Pagpipitagan sa mga Sagradong Bagay
Ang pagpipitagan sa sagrado ay naghihikayat ng tunay na pasasalamat, lalong nagpapadama ng tunay na kaligayahan, umaakay sa ating isipan na makatanggap ng paghahayag, at nagdudulot ng higit na kagalakan sa ating buhay.
Sa aklat ng Exodo, mababasa natin na pumunta si Moises sa mga dalisdis ng Bundok ng Horeb at isinantabi niya ang kanyang pang-araw-araw na mga alalahanin—isang bagay na dapat ay handa nating gawin—para makita ang punungkahoy na nagliliyab pero hindi nasusunog. Nang siya ay papunta na, “tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng [palumpong], Moises, Moises. At sinabi niya, Narito ako. At [sinabi ng Diyos], … hubarin mo ang sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.” Taglay ang matinding pagpipitagan, pagpapakumbaba, at pagkamangha, hinubad ni Moises ang kanyang sapatos at inihanda ang kanyang sarili na pakinggan ang salita ng Panginoon at madama ang Kanyang banal na presensya.
Ang sagradong epipanya sa bundok ay isang karanasan na puno ng inspirasyon at pagpipitagan, nag-ugnay kay Moises sa kanyang banal na pagkakakilanlan, at, sa katunayan, isang mahalagang elemento ito ng kanyang pagbabago mula sa hamak na pastol tungo sa makapangyarihang propeta, na nagtulot sa kanya na tahakin ang bagong landas sa buhay. Gayundin, mas magagawa ng bawat isa sa atin na higit na gawing espirituwal ang ating pagkadisipulo kapag ginawa nating bahagi ng ating espirituwalidad ang pagiging mapitagan.
Ang salitang reverence o pagpipitagan ay hango sa pandiwang Latin na revereri, na ibig sabihin ay “mamangha.” Sa aspeto ng ebanghelyo, ang kahulugang ito ay may kaakibat na malaking paggalang, masidhing pagmamahal, at pasasalamat. Ang pagpipitagang ito sa mga bagay na sagrado ng mga may pusong nagsisisi at lubos na katapatan sa Diyos at kay Jesucristo ay nagdaragdag ng kagalakan sa kanilang kaluluwa.
Ang pagpipitagan sa mga sagradong bagay ang pinakadakilang pagpapakita ng espirituwal na katangian; ito ay bunga ng ating pagkakaugnay sa kabanalan at sumasalamin sa ating pagmamahal at pagiging malapit sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Isa rin ito sa mga pinakaespirituwal na karanasan ng kaluluwa. Ang gayong kabanalan ay nagtutuon ng ating isipan, damdamin, at buhay sa Diyos. Sa katunayan, ang pagpipitagan ay hindi lamang isang aspeto ng espirituwalidad; ito ang diwa nito—ang pundasyon kung saan nakasalig ang espirituwalidad, na lumilikha ng personal na kaugnayan sa kabanalan, tulad ng itinuturo ng ating mga anak kapag inaawit nila ang, “Kapag magalang aking nadarama Ama’t si Jesus ay kasama.”
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, hinihikayat tayong linangin ang kaloob ng pagpitagan sa ating buhay upang maging handang makipag-ugnayan nang mas malalim sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at kasabay nito ay palakasin ang ating espirituwal na pagkatao. Kung mas nadarama natin iyan sa ating puso, walang duda na magkakaroon ng mas malaking kagalakan at kasiyahan sa ating buhay, at wala na halos puwang para sa kalungkutan. Dapat nating tandaan na ang pagpipitagan sa mga sagradong bagay ay nagbibigay ng kahulugan sa karamihan ng ginagawa natin araw-araw at nagpapaibayo sa pagiging mapagpasalamat natin—nagpapadama ng pagkamangha, paggalang, at pagmamahal sa mas dakila at mas banal na mga bagay.
Nakalulungkot na nabubuhay tayo sa mundo na halos palasak na ang kawalan ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay. Sa katunayan, tinatangkilik ng mundo ang mga bagay na ‘di kakikitaan ng pagpipitagan tulad ng makikita sa tabloid, programa sa telebisyon, o sa internet. Ang kawalan ng paggalang sa kasagraduhan ay nagbubunga ng kawalang pagpapahalaga at kapabayaan, na mabilis na nagtutulak sa isang henerasyon na mawalan ng respeto sa mga bagay na sagrado at maglalagay sa susunod pang henerasyon sa kaaba-abang kalagayan.
