuotan na ayon sa ating kakayahan—hindi marangya, bagkus ay disente sa paraan na nagpapakita ng ating paggalang at pagpipitagan sa Diyos. May pagpipitagan at paggalang din ang ating kilos. Tayo ay sumasamba sa pamamagitan ng sama-samang pananalangin; sa pag-awit ng mga himno (hindi lamang nakikinig kundi umaawit din ng mga himno); at pagtuturo at pagkatuto mula sa isa’t isa. Sinabi ni Jesus, “Tandaan na dito, sa araw ng Panginoon, inyong iaalay ang inyong mga handog [na ang ibig sabihin ay, inyong ‘mga handog, [na] oras … , talento, o yaman sa paglilingkod sa Diyos at kapwa’] at ang inyong mga sakramento sa Kataas-taasan, ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan sa inyong mga kapatid at sa harapan ng Panginoon.” Tayo ay nagtitipon hindi para libangin ang iba o maglibang—halimbawa, sa pamamagitan ng isang banda—kundi para alalahanin Siya at “upang kayo ay lalong ganap na matagubilinan” sa Kanyang ebanghelyo.

Sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, pinaalalahanan tayo ni Elder Patrick Kearon na “hindi tayo nagtitipon sa araw ng Sabbath para lamang dumalo sa sacrament meeting at masabing nagawa natin ito. Nagtitipon tayo para sumamba. May malaking pagkakaiba sa dalawang ito. Ang ibig sabihin ng pagdalo ay pagpunta sa isang kaganapan. Ngunit ang pagsamba ay ang sadyang pagpuri at pagbibigay-galang sa Diyos sa paraang magpapabago sa ating sarili!”

Ang paglalaan ng ating mga Sabbath sa Panginoon at sa Kanyang mga layunin ay isa ring paraan ng pagsamba. Ilang taon na ang nakararaan, pinansin ng noo’y si Elder Russell M. Nelson: “Paano ba natin ginagawang banal ang araw Sabbath? Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit [tingnan sa Exodo 31:13; Ezekiel 20:12, 20]. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang sarili ko, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’”

Ang isang mahalagang aspeto ng pagsamba sa araw ng Panginoon ay ang pagbibigay ng partikular na pansin sa dakilang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Angkop at espesyal ang ating pagdiriwang ng Kanyang Pagkabuhay na Muli sa araw ng Pasko ng Pagkabuhay, at dapat gayundin tuwing linggo habang nakikibahagi tayo sa sakramento na sagisag ng Kanyang Pagbabayad-sala, pati na rin ng Kanyang Pagkabuhay na Muli. Para sa mga nagsisisi, ang pakikibahagi sa sakramento ang sentro ng pagsamba sa araw ng Sabbath.

Ang pagsamba nang magkasama bilang “katawan ni Cristo” ay may natatanging kapangyarihan at pakinabang habang tinuturuan, pinaglilingkuran, at sinusuportahan natin ang isa’t isa. Napag-alaman sa isang pag-aaral kamakailan na ang mga taong itinuturing ang kanilang espirituwal na buhay bilang napakapribado ay mas malamang na hindi bigyang-pansin ang pag-unlad sa espirituwal, o magsasabing hindi masyadong mahalaga ang kanilang pananampalataya, o hindi regular na naglalaan ng oras para sa Diyos. Bilang komunidad ng mga Banal, pinalalakas natin ang isa’t isa sa pagsamba at sa pagsampalataya.

Gayunpaman, hindi natin dapat kalimutan ang mga ginagawa natin sa araw-araw nang personal at kasama ang ating pamilya na nagpapakita ng pagsamba. Pinaalalahanan tayo ng Tagapagligtas, “Gayunman ang inyong mga panata ay iaalay sa kabutihan sa lahat ng araw at sa lahat ng panahon.” Matalinong pinansin ng isang sister, “Wala na akong maisip na mas malalim na pagsamba sa Diyos maliban sa pagtanggap sa Kanyang mga musmos sa ating buhay at pag-aalaga at pagtuturo sa kanila tungkol sa Kanyang plano para sa kanila.”

