Pangkalahatang Kumperensya
Pakikibahagi sa Paghahanda para sa Pagbabalik ni Cristo
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


11:23

Pakikibahagi sa Paghahanda para sa Pagbabalik ni Cristo

Ang mga calling at iba pang paraan na naglilingkod tayo sa Diyos ay maghahanda sa atin na makita ang Tagapagligtas.

Ilang buwan na ang nakararaan, nakatayo ako sa isang bulwagan nang mapadaan si Elder Neil L. Andersen. Kakatawag pa lamang sa akin noon bilang General Authority. Malamang na nahiwatigan niya na nakadarama ako ng kakulangan, siya ay ngumiti at nagsabing, “Mukhang may isang tao rito na hindi niya alam ang kanyang ginagawa.”

At naisip ko, “Narito ang isang tunay na propeta at tagakita.”

Pagkatapos ay bumulong si Elder Andersen, “Huwag kang mag-alala, Elder Shumway. Magiging mabuti rin ang lahat—pagkalipas ng mga lima o anim na taon.”

Naisip na ba ninyo kung bakit tayo hinihilingang gumawa ng mga bagay sa kaharian ng Diyos na sa pakiwari natin ay hindi natin kayang gampanan? Sa napakaraming kailangang gawin sa buhay, natanong na ba ninyo kung bakit pa ninyo kailangan ng mga calling sa Simbahan? Naitanong ko na iyan.

At natanggap ko ang sagot sa pangkalahatang kumperensya nang sabihin ni Pangulong Russell M. Nelson na, “Ngayon ang panahon para sa inyo at sa akin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.” Nang sabihin ito ni Pangulong Nelson, itinuro sa akin ng Espiritu na habang tayo ay nakikibahagi sa gawain ng Diyos, inihahanda natin ang ating sarili at ang ibang tao sa pagbabalik ni Cristo. Ganoon na lamang kahalaga ang pangako ng Panginoon na ang mga calling, ministering, pagsamba sa templo, pagsunod sa mga pahiwatig, at iba pang paraan na naglilingkod tayo sa Diyos ay maghahanda sa atin na makita ang Tagapagligtas.

Nalulugod ang Diyos Kapag Tayo ay Nakikibahagi sa Kanyang Gawain

Sa “karingalan ng sandaling ito,” habang lumalawak ang kaharian ng Diyos at dumarami ang mga templo sa buong mundo, may lumalaking pangangailangan para sa mga kaluluwang handang makibahagi sa gawain ng Diyos. Ang maglingkod nang walang pag-iimbot ang pinakadiwa ng pagiging disipulo ni Cristo. Ngunit ang paglilingkod ay bibihira lamang na madali. Ito ang dahilan kaya hanga ako sa inyo na mga disipulo na tumutupad sa tipan, kabilang na ang ating mga butihing missionary, na isinasantabi ang inyong mga hangarin at hamon para maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanyang mga anak. Ang Diyos ay “[pinararangalan] ang mga naglilingkod sa [Kanya] sa kabutihan.” Ang pangako Niya, “Dakila ang [inyong] magiging gantimpala at walang hanggan ang [inyong] magiging kaluwalhatian.” Kapag handa tayong tumanggap ng tungkuling maglingkod, tinatanggap natin si Jesucristo. At kapag tinatanggap natin si Cristo, tinatanggap natin ang pinakamasaganang buhay na maaari nating matanggap.

Natutuhan ko ang aral na ito habang nagtatrabaho at nag-aaral ng chemical engineering sa kolehiyo. Hinilingan ako na maging activities planner para sa isang singles ward. Lubha kong kinatakutan ang calling na ito. Gayunpaman, tinanggap ko ito at noong una ito ay nakababagot. Hindi nagtagal sa isang aktibidad ay may magandang dalaga na humanga sa paraan ko ng pamamahagi ng ice cream. Tatlong beses pa siyang bumalik, umaasa na mapansin ko siya. Nagkaibigan kami, at niyaya niya akong magpakasal makalipas lamang ng dalawang linggo. Marahil hindi naman ganyan kabilis iyon, at ako ang nagyayang magpakasal, pero ito ang totoo: kinikilabutan akong isipin na hindi ko makikilala si Heidi kung hindi ko tinanggap ang calling na iyon.

