2025
Brother David J. Wunderli
Mayo 2025


“Brother David J. Wunderli,” Liahona, Mayo 2025.

Brother David J. Wunderli

Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency

Noon pa man ay alam na ni Brother David J. Wunderli na buhay si Jesucristo.

“Mapalad ako’t matagal ko nang nadarama ang Kanyang presensya,” sabi niya. “Noon pa ma’y may puso akong nananalig.”

Hindi ibig sabihin nito na wala siyang kinaharap na mga hamon sa buhay, “kundi ang aking mga pagninilay ay nakasalig sa kaalaman na may mga sagot na magmumula sa Kanya.”

Nais ni Brother Wunderli na madama ng mga kabataan ng Simbahan na kabilang sila at malaman na may mga kapanalig sila sa bawat bansa at na kilala sila ni Jesucristo sa pangalan.

Isinilang si David John Wunderli sa Salt Lake City noong Hunyo 22, 1961, kina Fredric Theodore Wunderli at Bernardine Lyman Wunderli. Nakilala niya si Diane Robins nang lumipat ito sa ward niya mula sa Canada. Nabuklod sila sa Salt Lake Temple noong 1984 at pinalaki ang kanilang apat na anak sa California at pagkatapos ay sa Alpine, Utah.

Naglingkod si Brother Wunderli sa Brazil Rio de Janeiro Mission at nagtapos ng bachelor’s degree sa accounting mula sa University of Utah na may minor subject na wikang Portuges. Nagtrabaho siya bilang isang executive sa Easton Sports at bilang pangulo ng OGIO International. Nakapaglingkod na rin siya sa ilang mga corporate at philanthropic board.

Nang tawagin siya sa tungkulin, naglilingkod siya noon sa Young Men general advisory council. Naglilingkod si Sister Wunderli sa general advisory council ng Primary. Mula 2020 hanggang 2023, naglingkod sila bilang mga lider ng Cape Verde Praia Mission. Si Brother Wunderli ay nakapaglingkod na rin bilang young single adult stake president at bishop, missionary training center branch presidency counselor, at ward Young Men president.