Pangkalahatang Kumperensya
Ang Inyong Pagsisisi ay Hindi Nagpapabigat kay Jesucristo; Lalo Siyang Nagagalak Dito
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


11:44

Ang Inyong Pagsisisi ay Hindi Nagpapabigat kay Jesucristo; Lalo Siyang Nagagalak Dito

Ang paanyayang magsisi ay isang pagpapahayag ng pagmamahal ng Diyos. Ang pagtanggap sa paanyayang iyon ay pagpapahayag ng sa atin.

Ilang taon na ang nakalilipas, sa isang biyahe papunta sa Florida, umupo ako sa labas habang binabasa ang isang aklat. Ipinahihiwatig ng pamagat nito na makapapasok pa rin tayo sa langit, kahit na hindi tayo perpekto ngayon. Nagtanong ang isang babaeng dumaan, “Sa palagay mo ba ay posible iyon?”

Napatingin ako sa kanya, nalilito, pagkatapos ay natanto ko na ang aklat na binabasa ko ang tinutukoy niya. Katawa-tawa ang sinabi ko na parang, “Kaunti pa lang ang nababasa ko, pero ipapaalam ko sa iyo kung paano ito magwawakas.”

O, sana maaari akong maglakbay pabalik sa nakaraan! Sasabihin ko sa kanya, “Oo, posible iyon! Sapagkat ang langit ay hindi para sa mga taong naging perpekto; ito ay para sa mga taong napatawad, na paulit-ulit na pinipili si Cristo.”

Ngayon ay gusto kong mangusap sa mga kasama natin na nakadarama kung minsan na, “Tila ang pagsisisi at kapatawaran ay gumagana sa lahat maliban sa akin.” Sa mga taong napapaisip, “Dahil patuloy kong nagagawa ang parehong pagkakamali, baka ganito na talaga ako.” Sa mga katulad ko, na may mga araw na sa pakiramdam ay napakatarik ng landas ng tipan, parang pag-akyat sa bundok ang tipan!

Ang isang kahanga-hangang missionary sa Australia, si Elder QaQa na mula sa Fiji, ay nagbahagi ng katulad na pakiramdam sa kanyang huling patotoo bago siya umuwi: “Alam kong mahal ako ng Diyos, pero minsan naiisip ko, ‘alam ba ng Diyos na mahal ko Siya?’ Dahil hindi ako perpekto, at nagkakamali pa rin ako.”

Sa magiliw pero nakababahalang tanong na iyon, ibinuod ni Elder QaQa kung ano mismo ang madalas kong ipag-alala. Marahil napapaisip din kayo, “Talagang nagsisikap ako, pero alam ba ng Diyos na talagang nagsisikap ako? Kapag nagkukulang ako, alam ba ng Diyos na mahal ko pa rin Siya?”

Nalulungkot akong aminin ito, pero sinusukat ko rin noon ang aking kaugnayan sa Tagapagligtas sa kung gaano kaperpekto ang buhay ko. Akala ko ang masunuring pamumuhay ay hindi na ako kailangang magsisi pa. At kapag nagkakamali ako, na nangyayari araw-araw, inilalayo ko ang sarili ko sa Diyos, iniisip na, “Malamang na talagang dismayado Siya sa akin.”

Pero hindi iyon totoo.

Natutuhan ko na kung maghihintay ka hanggang sa maging sapat na malinis o sapat na perpekto ka upang lumapit sa Tagapagligtas, hindi mo nakuha ang buong punto!

Paano kung iba ang pagkaunawa natin sa mga tipan at pagsunod?

Pinatototohanan ko na bagaman nababalisa ang Diyos sa ating mga pagkakamali, mas mahalaga sa Kanya kung ano ang mangyayari pagkatapos nating magkamali. Babaling ba tayo sa Kanya nang paulit-ulit? Mananatili ba tayo sa pinagtipanang ugnayan na ito?

Marahil naririnig ninyo ang mga salita ng Panginoon, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” at pinanghihinaan kayo ng loob dahil hindi ninyo natutupad ang lahat ng kautusan. Ipaaalala ko sa inyo na isang kautusan din ang magsisi! Sa katunayan, marahil ito ang kautusan na pinakamadalas ulitin sa banal na kasulatan.

