Pagbibigay ng Katumbas na mga Pagpapala
Bagama’t maraming sitwasyon sa buhay ang hindi natin kontrolado, wala sa atin ang hindi maaabot ng walang-hanggang mga pagpapala ng Panginoon.
Sa paglilingkod ko sa Presiding Bishopric, nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang lugar at kultura. Patuloy akong nabibigyang-inspirasyon ng inyong matatag na pananampalataya at debosyon sa Panginoong Jesucristo. Gayunman, nalulungkot din ako sa iba’t ibang sitwasyon at kadalasang kinakaharap ng karamihan sa inyo—mga hamong tulad ng karamdaman, kapansanan, limitadong mapagkukunan ng ikabubuhay, kaunting pagkakataon para makapag-asawa o makapag-aral, pang-aabuso ng iba, at iba pang kakulangan o hadlang. Kung minsan, ang mga pagsubok na ito ay tila humahadlang sa inyong pag-unlad at hinahamon ang tapat na pagsisikap ninyong ipamuhay nang lubusan ang ebanghelyo, na nagpapahirap sa inyo na maglingkod, sumamba, at gampanan ang mga sagradong tungkulin.
Mahal kong mga kaibigan, kung sakaling nadarama ninyong kayo ay nalilimitahan, napapagkaitan ng mga pagpapala dahil sa mga pangyayari sa inyong buhay, nais kong malaman ninyo ito: Mahal ng Panginoon ang bawat isa sa inyo. Alam Niya ang inyong kalagayan, at ang pinto ng Kanyang mga pagpapala ay nananatiling bukas para sa inyo anuman ang mga hamon na kinakaharap ninyo.
Nalaman ko ang katotohanang ito mula sa isang personal na karanasan na, bagama’t tila simpleng bagay lamang, ay nag-iwan ng matibay na impresyon sa akin. Noong naglilingkod ako sa French Air Force sa Paris sa edad na 22, tuwang-tuwa ako nang malaman ko na si Elder Neal A. Maxwell, isang Apostol ng Panginoon, ay magsasalita sa kumperensya sa Champs-Élysées. Gayunman, bago ang kaganapan, nakatanggap ako ng utos na ihatid ang isang nakatataas na opisyal sa paliparan sa eksaktong oras na nakatakdang maganap ang kumperensya.
Lungkot na lungkot ako. Ngunit dahil determinado akong dumalo, pagkababa ko sa opisyal ay nagmadali na akong pumunta sa kumperensya. Matapos makahanap ng mapaparadahan, tumakbo ako pababa sa Champs-Élysées papunta sa lugar ng miting at humihingal na nakarating nang may limang minuto na lamang ang natitira bago matapos ang miting. Pagpasok ko, narinig kong sinabi ni Elder Maxwell, “Bibigyan ko na kayo ngayon ng basbas ng apostol.” Sa sandaling iyon, nagkaroon ako ng maganda at hindi malilimutang espirituwal na karanasan. Napuspos ako ng Espiritu at ang mga salita ng basbas ay tila tumagos sa bawat hibla ng aking kaluluwa, na para bang para lang sa akin ang mga ito.
Ang naranasan ko sa araw na iyon ay maliit ngunit makapangyarihang pagpapakita ng nakapapanatag na aspeto ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak: Kapag ang mga sitwasyong hindi natin kontrolado ay humahadlang sa ating tuparin ang mabubuting hangarin ng ating puso, pupunan ito ng Panginoon sa mga paraang magpapahintulot sa atin na matanggap ang Kanyang ipinangakong mga pagpapala.
Ang nakapapanatag na katotohanang ito ay nakabatay sa tatlong mahahalagang alituntunin na nasa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo:
-
Bawat isa sa atin ay ganap na mahal ng Diyos. “Inaanyayahan niya [tayong] lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan.” Tinitiyak ng Kanyang plano ng pagtubos na ang lahat, nang walang eksepsyon, ay bibigyan ng makatarungang pagkakataon na balang-araw ay tumanggap ng mga pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan.
