Ikaw ang Cristo
(Mateo 16:16)
Nais natin na maniwala ang ating mga anak kay Jesucristo, ilaan ang sarili nila kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng tipan, at magsikap na maging katulad ni Jesucristo.
Noong nasa ikaapat na baitang ang aming anak na si Eli, gumawa ang klase nila ng kunwa-kunwariang gobyerno kung saan hinirang siya ng kanyang mga kaklase na magsilbing hukom ng klase. Isang araw ay bumisita ang isang nakaupong hukom mula sa Utah Second District, isinuot kay Eli ang kanyang opisyal na damit ng hukom, at pagkatapos ay pinanumpa siya sa tungkulin para sa klase nila. Ito ang nagpaalab sa batang isipan ni Eli ng masidhing pagnanais na pag-aralan ang batas at ang mismong Tagapagbigay ng Batas na si Jesucristo.
Pagkaraan ng mga taon ng masigasig na pagsisikap, tumanggap ng paanyaya si Eli na mainterbyu sa isa sa kanyang nangungunang mga pinagpipiliang law school. Sabi niya, “Inay, 10 bagay ang itinanong sa akin. Ang huling tanong ay, ‘Saan mo nakuha ang moralidad mo?’ Sinabi ko na sa buong kasaysayan nakuha ng sangkatauhan ang kanilang moralidad sa pag-ayon ng kanilang buhay sa mga huwaran. Ang huwaran ng moralidad na sinikap kong tularan sa buhay ko ay ang kay Jesucristo. Sinabi ko na kung susundin ng buong sangkatauhan ang mga turo ni Jesucristo sa Sermon sa Bundok, magiging mas maganda at mas mapayapa ang mundo.” At natapos ang interbyu, at naisip niya sa sarili niya, “Hindi ko na makakamtan ang mga pangarap ko noong bata ako. Walang sinuman sa sekular na mundo ang nais makarinig ng tungkol kay Jesucristo.”
Makalipas ang dalawang linggo, natanggap si Eli at binigyan ng scholarship. Bago niya ito tinanggap, binisita namin ang campus. Mukhang kastilyo ang law school at nasa itaas ng isang burol kung saan tanaw ang isang magandang lawa. Ang kapansin-pansin, nang libutin namin ang malaking library at mararangyang pasilyo, nakita namin sa banderitas at nakaukit sa bato ang mga katangian mula sa Sermon sa Bundok.
Ang Sermon sa Bundok talaga ang pinakadakilang talumpating ipinahayag, na nagpasimula sa mga turo nito. Wala nang iba pang sermon na mas makapagpapaunawa sa atin ng pagkatao ni Jesucristo, ng Kanyang mga banal na katangian, at ng ating pinakalayunin na maging katulad Niya.
Ang habambuhay na pagiging disipulo ni Jesucristo ay nagsisimula sa ating tahanan—at sa Primary sa murang edad na 18 buwan. Nais natin na maniwala ang ating mga anak kay Jesucristo, ilaan ang sarili kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng tipan, at magsikap na maging katulad ni Jesucristo.
Maniwala kay Jesucristo
Una, maniwala kay Jesucristo.
Matapos ang sermon tungkol sa Tinapay ng Buhay, “marami sa [mga alagad ng Panginoon]” ang nahirapang tumanggap sa Kanyang mga turo at doktrina, at “tumalikod at hindi na sumama sa kanya.” Sa gayo’y bumaling si Jesus sa Labindalawa at nagbigay ng makabagbag-damdaming tanong, “Ibig din ba ninyong umalis?”
Sumagot si Pedro:
“Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.
“… Kami’y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang [Anak ng buhay na] Diyos.”
Tulad ng ipinamalas ni Pedro, ang paniniwala ay “ang magkaroon ng pananampalataya sa isang tao o tanggaping totoo ang isang bagay.” At para humantong sa kaligtasan ang ating pananampalataya, kailangan ay nakasentro ito sa Panginoong Jesucristo. Sumasampalataya tayo kay Jesucristo kapag nakatitiyak tayo na Siya ay buhay, nauunawaan natin ang Kanyang tunay at likas na pagkatao, at batid natin na nagsisikap tayong mamuhay ayon sa Kanyang kalooban.”
Ipinahayag ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pananampalataya kay Jesucristo ang saligan ng lahat ng paniniwala at paraan sa pagtatamo ng banal na kapangyarihan.”
Paano natin matutulungan ang mga bata na mapalakas ang kanilang paniniwala kay Jesucristo at matamo ang Kanyang banal na kapangyarihan? Hindi na natin kailangang umasa pa sa iba kundi sa ating Tagapagligtas mismo.
“[Ang Panginoon ay] nangusap sa mga tao, sinasabing:
“Masdan, ako si Jesucristo, …
“Bumangon at lumapit sa akin. …
“… Ang maraming tao ay lumapit, at inihipo ang kanilang mga kamay sa kanyang tagiliran, at sinalat ang bakas ng pako sa kanyang mga kamay at kanyang mga paa; at ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit … at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan at nagpatotoo, na ito ay siya nga.”
