Tiwala sa Harapan ng Diyos
Sa masigasig nating paghahangad na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa at napupuspos ng kabanalan ang ating buhay, ang ating tiwala sa paglapit sa Diyos ay madaragdagan.
Mahal kong mga kapatid, salamat at makapagsasalita ako sa inyo ngayon, sa mahalagang pangkalahatang kumperensyang ito. Patuloy na ang paglabo ng mata ko. Salamat sa inyong pang-unawa sa paghahatid ko ng aking mensahe.
Nabubuhay tayo sa napakagandang momentum sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Masayang-masaya akong makita ang progreso sa maraming lugar.
Nabigyan ako lalo ng inspirasyon ng ating mga kabataan. Marami sa kanila ang nagbibigay ng serbisyo. Hinahanap nila ang kanilang mga ninuno at nagsasagawa ng mga ordenansa sa templo. Marami sa ating mga kabataan ang nagsusumite ng mga aplikasyon para sa paglilingkod bilang misyonero. Ang bagong henerasyon ay nagiging magigiting na tagasunod ni Jesucristo.
Kailan lang ay nakita ko ang bagong apo ko. Kapag naiisip ko ang magiging mga hamon niya sa buhay, gusto kong tulungan siyang magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo ay mahalaga para sa kanyang kaligayahan.
Siya, tulad natin, ay mahaharap sa mga hamon. Daranas tayong lahat ng karamdaman, pagkasiphayo, tukso, at kawalan. Maaaring madaig ng mga hamon na ito ang ating tiwala sa sarili. Gayunman, ang mga disipulo ni Jesucristo ay may kakaibang uri ng kumpiyansa.
Kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Diyos, maaari tayong magkaroon ng kumpiyansa na ito ay mula sa Espiritu. Sinabi ng Panginoon sa Propetang si Joseph Smith na ang ating pagtitiwala ay “titibay sa harapan ng Diyos.” Isipin ang kapanatagan ng pagkakaroon ng tiwala sa harapan ng Diyos!
Kapag binabanggit ko ang pagkakaroon ng tiwala sa harapan ng Diyos, ang tinutukoy ko ay ang pagkakaroon ng tiwala sa paglapit sa Diyos ngayon mismo! Ang tinutukoy ko ay ang pagdarasal nang may tiwala na dinirinig tayo ng Ama sa Langit, na nauunawaan Niya ang ating mga pangangailangan nang higit kaysa sa atin. Ang tinutukoy ko ay ang pagkakaroon ng tiwala na mahal Niya tayo nang higit kaysa sa kaya nating unawain, na nagpapadala Siya ng mga anghel upang makasama natin at ng mga yaong mahal natin. Ang tinutukoy ko ay ang pagkakaroon ng tiwala na nais Niyang tulungan ang bawat isa sa atin na maabot ang ating pinakamataas na potensiyal.
Paano tayo magkakaroon ng gayong tiwala? Sinagot ng Panginoon ang tanong na ito sa mga salitang ito: “Punuin din ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, … at puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon, ang iyong pagtitiwala ay titibay sa harapan ng Diyos.”
Iyan ang susi! Sa salita ng Panginoon, ang pag-ibig sa kapwa at kabanalan ang nagbubukas ng daan sa pagkakaroon ng tiwala sa harapan ng Diyos! Mga kapatid, magagawa natin ito! Ang ating pagtitiwala ay tunay na lalakas sa harapan ng Diyos, ngayon mismo!
Isaalang-alang natin kapwa ang pag-ibig sa kapwa at kabanalan.
Una, ang pag-ibig sa kapwa. Dalawang taon na ang nakalipas, nanawagan ako sa atin, bilang mga sumusunod sa tipan ni Jesucristo, na maging mga tagapamayapa. Uulitin ko ang sinabi ko noon: “Ang galit ay hindi nakahihikayat. Ang paglaban ay hindi nagpapalakas sa sinuman. Ang pagtatalo ay hindi kailanman humahantong sa mga inspiradong solusyon.”
Ang tunay na pag-ibig sa lahat ng tao ang tanda ng mga tagapamayapa! Kailangang mayroon tayong pag-ibig sa kapwa sa ating pagsasalita, kapwa sa publiko at pribado. Nagpapasalamat ako sa inyo na isinapuso ang nauna kong payo. Pero maaari pa natin itong pagbutihin.
Ang karahasan ngayon sa mga usapan sa publiko at sa social media ay nakababahala. Ang mga salitang puno ng galit ay mga sandatang nakamamatay. Ang pagtatalo ang humahadlang sa palaging pagsama sa atin ng Espiritu Santo.
