2025
Tanggapin ang Kanyang Kaloob
Mayo 2025


14:5

Tanggapin ang Kanyang Kaloob

Kayo ay minamahal na anak na babae ng Diyos, kayo ay itinatanging anak na lalaki ng Diyos, at ipinagkaloob Niya sa inyo ang Kanyang perpekto at banal na Anak.

Pagbibigay ng Regalo

Ang pagbibigay ng regalo ay isang kaugalian ng lipunan na sumasaklaw sa lahat ng kultura, sibilisasyon, at sa kasaysayan ng mundo. Sa paglipas ng panahon, nagbibigayan ng regalo ang mga tao upang patibayin ang mga relasyon, ipakita ang pagmamahal at pasasalamat, at ipagdiwang ang mahahalagang kaganapan tulad ng kasal, kaarawan, at pista-opisyal. At hindi lamang ang mga taong nilalang ng Diyos ang nagbibigay ng regalo sa isa’t isa. Kabilang sa maraming iba pang mga halimbawa na maibibigay natin ay ang mga penguin na kilalang nagbibigay ng makintab na mga bato sa kanilang magiging kapareha, at ang mga bonobo (mga pinsan ng chimpanzee) na nagbibigay ng prutas para magkaroon ng mas maraming kaibigan.

Mga penguin na nagbibigay ng maliliit na bato.
Mga bonobo na nagbabahagi ng prutas.

Anong mga regalo ang naibigay na ninyo? Isipin ang isang pagkakataon na nakahanap—o nakagawa—kayo ng perpektong regalo para sa inyong minamahal. Alam ninyo na iyon mismo ang regalong gusto at pakaiingatan ng mahal ninyong ito sa buhay. Ano ang regalong iyon? Para ba ito sa inyong ina? isang kaibigan? inyong anak? isang guro? inyong lolo? Ano ang naramdaman ninyo nang makita ninyo ang regalong ito? Ano ang nadama ninyo nang naisip ninyong binubuksan ng taong mahal ninyo ang regalo? Gayundin, kailan kayo nakatanggap ng perpektong regalo mula sa isang tao, at ano ang pakiramdam nang natanggap ninyo ito?

Ang Regalo sa Akin ng Aking Ama

Noong pitong taong gulang ako, at nakatira sa Arabia kasama ang mga magulang ko, isang pelikulang pambata ang ipinalabas na may pamagat na Chitty Chitty Bang Bang. Ang pelikula ay tungkol sa isang mahiwagang kotse na maaaring magmaneho ng sarili nito, lumutang sa tubig, at lumipad pa! Alam ko na gumagawa sila sa England ng miniature na laruang kotse na tulad ng Chitty Chitty Bang Bang, at gusto kong magkaroon nito! Hihilahin ninyo ang lever, at biglang lalabas ang mga pakpak ng laruang kotse! Nang pumunta sa England ang aking ama dahil sa negosyo, tinanong niya kung may gusto akong pasalubong, at sabi ko gusto kong magkaroon ng isang kotseng Chitty Chitty Bang Bang.

Pagbalik niya mula sa biyahe, walang siyang pasalubong na kotse. Nalungkot ako at naisip ko na baka nakalimutan na niya. Pero, makalipas ang 10 araw, sa aking kaarawan, isang maliit na pakete, na nakabalot nang maganda ang naghihintay sa akin. Buong kasabikan, at pinipigil na umasa nang husto, binuksan ko ang regalo at nakita ang kotseng gusto ko. Napaiyak ako sa sobrang tuwa. Hinila ko ang lever, at lumabas ang mga pakpak, tulad ng kotse sa pelikula! Nagpasalamat ako talaga sa aking ama sa napakaespesyal na regalong ito. Pinaglaruan ko ang kotseng iyon sa maraming taon at iningatan. Palagay ko ang kasiyahan ng tatay ko sa pagreregalo sa akin ng kotseng iyon ay kasingtindi ng kasiyahan ko sa pagtanggap nito.

