Pangkalahatang Kumperensya
Mga Banal na Tulong para sa Mortalidad
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


14:40

Mga Banal na Tulong para sa Mortalidad

Ang plano ng ating Ama sa Langit ay nagbibigay ng tulong na gagabay sa atin sa buong panahon ng ating mortal na paglalakbay.

I.

Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ilang bagay ang inihayag ng Panginoon tungkol sa ating buhay bago pa tayo isinilang sa lupa. Doon, nabuhay na tayo bilang mga espiritung anak ng Diyos. Dahil nais tulungan ng Diyos ang Kanyang mga anak na umunlad, nagpasiya Siyang lumikha ng isang mundo kung saan maaari tayong tumanggap ng katawan, matuto sa pamamagitan ng karanasan, magkaroon ng mga banal na katangian, at subukan kung susundin natin ang mga kautusan ng Diyos. Sila na mga kwalipikado ay “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan” (Abraham 3:26).

Upang maitakda ang mga kondisyon ng banal na planong ito, pinili ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na maging Tagapagligtas natin. Si Lucifer, na nagmungkahi ng alternatibong sisira sa kalayaan ng tao ay naging Satanas at “pinalayas.” Itinaboy sa lupa at pinagkaitan ng mga pribilehiyo sa mortal na buhay na ito, pinahintulutan si Satanas na subukang “linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa tinig ng [Diyos]” (Moises 4:4).

Mahalaga sa dakilang plano ng Diyos para sa mortal na pag-unlad ng Kanyang mga anak ang makaranas sila ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). Kung paanong ang ating pisikal na kalamnan ay hindi maaaring lumaki o mapanatili nang hindi lumalaban sa batas ng gravity, gayundin sa mortal na pag-unlad ay kailangang paglabanan natin ang mga tukso ni Satanas at iba pang pagsalungat sa buhay na ito. Ang pinakamahalaga para sa espirituwal na pag-unlad ay ang kinakailangang pagpili sa pagitan ng mabuti at masama. Sila na mga pumipili ng mabuti ay uunlad tungo sa kanilang walang-hanggang tadhana. Sila na mga pumili ng masama—na gagawin ng lahat ng tao sa gitna ng iba’t ibang tukso na mayroon sa mortalidad—ay mangangailangan ng tulong para maligtas, na ilalaan ng mapagmahal na Diyos.

II.

Kung tutuusin, ang pinakamalakas na tulong ng Diyos sa buhay na ito ay ang Kanyang paglalaan ng Tagapagligtas, na si Jesucristo, na siyang magdurusa para magbayad-sala at magpatawad sa mga kasalanang pinagsisihan. Ipinaliliwanag ng Pagbabayad-sala, na puspos ng awa at kaluwalhatian, kung bakit ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay “nagdala upang mapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay” (Alma 42:23), at ito ay “[nagbabayad-sala] para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (Alma 34:8), binubura ang lahat ng ating pinagsisihang kasalanan at binibigyan ng kapangyarihan ang ating Tagapagligtas na tulungan tayo sa ating mga kahinaan sa buhay na ito.

Ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Bukod sa maluwalhating pagbura ng mga kasalanang nagawa at pagpapatawad, ang plano ng isang mapagmahal na Ama sa Langit ay naglalaan ng marami pang mga kaloob upang protektahan tayo, pati na ang pagprotekta sa atin mula sa paggawa ng kasalanan sa simula pa lang. Ang ating mortal na buhay ay laging nagsisimula kasama ang isang ama at ina. Ideyal na pareho silang nariyan, na may iba’t ibang kaloob para gumabay sa ating paglaki. Kung wala sila, ito ay bahagi ng pagsalungat na dapat nating pagtagumpayan.

III.

Ang plano ng ating Ama sa Langit ay nagbibigay ng iba pang tulong na gagabay sa atin sa buong panahon ng ating mortal na paglalakbay. Ilalahad ko ang apat sa mga ito. Ang mababanggit ko ay maaaring hindi lamang apat, dahil magkakatuwang ang mga tulong na ito. At gayundin, may iba pang mga karagdagang proteksyon na puno ng awa bukod sa mga ito.

Una, ibabahagi ko ang tungkol sa Liwanag o Espiritu ni Cristo. Sa kanyang dakilang turo sa aklat ni Moroni, binanggit ni Moroni ang sinabi ng kanyang ama na “ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama” (Moroni 7:16). Mababasa natin ang parehong turo sa mga makabagong paghahayag:

“At ang Espiritu ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig; at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu” (Doktrina at mga Tipan 84:46).

