Mag-ingat sa Pangalawang Tukso
Huwag pagtaguan ang mga nagmamahal at sumusuporta sa inyo; bagkus, lumapit sa kanila.
Ilang taon na ang nakalipas, noong mag-12 anyos ako, inanyayahan akong dumalo sa una kong Aaronic Priesthood quorum overnight camp. Kaytagal kong hinintay ang paanyayang ito, dahil ang tatay ko ay quorum leader at madalas mag-camping na kasama ng mga batang lalaki sa ward, habang naiiwan ako sa bahay.
Nang dumating ang araw na iyon, tuwang-tuwa ako. At inaamin ko na gustung-gusto kong mapabilang ako sa mga batang lalaki na mas nakatatanda sa akin. Determinado akong patunayan ang sarili ko. Sa pagsisikap na iyan, hindi nagtagal ay sinubukan ako kung makikisama ako at magiging bahagi ng grupo.
Ang iniatas na gawain sa akin ay kunin ang mga susi ng kotse ng tatay ko para lokohin ang mga lider. Hindi ko maalala kung ano talaga ang sinabi ko para kumbinsihin ang tatay ko, pero hindi nagtagal ay tumakbo ako sa grupo ng mga batang lalaking ito na hawak ang mga susi, at ipinagmamalaki ang tagumpay ko.
Pagkatapos ay dumating ang sumunod na atas. Bubuksan ko ang pintuan ng kotse at sasaksakan ng patpat ang pagitan ng sandalan ng drayber at bubusina ang kotse. At ikakandado ko ang pintuan para tumunog nang malakas ang busina sa gabi nang walang anumang magagawa ang mga lider para mabuksan ang kotse at tanggalin ang patpat.
Ngayon, sa bahaging ito ng kuwento ako lubhang napahiya. Nang matiyak kong nasa lugar na ang patpat, ikinandado ko ang pintuan at tumakbo ako nang napakabilis para magtago sa kalapit na palumpong. Habang nakayukyok sa lupa, nakaramdam ako ng napakatinding sakit. Sa dilim at sa pagmamadali ko, napaupo ako sa isang matinik na pear cactus.
Natabunan ng malakas na busina ang mga sigaw ko dahil sa sakit, at wala akong ibang nagawa kundi ang maglakad nang paika-ika pabalik sa kotse, ipagtapat ang aking “mga kasalanan,” at humingi ng panguna at nakakahiyang medikal na lunas.
Sa natitirang oras ng gabing iyon, nakadapa ako sa isang tolda habang tinatanggal ng tatay ko, gamit ang pliers, ang mga tinik ng cactus sa aking … ah, sabihin na nating hindi ako nakaupo nang komportable nang ilang araw pagkatapos niyon.
Maraming beses kong pinag-isipan ang karanasang iyon. Ngayo’y maaari ko nang tawanan ang kalokohan ko noong kabataan ko dahil naging maliwanag na sa akin ang ilang pinagbabatayang alituntunin.
Maraming pattern sa pag-uugali ng tao ang tila karaniwan sa likas na tao—ang hangaring umakma, ang hangaring patunayan ang sarili, ang takot na mapag-iwanan, at ang malaking pangangailangang magtago para makaiwas tayo sa mga kahihinatnan. Sa huling pag-uugaling ito ako magtutuon ngayon—pagtatago matapos nating gawin ang isang bagay na hindi nararapat.
Ngayon, hindi ko itinuturing na mabigat na kasalanan ang kalokohang ginawa ko, ngunit may matututuhan tayong ilang pagkakatulad na maaaring makatulong kapag sinubukan tayo sa ating buhay.
Sa Halamanan ng Eden, nakaranas sina Eva at Adan ng napakasayang sitwasyon—kasaganaan sa pagkain, walang-katulad na kagandahan ng halamanan—hindi lamang magandang halamanan, kundi isang halamanang walang mga damong ligaw ni matitinik na pear cactus.
Gayunman, alam din natin na nilimitahan ng buhay sa halamanan ang kinakailangang pag-unlad nila. Ang halamanan ay hindi huling destinasyon kundi isang pagsubok, ang una sa marami, na magpapatunay, maghahanda, at magtutulot sa kanila na umunlad tungo sa kanilang huling destinasyon na pagbalik sa piling ng Ama at ng Anak.
