Pangkalahatang Kumperensya
Espirituwal na Maging Buo sa Kanya
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


11:29

Espirituwal na Maging Buo sa Kanya

Ang pagiging buo ay hindi nangangahulugan ng pisikal at emosyonal na pagbabalik sa dati sa buhay na ito. Ito ay bunga ng pananampalataya at pagbabalik-loob kay Jesucristo.

Sampung ketongin ang nagsisigaw sa Tagapagligtas, “Maawa ka sa amin.” At kinaawaan nga sila ni Jesus. Sinabi Niya sa kanila na magpakita sa saserdote at habang naglalakad, luminis na ang kanilang balat.

At isa sa kanila, nang makita niyang siya’y magaling na, ay nagpapuri sa Diyos sa malakas na tinig. Bumalik siya sa Tagapagligtas, nagpatirapa sa Kanyang paanan, at nagpasalamat.

At sinabi ng Tagapagligtas sa kanya na nagpasalamat, “Pinagaling ka [ginawa kang buo] ng iyong pananampalataya.”

Pinagaling ni Jesucristo ang sampung ketongin. Ngunit ang isa na bumalik sa Tagapagligtas ay tumanggap nang higit pa. Siya ay ginawang buo.

Siyam na ketongin ang pisikal na gumaling.

Isa ang pisikal at espirituwal na naging buo.

Sa pagninilay ko sa kuwentong ito, napaisip ako sa katotohanan ng ideyang ito. Kung ang pagpapagaling at pagiging buo ay hindi pareho, maaari ba Niyang espirituwal na gawing buo ang isang tao ngunit hindi pa mapagaling sa pisikal at emosyonal?

Ang Dakilang Manggagamot ay pagagalingin ang lahat ng ating sakit—pisikal at emosyonal—sa Kanyang takdang panahon. Ngunit sa paghihintay na gumaling, maaari bang maging buo ang isang tao?

Ano ba ang maaaring kahulugan ng espirituwal na maging buo?

Tayo ay nagiging buo kay Jesucristo kapag pinipili nating sumunod sa Kanya nang may pananampalataya, isinusuko natin sa Kanya ang ating kalooban upang mapagbago Niya ito, sumusunod sa Kanyang mga kautusan, at pagkakaroon ng kaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng pakikipagtipan, at mapagpakumbabang nagtitiis at natututo sa mga hamon ng buhay na ito hanggang sa makabalik tayo sa Kanyang piling at magsigaling sa lahat ng paraan. Maaari akong maging buo habang naghihintay na mapagaling kung taos-puso ang aking ugnayan sa Kanya.

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagdudulot ng pag-asa. Nagkakaroon ako ng pag-asa sa pagsisikap kong maging buo—pagiging buo na bunga ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya sa Kanya ay nagpapalakas sa pag-asa kong ako’y gagaling, at itinataguyod ng pag-asang iyon ang aking pananampalataya kay Jesucristo. Ito ay isang makapangyarihang siklo.

Sinabi ng Panginoon kay Enos na “pinagaling o ginawa siyang buo” ng kanyang pananampalataya. Natanggap ni Enos ang pagiging buo nang pagnilayan niya ang mga salita ng kanyang amang propeta, si Jacob, noong nagugutom siyang maunawaan ang pagkakataong makamit ang buhay na walang hanggan, nang tumawag siya sa Diyos sa taimtim na panalangin. At sa ganoong kalagayan ng pagnanais at pagpapakumbaba, ang tinig ng Panginoon ay narinig niya, na nagpapahayag na pinatawad na ang kanyang mga kasalanan. At tinanong ni Enos ang Panginoon, “Paano ito nangyari?” At sumagot ang Panginoon, “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, … ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.”

Sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo, maaari nating hangarin na espirituwal na maging buo habang naghihintay tayo at umaasa sa pisikal at emosyonal na pagpapagaling.

Sa bisa ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at kapag taos-pusong nagsisi tayo, pinagagaling tayo ng Tagapagligtas mula sa kasalanan, tulad ng ginawa Niya kay Enos. Nakaaapekto rin ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala sa ating mga pighati at kalungkutan.

Ngunit maaaring hindi Niya tayo pagalingin mula sa karamdaman at sakit—sa chronic pain, autoimmune disorders na tulad ng multiple sclerosis, cancer, anxiety, depression at iba pa. Ang ganitong uri ng pagpapagaling ay ayon sa takdang panahon ng Panginoon. At samantala, maaari nating piliing maging buo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya!

