Pananampalataya: Isang Buklod ng Pagtitiwala at Katapatan
Ang pananampalataya ay umuusbong kapag nagtitiwala tayo kay Jesucristo at namumukadkad kapag tunay at tapat tayo sa Kanya.
Noong 17 taong gulang ako, nakipagkasundo ako sa kaibigan kong si José Luis na tuturuan ko siyang lumangoy. Kaya isang umaga, naglaan kami ng oras para magpraktis. Nang matapos ang lesson namin at paahon na ako sa pool, narinig ko ang sigaw ng kaibigan ko na humihingi ng tulong. Nalulunod siya sa malalim na bahagi ng pool.
Tumalon ako sa tubig at lumangoy papunta sa kanya habang nagdarasal na tulungan ako. Nang mahawakan ko ang kamay niya para maiangat siya sa tubig, pumasan sa likod ko ang desperado kong kaibigan at kumapit na sakal-sakal ako. Pareho na kami ngayong nalulunod. Pilit kong sinikap na makaahon, at taos-puso akong nanalangin na maghimala ang Diyos. Pagkatapos, unti-unti pero tuluy-tuloy, ang kapangyarihan ng Diyos ay naipakita nang madama ko ang isang kamay na tumutulak sa akin papunta sa mababaw na bahagi ng pool, na nagdala sa amin sa kaligtasan.
Pinagtibay ng karanasang ito ang isang malalim na aral na minsan nang itinuro ni Pangulong Russell M.Nelson: “Kung huhugot kayo ng lakas sa Panginoon sa inyong buhay na kasingtindi ng isang taong nalulunod na nagpupumilit at nangangapos ang hininga, sasainyo ang lakas mula kay Jesucristo.”
Mahal kong mga bata at kabataan, nais kong kausapin kayo ngayon tungkol sa mahalagang alituntunin ng pananampalataya kay Jesucristo.
Ang Ibig Sabihin ng Pananampalataya kay Cristo ay Pagtitiwala sa Kanya
Ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Cristo? Ibig bang sabihin nito na tayo’y naniniwala sa Kanya o may patotoo na Siya ay totoo? Maaaring iyan ang simula, pero higit pa ito riyan. Minsan ba’y naisip na ninyo ang pananampalataya bilang isang pagtitiwala? Isipin ang taong pinagkakatiwalaan ninyo nang higit sa lahat—maaaring isang kapamilya o kaibigan. Bakit kayo nagtitiwala sa kanila? Marahil, dahil nakita ninyo ang kanilang patuloy na pagmamahal at pagtulong.
Kapag may pananampalataya tayo kay Cristo, nakikilala natin ang Kanyang mga pagpapala at bumubuo tayo ng relasyon na may pagtitiwala sa Kanya.
Paano Ninyo Mapalalakas ang Inyong Pagtitiwala kay Cristo?
Kamakailan lamang sa isang debosyonal para sa mga kabataan, inanyayahan kayong pagnilayan ang isang pagkakataon sa buhay ninyo kung kailan nakatanggap kayo ng isang sinag ng liwanag mula sa langit. Subukan ninyo ito!
Magsimula sa pagninilay tungkol kay Cristo at sa kaligayahang hatid ng Kanyang Pagbabayad-sala at ng ebanghelyo sa inyong buhay. Gumawa rin ng talaan ng “mga alaalang espirituwal na nagpapatibay” kung saan naroon ang Diyos para sa inyo, para sa inyong mga mahal sa buhay, at para sa mga tao sa mga banal na kasulatan. Ngayon, ang mga patotoong ito ay hindi maghahatid ng kapangyarihan sa inyong buhay hangga’t hindi ito nauukit ng Espiritu sa “mga tapyas” ng inyong puso. Kaya nga, pagnilayan at itala ang lahat ng paghahandang isinasagawa ng Diyos para sa pagsapit ng mga himalang ito sa tamang panahon.
