Pangkalahatang Kumperensya
Pagtatangi sa Buhay
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


14:10

Pagtatangi sa Buhay

Ang buhay ay napakahalagang bahagi ng perpektong plano ng ating Ama, at sa Kanyang utos, itinatangi natin ang buhay at pinangangalagaan ito.

Itinuro sa atin ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”

Kamakailan, isang bishop sa Utah ang nagbahagi sa akin ng lubos na pagpapadama ng pagmamahal ng kanyang ward para sa isang dalagita at kanyang pamilya. Sa pamamagitan ng sunod-sunod na mga magagandang pangyayari, ang mga magulang ay nagpasiyang bumalik sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan. Sa mga panahong sila ay napalayo sa Simbahan, ang kanilang tinedyer na anak na babae ay nagkaroon ng relasyon sa isang binata. Sa pagbabalik, ang minamahal na anak na ito ay nakadama ng matinding pagmamahal mula sa kanyang Ama sa Langit sa isang pulong ng patotoo ng Young Women. Nagdesisyon siyang lalo pang susundin ang mga kautusan. Isinulat niya, “Sinimulan ko ang hakbang ng pagsisisi kasama ng aking bishop.”

Pagkatapos niyon, siya ay nagkasakit. Sa kanyang mga salita: “[Isang] pagsusuri ang nagpakitang … buntis ako. Ako … ay nagsimulang umiyak. … Niyakap ako ng aking ama at tiniyak sa akin na [magiging] ayos lang ang lahat. … Sinabi ng kasintahan ko … na ipalaglag ko ang sanggol. … Hindi ako pumayag.”

Pangalagaan ang mga Nangangailangan

Nagpatuloy siya: “Nakatanggap ako ng labis na pagmamahal at suporta mula sa aming ward na itinuturing kong pamilya. Kamangha-mangha ito. Ang [aking] bishop at Young Women president ay labis-labis at sobra-sobra ang ginawa upang maipakita ang kanilang pagmamahal at suporta. … Nakita ko ang kamay ng Panginoon … na gumagabay sa akin at sa aking pamilya. … Ang ward na katulad ng mayroon ako ay ang pamilyang kailangan ng bawat isa, lalo na ng isang kabataang babae na katulad ko ng pinagdadaanan.”

Siya at ang kanyang pamilya, at ang kanyang ward na pamilya na rin niya, ay magiliw na tinanggap ang kanyang sanggol na anak na lalaki nitong Pebrero.

Ang Panginoong Jesucristo.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado[ng] … pagsisikap na maglingkod sa mga indibidwal na anak ng Diyos … [paglilingkod na may mapagpamahal na kabaitan] sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya.”

Nakatutulong na mga Tamang Pagpili

Kapag natuklasan ng isang single na babae na siya ay nagdadalang-tao nang hindi inaasahan, ang alalahanin sa kalusugan, espirituwal na pagkabagabag, kahihiyan, alalahanin sa salapi, mga katanungan sa edukasyon, walang kasiguruhang kasal, at ang lungkot dahil sa nasirang mga pangarap, sa isang sandali ng kapighatian at pagkabigla, ay maaaring maging dahilan para gumawa ang isang tulirong babae ng mga hakbang na magdudulot ng mas matinding sakit o kapighatian at pagsisisi.

Para sa mga nakikinig na naranasan na ang matinding sakit o kapighatian at pagsisisi dahil sa pagpapalaglag o pakikibahagi sa aborsiyon, tandaan: Hindi man natin mababago ang nakaraan, maaaring pagalingin ng Diyos ang nakaraan. Ang kapatawaran ay maaaring dumating sa pamamagitan ng himala ng Kanyang nagbabayad-salang biyaya kapag bumaling kayo sa Kanya nang may mapagpakumbaba at nagsisising puso.

