Kagalakan sa Pagiging Disipulo na Nakikipagtipan
Habang ibinibigkis natin ang ating sarili na magsikilos bilang mga disipulo na nakikipagtipan, ang ating ugnayan sa Ama at sa Anak ay yumayabong, ang ating kagalakan ay nadaragdagan, at ang ating walang hanggang pananaw ay lumalawak.
Isang araw noong 2023, si Uyanga Altansukh ay nasa trabaho sa hilagang lungsod ng Mongolia na Darkhan nang pumasok ang Mongolian mission president sa kanyang pinagtatrabahuhan. Ayon sa kanyang mga salita:
“Nakita ko siya at tila may liwanag na umiilaw sa kanyang mukha. Napakabait at napakapalabiro niya sa mga yaong nasa paligid niya, at kinagiliwan ko siya. Bago siya umalis, tinanong ko siya ng ilang mga bagay. Makalipas ang ilang araw, muli siyang pumunta sa pinagtatrabahuhan ko at nagtanong kung maaari akong dumalo sa kanyang simbahan. Naisip ko na baka makatulong ito. Nag-aalala ako para sa kinabukasan ng aking mga anak, sapagkat ang lipunan ay tila puno ng stress at kawalan ng pag-asa. Nais kong maging katulad ng lalaking ito ang aking mga anak na may liwanag sa kanilang mukha, nagbabahagi ng kagalakan sa ibang nakapaligid sa kanila.
“Isang araw, ang mga missionary ay nagturo sa amin tungkol sa batas ng ikapu. Sinabi ng aking mga anak nang may pananabik, ‘Kailangan nating magbayad ng ating ikapu, Inay.’ Nakita ko ang pananampalataya ng aking mga anak sa sandaling iyon. Bago ako sumapi sa Simbahan, ako ay nanood ng pangkalahatang kumperensiya at nakinig kay Pangulong Russell M. Nelson na magsalita. Siya ay nag-anunsiyo ng mga bagong templo sa iba’t ibang panig ng mundo at nagwikang magtatayo ng isang bagong templo sa Ulaanbaatar, Mongolia. Ako ay nagalak at naluha, bagaman hindi ko naunawaan kung bakit. Sa kagalakang ito, nasabi kong lumago ang aking pananampalataya at patotoo.”
Si Uyanga, tulad ng milyun-milyong iba pa, ay bahagi ng dakilang pagtitipon ng Israel bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Siya ay nagsimula sa kanyang paglalakbay sa landas ng tipan at naging isang disipulo ni Cristo. Ano ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Cristo? Natutuwa ako sa salitang Hapones para sa disipulo—deshi—de na ang ibig sabihin ay mas nakababatang kapatid na lalaki, at shi na ang ibig sabihin ay bata.
Ipinahayag ni Jesucristo, “Ako sa simula ay kasama ng Ama, at ako ang Panganay.” Dahil sa kung sino Siya, at kung ano ang nagawa Niya, Siya ay sinasamba, pinagpipitagan, pinupuri, at sinusunod natin. Tinubos tayo ni Cristo, at walang hanggan tayong nagpapasalamat para sa Kanyang walang hanggan at nagbabayad-salang sakripisyo.
Mayroon tayong Ama sa Langit na nagmamahal sa atin bilang Kanyang mga anak. Ang Kanyang pagmamahal para sa atin ay perpekto. Ipinapakita ni Jesucristo at ng Kanyang misyon ang pagmamahal ng Diyos para sa atin. Tulad ng isinulat ni Juan, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Sa ating pakikipagsapalaran upang maunawaan kung ano ang hindi natin alam, kung minsan ay maaaring umaasa tayo sa ating mga pamilyar na mortal na karanasan, o sa mga bagay na alam na natin. Halimbawa, maaari tayong matuto nang bahagya tungkol sa Diyos Ama sa pamamagitan ng ating sariling pagiging magulang at mga mortal na ugnayan sa pamilya. Gayunpaman, kailangan nating maging maingat sa masyadong paggamit ng mga pagtutulad na ito sa ating pagtatangkang maunawaan ang ating Ama sa Langit. Ang mga katangian ng Diyos Ama ay nakahihigit sa anumang hindi perpektong katangian ng isang taong nahulog. Ang Diyos Ama ang perpektong Ama. Siya ay ganap na mapagmahal, mabait, matiyaga, maunawain, at ganap na maluwalhati. Maaari natin Siyang ganap na pagkatiwalaan. Ang pagmamahal ni Cristo ay sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos Ama at isang kinatawan ng pagmamahal na iyon.
