Pangkalahatang Kumperensya
Banal na Awtoridad, Maringal na mga Kabataang Lalaki
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


11:44

Banal na Awtoridad, Maringal na mga Kabataang Lalaki

Walang hanggan ang pasasalamat ko na tayong lahat ay napagpapala ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood, sa pamamagitan ng mga kapangyarihan, ordenansa at tungkulin nito.

Salamat, Elder Andersen, para sa napakagandang pahayag na iyan tungkol sa kapangyarihan ng priesthood at sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Isang Linggo ng umaga nitong Enero, habang nakaupo ako sa sacrament meeting, mahigit labindalawang kabataang lalaki ang sinang-ayunan para mag-advance sa Aaronic Priesthood. Nadama ko na nagbabago ang mundo natin.

Biglang kong natanto na sa iba’t ibang panig ng mundo, sa bawat time zone, sa mga sacrament meeting na tulad lamang niyon, libu-libong deacon, teacher, at priest—tulad ng kaibigan ni Pangulong Holland ngayong umaga, si Easton—ang sinasang-ayunan para maorden sa habambuhay na paglilingkod sa priesthood para sa pagtitipon ng Israel sa lahat ng dako ng mundo.

Tuwing Enero, ang mga kamay ay ipinapatong sa ulo ng tinatayang 100,000 kabataang lalaki at ikinokonekta sila sa pamamagitan ng ordenansa sa isang malinaw na linya ng awtoridad pabalik sa panahon ng Pagpapanumbalik kina Joseph at Oliver, kay Juan Bautista at kay Jesucristo.

Ngayon, tayo bilang mga miyembro ng simbahan ay hindi palaging madamdaming magpahayag. Dito, mas gusto nating gumawa nang tahimik.

Ngunit kahit gayon, sa nakikita kong pagdagsa ng mga bagong inorden na priesthood holder sa iba’t ibang dako ng mundo, naisip ko—sa “simbahan ng kagalakan”—kung hindi ba ito dapat ipagsabi nang mas hayagan. “Sa araw na ito,” naisip ko, “dapat may mga trumpeta at dagundong ng mga cymbal at pagputok ng mga Roman candle. Dapat may mga parada!”

Dahil batid natin kung ano talaga ang kapangyarihan ng Diyos, nasaksihan natin na nagulo ang mismong kalakaran ng mundong ito dahil sa banal na kapangyarihan na lumalaganap sa iba’t ibang dako ng mundo.

Ang mga ordenasyong ito ang simula ng habambuhay na paglilingkod ng mga kabataang lalaking ito kapag natagpuan nila ang kanilang sarili sa panahon at sitwasyon kung saan magiging napakahalaga ng kanilang presensiya at mga panalangin at ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos na taglay nila.

Ang sunud-sunod na mga pangyayaring ito ay nagsimula sa isang naglilingkod na anghel na isinugo ng Diyos. Ang nabuhay na mag-uling si Juan Bautista ng sinaunang panahon ay nagpakita kina Joseph at Oliver, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanilang ulo, at sinabing, “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 13:1).

Tinawag ni Juan ang awtoridad na ito na “Pagkasaserdoteng Aaron,” ipinangalan sa kapatid at katuwang ni Moises sa paglilingkod. Noong unang panahon, ang mga mayhawak ng Aaronic priesthood na ito ay dapat magturo at tumulong sa mga ordenansa—mga ordenansa na nakatuon sa pagiging disipulo sa darating na Mesiyas, ang Panginoong Jesucristo (tingnan sa Deuteronomio 33:10).

Sa aklat ng Mga Bilang, malinaw na nakatalaga sa mga maytaglay ng Aaronic priesthood ang pangangasiwa sa mga kasangkapan ng mga ordenansa. “Iyong itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak at … ang pangangasiwaan nila ay ang … hapag … [at] mga kasangkapan ng santuwaryo na kanilang ginagamit sa paglilingkod” (Mga Bilang 3:10, 31).

Ang ordenansa sa Lumang Tipan na pag-aalay ng hayop ay isinakatuparan at pinalitan ng buhay at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang sinaunang ordenansang iyon ay pinalitan ng ordenansa na tinatawag natin ngayon na sakramento ng Hapunan ng Panginoon.

Ipinagkakatiwala ng Panginoon sa mga mayhawak ng Aaronic priesthood ngayon na gawin ang mga bagay na ginawa nila noong unang panahon: magturo at mangasiwa ng mga ordenansa—lahat upang maipaalala sa atin ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Kapag ang mga deacon, teacher, at priest ay tumutulong sa pangangasiwa sa sakramento, natatanggap nila ang mga pagpapala nito tulad ng iba: sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipang ginawa nila habang tumatanggap ang bawat isa sa kanila ng tinapay at tubig. Ngunit sa pagtupad sa mga sagradong tungkuling ito, mas marami rin silang natututuhan tungkol sa kanilang mga ginagampanan at mga responsibilidad sa priesthood.