Dalawang salita ang kadalasang iniuugnay sa kasagraduhan ng mortal na kapanganakan: buhay at pagpili. Ang buhay ay napakahalagang bahagi ng perpektong plano ng ating Ama, at sa Kanyang utos, itinatangi natin ang buhay at pinangangalagaan natin ito; at pinipili nating ipagpatuloy ang buhay kapag ito ay nabuo. Pinahahalagahan din natin ang kaloob na moral na kalayaan sa pagpili—tumutulong na palakasin ang mga matwid na pagpiling inaprubahan ng Diyos na nagdudulot ng walang hanggang kaligayahan.

Kapag ang isang babae at lalaki ay nasa isang delikadong sandali, nahaharap sa kritikal na pagpili, ang ating mga salita, ating mga kamay, ating mga puso—sa espirituwal, emosyonal, at pinansiyal—ay maaaring magpala sa kanila upang madama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas at, gaya ng sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, makapagdala ng pag-unawa sa kanilang espirituwal na mga mata, mula sa “inaakala nilang nakikita nila” tungo sa “hindi pa nila nakikita.”

Ang Doktrina ng Mortal na Buhay

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang ating pananaw tungkol sa aborsiyon ay hindi nakabatay sa inihayag na kaalaman kung kailan nagsisimula ang mortal na buhay. … Ito ay itinakda ayon sa ating kaalaman na … lahat ng espirituwal na anak ng Diyos ay dapat makarating sa mundong ito para sa isang maluwalhating layunin, at ang indibidwal na pagkakakilanlan ay nagsimula bago pa man ang paglilihi at magpapatuloy magpakailanman.”

Ang salita ng Panginoon tungkol sa mga hindi pa isinisilang, na ipinaabot sa pamamagitan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay hindi nagbago at tugma sa salita ng mga propeta sa lahat ng mga panahon, na nagbibigay ng banal na kalinawan sa kung ano ang iniuutos ng Panginoon sa atin.

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala sa kasagraduhan ng buhay ng tao. Samakatwid, ang Simbahan ay tutol sa sadyang pagpapalaglag para sa personal na ginhawa o panlipunan na kaginhawaan, at pinapayuhan ang mga miyembro nito na huwag sumailalim sa, magsagawa ng, maghikayat ng, magbayad para sa, o maghikayat ng gayong mga pagpapalaglag.

“Pinahihintulutan ng [Panginoon] ang mga posibleng eksepsyon … kapag:

  • Ang pagbubuntis ay bunga ng panggagahasa o incest [pagtatalik ng malapit na magkamag-anak], o

  • Nasuri ng isang mapagkakatiwalaang doktor na nanganganib ang buhay o kalusugan ng ina, o

  • Nasuri ng mapagkakatiwalaang doktor na may malulubhang depekto ang sanggol sa sinapupunan kaya hindi rin mabubuhay ang sanggol matapos isilang.”

Ang Unang Panguluhan ay nagpatuloy: “Ang pagpapalaglag ay napakaseryosong bagay. [Kahit sa mga pambihirang sitwasyong ito] dapat isaalang-alang lamang ito matapos makatanggap ng kumpirmasyon sa panalangin ang mga taong responsable sa desisyong ito” at sumangguni na sa iba.

Tatlumpung taon na ang nakalipas, ang propeta ng Panginoon ay naglabas ng isang pagpapahayag sa mundo. Kasama ang mga salitang ito:

“Ipinapahayag … namin na [ang Diyos ay nag-utos na] ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gamitin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.

“Ipinapahayag namin na ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos. Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang hanggang plano ng Diyos.”

Ang pangangalaga at pagpoprotekta sa buhay na hindi pa isinisilang ay hindi isang politikal na posisyon. Ito ay isang moral na batas na pinagtibay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Pagsasalita nang Mas Tapat at Tuwiran

Mahusay na inilarawan ni Pangulong J. Reuben Clark Jr., na naglingkod noon sa Unang Panguluhan, ang ating mga kabataan ngayon: “Ang mga kabataan ng Simbahan ay gutom sa mga bagay ng Espiritu; sabik silang matutuhan ang ebanghelyo, at nais nilang tuwiran ito at puro. Gusto nilang malaman ang tungkol sa … ating mga pinaniniwalaan; gusto nilang magkaroon ng patotoo sa mga katotohanang ito. Sila ay … mausisa, at mapaghanap ng katotohanan.” Magsalita tayo nang mas madalas nang may pananampalataya at pagkahabag sa ating mga kabataan sa ating mga tahanan, at sa isa’t isa sa ating mga miting sa Relief Society at elders quorum tungkol sa batas ng Panginoon sa kalinisang-puri, kasagraduhan ng buhay, at pangangalaga sa mga sanggol na hindi pa isinisilang at sa kanilang mga ina.

