Pag-ibig sa Kapwa-tao—Isang Palatandaan ng Tunay na Pagkadisipulo
Ang tunay na patutunguhan ng pagkadisipulo ay literal na maging katulad ni Jesucristo.
Inanyayahan tayo kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson na “unahin natin higit sa lahat ang ating pagiging disipulo.” Ang makapangyarihang paanyaya na iyon ay nagbigay-inspirasyon sa akin na pagnilayang mabuti ang aking personal na pagkadisipulo kay Jesucristo.
Ang Pagkadisipulo ay Sinasadya
Ang disipulo ay isang tagasunod o estudyante ng isa pa. Ang mga disipulo ay “mga alagad” na naglalaan ng kanilang buhay upang maging tulad ng kanilang guro. Samakatwid, ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay tumutukoy sa higit pa sa paniniwala sa Kanyang mga turo at doktrina. Ito ay higit pa nga sa pagkilala sa Kanyang kabanalan at pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos, bagaman mahalaga rin iyon.
Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang pagsunod kay Cristo ay hindi isang kaswal o paminsan-minsang gawain. Ito ay tuloy-tuloy na katapatan at paraan ng pamumuhay na dapat na gumabay sa atin sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar.” Ang pagkadisipulo ay isang sadyang paglalakbay na ginagawa natin upang magbago sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon at ng Kanyang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan. Ang tunay na patutunguhan ng pagkadisipulo ay literal na maging katulad ni Jesucristo—maging hanggang sa punto kung saan matatanggap natin “ang Kanyang larawan sa [ating] mga mukha.”
Upang maging disipulo ng Panginoon, dapat nating sadyaing tularan ang Kanyang mga kaisipan at gawi araw-araw—halimbawa, ang Kanyang pagsunod, pagpapakumbaba, at pagtitiyaga. Habang paunti-unti nating iniaangkop ang mga katangiang ito sa ating identidad, tayo ay nagiging mga “kabahagi [sa Kanyang] likas na katangian.” Ang pagtulad na ito sa katangian ng Tagapagligtas ang pinakamahalagang bahagi ng pagsamba sa Kanya. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang ating pagsamba kay Jesus ay pinakamainam na naipapahayag sa pamamagitan ng ating pagtulad kay Jesus.”
Ang Palatandaan ng Tunay na Pagkadisipulo
Sa lahat ng maraming banal na katangian ni Jesucristo na tutularan natin, may isang nakahihigit at kumakatawan sa lahat. Ang katangiang iyon ay ang Kanyang dalisay na pag-ibig, o ang pag-ibig sa kapwa-tao. Kapwa si propetang Mormon at si Apostol Pablo ay nagpapaalala sa atin na kung walang pag-ibig sa kapwa-tao, “wala [tayong] kabuluhan.” O, tulad ng inihayag kay Propetang Joseph Smith, kung walang “pag-ibig sa kapwa-tao, wala [tayong] magagawa.”
Tinukoy ng Tagapagligtas mismo ang pag-ibig bilang marka o tanda kung paano matutukoy ang Kanyang mga tunay na disipulo nang sabihin Niya:
“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa.
“Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”
Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang makabuluhang konsepto na maaaring mahirap bigyang-kahulugan pero madaling maunawaan ng lahat ng naaantig nito. Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay nagtuturo na “ang pag-ibig sa kapwa-tao, tulad ng pananampalataya, ay humahantong sa pagkilos.” Tunay nga, ang pag-ibig sa kapwa-tao ay maaaring ilarawan bilang “pag-ibig na may pagkilos.” Ang paglalarawan na ito ay nagbibigay ng magandang kabatiran sa buod na pahayag ng buhay ng Tagapagligtas—“naglibot siya na gumagawa ng mabuti.”
Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, dapat nating hangarin na tularan ang paraan kung paano ipinakita ng ating Guro ang Kanyang dalisay na pag-ibig para sa iba. Bagaman ang Tagapagligtas ay nagpapakita ng pag-ibig sa kapwa-tao sa maraming paraan, nais kong magbigay-pansin sa tatlong partikular na huwaran ng Kanyang pag-ibig sa kapwa-tao na madaling makita sa Kanyang mga tunay na disipulo.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Pagpapakita ng Pagkahabag
Una, ang Tagapagligtas ay nagpakita ng pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng pagiging mahabagin. Sa Kanyang ministeryo sa mga Nephita, na nakatala sa Aklat ni Mormon, inanyayahan ng Panginoon ang mga tao na umuwi at pagnilayan ang mga bagay na itinuro Niya at maghanda para sa Kanyang pagbabalik kinabukasan. Pagkatapos ay ipinapahayag sa tala:
“Sila ay luhaan, at nakatitig sa kanya na waring kanilang hinihiling sa kanya na magtagal pa nang kaunti sa piling nila.