Ang Ating Pakikibahagi ay Paghahanda para sa Pagbabalik ni Cristo

Nakikibahagi tayo sa gawain ng Diyos hindi dahil kailangan tayo ng Diyos kundi dahil kailangan natin ang Diyos at ang Kanyang mga pagpapala. Nangako Siya, “Sapagkat, masdan, aking pagpapalain ang lahat ng yaong gumagawa sa aking ubasan ng dakilang pagpapala.” Hayaang ibahagi ko ang tatlong prinsipyo na magtuturo sa atin kung paanong ang pakikibahagi natin sa gawain ng Diyos ay nagpapala at tumutulong sa atin na maging handang makita ang Tagapagligtas.

Una, sa ating pakikibahagi, tayo ay umuunlad tungo sa “layunin ng paglikha [sa atin].”

Nalaman natin ang huwarang ito sa salaysay tungkol sa Paglikha. Pagkatapos ng bawat araw ng paggawa, kinilala ng Diyos ang mga nagawa sa pagsasabi ng “Ito ay mabuti.” Hindi Niya sinabi na ang gawain ay tapos na o perpekto. Ngunit ang sinabi Niya ay may pag-unlad na nangyari, at sa paningin ng Diyos, iyon ay mabuti!

Ang mga calling ay hindi nagpapahiwatig o nagpapatunay sa halaga o pagiging karapat-dapat ng isang tao. Sa halip, habang tayo ay naglilingkod sa Diyos sa anumang paraang tinukoy Niya, nagagampanan natin ang layunin ng paglikha sa atin.

Nagagalak ang Diyos sa ating pag-unlad, at dapat tayo rin, kahit na marami pa tayong kailangang gawin. Kung minsan maaaring nagkukulang ang ating lakas o kakayahan na maglingkod sa isang calling. Gayunman, maaari pa rin tayong makibahagi sa gawain at protektahan ang ating mga patotoo sa makabuluhang mga paraan tulad ng pananalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Hindi tayo hahatulan ng ating mapagmahal na Ama sa Langit kapag tayo ay handa ngunit hindi makapaglingkod.

Pangalawa, ang paglilingkod ay nagpapabanal sa ating mga tahanan at simbahan kung saan maaari tayong mamuhay nang naaayon sa tipan.

Halimbawa, ang ating tipan na palaging alalahanin si Cristo ay ginagawa nating mag-isa, pero ang tipan na ito ay ipinamumuhay habang naglilingkod tayo sa iba. Ang mga calling ay mga oportunidad para “dalhin … ang pasanin ng isa’t isa, at sa gayon [tumutupad] sa batas ni Cristo.” Kapag tayo ay naglilingkod dahil mahal natin ang Diyos at nais nating ipamuhay ang ating mga tipan, ang paglilingkod na tila ginagawa para lang sumunod at nakapapagod ay nagiging masaya at nagpapabago ng pagkatao.

Ang mga ordenansa ay hindi magliligtas sa atin dahil nakukumpleto ng mga ito ang isang checklist sa langit. Sa halip, kapag ipinamumuhay natin ang mga tipang nauugnay sa mga ordenansang ito, tayo ay nagiging ang tao na nais makapiling ang Diyos. Ang pagkaunawang ito ay tutulong para madaig natin ang mga pag-aalinlangang maglingkod o kagustuhang hindi maglingkod. Ang ating paghahanda na makita si Cristo ay mas nag-iibayo kapag tumitigil tayo sa pagtatanong kung ano ang pinapayagan ng Diyos at sinisimulan nating itanong kung ano ang nais ng Diyos.

Pangatlo, ang pakikibahagi sa gawain ng Diyos ay tumutulong sa atin na matanggap ang kaloob na biyaya ng Diyos at madama ang Kanyang higit na pagmamahal.

