Pangkalahatang Kumperensya
Tapat sa Pananampalatayang Pinahalagahan ng Ating mga Magulang
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


11:0

Tapat sa Pananampalatayang Pinahalagahan ng Ating mga Magulang

Mangyaring matuto at humugot ng lakas mula sa pananampalataya at patotoo ng mga nauna sa inyo.

Sa aking pagbisita sa Nashville Tennessee Temple para sa isang temple review, nagkaroon ako ng pribilehiyong malibot ito bilang bahagi ng aking assignment, kung saan sinuri ko ang napakagandang bahay na ito ng Panginoon. Talagang humanga ako sa ipinintang larawan ni Mary Wanlass na tinatawag na Carry On na nakasabit sa dingding ng opisina ng matron.

Ito ang kuwento sa likod ng ipinintang larawang iyon:

“Sa Missouri noong 1862, ang 14 na taong gulang na si Mary Wanlass ay nangako sa kanyang naghihingalong madrasta na titiyakin niya na ang kanyang nalumpong ama [at ang apat niyang nakababatang mga kapatid ay makararating] sa Lambak ng Great Salt Lake. … Si Mary ang nagpatakbo sa mga baka na humihila sa bagon, kung saan naroon ang kanyang amang [nakaratay, at] inalagaan niya ang kanyang … mga kapatid. Sa pagtatapos ng paglalakbay sa bawat araw, pinakain niya ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng paghahanap ng mga halaman, bulaklak, at berry na maaaring kainin. Ang tanging gabay niya ay ang tagubilin na natanggap niya na magpatuloy na maglakbay pakanluran ‘hanggang sa ang mga ulap ay maging mga bundok.’

“Narating nila [ang] Lambak ng Utah noong Setyembre, matapos maglakbay sa buong tagsibol at tag-init. Ang kanyang ama ay namatay hindi nagtagal matapos makapanirahan ang pamilya sa Utah County, kung saan si Mary kalaunan ay nakapag-asawa at nagkaroon ng [sariling] pamilya.”

Ito ay isang nakamamanghang kuwento ng pananampalataya at katatagan ng isang 14 na taong gulang na kabataang babae na makatutulong sa bawat isa sa atin ngayon na “magpatuloy lamang.”

Ang “Magpatuloy lamang”—o kapag isinalin sa aking katutubong wikang Dutch ay, Gewoon doorgaan—ay motto rin ng aking ama’t ina sa buong buhay nila.

Ang aking mga magulang at mga biyenan ay mga pioneer sa aming pamilya. Tinawid din nila ang kanilang sariling mga “kapatagan,” na tulad ng lahat ng mga sumasapi sa Simbahan, ang kawan ng Panginoon, sa araw-araw. Ang kanilang mga kuwento ay walang mga baka at mga bagon, ngunit may kaparehong epekto sa mga sumunod na henerasyon.

Tinanggap nila ang ebanghelyo at nabinyagan noong sila ay mga young adult. Ang aking mga magulang ay parehong nakaranas ng kahirapan sa kanilang kabataan. Ang aking ama ay lumaki sa isla ng Java sa Indonesia. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sapilitan siyang inihiwalay sa kanyang pamilya at inilagay sa isang concentration camp, kung saan siya nakaranas ng hindi maipaliwanag na paghihirap sa murang edad.

Ang aking ina ay lumaki sa isang hindi kumpletong pamilya at nakaranas din ng gutom at mga paghihirap na dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kung minsan ay wala siyang magawa kundi kainin na lang ang maliliit na bulaklak ng tulip. Dahil sa mga ginawa ng kanyang ama at ang kasunod na pakikipagdiborsiyo nito sa kanyang ina, naging mahirap kung minsan para sa kanya na makita ang Ama sa Langit bilang isang mapagmahal na ama.

Ang aking mga magulang ay nagkakilala sa isang aktibidad sa Simbahan at hindi nagtagal ay nagpasiya silang magpakasal at mabuklod sa Bern Switzerland Temple. Habang naghihintay sa istasyon ng tren, at nagamit na ang lahat ng natitira sa kanilang maliit na ipon para sa pagpunta sa templo, inisip nila kung mapagkakasya pa nila ang kung anong meron sila pero tiwala sila na magiging maayos ang lahat. At nangyari nga iyon!