Isang butihing sister ang sumulat sa akin tungkol sa karanasan niya noon maraming taon na ang lumipas: “Noong ako ay 17-taong gulang, … , nabuntis ako at halos walang suporta mula sa kasintahan ko. Nadama ko ang kahihiyan at pag-iisa [pero] hindi ko kailanman inisip na [magpalaglag]. … [Mayroon] akong mapagmahal na pamilya at ang aking bishop, na siyang regular kong kinakausap para magabayan ako. … Bumaling ako sa Diyos. Inaral ko ang mga banal na kasulatan … at nanalangin [at] nagkaroon ng lakas dahil sa Tagapagligtas at proseso ng pagsisisi. … Nakatanggap ako ng sagot [sa aking mga panalangin] na hindi ko maitatanggi. … Napakasakit nito, ngunit alam kong ipapaampon ko ang aking anak na babae. … Nanalangin ako na magkaroon ng lakas-ng-loob [at] malinaw na nadama ang pag-ibig ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisisi, alam kong ang Diyos … ay sumasagot sa mga panalangin at nagpapalakas sa atin.”

Isang magiliw na mag-asawa ang umampon sa sanggol na babae at tinuruan siya ng ebanghelyo. Siya ay may-asawa na ngayon at may sarili nang masayang pamilya.

Minsan, ang matinding hirap at sakit ng kawalan ng katiyakan ay maaaring kaakibat ng pangangalaga sa buhay.

Kailan lang isang bata pang mag-asawa na mahal namin ni Kathy ang sumulat sa akin tungkol sa pinakamamahal na anak na inaasam nila.

Isinulat ng ama: “[Noong] 10 linggong buntis [ang aking asawa], natuklasan namin na ang aming miracle baby ay mayroong genetic condition na trisomy 21, na mas kilala sa tawag na Down syndrome. Hinikayat kami … ng mga nasa larangan ng medisina na isaalang-alang ang pagpapalaglag. Ilang linggo ang nakalipas, natuklasan namin na … ang aming anak na hindi pa naisisilang … ay mangangailangan ng maraming operasyon sa puso sa unang taon ng kanyang buhay. Sa buong prosesong ito, habang kami ay nananalangin nang taimtim para sa tulong mula sa langit, … nadama namin ang Espiritu na nagbigay sa amin ng kapanatagan. Nakatanggap kami ng paghahayag at pang-unawa na ang aming anak na babae ay isang magiting na anak ng Ama sa Langit at may matinding pagnanais na mapabilang sa aming pamilya at pumunta sa daigdig.”

Isinulat ng ina ng sanggol: “[Kami] ay labis na nagulat, naguluhan, at talagang nanlumo sa balita. … Noong ika-14 na linggo ng pagbubuntis ko, natuklasan namin na maraming depekto sa puso ang aming anak, na maaaring ikamatay niya. Nakipagkita kami sa napakaraming doktor at espesyalista mula sa ika-10 hanggang ika-18 linggo ng aking pagbubuntis. … Sa bawat pagbisita namin sa doktor, tinatanong kami kung gusto pa ba naming ituloy ang pagbubuntis o ipalaglag na ito. … Pinagaling ng Tagapagligtas ang aking puso at binigyan ako ng kapayapaan at pagkasabik sa aming anak na babae. … Paulit-ulit na ipinakita sa akin ng [Ama sa Langit] na mayroon Siyang perpektong plano para sa akin [at] nagtitiwala ako sa Kanya.”

Tuwang-tuwa nilang tinanggap ang kanilang sanggol na anak na babae eksaktong isang linggo na ngayon. Siya ay sa kanila at sila ay kanya magpakailanman.