Hindi tayo tumatanggap ng bayad para sa paglilingkod. Sa halip, itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na sa ating “gawain [tayo] ay tatanggap ng biyaya ng Diyos, upang [tayo] ay lumakas sa Espiritu, na may kaalaman tungkol sa Diyos, [at] makapagturo nang may kapangyarihan at karapatan mula sa Diyos.” Napakagandang kapalit nito!

Dahil sa biyaya ng Diyos, ang ating mga kayang gawin o hindi kayang gawin ay hindi ang pangunahing batayan sa pagbibigay o pagtanggap ng calling. Hindi inaasahan ng Diyos ang perpektong pagganap o namumukod-tanging talento para makibahagi sa Kanyang gawain. Kung gayon, hindi sana nagawa ng Reynang si Esther na mailigtas ang kanyang bansa, hindi napamunuan ni Pedro ang sinaunang Simbahan, at hindi naging Propeta ng Panunumbalik si Joseph Smith.

Kapag tayo ay kumikilos nang may pananampalataya para magawa ang isang bagay na higit pa sa ating mga kakayahan, makikita natin ang ating kahinaan. Hindi ito madaling tanggapin, pero kailangan nating “malaman … na dahil sa … biyaya [ng Diyos], … may kapangyarihan [tayo na] gawin ang mga bagay na ito.”

Maraming beses tayong mabibigo habang nakikibahagi tayo sa gawain ng Diyos. Ngunit sa ating pagsisikap, sinasalo tayo ni Jesucristo. Iniaangat Niya tayo para maranasan ang kaligtasan mula sa ating kabiguan at pangamba at mula sa pakiramdam na hindi tayo kailanman magiging sapat. Kapag inilalaan natin ang kaunti ngunit pinakamainam na magagawa natin, pinalalaki ito ng Diyos. Kapag nagsasakripisyo tayo para kay Cristo, pinababanal Niya tayo. Ito ang nagpapabagong kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. Habang naglilingkod tayo, umuunlad tayo sa biyaya ng Diyos hanggang sa maging handa tayong “[ibangon] ng … Ama, upang tumayo sa harapan [ni Jesucristo].”

Tulungan ang Iba na Matanggap at Magalak sa Kaloob na mga Calling

Hindi ko alam ang lahat ng itatanong sa akin ng Tagapagligtas kapag tumayo na ako sa Kanyang harapan, ngunit marahil ang isang tanong ay, “Sino ang isinama mo?” Ang mga calling ay mga sagradong kaloob mula sa isang mapagmahal na Ama sa Langit para matulungan ang iba na makasama natin kay Jesucristo. Kaya inaanyayahan ko ang mga lider at ang bawat isa sa atin na sadyang hanapin ang mga taong walang calling. Hikayatin at tulungan silang makibahagi sa gawain ng Diyos para tulungan silang maghanda sa pagbabalik ni Cristo.

Si John ay hindi aktibo sa Simbahan nang binisita siya ng kanyang bishop at sinabi sa kanya na may ipagagawa sa kanya ang Panginoon. Inanyayahan niya si John na tumigil sa paninigarilyo. Bagama’t maraming beses nang sinubukan ni John na tumigil, nakadama siya ngayon ng hindi makitang kapangyarihan na tumutulong sa kanya.

Makalipas lang ang tatlong linggo, si John ay binisita ng stake president. Tinawag niya si John na maglingkod sa bishopric. Nabigla si John. Sinabi niya sa stake president na tumigil pa lamang siya sa paninigarilyo. Kung ang kahulugan nito ay pagtigil sa nakasanayan na niyang panonood ng mga professional football game sa araw ng Linggo, mukhang kalabisan naman para hilingin pa ito. Ang inspiradong sagot ng stake president ay simple lamang: “John, hindi ako ang humihiling nito; ang Panginoon ang humihiling nito sa iyo.”

Na sinagot naman ni John ng, “Kung gayon, maglilingkod ako.”