Sinimulan nila ang kanilang pamilya sa isang simple at maliit na apartment na may kuwarto sa attic sa gitna ng Amsterdam. Makalipas ang ilang taon ng manu-manong paglalaba, nakaipon sila sa wakas ng sapat na pera para makabili ng washing machine. Nang bibilhin na sana nila ito, bumisita sa kanila ang bishop, na humihingi ng kontribusyon para sa pagpapatayo ng meetinghouse sa Amsterdam. Nagpasiya sila na ibigay ang lahat ng naipon nila para sa washing machine at patuloy na manu-manong maglaba.

Bilang isang pamilya, kami rin ay dumanas ng ilang hamon tulad ng ibang pamilya. Ang mga ito ay nagpalakas sa amin at nagpalalim ng aming pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, tulad noong ibinahagi ni Alma ang kanyang kuwento sa kanyang anak na si Helaman, kung saan sinabi niya na siya ay “tinulungan sa ilalim ng mga pagsubok at suliranin ng lahat ng uri” dahil nagtiwala siya sa Panginoong Jesucristo.

Paano naging pinakamabubuting magulang na pinapangarap ko ang dalawang taong nakaranas ng napakaraming hirap noong kanilang kabataan? Simple lamang ang sagot: lubos nilang tinanggap ang ebanghelyo at namuhay ayon sa kanilang mga tipan hanggang sa mga araw na ito!

Makalipas ang mahigit 65 taong pagsasama bilang mag-asawa, ang aking ina na nahirapan dahil sa Alzheimer’s disease, ay pumanaw nitong Pebrero. Ang aking ama, na edad 92 at nakatira pa rin sa bahay, ay palaging bumibisita kay Inay sa abot ng kanyang makakaya hanggang sa pagpanaw nito. Minsan ay nabanggit niya sa mas nakababata kong mga kapatid na ang mga kakila-kilabot na karanasan niya sa kampo sa Indonesia noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay naghanda sa kanya para matiyagang maalagaan ang kanyang asawa sa loob ng napakaraming taon noong ito ay magkasakit at lubos na nanghina dahil sa teribleng karamdamang ito at pati na rin sa araw na kailangan niyang ipaubaya sa iba ang pangangalaga rito at hindi na niya ito makasama palagi. Ang kanilang motto ay nanatili pa ring “Magpatuloy lamang,” na may ganap na pag-asa kay Cristo na sa huling araw ay babangon silang muli at makakasama Siya sa kaluwalhatian magpakailanman.

Ang kanilang pananampalataya at patotoo ang nagbibigay ng lakas sa mga sumunod na henerasyon sa kanila.

Sa nayon kung saan lumaki ang aking asawa, ang kanyang mga magulang, na mabubuting tao na palaging nagsisimba, ay tinanggap ang ebanghelyo noong sila ay ilang taon pa lang na mag-asawa, at ang aking ina ay dalawang taong gulang pa lamang noon at nag-iisa pa lamang nilang anak. Ang kanilang desisyon na maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagkaroon ng malaking epekto sa kanilang buhay dahil nilayuan sila ng kanilang mga kapitbahay at ng kanilang pamilya. Nangailangan ng maraming taon, magigiliw na liham sa mga kapamilya, at paglilingkod sa komunidad bago sila muling tinanggap.

Minsan nga noong naglilingkod ang biyenan kong lalaki bilang bishop, siya ay pinaratangan na gumawa ng isang bagay at kaagad namang pinalaya. Lubhang nasaktan ang aking biyenang-babae kaya natanong niya sa kanyang asawa kung dapat pa ba silang magpatuloy sa pagsisimba. Sumagot ang kanyang asawa na dapat pa rin silang magpatuloy sa pagsisimba dahil hindi ito simbahan ng mga tao, kundi ito ay Simbahan ni Jesucristo.

Ilang panahon din ang lumipas bago lumabas ang katotohanan at may humingi ng tawad. Ang bagay na sisira sana sa kanila ay nakadagdag lamang sa kanilang lakas at pananalig.