Bilang mga alagad ni Jesucristo, tayo dapat ang manguna bilang mga tagapamayapa. Kapag naging bahagi ng ating pagkatao ang pag-ibig sa kapwa, mawawala ang tendensiya na maliitin ang iba. Titigilan natin ang panghuhusga sa iba. Magkakaroon tayo ng pag-ibig sa lahat ng tao. Ang pag-ibig sa lahat ng tao ay mahalaga sa ating progreso. Pag-ibig sa kapwa ang pundasyon ng makadiyos na pag-uugali.
Tayo nang sumamo sa ating Ama sa Langit na punuin ang ating puso ng dagdag na pag-ibig sa kapwa—lalo na sa mahirap mahalin—sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang kaloob mula sa ating Ama sa Langit para sa tunay na mga tagasunod ni Jesucristo. Ang Tagapagligtas ay ang Pangulo ng Kapayapaan. Dapat tayong maging mga kasangkapan para sa kapayapaan.
Ngayon naman ay pag-usapan natin ang kabanalan. Sinasabihan tayo ng Panginoon na puspusin ng kabanalan ang ating mga iniisip nang walang humpay. Isipin na lang ang lakas na matatanggap ninyo, sa anumang positibong kaisipan, kapag ginamitan ninyo ito ng kabanalan. Nagagawa ng kabanalan na mas mabuti at mas masaya ang lahat ng bagay! Sa kabilang banda, isipin ang mangyayari, kapag idinagdag ninyo ang kabanalan sa maruming kaisipan, malupit na kaisipan, o sa nakaka-depress na kaisipan. Itataboy ng kabanalan ang gayong mga kaisipan. Palalayain kayo ng kabanalan mula sa nakababalisa, nakababagabag na mga kaisipan.
Mga kapatid, habang lalong sumasama ang mundo, kailangan tayong lalo pang maging dalisay. Ang ating mga kaisipan, salita, at kilos ay kailangang palaging may kabanalan, at mapuspos ng dalisay na pag-ibig ni Jesucristo tungo sa lahat ng tao. Ang malaking oportunidad na nasa ating harapan ay ang maging ang mga tao na kailangan ng Diyos.
Ang regular na pagsamba sa bahay ng Panginoon ay nagdaragdag sa kakayahan nating magkaroon ng kabanalan at pag-ibig sa kapwa-tao. Kaya nga, ang oras natin sa templo ay nagpapaibayo sa tiwala natin sa sarili sa harapan ng Panginoon. Ang dagdag na oras sa templo ay tutulong sa atin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi natin alam ang araw o ang oras ng Kanyang pagdating. Pero alam ko na ipinahihiwatig sa akin ng Panginoon na himukin tayo na maghanda para sa “dakila at kakila-kilabot na araw” na iyon.
Sa masigasig nating paghahangad na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa at napupuspos ng kabanalan ang ating buhay, ang ating tiwala sa paglapit sa Diyos ay madaragdagan. Inaanyayahan ko kayong tahasang gumawa ng mga hakbang upang lumago ang inyong tiwala sa harapan ng Panginoon. At, sa paglapit natin sa ating Ama sa Langit nang may dagdag na tiwala, lalo tayong mapupuspos ng kagalakan, at ang inyong pananampalataya kay Jesucristo ay madaragdagan. Magsisimula tayong makadama ng espirituwal na kapangyarihan na higit kaysa sa ating mga dakilang inaasahan.
Nagpapasalamat tayo sa Panginoon sa pinabilis na pagtatayo ng mga templo nitong mga nakaraang taon. Sa ilalim ng Kanyang patnubay, ngayon, ay ibinabalita namin ang plano na magtayo ng templo sa 15 lugar na ito:
-
Reynosa, Mexico
-
Chorrillos, Peru
-
Rivera, Uruguay
-
Campo Grande, Brazil
-
Porto, Portugal
-
Uyo, Nigeria
-
San Jose del Monte, Philippines
-
Nouméa, New Caledonia
-
Liverpool, Australia
-
Caldwell, Idaho
-
Flagstaff, Arizona
-
Rapid City, South Dakota
-
Greenville, South Carolina
-
Norfolk, Virginia
-
Spanish Fork, Utah
Pinatototohanan ko na si Jesucristo, na Manunubos ng Israel, ang namumuno dito, sa Kanyang Simbahan. Siya ay naghahanda na muling pumarito. Nawa ay maghanda rin tayo na tanggapin Siya. Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.