Maaalala ninyo na may oposisyon sa halamanan. Tinulutan si Lucifer na subukan sina Eva at Adan. Tinukso niya muna si Adan na kumain ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Naaalala ang utos na huwag kainin iyon, tumanggi si Adan. Pagkatapos ay dumating ang pinagpalang si Eva, na piniling kainin ang bunga, at kumbinsihin si Adan na gawin din iyon.
Kalaunan, ipinahayag nina Eva at Adan na ang desisyong ito ay kailangan para matupad ang plano ng Ama sa Langit. Ngunit sa pagkain ng bunga, nasuway nila ang kautusan—isang kautusang tuwirang ibinigay sa kanila ng Ama. Ang resulta at nakapanlulumong pagkaunawa sa mabuti at masama ay malamang na nagdulot sa kanila ng pighati nang marinig nila ang tinig ng Ama na nagpapahayag ng Kanyang pagbalik sa halamanan. Natanto nila na sila ay hubad, sapagkat talagang wala silang damit, dahil nabuhay sila na walang kamalayan. Pero marahil ang mas masakit kaysa sa kanilang kahubaran sa sandaling iyon ay nalantad sila dahil sa kanilang paglabag. Wala silang proteksyon at mahina sila. Hubad na hubad sila.
Laging naghahangad na manamantala, si Lucifer, batid na sila ay lantad at mahina, ay tinukso silang muli—sa pagkakataong ito na pagtaguan ang Diyos.
Ang tuksong ito—tatawagin ko itong ang “pangalawang tukso”—ay ang tuksong maaaring maghatid ng pinakamalalang bunga kung patatangay tayo. Tiyak na mahalagang iwasan ang lahat ng unang tuksong suwayin ang utos ng Diyos, pero alam natin na magpapatangay ang lahat sa iba’t ibang unang tukso dito sa lupa. Habang tumatanda tayo at lumalago sa pang-unawa, sana’y patuloy na maragdagan ang lakas nating umiwas sa mga unang tukso habang nagsisikap tayong maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Maaaring tangkain ng ilan na pagtaguan ang Diyos dahil ayaw nilang matuklasan o malantad sila, at nahihiya o nakokonsiyensya sila. Gayunman, itinuturo sa atin ng maraming talata sa banal na kasulatan na imposibleng pagtaguan ang Diyos. Ibabahagi ko ang ilan sa mga ito.
Tinuruan ng Panginoon si Jeremias sa pamamagitan ng sumusunod na mga tanong: “Makapagtatago ba ang isang tao sa mga lihim na dako upang hindi ko siya makita? sabi ng Panginoon. Hindi ba pinupuno ko ang langit at ang lupa?”
At itinuro kay Job:
“Sapagkat ang kanyang mga mata ay nasa lakad ng tao, at nakikita niya ang lahat ng mga hakbang nito.
“Walang dilim ni malalim na kadiliman, na mapagtataguan ng mga gumagawa ng kasamaan.”
Patulang ibinulalas ng mang-aawit na si David:
“O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
“Iyong nalalaman kapag ako’y umuupo at kapag ako’y tumatayo; nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo. …
“Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko, O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo. …
“Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
“Kung ako’y umakyat sa langit, ikaw ay naroon! Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon.”
Mga Bagong Binyag
Para sa mga bagong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, maaaring mahirap lalo na ang pangalawang tukso. Sa pamamagitan ng inyong binyag nakipagtipan kayong tataglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Jesucristo, na para sa marami ay nangangailangan ng pagbabago sa pamumuhay. Hindi madaling baguhin ang pamumuhay ng isang tao. Kadalasa’y kailangan ninyong baguhin ang mga gawi at ugali at maging ang mga pinakikisamahan ninyo para umunlad tungo sa inyong mapagmahal na Ama sa Langit.