Ang kawalang-pitagan ay maaari ding maglayo sa atin sa mga tipang nag-uugnay sa atin sa Diyos at mag-udyok sa ating akalain na wala tayong anumang pananagutan sa Diyos. Dahil dito, mas madali tayong matutuksong gumawa ng mga bagay na nakatuon lamang sa sariling kaginhawahan; binibigyang-kasiyahan ang pagnanasa sa mga bagay ng mundo; at sa huli ay maudyukan na hamakin ang mga sagradong bagay, maging ang Diyos, at kalaunan ang ating banal na katangian bilang mga anak ng Ama sa Langit. Ang kawalang-galang sa mga sagradong bagay ay magsusulong sa mithiin ng kaaway gamit ang lahat ng paraang makakahadlang sa ating tumanggap ng paghahayag, na mahalaga sa espirituwal na kaligtasan natin sa ating panahon.
Ang kahulugan at kahalagahan ng pagpipitagan sa mga bagay na sagrado ay malinaw na nakabalangkas sa buong banal na kasulatan. Isang pangyayari sa Doktrina at mga Tipan ang tila nagpapahiwatig na ang paggalang sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo ay isang mahalagang katangian para sa mga taong makakamit ang kahariang selestiyal.
Bilang isang simbahan, sinisikap nating ibigay sa Ama at sa Anak ang lubos na kabanalan at paggalang sa lahat ng aspeto, kabilang na ang paraan ng paglalarawan natin sa Kanilang mga imahe. Ang patnubay ng Espiritu Santo ay mahalagang bahagi sa pagtukoy kung paano dapat ipakita ng mga imaheng ito ang sagradong kalikasan, pagkatao, at mabuting katangian ng Ama at ng Anak. Iniingatan nating magpakita ng mga elementong maaaring makagambala sa ating pangunahing pagtutuon sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo at sa Kanilang mga turo, kabilang na ang paggamit natin ng makabagong tools na inaalok ng teknolohiya, tulad ng paggamit ng artificial intelligence (AI) upang makabuo ng nilalaman at mga imahe.
Ang gayon ding alituntunin ay ginagamit sa anumang mapagkukunan ng impormasyon na makukuha sa mga opisyal na daluyan ng komunikasyon ng Simbahan. Ang bawat aralin, aklat, manwal, at mensahe ay maingat na binuo at inaprubahan sa ilalim ng patnubay ng Espiritu upang matiyak na napananatili natin ang sagradong kabanalan, pagpapahalaga, at pamantayan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sa mensahe kamakailan para sa mga young adult ng Simbahan, itinuro ni Elder David A. Bednar, “Upang mahanap ang kumplikadong interseksyon ng espirituwalidad at teknolohiya, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat na mapagpakumbaba at mapanalanging (1) tukuyin ang mga alituntunin ng ebanghelyo na maaaring gumabay sa kanilang paggamit ng artificial intelligence at (2) tapat na magsikap upang makasama ang Espiritu Santo at ang espirituwal na kaloob ng paghahayag.”
Mahal kong mga kapatid, sopistikado man ang makabagong teknolohiya, hindi nito matutularan ang kamangha-mangha at kagila-gilalas na pagpipitagang nagmumula sa impluwensya ng Espiritu Santo. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, kailangan nating maging maingat na huwag pahinain ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa Kanyang Anak sa pamamagitan ng hindi angkop na paggamit ng nilalaman at mga imahe na binuo ng AI o artipisyal na katalinuhan. Dapat nating tandaan na ang pag-asa sa makabagong teknolohiyang “bisig ng laman” ay hindi sapat at karapat-dapat na pamalit sa inspirasyon, pagpapatibay, at patotoo na matatanggap lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Tulad ng ipinahayag ni Nephi, “O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman. Hindi ako magtitiwala sa bisig ng laman.”
Sa isa pang paghahayag, iniutos kay Propetang Joseph Smith na ang mga templong itinayo para sa Panginoon ay dapat maging lugar ng pagpipitagan sa Kanya. Sa kanyang ministeryo, palaging binibigyang-diin ng ating mahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson ang ating pagsamba nang may pagpipitagan sa sagradong templo. Sa bahay ng Panginoon, tinuturuan tayo tungkol sa pagpasok sa banal na presensya ng Ama at ng Anak. Noon pa man, isang kaalaman at inspirasyon para sa akin na isa sa mga unang ginagawa natin pagpasok sa templo at sa paghahanda na makibahagi sa mga sagradong ordenansa doon ay ang maghubad ng sapatos at magpalit ng puting damit. Tulad ni Moises, kung magpopokus tayo, mauunawaan natin na ang paghuhubad ng ating sapatos na panlabas ay ang simula ng pagpasok sa banal na lugar at pagbabago tungo sa mas mataas at mas banal na paraan.