“At kanyang sinabi sa kanila: Masdan, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo.”
Ang pagkahabag ang bahagi ng pag-ibig sa kapwa-tao na naghahangad na ibsan ang pagdurusa. Puno ng pagkahabag, pinagaling ng Panginoon ang maysakit at nahihirapan sa mga tao. Pagkatapos, binasbasan Niya ang kanilang mga anak habang ang mga anghel ay bumababa mula sa langit at pinalilibutan sila. Isinagawa Niya ang malalambing at magiliw na mga pagkilos na ito at marami pang iba dahil “nahabag siya sa kanila.”
Habang naglilingkod ako noon bilang bata pang missionary sa Timog Amerika, nakinabang din ako sa pagkahabag ng isang malapit na kaibigan. Isang gabi habang nagmamaneho ako kasama ang aking kompanyon papunta sa tahanan ng aming mission president, biglang lumiko ang isang bata pang lalaki sa harapan ng sasakyan. Napakabilis ng pangyayari kaya hindi ko na naiwasan ang salpukan. Sa kasamaang-palad, ang bata pang lalaki na ito ay namatay sa salpukan. Nanlumo ako sa pagkamatay niya. Takot at sindak habang ang kakila-kilabot na katotohanan ng nangyari ay dumagok sa akin, dinala ako sa bilangguan at ikinulong. Hindi pa ako nakadama ng higit na takot at pag-iisa noon. Ako ay napuno ng dalamhati at takot na makukulong ako habambuhay.
Nalaman ng isang kapwa missionary, si Elder Brian Kochevar, ang tungkol sa aksidente at nahabag siya. Nagpunta siya sa bilangguan at nakiusap sa mga opisyal na pahintulutan siyang samahan ako sa selda upang hindi ako mapag-isa. Himalang pumayag sila. Hanggang ngayon, nakadarama ako ng matinding pasasalamat para sa pagkilos ng disipulong ito na may pag-ibig na tulad ng kay Cristo, na nagpakalma, nagpanatag, at umalo sa akin sa panahon ng pinakamalalang pagkabalisa sa aking buhay. Ang kanyang pagkahabag na may pag-ibig sa kapwa-tao ay isang malinaw na palatandaan ng kanyang pagkadisipulo. Tulad ng napansin ni Pangulong Nelson, “Isa sa pinakamadadaling paraan para makilala ang isang tunay na tagasunod ni Jesucristo ay kung gaano niya tinatrato nang may pagkahabag ang ibang tao.”
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Pagtugon sa mga Hindi Binabanggit na Pangangailangan
Ang isa pang halimbawa kung paano ipinapakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pag-ibig ay sa pamamagitan ng Kanyang pagpansin at pagtugon sa mga hindi binabanggit na pangangailangan ng iba. Sa lalaking nalumpo sa loob ng 38 taon na walang tumutulong sa kanya, pinagaling siya ng Panginoon at hinikayat na mamuhay nang matwid. Sa babaeng nahuling nangangalunya, nagbigay Siya ng pag-asa at pag-alo sa halip na paghatol. Para sa lalaking paralisado na ibinaba mula sa bubong, ang Panginoon ay nagbigay ng kapatawaran ng mga kasalanan, hindi lamang paggaling ng katawan.
Noong ako ay tinawag bilang bishop, ginawang hamon ng aming anim na maliliit na anak ang mga sacrament meeting para sa aking asawang si Cristin, na kinailangang magbantay sa kanila habang nakaupo ako sa unahan. Tulad ng iniisip ninyo, ang aming mga anak ay madalas na hindi mapitagan. Napansin ang kanyang sitwasyon, dalawang miyembro ng aming ward, sina John at Debbie Benich, ang nagsimulang umupo sa tabi niya tuwing araw ng Linggo para tumulong. Nagpatuloy nang maraming taon ang kanilang kabaitan, at sila ay naging parang lolo at lola ng aming pamilya. Tulad ng Panginoon, napansin ng mga disipulong ito ang hindi binabangit na pangangailangan at kumilos sila nang may pag-ibig—isang maliwanag na palatandaan ng kanilang pagkadisipulo.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Pagtulong sa Iba sa Landas ng Tipan
Panghuli, ang ganap na pag-ibig ng Tagapagligtas ay nakatuon sa pagbibigay-kakayahan sa lahat ng anak ng Diyos na maabot ang kanilang banal na potensyal upang tayo ay “makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos.” Habang tayo ay nagiging higit na katulad ng ating Guro, likas na madaragdagan ang ating hangaring tulungan ang ating mga kapatid sa landas ng tipan.