Pagbibigay, Pagtanggap at Pagbubukas, at Pagpapahalaga

Maiisip natin na ang pagbibigay ng regalo ay may tatlong bahagi:

  1. Ang pagbibigay ng regalo, kung saan ang nagbibigay ay pumipili, gumagawa, o naghahanda ng regalo at ibinibigay ito sa mahal sa buhay. Nangangahulugan ito ng taimtim na layunin ng nagbibigay na makapagregalo ng isang bagay na makahulugan.

  2. Sa pagtanggap at pagbubukas ng regalo, kadalasang tinatanggap ang regalo mula sa nagbigay—nang may pagkagulat, pasasalamat, at pagkasabik—bago buksan ito, tinatanggal ang ribbon at balot para malaman kung ano ang regalo.

  3. At pagkatapos nito, marahil ang pinakamahalagang bahagi ay ang pagpapahalaga sa regalo. Ang pagpapahalaga sa regalo na ibinigay nang tapat ay higit pa sa simpleng pagtanggap at pagbukas nito. Mas mahalaga pa ito kaysa sa presyo ng regalo at pagpapasalamat sa nagregalo. Para sa tapat na pagpapahalaga sa isang regalo, pinahahalagahan natin ito para sa ating sarili, ginagamit ito nang husto sa ating buhay, at pagkatapos ay inaalala nang may pasasalamat ang nagbigay.

Ang pagtanggap ng isang regalo ay hindi basta-basta kundi isang sinasadya at makabuluhang proseso na higit pa sa pagbubukas lang ng isang pakete. Ang tapat na pagtanggap ay pagpapahalaga at pag-ugnay sa regalo at sa puso ng nagregalo sa paraang nagpapatibay sa ugnayan ng nagbibigay at tumatanggap. Kapag naiisip ko ang laruang kotse, bumabalik sa akin ang maraming magagandang alaala, habang nararamdaman kong muli ang matinding pagmamahal at pag-aalaga ng aking ama sa akin, na kinakatawan ng regalong iyon.

Ang mga Regalo ng Ating Ama sa Langit

Ang ating Ama sa Langit ay may napakaraming kaloob na liwanag at katotohahan na inihanda para ibuhos sa bawat isa sa atin, na Kanyang minamahal na mga anak. Dumadaloy ang mga ito mula sa ating Bukas-Palad na Tagapagbigay tulad ng bukal sa ilang mula sa Kanyang mabuting puso. “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw.” Sa ating pakikipagtipan sa Ama, Siya ang laging Tagapagbigay at tayo ang mapagpakumbabang tagatanggap.

Ang Pinakadakila sa Lahat ng mga Kaloob ng Ama, na Pinagmumulan ng Lahat ng Iba Pa

Pero wala tayong matatanggap kung wala ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Ama, ang Kanyang minamahal na Kordero, ang Kanyang Anak, na si Jesucristo. Lahat ng kaloob ng ating Ama ay dumadaloy at pinasigla ng kusang-loob na paghahandog ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa krus, at sa Kanyang matagumpay na Pagkabuhay na Muli. Si Jesucristo, ang ating maawaing Manunubos, ang pinakadakilang kaloob mula sa ating Ama ng mga ilaw. “Sa paghahandog ng kanyang Anak, ang Diyos ay naghanda [para sa atin] ng higit na mabuting paraan.”

Isang Kaloob na Sumasaklaw sa Lahat ng Walang-Hanggang Katotohanan

Gusto kong magsalita tungkol sa isang kaloob na sumasaklaw sa lahat ng walang-hanggang katotohanan na nagdaragdag sa ating kakayahang tanggapin ang lahat ng iba pa na nais ibigay sa atin ng ating Ama—isang mahalagang kaloob na, kapag lubos na tinanggap sa sa kaibuturan ng kaluluwa, ay nagbibigay-kahulugan sa mga kagalakan at paghihirap ng buhay, at sa mga katanungan natin na hindi nasasagot: Ito ay na tayo ay tunay na mga anak ng Diyos. Ang katotohanang iyan ay kagila-gilalas! Kamangha-mangha! At ang katotohanang ito ay literal.