Alam ng kalaban na maaaring madali kayong tablan ng kanyang mga tusong pag-atake. Pagmumukhain niyang lubhang kaakit-akit ang inyong nakaraang buhay ngayon, na hindi naman nakasiya sa inyo sa napakaraming paraan noon. Ang tagapag-paratang, ayon sa tawag sa kanya sa aklat ng Apocalipsis, ay tutuksuhin kayo sa mga ideyang parang ganito: “Hindi sapat ang lakas mo para baguhin ang iyong buhay; hindi mo kayang gawin ito; hindi ka kabilang sa mga taong ito; hinding-hindi ka nila tatanggapin; napakahina mo.”
Kung parang totoo ang mga ideyang ito sa inyo na katatahak pa lamang sa landas ng tipan, sumasamo kami sa inyo na huwag pakinggan ang tinig ng tagapag-paratang. Mahal namin kayo; kaya ninyong gawin ito; tanggap namin kayo; at, sa tulong ng Tagapagligtas, magkakaroon kayo ng lakas na gawin ang lahat. Sa sandaling kailanganin ninyo ang aming pagmamahal at suporta, huwag palinlang na isipin na hindi namin kayo tatanggapin kung babalikan ninyo ang dati ninyong pamumuhay. Sa pamamagitan ng walang-kapantay na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari kayong gumaling. Pero kung pagtataguan ninyo Siya at lalayo kayo sa inyong bagong-tuklas na relihiyon, inilalayo ninyo ang inyong sarili sa mismong pinagmumulan ng inyong lakas para malampasan ito.
Ibinahagi ng isang mahal kong kaibigan, na bagong binyag, kung gaano kahirap manatili na nananampalatayang mag-isa. May matinding lakas sa pagiging bahagi at pananatiling bahagi ng isang komunidad na sumusuporta—na lahat ay nagkakamali pero umuunlad habang pinagpapala ng pagmamahal ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pagdaig sa mundo ay hindi isang kaganapang nangyayari sa isa o dalawang araw. Nangyayari iyon sa buong buhay habang paulit-ulit nating niyayakap ang doktrina ni Cristo. Nililinang natin ang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw at pagtupad ng mga tipan na nagkakaloob sa atin ng kapangyarihan. Nananatili tayo sa landas ng tipan at napagpapala ng espirituwal na lakas, personal na paghahayag, pag-iibayo ng pananampalataya, at paglilingkod ng mga anghel.”
Kung mapipinsala kayo sa pisikal, lalala ang inyong kundisyon at maaari kayong mamatay kung hindi kayo magpapatingin sa doktor. Totoo rin iyan sa mga espirituwal na sugat. Mga espirituwal na sugat lamang na hindi nagagamot ang maaaring maging banta sa inyong walang-hanggang kaligtasan. Huwag pagtaguan ang mga nagmamahal at sumusuporta sa inyo; bagkus, lumapit sa kanila. Matutulungan kayo ng mga butihing bishop, branch president, at lider na magamit ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Sa mga nagtatago, isinasamo namin na bumalik kayo. Kailangan ninyo ang inaalok ng ebanghelyo at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at kailangan namin ang inaalok ninyo. Alam ng Diyos ang inyong mga kasalanan; hindi ninyo Siya mapagtataguan. Makipagkasundo sa Kanyang harapan.
Bilang Kanyang mga Banal, bawat isa sa atin ay kailangang pagyamanin ang isang kultura ng pagiging kabilang sa Simbahang mapagmahal, tumatanggap, at naghihikayat sa lahat ng nagnanais na umunlad sa Kanyang landas.
Mag-ingat sa pangalawang tuksong ito! Sundin ang payo ng mga propeta kapwa noong unang panahon at ngayon at dapat ninyong malaman na hindi ninyo mapagtataguan ang isang mapagmahal na Ama.
Sa halip, makinabang sa mahimala at nagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ito mismo ang layunin ng ating pag-iral—magkaroon ng mahina at mortal na katawan na “saklaw ng lahat ng uri ng mga sakit” at, ang malungkot, matatangay sa maraming unang tukso; umunlad kahit natukso tayo sa mga ito; at hingin ang tulong ng langit matapos gawin iyon, upang tayo ay maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas at ng ating Ama sa Langit. Ito ang Kanyang paraan. Ito ang tanging paraan. Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.