Pagkatapos, gamitin itong oportunidad para mas mapalapit pa sa Diyos. Manalangin sa inyong Ama sa Langit na tila ba ito ang unang pagkakataon. Ipahayag ang inyong pagmamahal at pasasalamat sa Kanyang mga pagpapala. Tanungin din Siya kung ano ang nadarama Niya para sa inyo at sa direksyong tinatahak ng inyong buhay.
Kung kayo ay tapat at mapagpakumbaba, maririnig ninyo ang Kanyang sagot at magsisimula kayong magkaroon ng personal at matatag na relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Hindi lamang iyan, magiging makabuluhan ang inyong mga gawi na may kinalaman sa relihiyon! Halimbawa, kasasabikan ninyo ang inyong mga panalangin, personal na pag-aaral, at pagsamba sa templo dahil iyon ay mga pagkakataon para makilala at makasama Sila.
Lumalakas ang Pananampalataya Dahil sa Katapatan
Mapapansin natin na umuusbong ang pananampalataya kapag nagtitiwala tayo kay Jesucristo at namumukadkad iyon kapag tunay at tapat tayo sa Kanya. Kung nais ninyong magkaroon ng tunay na relasyon kay Cristo, ipakita sa Kanya sa pamamagitan ng pakikipagtipan at pagtupad sa mga ito nang buong katapatan. Ang pakikipagtipan kay Jesucristo ay nagbibigay ng pag-asa. Ang pagtupad sa mga ito ay nagpapalakas ng pananampalataya.
Magbibigay ako ng isang personal na halimbawa: Isang araw, noong bata pa ako, nakita kong mag-isang umiiyak ang nanay ko. Nang tanungin ko siya kung bakit, malumanay niyang sinabi, “Ang gusto ko, maging mabait kang bata.” Kahit alam kong hindi ako ang dahilan ng kanyang pagkabalisa, higit kaninuman, mahal ko ang aking ina at nagtitiwala ako sa kanya at gusto kong gawing mas magaan ang kanyang buhay. Kaya nga, nang may luha sa aking mga mata at nang may buong kataimtiman na maaaring ipadama ng isang siyam na taong gulang na bata, ipinangako ko sa kanya noong araw na iyon na lagi akong magsisikap na maging pinakamabuting anak at ipagmamalaki niya ako.
Naiisip ba ninyo ang taglay na puwersa ng pangakong iyon noon—at maging hanggang ngayon—sa akin?
Ang pangako kong iyon sa kanya ang gumagabay sa aking buhay. Bago gumawa ng mga desisyon, iniisip ko kung matutuwa ba siya sa mga gagawin ko. Ang buklod ng pangakong ito at relasyon ko sa aking ina ang naging sandigan ng aking pag-uugali sa buong buhay ko.
Sa paglipas ng mga taon, habang lalo kong nakikilala si Jesucristo, natutuhan ko kung paano isandig ang aking pananampalataya sa Kanya. Nakipagtipan ako sa Panginoon, at kapag sinisikap kong tuparin ang mga ito, pinatatawad Niya ang aking mga kasalanan, ginagabayan ang aking buhay, at “pinu[pu]spos ako ng kanyang pag-ibig” hanggang sa kaibuturan ng aking pagkatao. Nag-ukit si Cristo sa aking puso ng malalim na pagmamahal, paggalang, at katapatan sa Kanya.
Nauunawaan ba ninyo kung bakit “ang pananampalataya ay isang alituntunin ng pagkilos” at na “kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos”?
Sa pagsisikap ninyong kalugdan Niya, sasabihin din ninyo ang sinabi ni Jose sa Egipto noong tinukso siya ng asawa ni Potifar, “Paano ngang magagawa ko itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Diyos?” At kapag naharap sa pag-uusig, sasabihin din ninyo ang sinabi ng noon ay bata pang si Propetang Joseph: “Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila; … nalalaman ko na kung ito’y aking gagawin ay magkakasala ako sa Diyos.”
