Ang Plano ng Awa
Ang Panginoon ay maawain at ang plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit ay tunay na isang plano ng awa.
Paanyaya ng Isang Propeta
Noong nakaraang Abril, agad pagkaraan ng masayang balita na nakuha na ng Simbahan ang Kirtland Temple, inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na pag-aralan ang panalangin ng paglalaan sa Kirtland Temple, na nakatala sa bahagi 109 ng Doktrina at mga Tipan. Ang panalangin ng paglalaan, sabi ni Pangulong Nelson, “ay nagtuturo kung paano tayo espirituwal na pinalalakas ng templo upang mapagtagumpayan ang mga hamon ng buhay sa mga huling araw na ito.”
Tiyak ko na ang pag-aaral ninyo ng bahagi 109 ay nagbigay ng mga kabatirang nagpala sa inyo. Ngayong gabi, magbabahagi ako ng ilang bagay na natutuhan ko nang sundin ko ang paanyaya ng propeta. Ang landas na nagbibigay ng kapayapaan na kinahantungan ng aking pag-aaral ay ipinaalala sa akin na ang Panginoon ay maawain at na ang plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit ay tunay na isang plano ng awa.
Bagong Tawag na mga Missionary na Naglilingkod sa Templo
Tulad ng alam ninyo, “ang mga bagong tawag na missionary ay hinihikayat na tanggapin ang endowment sa templo sa lalong madaling panahon at dumalo sa templo nang madalas hangga’t maaari.” Matapos ma-endow, sila rin ay “maaaring maglingkod bilang mga temple … worker bago nila simulan ang kanilang paglilingkod bilang missionary.”
Ang panahon sa templo bago pumasok sa missionary training center (MTC) ay maaaring maging napakagandang pagpapala para sa mga bagong missionary habang natututo pa sila tungkol sa mga tipan sa templo bago ibahagi ang mga pagpapala ng mga tipang iyon sa mundo.
Ngunit nang pag-aralan ko ang bahagi 109, natutuhan ko na sa templo, binibigyang-kakayahan ng Diyos ang mga bagong missionary—oo, tayong lahat—sa isang karagdagang sagradong paraan. Sa panalangin ng paglalaan, na ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag, ipinagdasal ni Propetang Joseph Smith na “kapag ang inyong mga tagapaglingkod ay humayo mula sa inyong bahay … upang magbigay-patotoo sa inyong pangalan,” ang “puso” ng “lahat ng tao” ay “mapalambot”—kapwa ang “mga dakilang tao sa mundo” at “ang lahat ng maralita, ang nangangailangan, at [ang] mga nagdurusa.” Ipinagdasal niya na “ang kanilang masasamang palagay ay magbibigay-daan sa katotohanan, at ang inyong mga tao ay [makasihan] sa paningin ng lahat; nang ang lahat ng dulo ng mundo ay malaman na kami, ang inyong mga tagapaglingkod, ay narinig ang inyong tinig, at kami ay inyong isinugo.”
Ito ay isang magandang pangako para sa isang bagong tawag na missionary—na ang masasamang palagay ay “magbigay-daan sa katotohanan,” upang “ang inyong mga tao ay makatamo ng kasihan sa paningin ng lahat,” at malaman ng mundo na sila ay isinugo ng Panginoon. Tiyak na kailangan ng bawat isa sa atin ang mga pagpapalang ito. Malaking pagpapala ang mapalambot ang puso habang nakikipag-ugnayan tayo sa mga kapitbahay at katrabaho. Hindi ipinaliliwanag nang eksakto sa panalangin ng paglalaan kung paano mapalalambot ng ating panahon sa templo ang puso ng iba, ngunit kumbinsido ako na konektado ito sa kung paano pinalalambot ng oras sa bahay ng Panginoon ang sarili nating puso sa pamamagitan ng pagpapatuon sa atin kay Jesucristo at sa Kanyang awa.
Sinagot ng Panginoon ang Pagsusumamo ni Joseph Smith para sa Awa
Nang pag-aralan ko ang panalangin ng paglalaan sa Kirtland, naantig din ako na paulit-ulit na nagsumamo si Joseph para sa awa—para sa mga miyembro ng Simbahan, para sa mga kaaway ng Simbahan, para sa mga lider ng bansa, para sa mga bansa sa mundo. At, napakapersonal na nagsumamo siya sa Panginoon na alalahanin siya at maawa sa kanyang pinakamamahal na si Emma at sa kanilang mga anak.