Ang Aaronic Priesthood ay tinatawag na panimulang priesthood dahil ang mga ordenansa nito ay nagtutulot sa kanila na maranasan ang bigat at ang kagalakan ng paglilingkod sa Panginoon, inihahanda sila sa paglilingkod sa priesthood sa hinaharap, kapag natawag sila na maglingkod sa hindi inaasahang mga paraan—kabilang ang pagbigkas ng mga inspiradong basbas sa mga panahong ang pag-asa at pangarap, at maging ang buhay at kamatayan, ay walang katiyakan.

Ang ganoong kaseryosong inaasahan ay nangangailangan ng seryosong paghahanda.

Ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan na ang mga deacon at teacher ay “magbababala, magpapaliwanag, manghihikayat, at magtuturo, at mag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo” (Doktrina at mga Tipan 20:59). Bukod pa sa mga oportunidad na ito, ang mga priest ay “mangangaral … at magbibinyag” (Doktrina at mga Tipan 20:50).

Parang maraming gagawin, pero sa realidad, ang mga bagay na ito ay nangyayari nang natural at sa buong mundo.

Itinuro ng isang bishop ang mga tungkuling ito sa kanyang bagong deacons quorum presidency. Kaya nagsimulang mag-usap ang batang presidency kung paano nila gagawin iyon sa kanilang korum at kanilang ward. Nagpasiya sila na simulan ang pagbisita sa matatandang miyembro ng ward para malaman kung ano ang kailangan nila at pagkatapos ay gawin iyon.

Kabilang sa mga pinaglingkuran nila ay si Alan, isang masungit, madalas magmura, at kung minsan ay palaaway na kapitbahay. Ang asawa ni Alan, si Wanda, ay naging miyembro ng Simbahan, pero si Alan, tulad ng nabanggit, ay tila mahirap pakisamahan.

Gayunpaman, nagpatuloy sa paglilingkod ang mga deacon, ginagantihan ng biro ang kanyang mga pang-iinsulto, habang pinapala nila ang niyebe at itinatapon ang mga basura. Mahirap kamuhian ang mga deacon, at kalaunan ay minahal sila ni Alan. Dumating ang pagkakataon na inanyayahan nila siya sa simbahan.

“Ayaw ko sa simbahan,” tugon niya.

“Pero, gusto po ninyo kami,” sabi nila. “Kaya sumama na po kayo sa amin. Puwede po kayong pumunta kahit sa meeting lang ng korum namin kung gusto ninyo.”

At sa pahintulot ng bishop, pumunta siya—at patuloy na nagpunta.

Ang mga deacon ay naging mga teacher, at sa patuloy na paglilingkod nila sa kanya, tinuruan niya sila na magkumpuni ng mga sasakyan at gumawa ng mga bagay-bagay. Nang ang mga deacon na ito na naging mga teacher ay naging mga priest na, tinatawag sila ni Alan na “mga anak ko.”

Sila ay masigasig na naghahanda para magmisyon at hiniling sa kanya kung pwede silang magpraktis sa pagtuturo ng mga missionary lesson sa kanya. Sinabi niya na hindi siya kailanman makikinig at hindi kailanman maniniwala, pero pwede silang magpraktis sa kanyang bahay.

At pagkatapos ay nagkasakit si Alan. At hindi na siya masungit.

At isang araw sa miting ng korum, magiliw niyang hiniling sa kanila na ipagdasal siya na tumigil na sa pagsisigarilyo, at ginawa nga nila ito. Ngunit pagkatapos ay sinundan nila siya pag-uwi sa bahay at kinumpiska ang lahat ng mga nakatago niyang tabako.

Dahil sa unti-unting paghina ng kanyang katawan, dinala si Alan sa mga ospital at rehab center, ang “kanyang mga anak” ay naglingkod sa kanya, tahimik na ipinapakita ang kapangyarihan ng priesthood at tunay na pagmamahal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41).

Nagpatuloy ang himala nang hilingin ni Alan na mabinyagan siya—ngunit pumanaw siya bago pa man ito mangyari. Sa kanyang kahilingan, ang mga priest na dating mga deacon ang nagbuhat ng kanyang kabaong at ang mga nagsalita sa kanyang libing, kung saan sila—alinsunod sa kanilang tungkulin—ay nagbabala, nagpaliwanag, naghikayat, nagturo, at nag-anyaya sa lahat kay Cristo.