-
Dahil ang Diyos ay makatarungan at maawain at ang Kanyang plano ay perpekto, hindi Niya tayo pananagutin sa mga bagay na hindi natin kontrolado. Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell na “Maawaing isinasaalang-alang ng Diyos hindi lamang ang ating mga hangarin at pagganap, kundi pati na rin ang tindi ng kahirapan na ipinapataw sa atin ng iba’t ibang kalagayan.”
-
Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, makatatagpo tayo ng lakas na magtiis at sa huli ay mapagtagumpayan ang lahat ng hamon sa buhay. Tulad ng itinuro ni Alma, dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang Sarili hindi lamang ang mga kasalanan ng nagsisisi kundi pati na rin ang “mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” at “ang kanilang mga kahinaan.” Kaya, bukod pa sa pagtubos sa atin mula sa ating mga pagkakamali, ang awa at biyaya ng Panginoon ay nagpapatatag sa atin sa gitna ng mga kawalang-katarungan, kakulangan, at limitasyon na ipinapataw ng ating karanasan sa mundo.
Ang pagtanggap ng mga katumbas na pagpapalang ito ay may ilang kundisyon. Hinihiling sa atin ng Panginoon na gawin “ang lahat ng ating magagawa” at “ialay ang [ating] buong kaluluwa bilang handog sa kanya.” Nangangailangan ito ng masidhing hangarin, matapat na puso, at lubos na pagsisikap sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pag-ayon ng ating kalooban sa Kanya.
Kapag sa kabila ng ating taimtim na pagsisikap ay hindi natupad ang ating mga hangarin dahil sa mga pangyayaring hindi natin kontrolado, tinatanggap pa rin ng Panginoon ang mga hangarin ng ating puso bilang karapat-dapat na handog. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Pagpapalain tayo dahil sa mabubuting hangarin ng ating puso kahit na imposible nating maisakatuparan ang mga hangaring iyon dahil sa mga pangyayaring hindi natin mababago.”
Habang nag-aalala si Propetang Joseph Smith tungkol sa kanyang kapatid na si Alvin, na namatay nang hindi nakatanggap ng mahahalagang ordenansa ng ebanghelyo, natanggap niya ang nakapapanatag na paghahayag na ito: “Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa [ebanghelyo], na [tatanggapin sana ito nang buong puso] ay magiging tagapagmana [ng kahariang selestiyal ng Diyos].” At idinagdag ng Panginoon, “Sapagka’t ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso.”
Ang mahalaga sa Panginoon ay hindi lamang kung kaya natin kundi kung handa tayong gawin ang lahat ng ating makakaya para sundin Siya bilang ating Tagapagligtas.
Isang kaibigan ang pinanatag minsan ang isang batang missionary na naghihinagpis sa maagang pagka-release dahil sa karamdaman, sa kabila ng taos-pusong panalangin at taimtim na pagnanais nito na maglingkod. Ang kaibigang ito ay nagbahagi ng isang talata sa banal na kasulatan kung saan sinabi ng Panginoon na kapag ang Kanyang mga anak ay “gaganap nang buo nilang lakas” at “hindi tumitigil sa kanilang pagsisigasig” upang masunod ang Kanyang mga kautusan, “ang kanilang mga kaaway [na maaaring kabilangan ng mahihirap na kalagayan sa ating buhay] [ay hinahadlangan] silang magampanan ang gawaing yaon, masdan, mamarapatin ko na huwag nang hingin ang gawaing yaon sa mga kamay ng [mga taong iyon], kundi [tanggapin] ang kanilang mga handog.”
Pinatotohanan ng kaibigan ko sa binatang ito na alam ng Diyos na ibinigay niya ang lahat ng makakaya niya sa pagtugon sa tawag na maglingkod. Tiniyak niya sa kanya na tinanggap ng Panginoon ang kanyang handog at hindi ipagkakait ang mga pagpapalang ipinangako sa lahat ng matatapat na missionary.
