2025
Elder B. Corey Cuvelier
Mayo 2025


“Elder B. Corey Cuvelier,” Liahona, Mayo 2025.

Elder B. Corey Cuvelier

General Authority Seventy

Nang ipahayag ni Elder B. Corey Cuvelier na aalis na siya sa kanyang trabaho para maging mission president sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, napatanong ang kanyang mga kasamahan, “Nababaliw ka ba?”

Sinabi ni Elder Cuvelier na nahirapang maunawaan ng kanyang mga kasamahan kung bakit siya lalayo sa kanyang maunlad na karera sa loob ng tatlong taon. Ngunit ang kanilang mga tanong ay mga oportunidad, aniya, ang “ibahagi kung bakit ginagawa natin ang ating ginagawa at kung bakit naniniwala tayo sa ating pinaniniwalaan at kanino tayo naniniwala. Kay Jesucristo.”

Isinilang si Brian Corey Cuvelier noong Enero 12, 1969, sa Los Angeles, California, kung saan siya inampon at lumaki. Ang kanyang ama, si Heinz Joachim Cuvelier, ay isang opisyal ng kapulisan. Ang kanyang ina, si JoAnn Leslie Jarnecke Cuvelier, ang nangangalaga sa tahanan. Siya ang panganay sa apat na magkakapatid.

Bilang misyonero noong kanyang kabataan, naglingkod si Elder Cuvelier sa Brazil São Paulo South Mission. Siya ay nagtapos sa Brigham Young University noong 1994 na may degree sa public relations. Sumapi siya sa Shell Oil Company noong 1996, kung saan nagtrabaho siya sa iba’t ibang yunit ng negosyo sa Hilagang Amerika.

Pinakasalan ni Elder Cuvelier si Wendi Sue Manwaring noong Hulyo 18, 1992, sa Los Angeles California Temple. Sila ay may apat na anak na lalaki. Ang mga Cuvelier ay naglingkod bilang mga lider ng misyon sa Brazil Curitiba South Mission mula 2016 hanggang 2019 at nakatira sa Katy, Texas, nang tawagin siya sa tungkulin.

Noon, naglingkod si Elder Cuvelier bilang Area Seventy sa North America Southwest Area, stake president, stake presidency counselor, high councilor, bishop, bishopric counselor, at ward Young Men president.