2025
Huwag Patigasin ang Iyong Puso
Mayo 2025


11:6

Huwag Patigasin ang Iyong Puso

Kung taos-puso tayong magsisisi, magpapakumbaba, at magtitiwala at aasa sa Panginoon, lalambot ang ating mga puso.

Nagsimula ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo nang magpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak sa batang si Joseph Smith, at sinagot ang kanyang mapagpakumbabang panalangin. Bilang bahagi ng Panunumbalik, nagsalin si Joseph Smith ng isang sinaunang talaan gamit ang kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang talaang ito ay naglalaman ng “mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga unang nanirahan sa Amerika at naglalaman ng kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo.”

Noong bata pa ako, habang binabasa ko ang Aklat ni Mormon, madalas kong isipin kung bakit hindi naniwala sina Laman at Lemuel sa mga katotohanang ibinigay sa kanila, kahit na nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at direktang kinausap sila. Bakit hindi nagawa nina Laman at Lemuel na maging mas mapagpakumbaba at masunurin sa mga turo ng kanilang amang si Lehi at ng kanilang nakababatang kapatid na si Nephi?

Natagpuan ko ang isa sa mga sagot sa tanong na ito sa 1 Nephi, na nagsasabing si Nephi ay “nagdadalamhati dahil sa katigasan ng kanilang mga puso.” Tinanong ni Nephi ang kanyang mga nakatatandang kapatid, “[Bakit] napakatigas ng inyong mga puso, at napakabulag ng inyong mga isip?”

Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng matigas na puso?

Ang pagsasalin sa Koreano ng “katigasan” sa Aklat ni Mormon ay 완악 (Wan-Aak: 頑惡). Ang pariralang ito ay gumagamit ng Chinese character na “Wan” (頑), na ang ibig sabihin ay “matigas ang ulo,” at “Aak” (惡), na ibig sabihin ay “masama.” Kapag pinapatigas natin ang ating mga puso, nabubulagan tayo, at ang mabubuting bagay ay hindi makapasok sa ating mga puso o isipan. Nagiging matigas ang ulo natin at nagsisimula nang mas hangarin ang mga bagay ng mundo, isinasara ang ating mga puso sa mga bagay ng Diyos. Pinipili nating magtuon lamang sa ating sariling mga saloobin at hindi tinatanggap ang mga opinyon at patnubay ng iba. Pinipili nating huwag buksan ang ating mga puso sa mga bagay ng Diyos kundi sa impluwensya ng mga bagay ng mundo at ng kaaway. Kapag matigas ang ating mga puso, binabalewala natin ang impluwensiya ng Espiritu Santo. “Mabagal [tayo] sa pag-aalaala sa Panginoon,” at kalaunan ay tuluyan nang nagiging “manhid” sa Kanyang mga salita.

Itinuro ni Alma sa mga tao sa Ammonihas na may mga tao na “tinatanggihan ang Espiritu ng Diyos dahil sa katigasan ng kanilang mga puso.” Itinuro din niya na “sila na magpapatigas ng kanilang mga puso, sa kanila ay ibibigay ang higit na maliit na bahagi ng salita hanggang sa wala na silang malaman pa hinggil sa kanyang mga hiwaga” Kalaunan, lalayo ang Espiritu, at “babawiin [ng Panginoon ang Kanyang] salita” mula sa mga taong nagpatigas ng kanilang mga puso, tulad nina Laman at Lemuel. Dahil patuloy na pinatigas nina Laman at Lemuel ang kanilang mga puso, sinalungat ang impluwensya ng Espiritu Santo, at piniling huwag tanggapin ang mga salita at turo ng kanilang ama at ni Nephi, sa huli ay hindi na nila tinanggap ang mga walang hanggang katotohanan mula sa Diyos.

Kabaligtaran nina Laman at Lemuel, patuloy na nagpakumbaba si Nephi, humihingi ng patnubay mula sa Espiritu ng Panginoon. Bunga nito, pinalambot ng Panginoon ang puso ni Nephi. Ibinahagi ni Nephi na siya ay “nagsumamo sa Panginoon; at masdan, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama.” Tinulungan ng Panginoon si Nephi na tanggapin, unawain, at paniwalaan ang lahat ng hiwaga ng Diyos at ng Kanyang mga salita. Pinagpala si Nephi na palaging masamahan ng Espiritu Santo.

Ano ang magagawa natin para mapalambot ang ating mga puso?

Una, maaari nating gawin ang araw-araw na pagsisisi.

Itinuro ng Tagapagligtas, “Sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin na tulad ng isang maliit na bata, siya ay tatanggapin ko.” Itinuro ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson:

“Pagsisisi ang susi sa pag-unlad. Ang dalisay na pananampalataya ang nagtutulak sa atin na sumulong sa landas ng tipan.

“Sana huwag matakot o ipagpaliban ang pagsisisi. Natutuwa si Satanas sa inyong kasawian. … Simulan ngayon na maranasan ang galak ng paghuhubad sa likas na tao. Mahal tayo ng Tagapagligtas sa tuwina ngunit lalo na kapag nagsisisi tayo.”

Kapag nararanasan natin ang galak ng pagpapalambot ng ating mga puso at lumapit sa Panginoon, tayo ay nagiging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”

Ikalawa, maaari tayong maging mapagpakumbaba.