At kalaunan, sa templo, isa sa “mga anak ni Alan” ang nagbinyag sa dating deacon quorum president bilang proxy para kay Alan.

Lahat ng ipinagawa ni Juan Bautista ay ginawa nila. Ginawa nila ang ginagawa ng mga deacon, teacher, at priest sa buong Simbahang ito at sa buong mundong ito.

Isa sa mga bagay na ipinagagawa sa mga mayhawak ng Aaronic priesthood ay may kinalaman sa ordenansa ng sakramento.

Noong nakaraang taon nakilala ko ang isang inspiradong bishop at ang kanyang mabait na asawa. Sa isang Sabado ng umaga kamakailan, papunta sila sakay ng sasakyan sa binyag ng kanilang anak na lalaki at naranasan nila ang napakasakit at biglaang pagkawala ng kanilang pinakamamahal na dalawang-taong-gulang na anak na babae, si Tess.

Kinaumagahan, nagtipon ang mga miyembro ng kanilang ward para sa sacrament meeting na puno ng pagkahabag, nagdadalamhati rin sa pagpanaw ng mabait na batang babaeng iyon. Hindi inakala ng sinuman na magsisimba sa umagang iyon ang pamilya ng bishop, ngunit ilang minuto bago magsimula ang miting, tahimik silang pumasok at naupo.

Pumunta ang bishop sa harapan at hindi naupo sa karaniwang inuupuan niya sa pagitan ng kanyang mga counselor at sa halip ay naupo sa pagitan ng mga priest sa may sacrament table.

Sa napakasakit at walang tulog na gabi bago [ang Linggong] iyon na humihingi ng kaunawaan at kapayapaan, nakatanggap siya ng malakas na impresyon tungkol sa pinakakailangan ng kanyang pamilya—at ang pinakakailangan ng kanyang ward. Iyon ay ang marinig ang tinig ng kanilang bishop, ng kanilang ward Aaronic Priesthood president, ng kanilang nagdadalamhating ama, na binibigkas ang mga pangako ng tipan ng sakramento.

Lumuhod siya kasama ng mga priest na iyon at nanalangin sa kanyang Ama. Sa paggawa niyon, binigkas niya ang ilan sa mga pinakamakapangyarihang salita na pinahihintulutan ang sinuman na bigkasin nang malakas sa buhay na ito.

Mga salitang may kinalaman sa kawalang-hanggan.

Mga salita ng ordenansa.

Mga salita ng tipan.

Tagubilin na nag-uugnay sa atin sa pinakadakilang mga layunin ng buhay na ito—at sa pinakamahahalagang resulta ng plano ng Ama sa Langit para sa atin.

Naiisip ba ninyo kung ano ang narinig ng kongregasyon sa chapel na iyon sa araw na iyon—ang nadama nila sa mga salitang naririnig natin tuwing Linggo sa ating mga chapel?

“O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na kakain nito, nang sila ay makakain bilang pag-alaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen” (Doktrina at mga Tipan 20:77).

At pagkatapos: “O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang [tubig] na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na iinom nito, nang ito ay kanilang magawa bilang pag-alaala sa dugo ng inyong Anak, na nabuhos alang-alang sa kanila; nang kanilang mapatunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila sa tuwina ay aalalahanin siya, nang mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen” (Doktrina at mga Tipan 20:79).

Ang butihing ama at ina na ito ay nagpatotoo na natupad ang pangakong iyon. Sa katunayan, para patuloy silang mapanatag, “[n]apasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila.”

Walang hanggan ang pasasalamat ko na ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood, sa pamamagitan ng mga kapangyarihan, ordenansa, at tungkulin nito, ay pinagpapala tayong lahat sa pamamagitan ng mga susi ng “paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 13:1). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Patrick Kearon, “Welcome sa Simbahan ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2024, 36–38.

  2. Sa kanyang nakaaantig na mensahe sa pangkalahatang kumperensya na “Welcome sa Simbahan ng Kagalakan,” itinuon tayo ni Elder Kearon sa footnote 10 sa turo ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Kapag kayo, bilang isang priest, ay lumuhod sa hapag ng sakramento at inialay ang panalangin, na mula sa paghahayag, inilalagay ninyo ang buong kongregasyon sa ilalim ng tipan sa Panginoon. Maliit na bagay ba ito? Ito ay isang napakahalaga at nakamamanghang bagay” (“The Aaronic Priesthood—a Gift from God,” Ensign, Mayo 1988, 46).