Isipin na ngayon pa lang ninyo narinig ito! Kayo ay totoong Kanyang minamahal na anak na babae. Kayo ay totoong Kanyang itinatanging anak na lalaki. At ang landas na tinatahak ninyo ay ang Kanyang plano ng kaligayahan. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig na nakaaalam sa lahat ng bagay, alam Niya nang eksakto kung sino kayo bago kayo isinugo sa lupa at kung ano ang naranasan ninyo hanggang ngayon sa inyong mortal na buhay, at maawaing binalak Niya ang bawat bukas ninyo. At inaasam Niya nang labis na balang-araw ay makabalik kayo sa Kanya, upang matanggap ang pinakadakilang layunin ng lahat ng Kanyang magagandang kaloob, ang buhay na walang hanggan kasama Niya.

Ang tanong ay hindi kung totoo ba ang kaloob na ito ng katotohanan kundi kung matutuklasan at tatanggapin ba natin ito. Ang kaloob ay saganang ibinigay na sa atin ng Ama. Ang halaga para sa pinakalayunin ng kaloob na ito ay binayaran na ng Tagapagligtas. Ngunit kung naituro, nasabi, naawit na sa inyo ang katotohanang ito nang maraming taon, marahil ang kamangha-manghang kababalaghan nito ay matagal nang naglaho at hindi na ninyo nadarama ang kapangyarihan at kapayapaan nito.

Ngunit kung ang walang kapantay na kaloob na pang-unawa—at ang lahat ng kabutihan, kapayapaan, at pag-asa na dumadaloy mula sa Kanya—ay hindi tatanggapin, bubuksan, at ipagpapasalamat na natanggap, ito’y kahina-hinayang! Napakatinding kalungkutan sa Tagapagbigay! “Sapagkat ano ang kapakinabangan ng tao kung ang isang handog ay ipinagkaloob sa kanya, at hindi niya tinanggap ang handog? Masdan, hindi siya nagsasaya sa yaong ibinigay sa kanya, ni nasisiyahan sa kanya ang siyang nagkaloob ng handog.”

Inaanyayahan ko kayong tanggapin sa kauna-unahang pagkakataon, o sa mas marubdob kaysa rati, ang maluwalhating pagkatanto na kayo ay tunay na pinakamamahal na anak ng Diyos. Dapat ninyong alisin ang ribbon, punitin ang pambalot, buksan ang kahon, at sabik na tanggapin nang may mapagpakumbabang pasasalamat ang tunay at dalisay na pag-unawa sa saligang katotohanang ito. Ang Banal na Espiritu ay maaaring magbigay ng patotoo sa inyong puso na kayo ay tunay na anak ng Kataas-taasan.

Kapag tinatanggap ninyo ang maringal na katotohanang ito sa inyong kaluluwa at nadarama kapwa ang kapanatagan at kasiyahang dulot nito, naiiba ang inyong mga pinaniniwalaan! Madarama ninyo ang Kanyang pag-ibig, maririnig ang Kanyang tinig, at makikilala ang Kanyang kamay, anuman ang nangyayari, o hindi nangyayari, sa inyong buhay. Maaari ninyong baguhin ang paraan ng pagtingin ninyo sa inyong sarili at sa iba. Ang inyong tipan sa inyong Tagapagligtas ay nagiging mas malakas, at sa pamamagitan ng pananaw ng magandang kaloob na ito, ang buhay ay nagkakaroon ng bagong ningning, kagandahan, at pag-asa.