Ang araw-araw na pagsisisi ay makapagpapakumbaba ng ating mga puso. Nais nating maging mapagpakumbaba sa harap ng Panginoon, tulad ng isang maliit na bata na sumusunod sa kanyang ama. Sa gayon, lagi nating makakasama ang Banal na Espiritu, at ang ating mga puso ay lalambot.

Kami ng asawa kong si Sue ay may nakilalang kahanga-hangang mag-asawa sa nakalipas na apat na taon. Nang una namin silang makilala, bagong miyembro pa lang ng Simbahan ang lalaki, at ang kanyang asawa ay tinuturuan ng mga missionary ng ebanghelyo. Maraming missionary ang nagturo sa babae para tulungan siyang lumapit kay Cristo. Nadama namin na may malakas na patotoo siya sa ebanghelyo at alam niyang totoo ang Simbahan. Madalas niyang nadarama noon ang Espiritu sa aming mga pagbisita at aktibong nakikibahagi sa lahat ng miting. Gustung-gusto niyang makihalubilo sa mabubuting miyembro ng ward. Gayunman, nahirapan siyang ipangako ang sarili na magpabinyag. Isang araw ay binasa niya ang Moroni 7:43–44, na nagsasabing:

“At muli, masdan, sinasabi ko sa inyo, na hindi siya maaaring magkaroon ng pananampalataya at pag-asa, maliban kung siya ay maging maamo at may mapagpakumbabang puso.

“Kung sakali man, ang [inyong] pananampalataya at pag-asa ay walang saysay, sapagkat wala isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso.”

Nang mabasa niya ang mga talatang ito, napagtanto niya kung ano ang dapat niyang gawin. Inakala niyang naiintindihan niya ang kahulugan ng pagiging maamo at mapagpakumbaba. Gayunpaman, ang kanyang pang-unawa ay hindi sapat upang magkaroon ng pananampalataya at pag-asa na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Kinailangan niyang magpasiya na hindi magmatigas at huwag umasa sa sariling karunungan. Sinimulan niyang magpakumbaba sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi. Sinimulan niyang maunawaan ang pagpapakumbaba sa pananaw ng mga mata ng Diyos. Umasa siya sa Ama sa Langit at nanalangin na palambutin ang kanyang sariling puso. Sa pamamagitan ng mga panalanging ito, nadama niya ang Espiritu na nagpatotoo sa kanya na nais ng Ama sa Langit na mabinyagan siya.

Kapwa ibinahagi ng mag-asawa na kapag sila’y nagpapakumbaba, lalo nilang nauunawaan ang mga salita ng Diyos, at lumambot ang kanilang mga puso na sundin ang mga turo ng ating Panginoon, na si Jesucristo.

Pangatlo, maaari tayong magtiwala at umasa sa ating Tagapagligtas.

Si Nephi ay magandang halimbawa ng pagtutulot na mapalambot ang kanyang puso sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon. Itinuro niya, “Nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman. Hindi ako magtitiwala sa bisig ng laman.” Gayundin, sa isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith, sinabi ng Panginoon, “Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti—oo, ang gumawa ng makatarungan, lumakad nang may pagpapakumbaba.” Kapag nagtitiwala tayo sa Panginoon at umaasa sa Kanya, palalambutin Niya ang ating mga puso, at susuportahan tayo sa ating mga pagsubok, problema, at paghihirap.

Kung taos-puso tayong magsisisi, magpapakumbaba, at magtitiwala at aasa sa Panginoon, lalambot ang ating mga puso. Pagkatapos ay ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu at ipapakita sa atin ang mga hiwaga ng langit. Maniniwala tayo sa lahat ng mga salitang itinuro Niya, at lalalim ang ating pang-unawa.

Ang ating Tagapagligtas, na si Jesucristo, ang pinakadakilang halimbawa ng kaamuan. Sa 2 Nephi 31:7, mababasa natin, “Ngunit sa kabila ng kanyang pagiging banal, ipinakikita niya sa mga anak ng tao na, ayon sa laman siya sa kanyang sarili ay nagpapakumbaba sa harapan ng Ama, at pinatototohanan sa Ama na siya ay magiging masunurin sa kanya sa pagsunod ng kanyang mga kautusan.” Kahit na Siya ay banal at perpekto, nagpakumbaba Siya ng Kanyang Sarili sa harap ng Ama at naging masunurin sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapabinyag.

Sa pagtatapos ng Kanyang mortal na buhay, ipinasakop ni Jesucristo ang Kanyang sariling kalooban sa Kanyang Ama sa pamamagitan ng paglagok ng mapait na saro. Ang pagdurusang ito ay naging dahilan upang Siya ay “manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu.” Hiniling ng Tagapagligtas na “na kung maaari ay hindi [Niya] lagukin ang mapait na saro at manliit.” “Gayon pa man,” sabi Niya, “ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao”.

Mga kapatid, binigyan tayo ng moral na kalayaan. Maaari nating piliing patigasin ang ating mga puso, o maaari nating piliing palambutin ang ating mga puso. Sa ating pang-araw-araw na buhay, maaari nating piliing gawin ang mga bagay na nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon na pumasok at manahan sa ating mga puso. Alam ko na sa mga pagpiling ito ay may kapayapaan at kagalakan.

Tularan natin ang halimbawa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na sumunod sa kalooban ng Ama. Kapag ginawa natin ito, ipinangako sa atin ng Panginoon, “Sapagkat, masdan, akin silang titipunin na gaya ng pagtitipon ng isang inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.