Sa monologo ni Alma, “O na ako’y isang anghel, at matatamo ang mithiin ng aking puso … at mangaral ng pagsisisi,” hindi niya tangkang ipahiya tayo sa pamamagitan ng pagtukoy sa ating mga pagkakamali. Nais niyang mangaral ng pagsisisi upang tayo ay makaiwas sa pagdurusa sa mundo. Ang isang dahilan kung bakit ayaw ni Alma sa kasalanan ay dahil sa nagdudulot ito ng pasakit.

Kung minsan ay kailangan kong tandaan, tulad ng isang paalala na nakadikit sa aking noo, na ang mga kautusan ay ang landas palayo sa pasakit. At gayon din ang pagsisisi. Sinabi ng ating propeta, “Mahal tayo ng Tagapagligtas sa tuwina pero lalo na kapag nagsisisi tayo.”

Kaya kapag sinasabi ng Panginoon na, “Magsisi kayo, magsisi kayo,” isipin ninyo na sinasabi Niyang, “Mahal ko kayo. Mahal ko kayo.” Isipin ninyo na nakikiusap Siya sa inyo na iwaksi ang ugali na nakasasakit sa inyo, inaanyayahan kayo na lumabas sa kadiliman at bumaling sa Kanyang liwanag.

Sa ward ng aking anak na si Carly, isang bagong priest ang lumuhod upang basbasan ang sakramento, at sa halip na sabihin na, “Nang ito ay kanilang magawa bilang pag-alaala sa dugo ng inyong Anak,” hindi niya sinasadyang nasabi na, “Nang ito ay kanilang magawa bilang pag-alaala sa pagmamahal ng inyong Anak.” Napuno ng luha ang mga mata ni Carly nang tumimo ang katotohanan ng mga salitang iyon.

Handang pagdusahan ng ating Tagapagligtas ang pasakit ng Kanyang Pagbabayad-sala dahil mahal Niya kayo. Sa katunayan, kayo ang “kagalakang inilagay sa kanyang harapan” habang Siya ay nagdurusa.

Ang paanyayang magsisi ay isang pagpapahayag ng pagmamahal ng Diyos.

Ang pagtanggap sa paanyayang iyon ay pagpapahayag ng sa atin.

Isipin ang inyong paboritong imahe ni Cristo. Ngayon, isipin na ngumingiti Siya nang may labis na kagalakan sa tuwing ginagamit ninyo ang Kanyang kaloob, dahil Siya ang “ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”

Oo, ang inyong pagsisisi ay hindi nagpapabigat kay Jesucristo; lalo Siyang nagagalak dito!

Iyon ang ituro natin!

Dahil ang pagsisisi ang ating pinakamagandang balita!

Hindi tayo nananatili sa landas ng tipan sa pamamagitan ng hindi paggawa ng pagkakamali kailanman. Nananatili tayo sa landas sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw.

At kapag nagsisisi tayo, nagpapatawad ang Diyos nang hindi tayo ipinapahiya, ikinukumpara sa sinuman, o pinagagalitan dahil ito rin ang bagay na pinagsisihan natin noong nakaraang linggo.

Nasasabik Siya sa tuwing nakikita Niya tayong nakaluhod. Nagagalak Siyang patawarin tayo dahil tayo ay kalugod-lugod sa Kanya!

Hindi ba ninyo nadarama na totoo iyon?

Kung gayon, bakit hirap na hirap tayong paniwalaan ito?!

Si Satanas, ang dakilang tagapagparatang at manloloko, ay gumagamit ng kahihiyan upang ilayo tayo sa Diyos. Ang kahihiyan ay isang napakabigat na kadiliman kaya naman tila kapag inalis ito sa inyong katawan, may aktuwal na timbang ito.

Ang kahihiyan ang tinig na nagpapasama ng loob ninyo, nagsasabing, “Ano ang iniisip mo?” “May nagagawa ka pa bang tama?”

Ang kahihiyan ay hindi nagsasabing nakagawa tayo ng pagkakamali; nagsasabi ito sa atin na tayo mismo ang ating mga pagkakamali. Marahil maririnig pa ninyo, “Magtago ka.” Ginagawa ng kaaway ang lahat ng kanyang makakaya upang panatilihing mabigat ang ating kalooban, sinasabi sa atin na ang kapalit ay masyadong malaki, na mas madali kung mananatili ito sa kadiliman, inaalis ang lahat ng pag-asa.

Si Satanas ang magnanakaw ng pag-asa.

At kailangan ninyo itong marinig, kaya sasabihin ko ang mga salitang ito nang malakas: Hindi kayo ang tinig sa inyong isipan o ang mga pagkakamaling nagawa ninyo. Marahil kailangan din ninyong sabihin iyon nang malakas. Sabihin kay Satanas, “Hindi ngayon.” Palayuin ninyo siya.