Sinabi sa akin ni John na ang mga sakripisyong ito para makapaglingkod ay naghatid ng espirituwal na pagbabago sa kanya at sa kanyang pamilya.

Iniisip ko na baka minsan ay may mga bagay na hindi natin napapansin, na hindi tayo nagbibigay ng calling sa mga tao na, sa ating mortal na pananaw, ay malamang na walang kakayahan o hindi karapat-dapat. O baka nakatuon tayo sa pagiging magaling kaysa sa doktrina ng pag-unlad, na kinakaligtaang makita kung paano pinalalawak ng Tagapagligtas ang kakayahan ng mahihina at walang karanasan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong maglingkod.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ang kahalagahan ng kautusan sa banal na kasulatan na “[hayaan na] ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos.” Ginagawa ba natin ito? Kapag ang mga lider at mga magulang ay hinahayaan ang iba na matuto at kumilos para sa kanilang sarili, sila ay umuunlad at humuhusay. Bagaman mas madali ang magbigay ng isa pang calling sa matatapat na miyembro, ang mas mainam na paraan ay anyayahan ang mga tila hindi maglilingkod at hayaan silang matuto at umunlad.

Kung narito si Cristo, bibisitahin Niya ang mga maysakit, magtuturo sa klase sa Sunday School, uupo kasama ng mga nagdadalamhating kabataang babae, at babasbasan ang mga bata. Kaya Niyang gawin ang Kanyang sariling gawain. Pero ipinamumuhay Niya ang prinsipyong ito ng pagbibigay ng pagkakataon sa atin na kumilos at matuto, kaya Niya tayo isinusugo para kumatawan sa Kanya.

Kasama sa pakikibahagi sa gawain ng Diyos “ang karapatan, pribilehiyo, at responsibilidad na kumatawan sa Panginoong [Jesucristo].” Kapag naglilingkod tayo para purihin si Cristo at hindi ang ating sarili, nagiging masaya ang ating paglilingkod. Kapag ang kapwa natin ay lumisan sa ating klase, miting, pagbisita sa ministering, o sa isang aktibidad na mas naaalala si Cristo kaysa sa atin, talaga namang nagbibigay-sigla ang gawain.

Sa masigasig na pagsisikap nating kumatawan para sa Tagapagligtas, tayo ay nagiging higit na katulad Niya. Iyan ang pinakamainam na paghahanda para sa sagradong sandali na ang bawat isa sa atin ay luluhod at kikilalanin na si Jesus ang Cristo, na pinatototohanan kong Siya nga, at na si Pangulong Russell M. Nelson ang Kanyang “tinig … [na] sumasa mga dulo ng mundo” para tulungan tayong “maghanda … para sa yaong paparito.” Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” Liahona, Nob. 2024, 121.

  2. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:2–4.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” 121.

  4. Doktrina at mga Tipan 76:5–6.

  5. Tingnan sa Juan 10:10.

  6. Doktrina at mga Tipan 21:9.

  7. Doktrina at mga Tipan 88:19.

  8. Tingnan sa Genesis 1.

  9. Sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa mga talento, ang bawat alipin ay binigyan ng Panginoon ng responsibilidad sa “kaunting bagay.” Ang panginoon ay mas nakatuon sa pag-unlad ng bawat alipin tungo sa pagiging panginoon “sa maraming bagay” kaysa sa kinita ng Kanyang mga kalakal. Ang isang alipin na natakot at hindi handang magtrabaho ay isinumpa at hindi umunlad. (Tingnan sa Mateo 25:14–28.)

  10. Tingnan sa Lucas 21:19. Itinuro ni Elder David A. Bednar na ang “matuwid na gawain ay kinakailangan sa pag-unlad sa espirituwal” (“Ang mga Bagay Kung Ano Talaga ang Mga Ito 2.0” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Nob. 3, 2024], Gosple Library).

  11. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:4.