Ang mga katumbas na pagpapalang ibinibigay ng Panginoon ay kadalasang nakikita sa kabaitan at paglilingkod ng iba na tumutulong sa atin na maisakatuparan ang hindi natin kayang gawin nang mag-isa. Naaalala ko ang isang pagkakataon na dahil nakatira kami na malayo sa isa sa aming mga anak na babae sa France, wala kaming magawa para matulungan siya matapos ang delikadong panganganak. Nang linggo ring iyon humingi ng tulong ang aming ward sa Utah para sa isang ina na kakapanganak lang ng kambal. Ang asawa kong si Valérie ay nagboluntaryong dalhan ito ng pagkain, na may panalangin sa kanyang puso para sa bagong ina at sa aming anak na nangangailangan. Hindi nagtagal, nalaman namin na ang mga sister sa ward ng aming anak sa France ay nag-organisa para maglaan ng pagkain para sa kanyang pamilya. Para sa amin, sinagot ng Diyos ang aming mga panalangin, at ipinadala ang Kanyang mga anghel upang magbigay ng ginhawa sa panahong hindi namin ito magawa.
Kapag nahaharap sa mga limitasyon at hamon, nawa’y kilalanin natin ang ating sariling mga pagpapala—ang ating mga kaloob, kabuhayan, at oras—at gamitin ang mga ito sa paglilingkod sa mga nangangailangan. Sa paggawa nito, hindi lamang natin pagpapalain ang iba kundi mag-aanyaya rin tayo ng paggaling at katumbas na pagpapala sa ating sariling buhay.
Isa sa mga pinakamabisang paraan para makapag-ambag tayo ng katumbas na mga pagpapala ng Diyos sa iba ay sa pamamagitan ng gawaing ginagawa natin para sa ating mga ninuno sa bahay ng Panginoon. Kapag isinasagawa natin ang mga ordenansa para sa kanila, aktibo tayong nakikibahagi sa dakilang gawain ng kaligtasan ng Panginoon, ginagamit ang ating mga kaloob at kakayahan upang magbigay ng mga pagpapala sa mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong tumanggap ng mga ito sa kanilang buhay sa mundo.
Ang mapagmahal na paglilingkod na ibinibigay natin sa loob ng mga banal na templo ay nagpapaalala sa atin na ang biyaya ng Tagapagligtas ay hindi lamang para sa buhay na ito. Sa buhay na darating, maaari tayong mabigyan ng mga bagong pagkakataon na maisakatuparan ang hindi natin magagawa sa mortalidad. Sa kanyang mensahe sa kababaihan sa Simbahan na wala pang natatagpuang makakasama sa walang-hanggan, sinabi ni Pangulong Lorenzo Snow: “Walang sinumang Banal sa mga Huling Araw na mamamatay pagkatapos mamuhay nang tapat ang mawawalan ng anumang bagay dahil sa nabigo silang gawin ang ilang bagay samantalang hindi naman siya nabigyan ng pagkakataon para magawa iyon. … Matatamo nila ang lahat ng pagpapala, kadakilaan at kaluwalhatian na matatamo ng sinumang lalaki o babae na nagkaroon ng oportunidad na ito.”
Ang mensaheng ito ng pag-asa at kapanatagan ay para sa ating lahat, na mga anak ng Diyos. Hindi matatakasan ng sinuman sa atin ang mga hamon at limitasyon ng mortalidad. Lahat tayo ay ipinanganak na likas na walang kakayahang iligtas ang ating sarili. Gayunman, mayroon tayong mapagmahal na Tagapagligtas, at “nalalaman [nating] naligtas tayo sa pamamagitan ng [Kanyang] biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”
Pinatototohanan ko na bagama’t maraming sitwasyon sa buhay ang hindi natin kontrolado, wala sa atin ang hindi maaabot ng walang-hanggang mga pagpapala ng Panginoon. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, tutumbasan ng Tagapagligtas ang bawat kawalang-kakayahan at kawalang-katarungan kung iaalay natin ang ating buong kaluluwa sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.