Ang ibig sabihin ng maging buo ay maging kumpleto at ganap. Tulad ng limang matalinong birhen na puno ng langis ang mga ilawan nang dumating ang kasintahang lalaki, maaari tayong maging buo kay Jesucristo yamang pinupuno natin ang ating mga ilawan ng mapagkalingang langis ng pagbabalik-loob sa Kanya. Sa ganoong paraan, handa tayo para sa simbolikong hapunan ng kasalan, ang Kanyang Ikalawang Pagparito.

Sa talinghaga, ang lahat ng sampung birhen ay nasa tamang lugar, naghihintay sa pagdating ng kasintahang lalaki. Bawat isa sa kanila ay may dalang ilawan.

Ngunit nang Siya’y dumating, sa hindi inaasahang oras ng hatinggabi, ang limang hangal ay walang sapat na langis para sa kanilang mga ilawan. Hindi sila inilarawan na masasama, bagkus ay mga hangal. Nabigong sapat na maghanda ang mga hangal para mapanatiling nagdiringas ang kanilang mga ilawan ng langis ng pagbabalik-loob.

Kaya nga, bilang tugon sa kanilang kahilingan na pahintulutan silang pumasok sa hapunan ng kasalan, sumagot ang kasintahang lalaki, “Hindi ko kayo nakikilala.”

Ipinapahiwatig nga nito na talagang kilala Siya ng limang matalinong birhen. Sila ay naging buo sa Kanya.

Ang kanilang mga ilawan ay puno ng mahalagang langis ng pagbabalik-loob na nagpahintulot sa matatalinong birhen na makapasok sa piging ng kasal sa may kanang kamay ng kasintahang lalaki.

Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, “Maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki.”

Ang Limang Matalinong Birhen, ni Ben Hammond

Ang Limang Matalinong Birhen, ni Ben Hammond

Isang napakagandang iskultura na ipinapakita ang limang matalinong birhen ang inilagay kamakailan sa Temple Square sa labas lamang ng mga pintuan ng Relief Society Building at sa lilim ng Salt Lake Temple.

Lokasyon ito na marapat sa talinghaga. Dahil kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan, lalo na yaong mga natatanggap natin sa bahay ng Panginoon, pinupuno natin ang ating mga ilawan ng langis ng pagbabalik-loob.

Ang limang matalinong birhen na nagbabahagian ng kanilang liwanag.
Ang limang matalinong birhen na sinusuportahan ang isa’t isa.

Bagama’t hindi ibinabahagi ng mga babaeng kumakatawan sa limang matalinong birhen ang langis ng kanilang pagbabalik-loob, ibinabahagi nila ang kanilang liwanag habang itinataas nila ang kanilang mga ilawan na puno ng langis at maningning na nagniningas. Kapansin-pansing inilalarawan sila na sumusuporta sa isa’t isa—balikat sa balikat, nakayakap ang bisig sa bawat isa, nag-uugnayan ang mga mata at tinatawag ang iba na pumunta sa liwanag.

Tunay nga na “[tayo] ang ilaw ng sanlibutan.” Ipinahayag ng Tagapagligtas:

“Ibinibigay ko sa inyo na maging ilaw ng mga taong ito. Isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitatago.

“… [Tayo] ba ay nagsisindi ng kandila upang ilagay sa ilalim ng takalan? Hindi, kundi sa isang kandelero; at ito ay nagbibigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay;

“Samakatwid hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.”

Inuutusan tayong ibahagi ang Kanyang liwanag. Kaya panatilihing puno ng langis ng pagbabalik-loob kay Jesucristo ang inyong ilawan at maging handa na panatilihing maayos at maningning na nagniningas ang inyong ilawan. Pagkatapos ay hayaang magliwanag ang ilaw na iyon. Kapag ibinabahagi natin ang ating liwanag, naghahatid tayo ng kaginhawahan ni Jesucristo sa iba, lumalalim ang ating pagbabalik-loob sa Kanya, at maaari tayong maging buo habang naghihintay tayo sa pagpapagaling. At kapag hinahayaan nating lumiwanag ang ating ilaw, magiging masaya tayo kahit pa habang naghihintay tayo.

Isang halimbawa sa banal na kasulatan ang kapaki-pakinabang sa pagpapatibay ng alituntunin na maaari tayong maging buo kapag tayo ay nagbalik-loob kay Jesucristo at humuhugot ng lakas mula sa Kanya, kahit pa habang naghihintay tayong pagalingin.

Si Apostol Pablo ay may isang uri ng sakit—na inilarawan niya na isang “tinik sa laman,” na tatlong beses niyang hiniling sa Panginoon na alisin. At sinabi ng Panginoon kay Pablo, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Sa gayon ipinahayag ni Pablo:

“Ako’y lalong magmamalaki … sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin.

“Kaya, alang-alang kay Cristo, ako’y nasisiyahan sa mga kahinaan, … at mga sakuna, sapagkat kapag ako’y mahina, ako nga’y malakas.”