  12. Tingnan sa Mosias 4:24.

  13. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Ating mga Natututuhan at Hindi Malilimutan Kailanman,” Liahona, Mayo 2021, 79: “Nais ng Diyos na sama-sama tayong kumilos at magtulungan. Iyan ang dahilan kaya ipinadala Niya tayo sa mundo na kabilang sa mga pamilya at isinaayos tayo sa mga ward at stake. Iyan ang dahilan kaya hiniling Niya sa atin na maglingkod at mag-minister sa bawat isa. … Mas marami tayong maisasagawa nang magkakasama kaysa mag-isa lang tayo. Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ay mahahadlangan kung mananatiling malayo sa isa’t isa ang Kanyang mga anak.”

  14. Mga Taga Galacia 6:2; tingnan din sa Mosias 18:8–9.

  15. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Ang matawag na maglingkod ay isang panawagang mahalin ang Panginoong pinaglilingkuran natin. Panawagan ito na baguhin ang likas nating pagkatao” (“Tulad ng Isang Bata,” Liahona, Mayo 2006, 17).

  16. Tingnan sa Henry B. Eyring, “Should a Latter-day Saint Sell a Product When Its Use Violates the Word of Wisdom?,” Ensign, Abr. 1977, 30.

  17. Mosias 18:26; tingnan din sa Mosias 27:5.

  18. Tingnan sa 2 Nephi 3:13, 24.

  19. Jacob 4:7.

  20. Tingnan sa Isaias 40:29–31; 2 Corinto 12:9.

  21. Tingnan sa Mateo 14:15–21. Kahit na ang limang tinapay at dalawang isda lamang ang inialok para mapakain ang maraming tao, malugod na tinanggap ng Tagapagligtas ang handog na ito at pinarami ito nang higit pa sa kinakailangan. Isa sa magagandang aral na mapupulot natin mula sa himalang ito ay ang inaalok ng Tagapagligtas ay palaging higit pa kaysa kailangan!

  22. Ang salitang ugat sa wikang Latin para sa salitang sakripisyo ay sacer, na ang ibig sabihin ay sagrado o banal, at facere, na ang ibig sabihin ay gumawa. Kapag nagsasakripisyo tayo para sa Diyos, tayo ay pinababanal Niya (tingnan sa Helaman 3:35; Doktrina at mga Tipan 132: 50).

  23. 3 Nephi 27:14.

  24. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 15:6; 16:6; 18:10–16.

  25. Tingnan sa Moroni 7:2; Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 4.1, Gospel Library.

  26. Tingnan sa “Magpatuloy Tayo,” Mga Himno, blg. 148.

  27. Personal na karanasan at pakikipag-ugnayan, Ene. 4, 2025; binago ang pangalan.

  28. Tingnan sa Mateo 10:5–8; Lucas 10:1–9; Pangkalahatang Hanbuk, 4.2.6.

  29. Doktrina at mga Tipan 107:99; idinagdag ang pagbibigay-diin; mula sa isang pakikipag-usap ni Elder David A. Bednar, Dis. 2024.

  30. Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:20. Ang ating mga kabataan ay hindi lamang ang kinabukasan ng Simbahan. Marami silang pagkakataong mamuno ngayon. Nakita ko ang katotohanang ito nang maglingkod ako kasama ang 744 sa pinakakamangha-manghang mga disipulo ni Jesucristo sa Illinois Chicago Mission mula 2019–2022. Noong COVID, ang mga bata pa ngunit makapangyarihang disipulo ni Cristo na ito ay pinamunuan ang gawain ng Diyos sa pambihira at makabagong mga paraan.

  31. Tingnan sa 2 Nephi 27:20–21.

  32. Mangaral ng Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo (2023), 3.

  33. Sa Jacob 1:17, 19, ang gawain ni Jacob ay ang gawain ng Panginoon. Hindi niya ginampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang sarili kundi ito ay ginawa niya para sa Panginoon para maituro niya ang salita ng Diyos at nang sa gayon ay matagpuan siyang walang-bahid-dungis sa huling araw.”

  34. Tingnan sa 3 Nephi 27:27.

  35. Doktrina at mga Tipan 1:11–12.