Ang matibay na pananampalataya at pambihirang tapang ay mga katangian ng mga disipulo ni Jesucristo.

Isang Kahanga-hangang Halimbawa ng Pananampalataya

Sa loob ng maraming taon, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang mga lalaki at babae na mapagpakumbabang naghahangad na bumalik sa landas ng tipan at sa kanilang mga pagpapala sa priesthood at templo pagkaraan ng maraming taon matapos mawala ang kanilang pagiging miyembro.

Sa isang pagkakataon, ininterbyu ko ang isang lalaki bilang kinatawan ng Unang Panguluhan para sa pagpapanumbalik ng kanyang priesthood at mga biyaya sa templo.

Matapos ang kanyang kasal sa banal na templo, at pagkatapos magkaroon ng tatlong magagandang mga anak, ang lalaking ito ay hindi naging tapat sa kanyang asawa at sa kanyang mga sagradong tipan. Isang single na babae ang nabuntis at gustong magpalaglag.

Ang mapagpakumbabang asawa ng lalaking ito ay nagmakaawa sa babae na ibigay na lang sa kanya ang sanggol at nangakong palalakihin niya ang bata kapag isinilang na ito, kasama ng kanyang sariling mga anak.

Nag-isip na mabuti ang single na babae at pumayag na hindi na magpalaglag.

Sampung taon na ang nakalipas. Ang mapagpakumbabang sister na nakaupo sa harapan ko ay minahal ang batang lalaki at itinuring na tunay na anak at ikinuwento niya ang pagsisikap ng kanyang asawa na bumawi at mahalin at pangalagaan siya at ang kanyang pamilya. Umiyak ang ama habang nagsasalita ang babae.

Paano nagawa ng dakilang babaeng ito ng Diyos na ituring ang isang bata bilang kanyang sariling anak na maaaring maging araw-araw na paalala sa kanya ng kataksilan ng kanyang asawa? Paano? Dahil siya ay nakahanap ng lakas sa pamamagitan ni Jesucristo at siya ay naniniwala sa kasagraduhan ng buhay, sa kabanalan ng buhay. Alam niya na ang batang hindi pa naipapanganak ay anak ng Diyos, inosente at dalisay.

Collage ng mga retrato ng sanggol.

Mahal kong mga kapatid, ang unti-unting paglaho ng pagmamahal sa mga batang hindi pa isinisilang sa buong mundo ay lubhang nakakabahala. Itinatangi ng Diyos ang buhay. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng Kanyang mga anak. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, itinatangi natin ang buhay. “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” Nawa’y ibahagi natin ang ating pagmamahal nang mas higit pa sa mga labis na nangangailangan sa atin. Ipinahahayag ko ang aking pagmamahal para sa inyo at ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak sa daigdig. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Juan 13:35; tingnan din sa Mateo 22:36–40.

  2. Personal na pakikipag-ugnayan, Peb. 6, 2025; ginamit nang may pahintulot.

  3. Personal na pakikipag-ugnayan, Peb. 6, 2025; ginamit nang may pahintulot.

  4. Russell M. Nelson, “Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 69.

  5. Isang halimbawa ng isang matwid na babae sa France; tingnan sa Neil L. Andersen, The Divine Gift of Forgiveness (2019), 154–56.

  6. Tingnan sa Neil L. Andersen, The Divine Gift of Forgiveness, 219; tingnan din sa Neil L. Andersen, Jesus Is the Christ (2023), 5.

  7. Tingnan ang opisyal na pahayag tungkol sa aborsiyon: “Abortion,” newsroom.ChurchofJesusChrist.org. Nakasaad sa Pangkalahatang Hanbuk na, “Ang isang tao ay maaaring magsisi at mapatawad sa kasalanan na pagpapalaglag” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.1, Gospel Library). Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Ang kalumbayang mula sa Diyos ay kaloob ng Espiritu. Ito ay malalim na pagkaunawa na [nagkasala tayo sa] ating Ama at ating Diyos [dahil] sa ating mga ginawa. Ito ay matindi at [malalim] na kaalaman na dahil sa ating ikinilos ay naghirap at nagdusa ang Tagapagligtas, Siya na walang–sala, maging ang pinakadakila sa lahat. Lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang katawan dahil sa ating mga kasalanan. Ang tunay na pagdadalamhating ito ng isipan at espiritu ang tinutukoy sa mga banal na kasulatan na pagkakaroon ng ‘bagbag na puso at nagsisising espiritu’ [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:37]. Ang gayong damdamin ang talagang kailangan para sa tunay na pagsisisi” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 97; tingnan din sa 2 Corinto 7:10; 3 Nephi 9:20; 18:32).