Ipagdasal din ninyo kung talagang natatanggap ninyo ang nakapagpapabagong kaalamang ito sa kaibuturan ng inyong kaluluwa? Tatanggapin ba ninyo ang kaloob? Gagawin ba ninyo ito nang mas taimtim, mas kusang-loob, at mas masagana kaysa sa nagawa na ninyo noon—at sa ganitong paraan ay mabigyan ng lahat ng iba pang mga kaloob na kaakibat nito?

Pagtanggap sa Kaloob na ito na Walang-Hanggang Katotohanan

Marahil ay nagtataka kayo, “Ano ang dapat kong gawin upang matanggap ang kaloob na ito mula sa Diyos?” Sa katunayan, wala. Ito ay kaloob mula sa Tagapagbigay. Ito ay simpleng katotohanan lamang. Tanggapin lamang ito. Kayo ay Kanyang anak. Minamahal Niya kayo. Huwag gawing kumplikado ito. Huwag hayaang mahadlangan ang pagtanggap ng kaloob na ito ng pag-iisip na hindi kayo karapat-dapat. Ang totoo, wala sa atin ang “karapat-dapat”—lahat ng kaloob ng Ama ay natatanggap lamang sa pamamagitan ng kabutihan, awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas, at pinakaaasam Niya na tanggapin ito ng bawat isa sa Kanyang mga anak. At kapag natanto ninyo ang inyong bago o panibagong pang-unawa, kayo ay magpasalamat sa Tagapagbigay ng kaloob na ito.

Mula nang makilala ko ang Panginoon noong nasa 20 ang edad ko, napukaw ako nang matantong ako ay tunay na anak ng Diyos. Kapag mas lubos kong nauunawaan ang kaloob na ito, mas malalaman ko kung sino ako at kung gaano ako lubos na minamahal. Ang ilang bagay na nakatulong sa akin na lumago sa pag-unawa ay ang mga salita ng banal na kasulatan, ang aking patriarchal blessing, pagsamba sa templo, paglilingkod sa iba, at sagradong panalangin sa aking Ama. Inisip ko na sana ay naiba o napawi ang kalungkutan, pasakit, at dalamhating nadama ko noon kung nalaman ko lang kaagad ang magandang katotohanang ito.

Lumapit kay Cristo at Tumanggap

Hinikayat tayo ni Moroni na “huwag ninyong itatwa ang mga kaloob ng Diyos,” kundi “lumapit kay Cristo, at manangan sa bawat mabuting kaloob.” Maaari kayong lumapit kay Cristo nang may pagtitiwala sa Kanyang mapagmahal na kabaitan at tanggapin ang lahat ng Kanyang mga kaloob na kagalakan, kapayapaan, pag-asa, liwanag, katotohanan, paghahayag, kaalaman, at karunungan—nakaangat ang inyong ulo, nakaunat ang inyong mga bisig, at nakabukas ang inyong mga kamay na handang tumanggap ng kagalakan. At maaari ninyong tanggapin ang mga kaloob na ito dahil kayo ay panatag at nakabatay sa kaalaman na kayo ay minamahal na anak na babae ng Diyos, kayo ay itinatanging anak na lalaki ng Diyos, at ipinagkaloob Niya sa inyo ang Kanyang perpektong banal na Anak upang tubusin kayo, bigyang-katwiran kayo, at pabanalin kayo.

Kayo ay anak ng Diyos. Hindi lamang ito isang magandang awiting kinakanta natin. Maaari bang tanggapin, buksan, at pahalagahan ninyo ang kaloob na ito mula sa Kanya? Ituturing ba ninyo ito bilang mahalagang kayamanan? Muling tanggapin ang kaloob na ito, o marahil ay talagang tanggapin ito sa kauna-unahang pagkakataon, at hayaan itong baguhin ang bawat aspeto ng inyong buhay. Ito ang higit na mabuting paraan na inihanda ng Diyos para sa inyo sa pamamagitan ng kaloob ng Kanyang Anak. Ganyan talaga kayo upang kayo ay magkaroon ng kagalakan! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.