Damhin ang paghila na iyon, ang kalungkutang mula sa Diyos na nagbabaling sa inyo tungo sa inyong Tagapagligtas, at masdan ang Kanyang biyaya na pumasok sa inyong buhay at sa buhay ng mga taong mahal ninyo. Ipinapangako ko na sa oras na lakas-loob tayong lumapit sa Kanya nang may bagbag na puso, naroon Siya kaagad.

Kung may nakita kayong isang taong nalulunod, hindi ba ninyo iaabot ang inyong kamay at ililigtas siya? Naiisip ba ninyo ang inyong Tagapagligtas na tinatanggihan ang inyong nakaunat na kamay? Naiisip ko na sumisisid Siya sa tubig, nagpapakababa sa lahat ng bagay upang iangat tayo nang sa gayon ay makahinga tayo! Walang lulubog nang mas malalim kaysa sa kayang abutin ng liwanag ni Cristo.

Ang Tagapagligtas ay habampanahong mas maliwanag kaysa sa kadiliman ng kahihiyan. Hindi Niya kailanman aatakihin ang inyong halaga. Kaya masdang mabuti.

  • Isipin na kumakatawan ang kamay na ito sa halaga.

  • Kumakatawan ang kamay na ito sa pagsunod. Marahil kayo ay nagising ngayong umaga, sumambit ng makabuluhang panalangin, at sinaliksik ang mga banal na kasulatan upang marinig ang tinig ng Diyos. Kayo ay nakagawa ng mabubuting desisyon at nakikitungo sa mga tao sa paligid ninyo sa paraang tulad ng gagawin ni Cristo. Kayo ay nakikinig sa pangkalahatang kumperensya! Ang inyong pagsunod ay narito!

  • O marahil, hindi masyadong maganda ang nangyayari. Kamakailan ay nahihirapan kayong gawin ang maliliit at simpleng bagay na iyon upang makakonekta sa langit. May nagawa kayong mga desisyon na hindi ninyo ipinagmamalaki.

  • Nasaan ang inyong halaga? Gumalaw ba ang kamay na ito?

Ang inyong halaga ay hindi nakatali sa pagsunod. Ang inyong halaga ay nananatiling pareho; hindi ito nagbabago kailanman. Ibinigay ito sa inyo ng Diyos, at kayo o ang sinuman ay walang magagawa upang mabago ito. Ang pagsunod ay nagdudulot ng mga pagpapala; totoo iyon. Pero ang halaga ay hindi kasama sa mga ito. Ang inyong halaga ay laging “labis-labis sa paningin ng Diyos,” hindi alintana kung saan kayo dinala ng inyong mga desisyon.

Bagaman nakagagawa ako ng mga pagkakamali, gusto kong manatili sa pinagtipanang ugnayan kay Cristo, at sasabihin ko sa inyo kung bakit.

Ako ay lumaking kumukuha ng mga lesson sa pag-dive sa tubig at natuto na kapag nagbibigay ng iskor ang mga hurado sa pag-dive, pinanonood nila ang pagsasagawa. Ang pagpasok ba sa tubig ay tuwid na tuwid, at nakatuwid ba ang mga daliri sa paa at kaunti lamang ang talsik ng tubig? Pagkatapos ay gumagawa sila ng isang bagay na kahanga-hanga. Isinasaalang-alang nila ang antas ng hirap.

Bawat isa ay nagdaranas ng sarili nilang antas ng paghihirap. At ang inyong Tagapagligtas ang tanging tunay na nakaaalam ng dinaranas ninyong paghihirap. Gusto ko ng ugnayan sa nag-iisang nilalang na nakauunawa sa akin, siya na nakaaalam sa nilalaman ng aking puso at kung gaano ako nagsisikap!

Alam Niya na ang abu-abo ng kadiliman ay bumabalot sa ating lahat na manlalakbay at na ang ating paglalakbay ay dumaraan sa ilog ng maruming tubig—kaya kahit nakahawak tayo sa gabay na bakal, maaapektuhan pa rin tayo ng kasamaan sa paligid natin.