Halimbawa, maaari nating pasiglahin at kaibiganin ang mga taong nasaktan ang damdamin at nadaramang nakalimutan sila, tulungan ang mga taong bago sa ating kongregasyon na madamang tanggap sila, o anyayahan ang mga kaibigan na sumambang kasama natin sa sacrament meeting—marahil sa paparating na Pasko ng Pagkabuhay na ito. May di-mabilang na paraan upang hikayatin at tulungan ang iba sa kanilang pag-unlad kung tayo ay kusa at mapanalanging maghahangad ng tulong ng langit na magkaroon ng mga mata upang makita at ng puso upang madama kung paano sila nakikita ni Jesucristo at kung ano ang nadarama Niya para sa kanila.
Ang pagtulong sa iba sa kanilang landas ng tipan ay maaaring nasa anyo ng isang hindi nakaugaliang pamamaraan ng paglilingkod. Bilang halimbawa, sa aking kasalukuyang tungkulin sa Pilipinas, nalaman ko ang tungkol sa pamilya Agamata. Nabinyagan sila noong 2023, at pagkatapos ay sabik silang nagtakda ng petsa upang mabuklod bilang pamilya sa kalapit na Urdaneta Philippines Temple. Gayunman, bago ang appointment ng pamilya, ilang bagyo ang sumalanta sa rehiyon. Si Brother Agamata, isang magsasaka ng palay, ay hindi nakapagtanim ng kanyang mga pananim sa gitna ng malalakas na bagyo. Nang makalipas ang mga unos, kinailangan niyang bilisang magtanim ng palay habang basa pa ng tubig ang lupa—tamang-tamang kondisyon para sa pagtatanim. Sa kasamaang-palad, ang pagpunta sa templo ay kakailanganing ipagpaliban.
Dalawang disipulo, sina Elder at Sister Cauilan, kasama ang tatlong bata pang service missionary, ang nakarinig tungkol sa paghihirap ng pamilya Agamata at nag-alok na tumulong kahit na wala silang karanasan sa pagtatanim. Nagtatrabaho sa ilalim ng matinding sikat ng araw, tumulong silang itanim ang mga punla, tinutulutan ang mga Agamata na matapos ang kanilang gawain at dumalo sa kanilang pagbubuklod sa templo tulad ng nakaiskedyul. Napansin ni Elder Cauilan na “ang mukha [ng mga Agamata] ay nagningning nang makita namin silang nakasuot ng puti sa bahay ng Panginoon. Ang kagalakang nadama namin sa paglilingkod sa isa ay isang kagalakang walang katulad!”
Natatamasa na ngayon ng mga Agamata ang mga saganang pagpapala ng pagkabuklod bilang walang hanggang pamilya dahil ang ilang kapwa disipulo na puno ng pag-ibig sa kapwa-tao—isang palatandaan ng kanilang pagkadisipulo—ay nagpasiyang tulungan ang kanilang mga kapatid na sumulong sa kanilang landas ng tipan.
Mga kapatid na lalaki at babae, ang pagkadisipulo kay Jesucristo ang tanging paraan upang makamit ang walang hanggang kaligayahan. Ito ay isang landas na puno ng kusa at nilayong pagkilos na may pag-ibig sa iba. Bagaman maaaring mahirap at puno ng hamon ang landas ng pagkadisipulo, at bagaman kung minsan ay mahihirapan at magkukulang tayo, mapapanatag tayo kapag inisip natin na inaalala tayo ng Diyos at nasasabik Siyang tulungan tayo sa bawat pagsisikap natin. Ipinapaalala sa atin ni Isaias na “Diyos ang humahawak ng [ating] kamay; [nagsasabing] … , Huwag kang matakot, ikaw ay aking tutulungan.”
Nasasaisip ang katiyakang ito mula sa ating Ama sa Langit, taimtim akong nananalangin na sundin natin ang paanyaya ni Pangulong Nelson na unahin ang ating pagkadisipulo. Nawa tayo ay “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso” upang “mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; … na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya” dahil dadalhin natin ang palatandaan ng tunay na pagkadisipulo, na “pag-ibig sa kapwa-tao … dalisay na pag-ibig ni Cristo.”
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating buhay na maluwalhating Tagapagligtas, Manunubos, Halimbawa, at Kaibigan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.