Kaya nga, ang manampalataya kay Jesucristo ay isang buklod ng pagtitiwala na hinubog sa katapatan at pagmamahal. Sa madaling salita, bilang pasasalamat sa pag-ibig ng Diyos na puno ng awa (hesed), ipinapakita natin ang ating tapat na pagmamahal (emunah) sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Ipinapangako ni Cristo, “Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon … ay mamahalin ng aking Ama, at siya’y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.” Kung mangangako kayo na magiging tapat sa Kanya, ipadarama Niya ang Kanyang pagmamahal sa inyo.
Pananampalataya sa Harap ng Paghihirap
Ngunit paano kayo dapat tumugon sa mga napakasamang sitwasyon na nangangailangan ng Kanyang mga himala? Bagama’t ang mga hamon ay sadyang hindi maiiwasan at nagdudulot ng pangamba kung minsan, lakasan lamang ang loob at walang takot na humakbang palapit sa Kanya, gaya ng paanyaya sa tema ng kumperensiya ng FSY 2025: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”
Paano Kayo Hahakbang Palapit sa Kanya nang Walang Takot?
Isipin ninyo na kunwari nasa isang teritoryo kayo na hindi pa nagagalugad. Para mapagtagumpayan ang mga hadlang na kakaharapin, kailangan ninyo ng mapagkukunan ng liwanag. Ang inyong katapatan sa Diyos at ang patuloy na pakikipag-ugnayan ninyo sa Kanya ang magpapaningas sa inyong lampara. Kaya kapag naharap kayo sa madilim at mapanganib na mga sitwasyon, sa halip na lakarin ang daan nang walang nakikita, bubuksan ninyo ang inyong lampara na puno ng langis ng pananampalataya kay Cristo upang magbigay ng mga kislap ng pag-asa sa landas na walang katiyakan. Ang mga naging karanasan ninyo sa nakaraan ang magbibigay sa inyo ng higit na pag-asa na tutulungan kayo ng Panginoon sa inyong paglalakbay.
Gaano Kalayo ang Mararating Ninyo Kung Mayroon Kayong Pag-asa at Pananampalataya kay Cristo?
Natatandaan ba ninyo ang kuwento ko sa nangyari sa pool? Sa sandaling iyon ng kawalan ng pag-asa, ang himala ay dumating sa paraang inasam ko, pero hindi ginagarantiyahan ng Diyos na palaging maaayon ito sa ating nais. Ang ating pananampalataya ay kailangang nakasentro kay Cristo at sa ating pag-asa sa Kanyang mga pagpapala, na minamarapat Niyang ipagkaloob. “Asahang mangyayari ang mga himala,” ngunit “hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay.”
Ang mga Pangako ng Diyos sa Kanyang Matatapat na Tao
Mga kaibigan kong kabataan, minamahal at pinagkakatiwalaan namin kayo! Kayo ay kabilang sa pamilya ng Diyos at mga anak sa tipan. Maniwala at magtiwala kay Jesucristo. Bibigyan Niya kayo ng kakayahang maging tunay na mga disipulo Niya.
Inaanyayahan ko kayo na simulang alagaan ngayon ang inyong relasyon kay Jesucristo. Mangako kayo na hindi Siya tatalikuran kailanman.
Ang inyong katapatan, pagmamahal, at pagtitiwala kay Cristo ang huhubog sa inyong pag-uugali at pagkatao na gaya sa Kanya. Magkakaroon kayo ng kumpiyansa at lakas na madaig ang mga pag-atake ni Satanas. At kapag nagkakamali kayo, hahangarin ninyo ang Kanyang kapatawaran. Sa huli, magliliwanag ang pag-asa ninyo sa kinabukasan. Ipagkakatiwala Niya sa inyo ang Kanyang kapangyarihan upang maisakatuparan ang anumang inaasahan Niya sa inyo, maging ang kakayahang makabalik sa Kanyang piling.
Pinatototohanan ko sa inyo ang kagalakang dulot ng pagkanta ng “awit ng mapagtubos na pag-ibig” at ng “[mayakap] magpakailanman sa mga bisig ng kanyang pagmamahal.” Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.