Ang halimbawa ni Pablo ay nagpapahiwatig na kahit sa ating kahinaan, ang ating lakas kay Jesucristo ay maaaring gawing perpekto—ibig sabihin, kumpleto at buo. Yaong mga nakikipagbuno sa mga paghihirap sa buhay na ito at bumabaling sa Diyos nang may pananampalataya na tulad ni Pablo ay makatatanggap ng mga pagpapala upang makilala ang Diyos.

Hindi gumaling si Pablo sa kanyang sakit, ngunit espirituwal na naging buo siya kay Jesucristo. At kahit sa kanyang paghihirap, ang liwanag ng kanyang pagbabalik-loob at lakas mula kay Jesucristo ay nagningning, at siya ay naging masaya. Sa kanyang Sulat sa mga taga-Filipos, naibulalas niya, “Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo.”

Mga kapatid, ang sagot ay oo, maaari tayong espirituwal na maging buo, kahit pa naghihintay tayo ng pisikal at emosyonal na pagpapagaling. Ang pagiging buo ay hindi nangangahulugan ng pisikal at emosyonal na pagbabalik sa dati sa buhay na ito. Ito ay bunga ng pananampalataya at pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa pagpapaningning ng liwanag ng pagbabalik-loob na iyon.

“Marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang [pumiling] piliin.”

Lahat ay pisikal at emosyonal na gagaling sa Pagkabuhay na Mag-uli. Ngunit pipiliin ba ninyo ngayon na maging buo sa Kanya?

Masayang ipinapahayag ko na nagbalik-loob ako sa Panginoong Jesucristo. Sinisikap kong maging buo sa Kanya. Natitiyak ko na ang lahat ng bagay ay ibabalik sa dati at ang paggaling ay darating, sa Kanyang takdang panahon, dahil Siya ay buhay.

Si Maria Magdalena ay isang babaeng pinagaling ni Jesucristo. At siya ay isang babaeng naging buo kay Jesucristo. Bilang Kanyang disipulo, sinundan niya ang Tagapagligtas sa buong Galilea at pinaglingkuran Siya.

Naroon siya sa paanan ng krus, isang saksi sa Kanyang kamatayan.

Nagpunta siya sa Kanyang libingan para tapusin ang mga paghahanda sa libing at natuklasan na inalis ang takip na bato, na wala na roon ang katawan ng Panginoon. Naroon si Maria sa may libingan at umiiyak nang tanungin siya, una ng mga anghel at pagkatapos ng mismong Tagapagligtas, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?”

Sinabi ni Maria, “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.”

At magiliw na tinawag ni Jesus ang kanyang pangalan, “Maria.” At nakilala niya Siya at magalang na sumagot, “Rabboni; … Guro.”

Sinabi ni Isaias noong nagpropesiya siya tungkol sa Tagapagligtas, “Lulunukin niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha.”

Ang Kanyang Muling Pagkabuhay ang pumawi sa mga luha ni Maria. Tiyak na papahirin din Niya ang sa inyo.

Si Maria ang unang saksi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. At siya ang unang nagpatotoo sa iba pa tungkol sa kanyang nakita.

Mapagpakumbabang idinaragdag ko ang aking patotoo kay Maria. Siya ay nabuhay. Si Jesucristo ay buhay. Sa huli ang lahat ay gagaling, pisikal at emosyonal, sa Kanya. At sa paghihintay para sa pagpapagaling na iyon, ang pananampalataya sa Dalubhasang Manggagamot ay gagawin tayong buo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Lucas 17:11–19. Ang katagang “maging buo” ay isinalin mula sa salitang Griyego na nangangahulugang magligtas, sumaklolo, magtubos, o magpagaling. Tila binibigyang-diin nito ang mahalagang katotohanan na si Jesucristo ay maaaring pisikal tayong pagalingin at maaari din Niya tayong tubusin, saklolohan, iligtas, at pagalingin sa iba pang paraan.

  2. Tingnan sa Alma 40:23: “Ang kaluluwa ay magbabalik sa katawan, at ang katawan sa kaluluwa; oo, at bawat biyas at kasu-kasuan ay magbabalik sa kanyang katawan; oo, maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala; kundi lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo.” Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2005, 87: “Ang handog na pagkabuhay na mag-uli ang pinakadakilang pagpapagaling ng Panginoon.”