Muli: “Sapagkat ang aking Espiritu ay isinugo sa daigdig upang bigyang-liwanag ang mga mapagpakumbaba at nagsisisi, at para sa kaparusahan ng mga di maka-diyos” (Doktrina at mga Tipan 136:33).

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang mga banal na kasulatang ito: “Hindi iniiwan ng Panginoon ang mga tao (kapag sila ay isinisilang sa mundong ito) na mahihina, na nangangapa sa paghanap ng liwanag at katotohanan, bagkus, ang bawat tao … ay isinisilang na may karapatang tumanggap ng patnubay, ng tagubilin, ng payo ng Espiritu ni Cristo o Liwanag ng Katotohanan.”

Pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Ang pangalawa sa mga dakilang tulong na ibinigay ng Panginoon para tulungan tayong pumili ng tama ay isang grupo ng banal na tagubilin sa mga banal na kasulatan bilang bahagi ng plano ng kaligtasan (plano ng kaligayahan). Ang mga tagubiling ito ay mga kautusan, ordenansa, at tipan.

Ang mga kautusan ang tumutukoy sa landas na minarkahan ng ating Ama sa Langit para sa atin upang umunlad tayo tungo sa buhay na walang-hanggan. Ang mga taong tinitingnan ang mga kautusan bilang paraan ng pagpapasiya ng Diyos kung sino ang parurusahan ay hindi nauunawaan ang layuning ito ng plano ng kaligayahan ng Diyos na mapagmahal. Sa landas na iyon, maaari nating unti-unting makuha ang kinakailangang kaugnayan sa ating Tagapagligtas at nagiging karapat-dapat sa karagdagang kapangyarihan Niya na tutulong sa atin sa landas na tatahakin natin tungo sa lugar na nais Niyang marating nating lahat. Nais ng ating Ama sa Langit na makabalik ang lahat ng Kanyang mga anak sa kahariang selestiyal, kung saan naninirahan ang Diyos at ang ating Tagapagligtas, at matamasa ang uri ng buhay ng mga nilalang na naninirahan sa selestiyal na kaluwalhatiang iyon.

Ang mga ordenansa at tipan ay bahagi ng batas na tumutukoy sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan. Ang mga ordenansa, at ang mga sagradong tipan na ginagawa natin sa Diyos sa pamamagitan ng mga ito, ay mga kinakailangang hakbang at mahahalagang gabay sa landas na iyon. Gusto kong isipin ang ginagampanang papel ng mga tipan bilang pagpapakita na sa ilalim ng plano ng Diyos, ang Kanyang pinakamataas na pagpapala ay ibinibigay sa mga taong nangangako nang maaga na may mga kautusan silang susundin at tinutupad ang mga pangakong iyon.

Isa sa mga tulong na bigay ng Diyos para makagawa tayo ng tamang pagpili ay ang mga paghahayag ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Ang tungkulin Niya, na nakasaad sa banal na kasulatan, ay magpatotoo sa Ama at sa Anak, turuan tayo, ipaalala sa atin ang lahat ng bagay, at patnubayan tayo sa lahat ng katotohanan. Maraming paglalarawan sa mga paghahayag ng Espiritu Santo ang napapaloob sa mga banal na kasulatan, tulad ng isang espirituwal na patotoo na tugon sa pagtatanong tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Ang paghahayag na ito ay hindi dapat pagkamalang kaloob na Espiritu Santo, na iginagawad kasunod ng binyag.

Isa sa pinakamahalagang tulong ng Diyos sa Kanyang matatapat na anak ang kaloob na Espiritu Santo. Makikita ang kahalagahan ng kaloob na ito sa katotohanan na pormal itong iginagawad kasunod ng pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig, “at pagkatapos [paliwanag ng mga banal na kasulatan] darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan” (2 Nephi 31:17). Ang mga taong nakatatanggap ng ganitong kapatawaran ng mga kasalanan—at pagkatapos ay regular na nagpapanibago ng kanilang pagkakalinis sa pamamagitan ng araw-araw na pagsisisi at pamumuhay sa tipan na kanilang ginagawa sa pamamagitan ng ordenansa ng sakramento—ay karapat-dapat sa pangako na ang Espiritu Santo, ang Espiritu ng Panginoon, ay “sa tuwina … makasama nila” (Doktrina at mga Tipan 20:77).

