Pangkalahatang Kumperensya
“Magsilapit sa Akin”
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


17:5

“Magsilapit sa Akin”

Mahal ni Jesucristo ang bawat isa sa atin. Inaalok Niya tayo ng oportunidad na mas lumapit sa Kanya.

Mahal kong mga kapatid, ikinagagalak kong ipaabot ang pagmamahal ko sa inyo sa pangkalahatang kumperensiyang ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang Kanyang Simbahan. Nakatipon tayo sa mga gusali at tahanan sa buong mundo sa Kanyang pangalan.

Tinataglay natin ang Kanyang pangalan kapag pumasok tayo sa Kanyang kaharian sa pamamagitan ng tipan. Siya ang nabuhay na mag-uli at niluwalhating Anak ng Diyos. Tayo ay mga mortal, nagkakasala at mamamatay. Subalit, dahil sa pagmamahal Niya sa bawat isa sa atin, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na mas lumapit sa Kanya.

Ang Tagapagligtas ay bumangon mula sa libingan.

Ito ang Kanyang paanyaya sa atin: “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan.”

May mga pagkakataon na pakiramdam natin ay malapit tayo sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Subalit, kung minsan sa ating mga pagsubok sa buhay, nadarama nating medyo malayo tayo sa Kanya at nais nating matiyak na alam Niya ang nilalaman ng ating puso at mahal Niya tayo bilang mga indibiduwal.

Kasama sa paanyaya ng Tagapagligtas ang paraan para madama ang katiyakang iyan. Lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng pag-alaala sa Kanya palagi. Masigasig Siyang hanapin sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Taos-pusong ipagdasal sa Ama sa Langit na madama na mas malapit kayo sa Kanyang Pinakamahahal na Anak.

May simpleng paraan para mapag-isipan ito. Ito ang gagawin ninyo kung mawalay kayo sandali mula sa mahal na mga kaibigan. Maghahanap kayo ng paraan para makipag-ugnayan sa kanila, itatangi ninyo ang anumang mensaheng matanggap ninyo mula sa kanila, at gagawin ninyo ang lahat para matulungan sila.

Kapag mas madalas na nangyari iyan, mas magtatagal iyan, mas titibay ang bigkis ng pagmamahalan, at madarama ninyo mismo na mas nagkakalapit kayo. Kung lumipas ang maraming panahon nang walang katangi-tanging komunikasyon at oportunidad na tulungan ang isa’t isa, magiging marupok ang bigkis.

Mahal ni Jesucristo ang bawat isa sa atin. Inaalok Niya tayo ng oportunidad na iyan na mas lumapit sa Kanya. Tulad sa isang mapagmahal na kaibigan, ganyan din ang gagawin ninyo, sa pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng panalangin sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo, pakikinig para sa katangi-tanging patnubay mula sa Espiritu Santo, at pagkatapos ay masayang paglilingkod sa iba para sa Tagapagligtas. Hindi maglalaon at madarama ninyo ang pagpapalang mas mapalapit sa Kanya.

Noong kabataan ko, nadama ko ang galak ng mas mapalapit sa Tagapagligtas—at ng Kanyang pagiging mas malapit sa akin—sa mga simpleng pagsunod sa mga kautusan. Noong bata pa ako, ipinapasa ang sakramento sa isang miting sa gabi. Naaalala ko pa ang isang partikular na gabi, mahigit 75 taon na ang nakalilipas, na madilim at malamig sa labas. Naaalala ko na nakaramdam ako ng liwanag at init nang matanto ko na nasunod ko ang kautusang makitipon sa mga Banal para tumanggap ng sakramento, na nakikipagtipan sa ating Ama sa Langit na laging alalahanin ang Kanyang Anak at sundin ang Kanyang mga utos.

Sa pagtatapos ng miting nang gabing iyon, inawit namin ang himnong “Manatili sa ’King Tabi,” na may di-malilimutang mga titik na, “Panginoon, manatili.”

Ang mga titik na ito ay lubhang nagpadama ng Espiritu sa akin, kahit bata pa ako. Nadama ko ang pagmamahal at pagiging malapit ng Tagapagligtas noong gabing iyon sa pamamagitan ng kapanatagang dulot ng Espiritu Santo.

Makalipas ang mga taon ginusto kong madamang muli ang pagmamahal at pagiging malapit sa Panginoon na nadama ko sa sacrament meeting na iyon noong kabataan ko. Kaya sinunod ko ang isa pang simpleng kautusan: saliksikin ang mga banal na kasulatan.

Sa aklat ni Lucas, nabasa ko na sa ikatlong araw matapos Siyang ipako sa krus at ilibing, dumating ang matatapat na lingkod, dahil sa pagmamahal sa Tagapagligtas, para pahiran ng langis ang Kanyang katawan. Pagdating nila, nakita nila na may nag-alis ng batong nakatakip sa libingan at wala na ang Kanyang katawan doon.

Isang anghel sa labas ng libingan ni Kristo.

Itinanong ng dalawang anghel na naroon kung bakit sila natatakot, sinasabing:

“Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?

“Wala siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya’y nasa Galilea pa,

“Na sinasabi, Kinakailangan na ang anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.”

Si Jesus kasama ang mga disipulo sa daan patungong Emaus.

Noong magtakipsilim, dalawang disipulo ang naglakad mula Jerusalem hanggang Emaus, at ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay nagpakita sa kanila at lumakad na kasabay nila.