Inaanyayahan ko kayong pagnilayan kung paano ito maipamumuhay ng mga batang musmos. Kanila bang naririnig ang mga patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Kanila bang nakikita ang kapita-pitagan at kasamba-sambang mga larawan ng Kanyang ministeryo at pagka-Diyos? Kanila bang nadarama at napapansin ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa Kanyang katotohanan at kabanalan? Kanila bang nalalaman ang Kanyang mensahe at misyon?
Ilaan ang Sarili kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan
Pangalawa, ilaan ang sarili kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan.
Naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin ang malaking pagbabago ng puso at sa pakikipagtipan ay inilaan ang kanilang buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Dahil sa ginawa nilang pakikipagtipan sa Diyos at kay Jesucristo, sila ay “tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae.” Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, mayroon tayong responsibilidad sa tipan na itayo ang Kanyang kaharian at maghanda para sa Kanyang pagbalik.
Paano natin matutulungan ang mga bata na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan? Sa manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, sa apendise A at B, makikita natin ang mga panimulang pag-uusap at lesson na magtataguyod sa mga pamilya at susuporta sa mga guro at lider sa kanilang sagradong responsibilidad na ihanda ang mga bata para sa habambuhay na pagtahak sa landas ng tipan ng Diyos.
Maging katulad ni Jesucristo
Pangatlo, maging katulad ni Jesucristo.
Sa Aklat ni Mormon, pinaalalahanan ng Tagapagligtas ang Kanyang bagong tawag na mga disipulo na tularan Siya nang lubusan hangga’t maaari: “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.”
Paano natin matutulungan ang mga nabinyagan at nakumpirmang mga bata na tuparin ang kanilang responsibilidad sa tipan na tipunin ang kanilang sarili at ang iba kay Jesucristo? Sa habambuhay na pagkadisipulo, kailangan tayong “maging tagatupad … ng salita, at hindi tagapakinig lamang.”
Kapag nagpaparating ng mga paanyaya sa pinakabatang mga disipulo ng Panginoon, samantalahin sana ninyo ang oportunidad na akayin sila, gabayan sila, lumakad sa tabi nila, at tulungan silang matagpuan ang Daan. Payuhan ang natatanging mga batang musmos na ito habang naghahanda silang magturo, magpatotoo, magdasal, o maglingkod upang sila ay maging tiwala at magalak sa pagtupad sa kanilang mga responsibilidad. Maghanap ng inspiradong mga paraan para matulungan silang malaman na ito ang kanilang Simbahan at mayroon silang mahalagang papel na gagampanan sa paghahanda para sa pagbalik ng Tagapagligtas.
Kapag kay Jesucristo natin itinuon ang ating buhay, ang ating hangarin, at kung paano natin ito hinahangad, ay magbabago magpakailanman. Binabago ng pagbabalik-loob ang lahat! Binabago nito ang ating likas na pagkatao “kaya nga [tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti.” Binabago nito kung paano natin ginugugol ang ating oras, ating kabuhayan; kung ano ang ating binabasa, pinanonood, pinakikinggan, at ibinabahagi. Binabago pa nito kung paano tayo tumutugon sa isang marangal at pang-akademikong interbyung makaaapekto nang husto sa ating trabaho.
Kailangan nating punuin ng Liwanag ni Jesucristo ang bawat sulok ng ating buhay. Kung hindi tayo nagpapatotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang pagiging Diyos bago Siya isinilang, sa Kanyang banal na misyon, at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli na ginawang posible na mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at mabuhay na muli sa ating mga tahanan at sa bawat miting ng Simbahang ito, kung magkagayon, ang ating mga mensahe ng pagmamahal, paglilingkod, katapatan, pagpapakumbaba, pasasalamat, at habag ay maaaring maging isang masayang mensahe na lamang tungkol sa maingat na pamumuhay. Kung wala si Jesucristo walang kapangyarihang magbago, walang layuning hahangarin, at walang pag-uugnay ng mga hamon ng buhay sa mga layunin at alituntunin ng ebanghelyo. Kung magiging kaswal tayo sa ating pagiging disipulo ni Jesucristo, maaaring hindi ito makabuti sa ating mga anak.
Kapag sinasabi natin sa ating mga anak na mahal natin sila, sinasabi rin ba natin sa kanila na mahal sila ng kanilang Ama sa Langit at ng Tagapagligtas na si Jesucristo? Ang ating pagmamahal ay maaaring makaaliw at makahikayat, ngunit ang Kanilang pagmamahal ay maaaring magpabanal, magpadakila, at magpagaling.
Ang Jesus na ito ay hindi dapat maging isang Jesus na kathang-isip lamang, o isang Jesus na simple lamang, o isang Jesus na walang katawan, o isang Jesus na karaniwan, o isang Jesus na hindi kilala, kundi isang niluwalhati, makapangyarihan sa lahat, nabuhay na mag-uli, dinakila, kasamba-samba, at napakalakas na Bugtong na Anak ng Diyos, na may kapangyarihang magligtas. At tulad ng isang batang musmos sa Pilipinas na makabagbag-damdaming nagpatotoo sa akin isang araw, “Sulit tayong iligtas!” Sa sagrado at banal na pangalan Niya “na siyang inialay ng Diyos bilang [dakilang] handog na pantubos,” na si Jesucristo, amen.