Personal na Paghahandang Humarap sa Tagapagligtas
Sundin ang mga turo ng Tagapagligtas. Ang kanyang mga tagubilin ay hindi misteryoso o komplikado. Kung sumusunod tayo sa mga ito, hindi natin kinakailangang matakot o mabahala.
Mahal kong mga kapatid, nitong nakaraang Oktubre, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ngayon ang panahon para sa inyo at sa akin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.” Kapag nagsasalita si Pangulong Nelson tungkol sa Ikalawang Pagparito, lagi niya itong ginagawa nang may saya at positibong pananaw. Gayunman, isang batang babae sa Primary kamakailan ang nagsabi sa akin na natatakot siya kapag nababanggit ang Ikalawang Pagparito. Sabi niya, “Natatakot po ako dahil mangyayari ang masasamang bagay bago pumaritong muli si Jesus.”
Hindi lamang mga bata ang maaaring makadama ng ganito. Ang pinakamainam na payo sa kanya, sa inyo, at sa akin ay ang sumunod sa mga turo ng Tagapagligtas. Ang Kanyang mga tagubilin ay hindi misteryoso o komplikado. Kung sumusunod tayo sa mga ito, hindi natin kinakailangan matakot o mabahala.
Noong huling sandali ng Kanyang mortal na ministeryo, tinanong si Jesucristo kung kailan Siya muling babalik. Bilang kasagutan, itinuro Niya ang tatlong talinghagang nakatala sa Mateo 25, tungkol sa kung paano maghahandang humarap sa Kanya—ito man ay sa Kanyang Ikalawang Pagparito o sa sandaling iwan natin ang mundong ito. Ang mga turong ito ay mahalaga dahil ang personal na paghahanda na humarap sa Kanya ay sentro sa layunin ng buhay.
Unang ikinuwento ng Tagapagligtas ang talinghaga ng sampung birhen. Sa talinghagang ito, nagtungo ang sampung birhen sa isang kasal. Ang lima ay matalinong nagdala ng langis upang punan ang kanilang mga ilawan, at ang lima, sa kamangmangan ay hindi nagdala. Nang ihayag ang nalalapit na pagdating ng kasintahang lalaki, lumisan ang mga mangmang na birhen upang bumili ng langis. Sa kanilang pagbalik, huli na ang lahat; ang pintuan papasok sa piging ng kasalan ay isinara na.
Tinukoy ni Jesus ang tatlong aspekto ng talinghaga upang tulungan tayo. Ipinaliwanag Niya:
“At sa araw na iyon, kung kailan ako paparito sa aking kaluwalhatian, ay matutupad ang talinghaga na aking sinabi hinggil sa sampung birhen.
“Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay … mananatili sa araw na yaon.”
Sa madaling salita, hindi nila kinailangang matakot o mabahala dahil sila ay maliligtas at uunlad. Sila ay mananaig.
Kung tayo ay matalino, tatanggapin natin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan ng priesthood. Susunod, nagsisikap tayong manatiling karapat-dapat upang lagi nating makasama ang Espiritu Santo. Ang kakayahang ito ay dapat na personal na matanggap ng bawat indibiduwal, sa paisa-isang patak. Ang patuloy, personal, at pribadong gawain ng debosyon ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo upang gabayan tayo.
Ang pangatlong elemento na binigyang-diin ni Jesus ay ang pag-iwas sa panlilinlang. Nagbabala ang Tagapagligtas:
“Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ng sinuman.
“Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako ang Cristo’ at ililigaw nila ang marami.”
Alam ng Tagapagligtas na susubukan ng mga mapagkunwari na linlangin ang mga hinirang at marami sa mga disipulo ang malilinlang. Hindi tayo dapat maniwala sa mga taong mapanlinlang na nagsasabing nasa kanila ang awtoridad ng Diyos ni humingi ng payo o paggabay sa mga ito.
Itinuturo ng Aklat ni Mormon sa atin kung paano natin matutukoy ang mga manlilinlang mula sa mga disipulo. Ang mga disipulo ay palaging isinusulong ang paniniwala sa Diyos, naglilingkod sa Kanya, at gumagawa ng mabuti. Hindi tayo malilinlang kapag humihingi at tumatanggap tayo ng payo mula sa mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na matatapat na disipulo rin na may pananampalataya sa Tagapagligtas.
Maiiwasan din natin ang panlilinlang sa pamamagitan ng regular na pagsamba sa templo. Tinutulungan tayo nitong mapanatili ang walang-hanggang pananaw at pinoprotektahan tayo mula sa mga impluwensiyang maaaring manggulo o maglayo sa atin mula sa landas ng tipan.