Si Jesucristo ay kapwa ang halimbawa at paraan. Kay Cristo, mas mauunawaan natin ang mga perpektong katangian ng Ama at ang Kanyang plano. Sa pamamagitan ni Cristo, binibigyan tayo ng nagtutulot na kapangyarihan upang madaig ang mga pagkahilig ng mga likas na lalaki at babae nang sa gayon ay maging higit na katulad tayo ng Ama.
Tulad ng ating Ama sa Langit, si Jesucristo ay ganap na maawain at makatarungan. Ang mga banal na katangiang ito ng katarungan at awa ay hindi magkasalungat. Ang mga ito ay kumukumpleto sa isa’t isa. Kapwa ipinapakita ng katarungan at awa ang perpektong pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Maaari tayong magtiwala sa Diyos Ama at kay Jesucristo dahil Sila ay makatarungan at patas sa ating lahat.
Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay perpektong magkaayon sa layunin at pagmamahal. Dahil mahal tayo ng Diyos at ni Jesucristo, binibigyan tayo ng oportunidad at pribilehiyo bilang mga tunay na disipulo na makipagtipan sa Kanila. Sa paggawa nito, lumalalim ang ating ugnayan kay Cristo, “At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae.”
Bilang mga disipulo, kapag tayo ay gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan, tayo ay pinagpapala ng espirituwal na kapangyarihan. Tayo ay konektado kay Cristo at sa Diyos Ama sa isang espesyal na ugnayan at maaaring makaranas ng Kanilang pagmamahal at kagalakan sa antas na nakalaan para sa mga yaong gumawa at tumupad ng mga tipan. Ang ating kakayahang madama ang buong pagmamahal ng Diyos, o manatili sa Kanyang pagmamahal, ay nakasalalay sa ating matutuwid na hangarin at kilos.
Sa Juan kabanata 15, talata 9, mababasa natin, “Kung paanong minahal ako ng Ama, ay gayundin naman minamahal ko kayo.” At pagkatapos ay binibigyan tayo ng paanyaya: “Manatili kayo sa aking pagmamahal.”
Sa sumunod na talata, ibinigay sa atin ang daan para magpatuloy sa Kanyang pagmamahal: “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.”
Pagkatapos ay makikita natin ang layunin ng pagtupad sa mga tipan sa talata 11: “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos.”
Sa pamamagitan ng tunay na pagiging disipulo na nakikipagtipan, maaari nating masimulang mas maunawaan ang katangian ng Diyos at ang kagalakang nais Niyang maranasan ng lahat ng Kanyang anak. Maaari din nating masimulang maunawaan ang ilang mga alituntunin na sa una ay maaaring nakalilito. Halimbawa, paano nakadarama ang Diyos ng buong kagalakan gayong ang ilan sa Kanyang mga anak ay nagdurusa nang sobra? Ang sagot ay matatagpuan sa perpektong pananaw ng Diyos at sa Kanyang perpektong plano. Nakikita Niya tayo mula sa simula hanggang sa ating maluwalhating kinabukasan. Nagkaloob Siya ng paraan, sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, para sa ating lahat, na Kanyang mga anak, upang madaig ang mga sakit, pagdurusa, kasalanan, pagkakasala, at kalungkutan ng ating mortalidad. Ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang paraan at ang pagpili.
Ang mga halimbawa ng mga yaong nakaranas ng kagalakan sa pagkadisipulo ay maaaring makatulong sa atin na mas maunawaan ang konseptong ito. Malamang narinig na ninyo ang kasabihang tayo ay kasinsaya lamang ng ating pinakamalungkot na anak. Nakita kong hindi kailangang ganito ang mangyari. Ang aking 94 taong gulang na ina ay may mahigit 200 buhay na mga inapo. Sa anumang partikular na panahon, may kahit isa sa 200 na hindi magiging masaya. Kung totoo ang kasabihang ito, ang aking ina ay patuloy na makadarama ng kalungkutan, na siyang hindi nangyayari. Alam ng mga yaong nakakikilala sa kanya kung gaano siya kamasayahin.