Itinuro nina Alma at Amulek sa mga Zoramita na pinagbawalang pumasok sa kanilang mga sinagoga na sambahin ang Diyos hindi lamang isang beses sa isang linggo, kundi palagi, at “saan mang lugar kayo naroroon.” Nagsalita sila tungkol sa panalangin at pagsamba:

“Kailangan ninyong ibuhos ang inyong mga kaluluwa sa inyong mga silid, at sa inyong mga lihim na lugar, at sa inyong mga ilang.

“Oo, at kung hindi kayo nagsusumamo sa Panginoon, hayaan na ang inyong mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa inyong kapakanan.”

Nagturo din sila tungkol sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagpapatotoo tungkol kay Cristo, pagkakawanggawa at paglilingkod, pagtanggap sa Espiritu Santo, at pamumuhay nang may pasasalamat sa araw-araw. Pag-isipan iyan: “pamumuhay nang may pasasalamat sa araw-araw.” Ipinahihiwatig nito ang aking pangalawang konsepto:

Ang Ating Saloobin at Damdamin Habang Tayo ay Sumasamba

Sa katunayan, ang makadama at magpahayag ng pasasalamat sa Diyos ang nagsasanhi ng masayang pakiramdam sa pagsamba sa halip na isipin lamang na isa pang tungkulin iyon.

Ang kahulugan ng tunay na pagsamba ay ang pagmamahal sa Diyos at pag-aalay ng ating kalooban sa Kanya—ang pinaka-natatanging kaloob na maaari nating ibigay. Nang tanungin Siya kung ano ang dakilang utos sa mga kautusan, sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.” Tinawag din Niya itong ang unang kautusan.

Ito ang huwaran ng pagsamba mismo ni Jesus sa Ama. Ang Kanyang buhay at Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay inialay para sa kaluwalhatian ng Ama. Madamdamin nating inaalala ang makabagbag-damdaming pagsamo ni Jesus sa gitna ng di-mailarawang pagdurusa at paghihirap: “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma’y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”

Si Cristo sa Getsemani.

Ang pagsamba ay ang pagsisikap na sundin ang perpektong halimbawang ito. Hindi tayo magiging perpekto sa paggawa nito sa loob ng maikling panahon, ngunit kung araw-araw ay “mag-aalay [tayo] bilang pinaka-hain sa [Kanya] ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu,” muli Niya tayong bibinyagan ng Kanyang Espiritu at pupuspusin tayo ng Kanyang biyaya.

Pangatlo, ang Pagiging Eksklusibo ng Ating Pagsamba

Sa unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan, ipinahayag ng Panginoon ang paghatol na ito sa mundo:

“Sila ay lumihis mula sa aking mga ordenansa, at sumira sa aking walang hanggang tipan;

“Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig.”

Mabuti para sa atin na maalala ang halimbawa ng tatlong kabataang lalaking Judio na sina Hananias, Mishael, at Azarias, na dinalang bihag sa Babilonia hindi nagtagal matapos lisanin ni Lehi at ng kanyang pamilya ang Jerusalem. Binago ng isang opisyal sa Babilonia ang kanilang pangalan at tinawag silang Shadrac, Meshac, at Abednego. Kalaunan, nang tumanggi ang tatlong ito na sumamba sa isang rebultong ipinatayo ni Haring Nebukadnezar, inutos nitong ihagis sila sa hurno ng nagniningas na apoy, at sinabi sa kanila, “At sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?”

Maaalala ninyo ang kanilang matapang na sagot:

“Ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; at hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari.

“Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, … na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo.”

Naligtas sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa hurno ng nagniningas na apoy.

Ang hurno ay napakainit kaya namatay ang mga naglagay sa kanila roon, ngunit sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay hindi nasaktan. “Nagsalita si Nebukadnezar at sinabi, Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na … nagligtas sa kanyang mga lingkod na nagtiwala sa kanya. … At isinuko ang kanilang mga katawan kaysa maglingkod o sumamba sa sinumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.” Nagtiwala sila kay Jehovah para sa kanilang kaligtasan, “ngunit kung sakali mang hindi,” ang ibig sabihin ay, kahit na hindi pinigilan ng Diyos ang kanilang kamatayan ayon sa Kanyang karunungan, mananatili pa rin silang tapat sa Kanya.