Ang mahalagang aral ng talinghagang ito tungkol sa sampung birhen ay na tayo ay matalino kapag tinatanggap natin ang ebanghelyo, naghahangad na mapasaatin ang Espiritu Santo, at iniiwasan ang panlilinlang. Ang limang matatalinong birhen ay hindi matutulungan ang mga birhen na walang dalang langis; walang taong makatatanggap ng ebanghelyo, magagabayan ng Espiritu Santo, at makaiiwas sa panlilinlang para sa atin. Kailangan nating gawin ito para sa ating mga sarili.
Pagkatapos ay ikinuwento ng Tagapagligtas ang talinghaga ng mga talento. Sa talinghagang ito, nagbigay ang isang lalaki ng iba’t ibang halaga ng pera, na tinatawag bilang mga talento, sa tatlong tagapaglingkod. Sa isang tagapaglingkod ay nagbigay siya ng limang talento, sa isa ay nagbigay ng dalawa, at sa ikatlo ay nagbigay ng isa. Paglipas ng panahon, nagawang doblehin ng unang dalawang tagapaglingkod ang kanilang natanggap. Ngunit ang ikatlong tagapaglingkod ay ibinaon lamang ang kayang nag-iisang talento. Sa dalawang tagapaglingkod na nagawang doblehin ang kanilang mga talento, sinabi ng lalaki, “Magaling! Mabuti at tapat na [tagapaglingkod]. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.”
Pinagalitan ng lalaki ang tagapaglingkod na ibinaon ang talento dahil sa pagiging “masama at tamad.” Ang talento ng tagapaglingkod na ito ay kinuha, at siya ay pinalayas. Ngunit, kung nagawang doblehin ng tagapaglingkod na ito ang kanyang talento, makatatanggap dapat siya ng parehong papuri at parangal tulad ng ibang tagapaglingkod.
Isa sa mga mensahe ng talinghagang ito ay inaasahan ng Diyos na palalaguin natin ang mga kakayahan na ibinigay Niya, ngunit hindi Niya nais na ikumpara natin ang ating kakayahan sa kakayahan ng iba. Isaalang-alang ang kaisipang ibinigay noong ika-18 siglo ng isang Hasidic scholar na si Zusya ng Anipol. Si Zusya ay isang kilalang guro na nagsimulang matakot nang papalapit na ang kanyang kamatayan. Tinanong siya ng kanyang mga disipulo, “Guro, bakit po kayo nanginginig? Namuhay kayo nang maayos; siguradong bibigyan kayo ng Diyos ng dakilang gantimpala.”
Sinabi ni Zusya: “Kung sasabihin sa akin ng Diyos, ‘Zusya, bakit hindi ka naging isa pang Moises?’ Sasabihin ko, ‘Dahil hindi po ninyo ako binigyan ng magiting na kaluluwa na kagaya ng ibinigay ninyo kay Moises.’ At kung titindig ako sa harapan ng Diyos at Kanyang sasabihing, ‘Zusya, bakit hindi ka naging isa pang Solomon?’ Sasabihin ko, ‘Dahil hindi po ninyo ako binigyan ng karunungan ni Solomon.’ Ngunit, nakalulungkot, kung titindig ako sa harap ng aking Manlilikha at sasabihin Niyang, ‘Zusya, bakit hindi ka naging si Zusya? Bakit hindi ka naging ang taong binigyan ko ng kakayahan na maging [gaya ng inaasahan ko]?’ Ah, iyan ang dahilan kung bakit ako nanginginig.”
Talagang madidismaya ang Diyos kung hindi tayo aasa sa kabutihan, awa, at biyaya ng Tagapagligtas upang mapaunlad ang mga kakayahang ibinigay ng Diyos na natanggap natin. Sa kanyang mapagmahal na tulong, inaasahan Niya na tayo ay magiging ang pinakamabuting bersiyon ng ating sarili. Ang magsimula sa iba’t ibang kakayahan ay hindi mahalaga sa Kanya. At gayundin dapat sa atin.
Sa huli ay ikinuwento ng Tagapagligtas ang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. Kapag Siya ay bumalik sa Kanyang kaluwalhatian, “titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing, at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.”
Ang nasa Kanyang kanan ay magiging mga tagapagmana ng Kanyang kaharian, at ang nasa Kanyang kaliwa ay walang matatanggap na mana. Ang tumutukoy na katangian ay kung pinakain ba nila Siya nang Siya ay nagugutom, pinainom nang Siya ay nauuhaw, pinatuloy Siya nang Siya ay isang estranghero, dinamitan Siya nang Siya ay hubad, at dinalaw Siya nang Siya ay may sakit o nakabilanggo.