Mga kapatid, hindi natin kailangang umakyat sa tuktok ng bundok, tulad ng ginawa ni Moises, para makadama ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay at gawing mas malalim na antas ng espirituwalidad at debosyon ang ating pagkadisipulo. Halimbawa, makikita natin ito habang nagsisikap tayong protektahan ang ating tahanan laban sa mga impluwensya ng mundo. Maisasakatuparan ito sa taos-puso at taimtim na pananalangin sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo at paghahangad na mas makilala ang ating Tagapagligtas sa ating masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng ating mga propeta. Bukod pa rito, ang gayong espirituwal na pagbabago ay maaaring dumating kapag sinisikap nating tuparin ang mga tipang ginawa natin sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Ang mga pagsisikap na ito ay maaaring magdulot ng tahimik at tiyak na kapayapaan sa ating mga puso. Ang pagtutuon sa gayong mga pagkilos ay tiyak na makakatulong na gawing mapitagang lugar ng espirituwal na kanlungan ang ating tahanan—mga santuwaryo ng pananampalataya kung saan nananahan ang Espiritu, katulad ng karanasan ni Moises sa bundok.
Maaari rin nating maranasan ang gayong espirituwal na pagbabago kapag tapat tayong nakikibahagi sa pagsamba sa Simbahan, kabilang na ang pagbaling ng ating puso sa Panginoon sa ating taos-pusong pag-awit ng mga sagradong himno. Ang pagsasantabi—tulad ng ginawa ni Moises—sa mga nakagagambala, lalo na ang ating mga cellphone o anumang bagay na hindi naaayon sa sagradong sandaling ito, ay nagtutulot sa atin na makapagtuong mabuti sa pagtanggap ng sakramento, nakatuon ang mga puso’t isipan sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas gayundin sa ating sariling mga tipan. Ang pagtuon sa sakramento ay magiging mapitagang sandali ng pakikipag-ugnayan natin sa Tagapagligtas at magpapanibago ng ating buhay.
Sa huli, mararanasan natin ang espirituwal na pagbabagong ito sa ating pagkadisipulo kapag regular tayong sumasamba sa bundok ng bahay ng Panginoon—ang ating mga banal na templo—at sinisikap na mamuhay nang nagtitiwala sa ating mga tipan, lalo na kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok sa buhay bilang mortal.
Personal naming naranasan ng aking asawa ang ilang sagradong sandali ng pagpipitagan sa bundok habang sinisikap naming ipamuhay ang mga alituntuning ito, na naging sanhi ng makabuluhang pagbabago sa aming pagiging disipulo. Naaalala ko na parang kahapon lamang, naglalakad ako sa sementeryo bago inilibing ang aming pangalawang anak, na isinilang nang hindi pa panahon at hindi nakaligtas, habang nagpapagaling pa ang asawa ko sa ospital. Naaalala ko na taimtim akong nanalangin sa Diyos, sumasamo na tulungan akong makayanan ang mabigat na pagsubok na iyon. Sa sandaling iyon, nakatanggap ako ng malinaw at makapangyarihang espirituwal na katiyakan sa aking puso: Magiging maayos ang lahat sa aming buhay kung magtitiis kami ng aking asawa, magtutuon sa kagalakang nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang dating tila hindi makayanan at napakalungkot na hamong iyon ay naging sagrado at espirituwal na karanasan, isang nakaaantig na karanasan na nakatulong sa amin na patuloy na manampalataya at magtiwala sa mga tipang ginawa namin sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako para sa akin at sa aking pamilya.
Mga kapatid, ang pagpipitagan sa sagrado ay naghihikayat ng tunay na pasasalamat, higit na nagpapadama ng tunay na kaligayahan, umaakay sa ating isipan na makatanggap ng paghahayag, at nagdudulot ng higit na kagalakan sa ating buhay. Inilalagay nito ang ating mga paa sa banal na lupa at itinataas ang ating mga puso sa Diyos.
Pinatototohanan ko sa inyo na kapag sinisikap nating ilakip ang gayong kabanalan sa ating pang-araw-araw na buhay, mapag-iibayo natin ang ating kababaang-loob, mapalalawak ang ating pag-unawa sa kalooban ng Diyos para sa atin, at mapalalakas ang ating tiwala sa mga pangako ng mga tipan na ginawa natin sa Panginoon. Pinatototohanan ko na kapag tinatanggap natin ang kaloob na ito ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay—sa bundok man ng bahay ng Panginoon, sa meetinghouse, o sa sarili nating mga tahanan—mapupuspos tayo ng pagkamangha kapag naramdaman natin ang ganap na pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo. Buong pagpipitagan kong pinatototohanan ang mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo, amen.