  3. Tingnan sa Moroni 7:40–42.

  4. Enos 1:8.

  5. Enos 1:7.

  6. Enos 1:8.

  7. Tingnan sa Mateo 25:1–13.

  8. Hangal dahil hindi nila inisip na mahalaga o kailangang magdala ng sobrang langis.

  9. Joseph Smith Translation, Matthew 25:12 (sa Matthew 25:12, footnote a).

  10. Tungkol sa talinghaga ng sampung birhen, itinuro ni Elder Bednar:

    “Mangyaring isipin ninyo ang mga ilawang ginamit ng mga [birhen] bilang ilawan ng patotoo. Dinala ng mga hangal ang kanilang mga ilawan ngunit hindi sila nangagdala ng langis. Ipagpalagay ang langis bilang langis ng pagbabalik-loob. …

    “Ang matatalino bang [birhen] ay sakim at ayaw magbigay, o tama lang na ipinapahiwatig nila na ang langis ng pagbabalik-loob ay hindi maaaring hiramin? Ang espirituwal na kalakasan ba na bunga ng pagkamasunurin sa tuwina sa mga kautusan ay maaaring ibigay sa ibang tao? Ang kaalaman ba na nakamtan sa masigasig na pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan ay maaaring ibigay sa isang taong nangangailangan? Ang kapayapaan bang hatid ng ebanghelyo sa matapat na Banal sa mga Huling Araw ay maaaring ilipat sa isang taong dumaranas ng hirap o malaking hamon? Ang malinaw na sagot sa bawat isa sa mga tanong na ito ay hindi.”

    Patuloy na paliwanag niya na mayroon tayong “[kani-kanyang] responsibilidad na panatilihing nag-aalab ang ating ilawan ng patotoo at magkaroon ng sapat na suplay ng langis ng pagbabalik-loob. Ang mahalagang langis na ito ay nakukuha sa paisa-isang patak—‘taludtod sa taludtod [at] tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30), nang buong tiyaga at sigasig. Walang shortcut dito; walang huling-sandaling paghahanda ang maaaring magawa” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 109).

  11. Doktrina at mga Tipan 33:17. Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ngayon ang panahon para sa inyo at sa akin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ngayon ang panahon para unahin natin higit sa lahat ang ating pagiging disipulo” (“Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” Liahona, Nob. 2024, 121).

  12. Ang iskultor ng Five Wise Virgins [Limang Matalinong Birhen] ay ang artist na si Ben Hammond, na nagpapakita ng limang matalinong birhen bilang mga kababaihan na magkakaiba ang edad at pinagmulang lahi, na kumakatawan sa pagkakaiba-iba ng mga kababaihan na nagbalik-loob na mga disipulo ni Jesucristo.

  13. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinapanibago natin ang lahat ng tipang ginawa natin sa Panginoon at gumagawa ng bagong tipan na handa nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at sundin ang Kanyang mga kautusan. Ang paglahok na karapat-dapat sa mga ordenansa ng priesthood at paggawa at pagtupad sa mga tipan ang nagpapagaling sa atin. Ang alituntuning ito ay magandang ipinahayag sa himno ng sakramento na “Ang Tinapay at Tubig ng Buhay”:

    O, Jesus, ang Tinapay

    At Tubig ng Buhay,

    O, ako’y pabanalin

    Gawing ganap—buo’t dalisay—

    At sa Inyo’y bigkisin.

    (Mga Himno—Para sa Tahanan at Simbahan, Gospel Library; idinagdag ang pagbibigay-diin.)

  14. Mateo 5:14.

  15. 3 Nephi 12:14–16.

  16. Sa mga salita ng himno:

    This little light of mine, I’m gonna let it shine [Ang munting ilaw ko, hahayaan ko itong lumiwanag]. …

    Everywhere I go, I’m gonna let it shine [Kahit saan ako magpunta, hahayaan ko itong lumiwanag]. …

    Jesus gave it to me; I’m gonna let it shine [Ibinigay ito sa akin ni Jesus; Hahayaan ko itong lumiwanag].

    Magliwanag, magliwanag, magliwanag [Kahit saan ako magpunta, hahayaan ko itong lumiwanag].

    (“This Little Light of Mine,” Hymns—For Home and Church, Gospel Library.)

  17. 2 Corinto 12:7.

  18. Tingnan sa 2 Corinto 12:8.

  19. 2 Corinto 12:9.

  20. 2 Corinto 12:9–10.

  21. Filipos 4:4; Tingnan din sa 2 Corinto 1:3–4: “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng mga kaawaan, at Diyos ng lahat ng kaaliwan; na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.”

  22. Tingnan sa David A. Bednar, “Isuot Mo ang Iyong Lakas, O Sion,” Liahona, Nob. 2022, 94.

  23. Mateo 22:14; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:34–35.

  24. Tingnan sa Lucas 8:2–3.

  25. Tingnan sa Juan 19:25.

  26. Juan 10:15; tingnan din sa talata 13.

  27. Juan 20:13.

  28. Juan 20:16.

  29. Isaias 25:8.