Ang bawat isa ay namangha, kapwa ang nasa kanang kamay at ang nasa kaliwa. Tinanong nila kung kailan nila Siya binigyan o hindi binigyan ng makakain, pinainom, at dinamitan o tinulungan Siya nang Siya ay mahina. Sa pagtugon, sinabi ng Tagapagligtas, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.”
Ang mensahe ng talinghaga ay malinaw: kapag tayo ay naglilingkod sa iba, naglilingkod tayo sa Diyos; kung hindi natin ito ginagawa, bigo tayo. Inaasahan Niyang gagamitin natin ang ating mga handog, talento, at kakayahan upang mapagpala ang buhay ng mga anak ng Ama sa Langit. Ang banal na inspirasyong maglingkod sa iba ay inilalarawan sa isang tula na isinulat noong ika-19 na siglo ng isang Finnish na makata na si Johan Ludvig Runeberg. Paulit-ulit naming narinig ng mga kapatid ko ang tulang “Farmer Paavo” sa kabuuan ng kabataan namin. Sa tula, si Paavo ay isang mahirap na magsasaka na namumuhay kasama ng kanyang asawa at mga anak sa lake region ng gitnang Finland. Sa loob ng ilang magkakasunod na taon, karamihan sa kanyang pananim ay nasira, dahil sa pag-agos ng natutunaw na niyebe sa tagsibol, mga pag-ulan ng yelo sa tag-init, o isang maagang hamog na nagyelo sa taglagas. Sa tuwing dumarating ang kaunting ani, ang asawa ng magsasaka ay nagdadalamhati, “Paavo, Paavo, malas kang matanda ka, pinabayaan na tayo ng Diyos.” Si Paavo naman ay mahinahong nagsabi, “Ihalo mo ang balat ng puno sa harina ng rye upang makagawa ng tinapay, nang hindi magutom ang mga bata. Mas sisipagan ko pa ang pagtatrabaho para maubos ang tubig sa mamasa-masang bukid. Sinusubok tayo ng Diyos, ngunit magbibigay Siya ng ating kailangan.”
Tuwing masisira ang mga pananim, inuutusan ni Paavo ang kanyang asawa na doblehin ang dami ng balat ng puno na inihahalo ng kanyang asawa sa harina upang maibsan ang gutom. Siya ay nagsipag din sa pagtatrabaho, naghuhukay ng mga kanal upang dumaloy ang tubig mula sa lupa at mabawasan ang pagiging madaling bahain ng kanyang mga bukirin sa tagsibol at maagang hamog na nagyelo sa taglagas.
Matapos ang mga taon ng paghihirap, umani sa wakas nang masagana si Paavo. Masayang sinabi ng kanyang asawa, ‘Paavo, Paavo, napakasayang panahon ito! Panahon na para itapon ang mga balat ng puno at iluto ang mga tinapay na gawa lamang sa rye.” Ngunit marahang hinawakan ni Paavo ang kamay ng kanyang asawa at sinabi, “Ihalo mo ang kalahati ng harina sa balat ng puno, dahil ang bukirin ng mga kapitbahay natin ay nagyelo.” Isinakripisyo ni Paavo at ng kanyang pamilya ang kanilang kaginhawahan upang matulungan ang kanilang nasalanta at naghihirap na kapitbahay.
Ang aral sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa mga tupa at mga kambing ay nararapat nating gamitin ang mga handog na ibinigay sa atin—oras, mga talento, at mga pagpapala—upang paglingkuran ang mga anak ng Ama sa Langit, lalo na ang pinakamahihina at nangangailangan.
Ang aking paanyaya sa natatakot na bata ng Primary na binanggit ko kanina, at para sa bawat isa sa inyo ay sundin si Jesucristo at magtiwala sa Espiritu Santo tulad ng pagtitiwala sa isang malapit na kaibigan. Magtiwala sa mga nagmamahal sa inyo at nagmamahal sa Tagapagligtas. Hangarin ang patnubay ng Diyos upang mapaunlad ang inyong mga natatanging kakayahan at makatulong sa iba kahit hindi ito madali. Magiging handa kayong humarap sa Tagapagligtas, at maaari kayong makiisa kay Pangulong Nelson sa pagiging masaya at may positibong pananaw. Sa paggawa nito, tumutulong kayong ihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kayo ay mapagpapala ng sapat na pag-asa na pumasok sa kapahingahan at kagalakan ng Panginoon, ngayon at sa hinaharap.
Tulad ng ating pag-awit sa isa sa ating mga bagong himno:
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.