Pangulong Joseph F. Smith.

Itinuro nga ni Pangulong Joseph F. Smith na gagawin ng Espiritu Santo na “liwanagin ang mga isipan ng mga tao hinggil sa mga bagay ng Diyos, hikayatin sila kasabay ng kanilang pagbabalik-loob na gawin nila ang kalooban ng Ama, at mapasasakanila ang isang palaging patotoo na makakasama sa buong buhay, kumikilos bilang tiyak at mapagkakatiwalaang tagapatnubay sa lahat ng katotohanan at pinupuspos sila sa araw-araw ng kagalakan at kaligayahan, na may pagpapasiyang gagawa nang mabuti sa lahat ng tao, na dadanas ng kamalian ng iba kaysa makagawa ng mali, maging mabait at maawain, mapagtiis at may pag-ibig sa kapwa. Ang lahat na nagtataglay ng di-matatayang kaloob na ito, ang mahalagang perlas na ito, ay may patuloy na pagkauhaw sa katuwiran. Kung walang tulong ng Banal na Espiritu,” pagtatapos ni Pangulong Smith, “walang mortal ang makalalakad sa makipot at makitid na daan.”

IV.

Sa napakaraming makapangyarihang tulong na gagabay sa atin sa ating mortal na paglalakbay, nakalulungkot na napakarami ang nananatiling hindi handa para sa kanilang itinakdang pakikipagkita sa ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo. Ang Kanyang talinghaga tungkol sa sampung dalaga, na madalas mabanggit sa kumperensyang ito, ay nagpapahiwatig na sa mga inanyayahan na salubungin Siya, kalahati lamang ang magiging handa.

Ang sampung dalaga.

Alam nating lahat ang mga halimbawa ng mga hindi handa: mga returned missionary na pumigil sa kanilang espirituwal na pag-unlad dahil sa mga panahong hindi aktibo, mga kabataang naglagay sa panganib ng kanilang espirituwal na pag-unlad dahil sa paghiwalay ng kanilang mga sarili sa mga turo at mga aktibidad sa Simbahan, mga lalaking ipinagpaliban ang kanilang ordinasyon sa Melchizedek Priesthood, kalalakihan at kababaihan—na kung minsan ay mga inapo pa ng mararangal na pioneer o karapat-dapat na mga magulang—na umalis sa landas ng tipan na hindi gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa banal na templo.

Personal na panalangin.

Marami sa gayong mga paglihis ang nangyayari kapag hindi sinusunod ng mga miyembro ang pangunahing espirituwal na plano na panatilihin ang personal na panalangin, regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at madalas na pagsisisi. Sa kabaligtaran, napapabayaan ng ilan ang linggu-linggong pagpapanibago ng mga tipan sa pamamagitan ng hindi pagbahagi ng sakramento. Sinasabi ng ilan na hindi natutugunan ng Simbahan ang kanilang mga pangangailangan; pinapalitan ang inaakala nilang mga pangangailangan nila sa hinaharap sa mga bagay na inilaan ng Panginoon sa Kanyang maraming turo at oportunidad para sa mahahalagang paglilingkod natin sa iba.

Ang pagpapakumbaba at pagtitiwala sa Panginoon ang mga lunas sa gayong mga paglihis. Tulad ng itinuturo sa Aklat ni Mormon, ang Panginoon ay “pinagpapala at pinananagana ang mga yaong nagtitiwala sa kanya” (Helaman 12:1). Ang pagtitiwala sa Panginoon ay isang partikular na pangangailangan ng lahat ng maling sumusukat sa mga kautusan ng Diyos at sa mga turo ng Kanyang mga propeta laban sa pinakabagong mga tuklas at karunungan ng tao.

Maraming mortal na tulong ang nabanggit ko na ibinibigay ng ating mapagmahal na Ama sa Langit para tulungan ang Kanyang mga anak na makabalik sa Kanya. Ang papel natin sa banal na planong ito ay magtiwala sa Diyos at hangarin at gamitin ang mga banal na tulong na ito, lalung-lalo na ang Pagbabayad-sala ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo. Dalangin ko na nawa’y ituro at ipamuhay natin ang mga alituntuning ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.