Ngayon ay gusto kong magbahagi ng isa pang karanasan. Noong Enero ng 2019, kami ng aking asawang si Debbie ay inanyayahan sa opisina ni Pangulong Nelson. Naglagay siya ng upuan malapit sa amin, at umupo kami nang halos nagdidikit na ang tuhod. Pagkatapos ialok sa amin ang kasalukuyan naming calling, si Pangulong Nelson ay bumaling kay Debbie at nagtuon sa kanya. Siya ay mabait, mapagmahal, malumanay, at puno ng kagalakan, tulad ng perpektong ama o lolo. Hinawakan niya ang kamay ni Debbie at tinapik ito, nagbibigay-katiyakan na magiging maayos ang lahat at na ang aming pamilya ay pagpapalain. Tila sa sandaling iyon ay kami ang pinakamahahalagang tao sa kanya at nasa amin lamang ang kanyang buong atensyon. Umalis kami sa kanyang opisina noong Biyernes ng hapon na iyon na nakadama ng katiyakan, pagmamahal, at kagalakan.
Pagsapit ng Lunes, nakita namin ang balita. Sa araw ring iyon na iginugol ni Pangulong Nelson sa amin, ang isa sa kanyang mga anak na babae ay namatay sa kanser. Nagulat kami. Napuspos ang aming mga puso habang nagdadalamhati kami para sa kanya at sa kanyang pamilya. Ang aming mga puso ay napuspos din ng pasasalamat para sa kanyang atensiyon na tulad ng kay Cristo habang nagdadalamhati para sa kanyang anak na babae na nagdurusa.
Habang pinagninilayan namin ang karanasang ito, tinanong namin ang aming sarili, “Paano niya nagawang maging mabait, mapagmahal, at masaya pa nga sa gayong napakahirap na panahon?” Ang sagot ay dahil alam niya. Alam niya na nagtagumpay si Cristo. Alam niya na makakasama niyang muli ang kanyang anak na babae at magkakasama sila nang walang hanggan. Ang kagalakan at walang hanggang pananaw ay nakakamtan sa pagkabigkis sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan at sa pamamagitan ng pagkadisipulong tulad ng kay Cristo.
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Kung paanong nag-aalok ng kapayapaan ang Tagapagligtas na ‘di masayod ng pagiisip’ [Filipos 4:7], gayundin naman na nag-aalok Siya ng matindi, malalim, at malawak na kagalakan na hindi masayod ng isipan ng tao. Halimbawa, tila imposibleng magalak kapag may malubhang karamdaman ang anak mo o nawalan ka ng trabaho o nagtaksil ang asawa mo. Ngunit iyon mismo ang kagalakang iniaalok ng Tagapagligtas.”
Habang tayo ay gumagawa at tumutupad ng mga tipan, likas na mababaling ang ating pokus sa iba at magkakaroon tayo ng hangaring tulungan ang iba na madama ang antas ng kagalakan at pagmamahal na nadarama natin sa ating mga ugnayan na nabuo sa pamamagitan ng paggawa ng mga tipan. Maaari tayong maging bahagi ng pinakadakilang layunin sa mundo ngayon—ang pagtitipon ng Israel. Maaari tayong tumulong na madala ang mga anak ng Diyos kay Cristo. Tulad ng itinuro ng propetang si Jacob, “At pinagpala kayo; sapagkat naging masigasig kayo sa paggawa na kasama ko sa aking olibohan, at sinunod ang aking mga kautusan, at naibalik muli sa akin ang likas na bunga, … magkakaroon kayo ng kagalakan kasama ko dahil sa bunga ng aking olibohan.”
Habang ibinibigkis natin ang ating sarili na magsikilos bilang mga disipulo na nakikipagtipan, anuman ang ating antas ng kakayahan, ang ating ugnayan sa Ama at sa Anak ay yumayabong, ang ating kagalakan ay nadaragdagan, at ang ating walang hanggang pananaw ay lumalawak. Pagkatapos, tayo ay pinagkakalooban ng kapangyarihan at nakadarama ng antas ng kagalakan na nakalaan para sa mga tunay na disipulo ng Diyos na nakikipagtipan. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.