Ang paglapit kay Cristo ay pagsasabing, “Maaari ba ninyo akong tulungan?” nang may pag-asa, isang inihayag na katiyakang ang Kanyang mga bisig ay nakaunat sa inyo lagi. Naniniwala ako na ang bagong pananaw na ito sa pagsisisi ay nangangahulugan na kahit hindi perpekto ang pagsunod natin sa ngayon, gayunman, sinusubukan natin ang pagsunod nang may pagmamahal ngayon, pinipiling manatili, nang paulit-ulit, dahil mahal natin Siya.

Naaalala ba ninyo ang mga tao ni Haring Benjamin na wala nang hangaring gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti? Sa palagay ninyo, sila ba ay nagligpit ng kanilang mga tolda, umuwi, at hindi na nakagawa ng isa pang pagkakamali kailanman? Siyempre hindi! Ang kaibhan ay hindi na nila ninais na magkasala. Sila ay may mapagmahal na pagsunod! Ang kanilang mga puso ay nakatuon at nakaayon sa Diyos bagama’t nahihirapan sila!

Minsan, sa may dalampasigan, nakakita ako ng isang ibong lumilipad sa ere, ipinapagaspas nang todo ang mga pakpak nito, halos walang humpay, pero nananatili sa iisang lugar. Pagkatapos ay may napansin akong isa pang ibon, na mas mataas ang lipad. Ito ay nakasabay sa ihip ng hangin at umaangat nang madali, hindi alintana ang hangin. Iyon ang kaibhan sa pagitan ng pagsubok na gawin ito nang tayo lang mag-isa at ng pagbaling sa ating Tagapagligtas, hinahayaan Siyang iangat tayo, na may “pagpapagaling sa kanyang mga pakpak.”

Bilang mga lider ng misyon sa Australia, sa aming huling pagbisita sa bawat missionary, nagsalita kami tungkol sa 3 Nephi 17, kung saan malapit ang mga tao sa Tagapagligtas at narinig nila Siyang nananalangin para sa kanila. Itinanong namin, “Kung maririnig ninyo ang Tagapagligtas na nananalangin para sa inyo, ano sa palagay ninyo ang sasabihin Niya?”

Ang marinig ang kanilang mga sagot ay isa sa mga pinakaespirituwal na karanasan ng aking buhay. Ang bawat isa sa mga missionary na iyon ay napahinto, at napuno ng mga luha ang kanilang mga mata nang ipaalala namin sa kanila, “Alam ng inyong Tagapagligtas ang antas ng paghihirap na nararanasan ninyo. Nadama na Niya ito!”

Ito ang tahimik at magiliw na ibinahagi ng mga missionary na iyon: Sinabi ng isang sister, “Sasabihin ni Jesus sa Ama, ‘Ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya. Alam ko kung gaano ang pagsisikap niya.’” Sabi ng isang elder, “Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa kanyang buhay, ipinagmamalaki ko siya.”

Subukan natin ito. Ngayong gabi, bago kayo manalangin, isipin na malapit lamang si Jesucristo. Siya ang inyong Tagapamagitan sa Ama. Itanong sa inyong sarili, “Ano ang sasabihin ng aking Tagapagligtas sa Ama tungkol sa akin?”

At pagkatapos ay manahimik.

Pakinggan ang tinig na iyon na nagsasabi ng magagandang bagay tungkol sa inyo—ang tinig ng Tagapagligtas, ang inyong pinakamatalik na kaibigan, at ang inyong Ama sa Langit, na talagang nariyan. Tandaan, ang Kanilang pagmamahal at ang inyong halaga ay laging malaki, anuman ang mangyari!

Nakatayo ako rito upang magpatotoo na si Jesucristo ay nagbibigay ng liwanag sa mga taong nasa kadiliman. Kaya, sa mga araw na iyon kung kailan nadarama ninyong sinasabihan kayo ng tinig na iyon na magtago, na dapat kayong magtago sa madilim na silid nang mag-isa, inaanyayahan ko kayo na maging matapang at maniwala kay Cristo! Kumilos at buksan ang Ilaw—ang ating Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa.

Balot ng Kanyang liwanag, makikita ninyo ang mga tao sa paligid ninyo na nadamang nag-iisa rin sila, pero ngayong bukas na ang ilaw, magtataka kayo at sila, “Bakit ba tayo takot na takot sa dilim? At bakit tayo nanatili roon nang matagal?”

“Nawa’y balutin kayo ng Panginoon ng Liwanag sa Kanyang mga bisig at aluin at mahalin kayo nang tuluy-tuloy.” Nawa’y patuloy natin Siyang mahalin at paulit-ulit natin Siyang piliin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.