  8. “Sinabi ng Panginoon kay Enoc: Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay, at ibinigay ko sa kanila ang kanilang kaalaman, sa araw na aking nilalang sila; at sa Halamanan ng Eden, ibinigay ko sa tao ang kanyang kalayaang mamili;

    “At sa iyong mga kapatid aking sinabi, at nagbigay rin ng kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, at na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama” (Moises 7:32–33).

  9. Henry B. Eyring, To Draw Closer to God (1997), 143.

  10. Dallin H. Oaks, “The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 74. Sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang tanong ay hindi kung kailan nagsimula ang ‘makabuluhang buhay’ o kung kailan ‘nagbibigay-buhay’ ang espiritu sa katawan. Sa agham ng biyolohiya, nalalaman na nagsisimula ang isang buhay kapag nagsanib ang dalawang selula upang maging isang selula, at pinagsasama ang dalawampu’t tatlong chromosome mula sa ama at mula sa ina. … Ang simula ng buhay ay hindi isang bagay na pinagtatalunan, kundi isang katotohanan ng agham” (“Reverence for Life,” Ensign, Mayo 1985, 13).

  11. Sinabi ni Pangulong John Taylor noong 1879, “Dapat nating [tutulan] ang aborsiyon, pagpatay sa mga sanggol at iba pang karumal-dumal na mga gawain … ito man ay utos ng lehislatibo, desisyon ng korte o iba pang karagdagan sa tinatawag na sibilisasyon” (“Discourse,” Deseret News, Dis. 31, 1879, 755; ginawang makabago ang pagbabaybay).

  12. Opisyal na pahayag tungkol sa aborsiyon: “Abortion,” newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  13. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  14. J. Rueben Clark Jr., The Charted Course of the Church in Education, rev. ed. (1994; mensahe sa Church Educational System religious educators, Ago. 8, 1938), 3, Gospel Library.

  15. Tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Aborsiyon, Pagpapalaglag,” Gospel Library.

  16. Personal na pakikipag-ugnayan, Peb. 13, 2025; ginamit nang may pahintulot.

  17. Isa pang halimbawa ng pagpapala ng pag-aampon ay ang kuwento ni Sherilyn Stinson at ng kanyang anak na si Allison, kasama ang tunay na ina ni Allison na si Jill Morgensen (tingnan sa Mary Richards, “Navigating the Journey of Adoption Reunification,” Church News, Nob. 18, 2024, thechurchnews.com).

  18. Sa tulong ng Panginoon at sa ating mga nakaunat na bisig, marami ang pinagpapala na matagpuan ang kanilang landas. Tingnan sa Amanda Becker, “Finding Hope as a Single Expectant Mother,” Liahona, Hulyo 2022 (digital lamang); “The Adoption Decision,” New Era, Mar. 2006, 28–33.

  19. Personal na pakikipag-ugnyan, Peb. 17, 2025; ginamit nang may pahintulot.

  20. Personal na karanasan; tingnan sa Neil L. Andersen, The Divine Gift of Forgiveness, 246–47.

  21. Tingnan sa Moises 1:39.

  22. Juan 13:35; tingnan din sa Mateo 22:36–40.

  23. Iba pang resources na maaaring makatulong: Topics and Questions, “Unwed Pregnancy,” Gospel Library, “Single Expectant Parents,” Gospel Library; “Mga Taong Magkakaanak nang Hindi Kasal,” Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.19, Gospel Library; Counseling Resources, “Single Expectant Parents,” Gospel Library.