Ang aklat ni Lucas ay tinutulutan tayong sumama sa kanila sa paglakad noong gabing iyon:

“Samantalang sila’y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit, at naglakbay na kasama nila.

“Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahintulutan na makilala siya.

“At sinabi niya sa kanila, Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad, [at malungkot kayo]?

“Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem, na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”

Sinabi nila sa Kanya na nalulungkot sila sa pagkamatay ni Jesus samantalang inasahan nila na Siya ang magiging Manunubos ng Israel.

Tiyak na may pagmamahal sa tinig ng nagbangong Panginoon nang magsalita Siya sa dalawang nalulungkot at nagdadalamhating disipulong ito.

Nang patuloy akong magbasa, dumating ang mga salitang ito na nagpaalab sa puso ko, tulad ng nadama ko noong bata ako:

“[At] nang sila’y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa.

“Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw. At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.”

si Cristo na nakaupo kasama ang mga disipulo.

Tinanggap ng Tagapagligtas noong gabing iyon ang paanyayang pumasok sa bahay ng Kanyang mga disipulo. Kumain Siyang kasama nila. Dumampot siya ng tinapay, binasbasan iyon, pinagputul-putol iyon, at ibinigay iyon sa kanila. At nabuksan ang kanilang mga mata, at Siya ay nakilala nila. Pagkatapos ay naglaho Siya sa kanilang paningin.

Itinala ni Lucas para sa atin ang nadama ng mga pinagpalang disipulong iyon: “At sila-sila’y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”

Pagkatapos ay nagmadaling bumalik sa Jerusalem ang dalawang disipulo para ikuwento sa labing-isang Apostol ang nangyari. Habang ikinukuwento nila ang naranasan nila, muling nagpakita ang Tagapagligtas.

Tumayo Siya sa gitna nila at “sinabi sa kanila, Sumainyo ang kapayapaan.” Pagkatapos ay sinabi Niyang muli ang mga propesiya tungkol sa Kanyang misyon na magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng anak ng Kanyang Ama at kalagin ang mga gapos ng kamatayan.

“[At] sinabi niya sa kanila, Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw;

“At ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.

“[At] kayo’y mga saksi ng mga bagay na ito.”

nagtuturo si Alma sa mga Tubig ng Mormon.

Tulad ng Kanyang mahal na mga disipulo, bawat anak ng Ama sa Langit na piniling magpabinyag ay nakikipagtipan na maging saksi ng Tagapagligtas at pangalagaan ang mga nangangailangan habambuhay. Ang pangakong ito ay nilinaw sa atin ng dakilang propetang si Alma sa Aklat ni Mormon ilang siglo na ang nakararaan sa Mga Tubig ng Mormon:

“Yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;

“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar … , maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, … nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Kapag naging tapat kayo sa mga pangakong ito, makikita ninyo na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang pangakong maging kaisa ninyo sa inyong paglilingkod, upang gumaan ang inyong mga pasanin. Makikilala ninyo ang Tagapagligtas, at darating ang panahon na kayo ay magiging katulad Niya at “ma[gi]ging ganap sa kanya.” Sa pagtulong sa iba para sa Tagapagligtas, makikita ninyo na mas napapalapit kayo sa Kanya.

Marami sa inyo ang may mga mahal sa buhay na nalalayo sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan. Iniisip ninyo kung ano pa ang magagawa ninyo upang ibalik sila. Makakaasa kayo na mas lalapit sa kanila ang Panginoon habang pinaglilingkuran ninyo Siya nang may pananampalataya.

Maaaring naaalala ninyo ang pangako ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong nalayo sila sa kanilang mga pamilya para maglingkod sa Kanya: “Aking mga kaibigang Sidney at Joseph, ang inyong mga mag-anak ay nasa mabuting kalagayan; sila ay nasa aking mga kamay, at aking gagawin sa kanila kung ano ang inaakala kong mabuti; sapagkat sa akin naroon ang lahat ng kapangyarihan.”

Habang binebendahan ninyo ang mga sugat ng mga nangangailangan, susuportahan kayo ng kapangyarihan ng Panginoon. Iuunat Niya sa inyo ang Kanyang mga bisig para matulungan at pagpalain ang mga anak ng ating Ama sa Langit.

Bawat lingkod ni Jesucristo sa tipan ay tatanggap ng Kanyang patnubay mula sa Espiritu habang pinagpapala at pinaglilingkuran nila ang iba para sa Kanya. Sa gayon ay madarama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas at magagalak na mas napapalapit sila sa Kanya.

Saksi ako sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon na para bang naroon ako mismo na kasama ang dalawang disipulo sa bahay sa tabi ng daan patungong Emaus. Alam ko na Siya ay buhay.

Ito ang Kanyang totoong Simbahan—ang Simbahan ni Jesucristo. Tayo, sa Araw ng Paghuhukom, ay tatayo sa harap ng ating Tagapagligtas, nang harap-harapan. Iyon ay magiging panahon ng malaking kagalakan para sa mga napalapit sa Kanya, sa buhay na ito, sa paglilingkod sa Kanya at maaaring sabik na asamin na marinig ang Kanyang mga salita: “Magaling, mabuti at tapat na [lingkod].”

Pinatototohanan ko bilang saksi ng nagbangong Tagapagligtas at ating Manunubos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.