Ano kaya ang nadama ni Joseph nang, pagkaraan ng isang linggo, sa Araw ng Pasko ng Pagkabuhay, Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple, nagpakita ang Tagapagligtas sa kanya at kay Oliver Cowdery at sinabi, tulad ng nakatala sa bahagi 110 ng Doktrina at mga Tipan, “tinanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay malalagay rito; at ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito.” Ang pangakong ito ng awa ay maaaring may espesyal na kahulugan kay Joseph. At tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson noong nakaraang Abril, ang pangakong ito ay “angkop din sa bawat inilaang templo ngayon.”
Pagkasumpong ng Awa sa Bahay ng Panginoon
Napakaraming paraan para makasumpong ng awa ang bawat isa sa atin sa bahay ng Panginoon. Totoo na ito noon pa mang unang utusan ng Panginoon ang Israel na gumawa ng tabernakulo at ilagay sa gitna nito ang “luklukan ng awa.” Sa templo, nakasusumpong tayo ng awa sa mga tipan na ginagawa natin. Ang mga tipang iyon, bukod pa sa mga tipan sa binyag, ay nagbibigkis sa atin sa Ama at sa Anak at nagbibigay sa atin ng dagdag na access sa itinuro ni Pangulong Nelson na “espesyal na uri ng pagmamahal at awa … [na] tinatawag na hesed” sa Hebreo.
Nakasusumpong tayo ng awa sa oportunidad na mabuklod nang walang hanggan sa ating pamilya. Sa loob ng templo, nauunawaan din natin nang mas malinaw na ang Paglikha, Pagkahulog, nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, at kakayahan nating muling makapasok sa kinaroroonan ng Ama sa Langit—sa totoo lang, bawat bahagi ng plano ng kaligtasan—ay pagpapakita ng awa. Masasabi na ang plano ng kaligtasan ay isang plano ng kaligayahan dahil talagang ito ay isang “plano ng awa.”
Ang Paghingi ng Tawad ay Nagbubukas ng Pinto para sa Espiritu Santo
Nagpapasalamat ako sa magandang pangakong nasa bahagi 110 na ipapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili nang may awa sa Kanyang mga templo. Nagpapasalamat din ako sa inihahayag nito kung paano ipapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili nang may awa kung kailan tayo, tulad ni Joseph, ay nagsusumamo para sa awa.
Hindi ang pagsamo ni Joseph Smith para sa awa sa bahagi 109 ang unang pagkakataon na naghatid ng paghahayag ang kanyang mga pagsamo para sa awa. Sa Sagradong Kakahuyan, ipinagdasal ng bata pang si Joseph hindi lamang na malaman kung aling Simbahan ang totoo, kundi sinabi rin niya na siya ay “nagmakaawa sa Panginoon para sa awa, sapagkat wala na akong ibang malalapitan na maaawa sa akin.” Kahit paano ay nakatulong ang kanyang kaalaman na kailangan niya ng awa na ang Panginoon lamang ang makapagbibigay para mabuksan ang mga dungawan ng langit. Pagkaraan ng tatlong taon ay nagpakita ang anghel na si Moroni, kasunod ng sinabi ni Joseph na kanyang “panalangin at pagsusumamo sa Pinakamakapangyarihang Diyos para sa kapatawaran ng lahat ng aking kasalanan at mga kalokohan.”
Ang huwarang ito ng paghahayag matapos ang pagsamo para sa awa ay pamilyar sa mga banal na kasulatan. Narinig lamang ni Enos ang tinig ng Panginoon matapos manalangin para sa kapatawaran. Nagsimula ang pagbabalik-loob ng ama ni Haring Lamoni sa panalangin niyang, “tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo.” Maaaring hindi tayo mapagpala ng ganitong marubdob na mga karanasan, ngunit para sa mga tao na kung minsa’y nahihirapang madama ang mga sagot sa panalangin, ang paghingi ng awa ng Panginoon ay isa sa pinakamabibisang paraan para madama ang pagsaksi ng Espiritu Santo.