Anumang bagay na inuuna natin kaysa sa pagsamba sa Ama at sa Anak ay nagiging diyus-diyusan. Ang mga taong tumatanggi na ang Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan, o ayaw tumanggap ng anumang pananagutan sa Kanya, ay itinuturing ang kanilang sarili bilang kanilang diyos. Ang isang taong inilalagay ang kanyang tiwala sa isang partido o sa isang layunin nang higit pa kaysa sa patnubay ng Diyos ay sumasamba sa huwad na diyos. Ang mga taong nagsasabi na sinasamba nila ang Diyos ngunit hindi naman sinusunod ang Kanyang mga kautusan ay sinusunod ang sarili nilang kagustuhan: “Lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin.” Ang tanging dapat nating pagtuunan sa ating pagsamba ay ang “[nag-iisang] Diyos na tunay, at si Jesucristo na [Kanyang] sinugo.”

Panghuli, ang Pangangailangang Tularan ang Ama at ang Anak

Sa huli, ang paraan ng ating pamumuhay ang pinakadakila at pinakatunay na paraan ng pagsamba. Ang ibig sabihin ng pagpapakita ng ating debosyon ay ang pagsunod sa Ama at sa Anak—sinisikap na magkaroon tayo ng Kanilang mga katangian. Kung, tulad nga ng kasabihan, na ang panggagaya ang pinakataos-pusong anyo ng papuri, masasabi natin nang may paggalang sa Diyos, ang pagtulad sa isang tao ang pinakatapat na anyo ng tunay na papuri. Ito ay nagpapahiwatig ng ating aktibo at patuloy na pagsisikap na maging banal. Ngunit ang pagiging higit na tulad ni Cristo ang siya ring natural na bunga ng ating mga pagsamba. Ang sinabi ni Elder Kearon na binanggit ko kanina tungkol sa pagsamba na, “sa paraang magpapabago sa ating sarili,” ay talagang mahalaga. Ang tunay na pagsamba ay nagpapabago sa atin.

Ito ang kagandahan ng landas ng tipan—ang landas ng pagsamba, pagmamahal, at katapatan sa Diyos. Pumapasok tayo sa landas na iyan sa binyag, nangangako na tatanggapin natin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo at susundin ang Kanyang mga kautusan. Matatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo, ang tagapaghatid ng biyaya ng Tagapagligas na tutubos at maglilinis sa atin mula sa kasalanan kapag tayo ay nagsisisi. Masasabi nga rin natin na sinasamba natin Siya sa pamamagitan ng pagsisisi.

Kasunod ng mga ito ang karagdagang mga ordenansa ng priesthood at tipan na ginagawa sa bahay ng Panginoon na mas nagpapabanal sa atin. Ang mga seremonya at mga ordenansa sa templo ay mas mataas na anyo ng pagsamba.

Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang bawat lalaki at babae na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood at gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos ay maaaring tuwirang makatanggap ng kapangyarihan ng Diyos” Hindi lamang ito isang kapangyarihang magagamit natin para maglingkod at magbasbas. Ito rin ang kapangyarihan ng langit na umiimpluwensya sa atin para tayo pinuhin at dalisayin. Habang tayo ay umuusad sa landas ng tipan, ang nagpapabanal na “kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” sa ating sarili.

Tayo nawa, tulad ng mga Nephita at mga Lamanita noong unang panahon, ay, “[m]agsiluhod sa paanan ni Jesus, at sinamba siya.” Tayo nawa, tulad ng utos ni Jesus, “ay [magpa]tirapa at [sumamba sa] Ama sa [pangalan ng Anak].” Tanggapin nawa natin ang Banal na Espiritu at ialay ang ating puso sa Diyos, hindi tayo magkaroon ng ibang mga diyos maliban sa Kanya, at bilang mga disipulo ni Jesucristo, matularan natin ang Kanyang katangian sa sarili nating buhay. Pinatototohanan ko na kapag ginawa natin ito, magagalak tayo sa pagsamba. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.