Bakit may ilan sa atin na hindi pinahahalagahan ang pananampalataya at patotoo ng ating mga magulang na nanatili pa ring tapat sa kabila ng lahat ng hirap na kanilang pinagdaanan? Sa palagay ba natin ay wala silang malinaw na pang-unawa sa mga bagay-bagay? Hindi at hindi sila nalinlang! Nagkaroon lamang sila ng napakaraming karanasan sa Espiritu at masasabi nila kasama si Propetang Joseph, “Ito’y alam ko, … at ito’y hindi ko maipagkakaila.”

Hindi ba gusto rin ninyo ang awitin tungkol sa hukbo ni Helaman na nasa Aklat ng mga Awit Pambata?

Tulad ni Nephi ay ‘sinilang,

sa maka-Diyos na mga magulang.

Naturuan kami nang puspos;

Dapat sundin ang utos ng Diyos.

Kahit na hindi ito nangyari sa inyo, katulad ng naranasan ng aking ina noong kanyang kabataan, maaari kayong maging isa sa “maka-Diyos na mga magulang” at magbigay ng mabuting halimbawa sa iba.

Nadarama ba natin na ito ay totoo kapag inaawit natin iyon? Nadarama ba ninyo na kayo ay “tulad ng hukbo ni Helaman” at kayo ay “sa Diyos magsisilbing misyonero, Katotohana’y alay”? Nadama ko ito sa maraming okasyon habang inaawit ito sa ilang kaganapan sa FSY at iba pang mga pagtitipon ng mga kabataan.

O ano ang nadarama natin kapag inaawit natin ang himnong “Tapat sa Pananampalataya”?

Kabataan ba ng Sion,

Tama’y ‘di ‘paglalaban?

Sa pagsugod ng kaaway,

Sila ba ay aatras? Hindi!

Sa katotohana’y may katapatan.

Sa mga bagong henerasyon, nasaang lugar man kayo at anuman ang inyong kalagayan ngayon, mangyaring matuto at humugot ng lakas mula sa pananampalataya at patotoo ng mga taong nauna sa inyo. Makatutulong na maunawaan ninyo na para magkaroon ng patotoo o mapalago ito, kailangang gumawa ng mga sakripisyo at na ang “biyaya’y bunga ng pagpapasakit.”

Habang iniisip ninyo ang isang sakripisyo na tunay na magpapala sa inyong buhay, mangyaring isaalang-alang at ipanalangin ang paanyaya ng ating mahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, nang hiniling niya sa “bawat karapat-dapat at may kakayahang binatilyo na maghanda para sa at maglingkod sa misyon. Para sa mga lalaking Banal sa mga Huling araw, ang paglilingkod sa misyon ay isang responsibilidad ng priesthood. …

“Para sa … bata pa at may kakayahang mga sister, ang misyon ay isa ring maganda, ngunit opsiyonal, na oportunidad.”

Maaari kayong tawaging maglingkod bilang isang service o teaching missionary. Ang dalawang uri ng missionary na ito ay nag-aambag sa parehong layunin na magdala ng mga kaluluwa kay Cristo, sa kanilang natatangi at makapangyarihang paraan.

Sa dalawang uri ng paglilingkod na ito, maipapakita ninyo sa Panginoon na mahal ninyo Siya at nais ninyo na mas makilala pa Siya. Tandaan, “sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?”

Tayo man ang una o ang panlimang henerasyon sa ebanghelyo, dapat nating lahat itanong sa ating sarili, Anong mga kuwento ng pananampalataya, katatagan, at katapatang selestiyal ang ipapasa ko sa susunod na henerasyon?

Magpatuloy tayong lahat sa ating mga pagsisikap na mas makilala ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at gawin Siyang sentro ng ating buhay. Siya ang bato na dapat nating gawing saligan nang sa gayon kapag dumating ang mahihirap na panahon, mananatili pa rin tayong matatag na nakatayo.

Tayo ay “[maging tapat sa pananampalatayang pinahalagahan ng ating mga magulang], pananampalataya’y ipaglaban, utos ng Diyos ay [sundin]. Buong puso ang katapatan.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.