Ang Pagbubulay-bulay tungkol sa Awa ng Diyos ay Nagbibigay ng Oportunidad na Magkaroon ng Patotoo sa Aklat ni Mormon
Ang isang katulad na alituntunin ay itinuro sa napakagandang paraan sa Moroni 10:3–5. Kadalasa’y ibinubuod natin ang mga talatang ito para ituro na sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin, malalaman natin kung ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ngunit sa pagbubuod na ito ay maaaring makaligtaan ang mahalagang papel ng awa. Pakinggan kung paano sinimulan ni Moroni ang kanyang payo: “Nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito, … na inyong maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito, at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso.”
Hinihikayat tayo ni Moroni na hindi lamang basahin ang mga bagay na ito—ang mga talaang kanyang ibubuklod—kundi pagbulay-bulayin din sa ating puso ang inihahayag ng Aklat ni Mormon “kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao.” Ang pagbubulay-bulay tungkol sa awa ng Panginoon ang naghahanda sa ating “itanong … sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo.”
Habang pinagbubulayan natin ang Aklat ni Mormon, maaari nating itanong: Totoo ba talaga, tulad ng itinuro ni Alma, na tinitiyak ng plano ng awa ng Diyos na bawat taong nabuhay sa daigdig na ito ay mabubuhay na mag-uli at na sila ay “magbabalik sa kanilang … ganap na anyo”? Tama ba si Amulek—matutugunan ba ng awa ng Tagapagligtas ang lahat ng masaklap at tunay na mga hinihingi ng katarungan na kung hindi ay mapipilitan tayong pagbayaran at sa halip ay “[yakapin tayo] ng mga bisig ng kaligtasan”?
Totoo ba, tulad ng pinatototohanan ni Alma, na nagdusa si Cristo hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para sa ating “mga pasakit at hirap” upang Kanyang “malaman … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan”? Talaga bang napakamaawain ng Panginoon, tulad ng itinuro ni Haring Benjamin, na bilang kaloob na walang bayad, Siya ay nagbayad-sala “para sa mga kasalanan ng mga yaong … nangamatay na hindi nalalaman ang kalooban ng Diyos hinggil sa kanila, o kung sino ang walang malay na nagkasala”?
Totoo ba, tulad ng sabi ni Lehi, na “si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon, at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan”? At totoo ba talaga, tulad ng pinatotohanan ni Abinadi, sa pagsipi kay Isaias, na si Jesucristo ay “nasugatan dahil sa ating mga kasalanan, siya ay nabugbog dahil sa ating mga kasamaan; ang parusa ng ating kapayapaan ay nasa kanya; at sa pamamagitan ng kanyang mga latay tayo ay gumaling”?
Sa kabuuan, talaga bang ganito kamaawain ang plano ng Ama tulad ng itinuturo sa Aklat ni Mormon? Pinatototohanan ko na ang mga turong nagbibigay ng kapayapaan at puno ng pag-asa tungkol sa awa sa Aklat ni Mormon ay totoo.
Magkagayunman, pakiwari ko ay maaaring nahihirapan ang ilan, sa kabila ng inyong matapat na pagbabasa at mga panalangin, na matanto ang pangako ni Moroni na ang Ama sa Langit ay “ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Alam ko ang paghihirap na ito dahil nadama ko ito, maraming taon na ang nakararaan, nang ang unang ilang beses na sarili kong pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay hindi nagbigay ng daglian at malinaw na sagot sa aking mga dalangin.
Kung nahihirapan kayo, maaari ko ba kayong anyayahang sundin ang payo ni Moroni na pagbulayan ang maraming paraan na itinuturo sa Aklat ni Mormon “kung [gaano] naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao”? Batay sa aking karanasan, kapag ginawa ninyo ito, sana’y pumasok sa puso ninyo ang kapayapaan ng Espiritu Santo at inyong malaman, mapaniwalaan, at madama na ang Aklat ni Mormon at ang plano ng awa na itinuturo doon ay totoo.
Nagpapasalamat ako sa dakilang plano ng awa ng Ama at sa kahandaan ng Tagapagligtas na isagawa iyon. Alam ko na ipapakita Niya ang Kanyang sarili nang may awa sa Kanyang banal na templo at sa bawat bahagi ng ating buhay kung hahanapin natin Siya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.