Ang Pagmamahal Ko sa Tagapagligtas ang Aking “Dahilan”
Mahal ko ang ating Tagapagligtas. Ito ang tunay at pinakamalaking dahilan kaya ko ginagawa ang ginagawa ko.
Napansin na ba ninyo na ang ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson ay patuloy tayong inaanyayahan? Hindi nakakagulat na inanyayahan niya tayong pag-aralan at pagnilayan ang mga mensaheng ibinahagi sa huling dalawang kumperensya. Noong Abril 2024, sinabi niya, “Nawa’y paulit-ulit ninyong pag-aralan ang mga mensahe ng kumperensyang ito sa mga susunod na buwan.” At, noong Oktubre 2024, sinabi niya, “Hinihikayat ko kayo na pag-aralan ang mga mensahe [ng mga tagapagsalita]. Gamitin ang mga ito bilang litmus test sa kung ano ang totoo, at hindi totoo, sa susunod na anim na buwan.”
Ang mga paanyayang ito ay maaaring idagdag sa mga paanyaya ng propeta na ating natanggap sa buong buhay natin, pati na at lalo na sa natanggap natin nitong mga nakaraang taon. Maaaring pakiramdam o iniisip natin na ang mga paanyayang ito ay isa pang bagay na kailangan nating idagdag sa ating listahan ng mga gagawin, dahil inanyayahan o hinilingan tayong gawin iyon. Ngunit may iba pa kayang dahilan?
Sa pagninilay tungkol dito at sa lahat ng paanyayang natanggap natin, naalala ko ang isang bagay na matagal ko nang natutuhan at napagpasyahan. Sinisikap kong gawin ang mga bagay na ito na mahalaga sa akin dahil mahal ko Siya; mahal ko ang ating Tagapagligtas. Ito ang tunay at pinakamalaking dahilan kaya ko ginagawa ang ginagawa ko, at konektado rito ang pagmamahal ko sa inyo, na kapwa ko mga kapatid.
Bilang inyong kapatid, sana’y ituring ninyo ang mga salita ko bilang taos na paanyaya na hangaring maunawaan ang oportunidad na iugnay ang lahat ng ginagawa natin sa pagmamahal natin sa Tagapagligtas.
Makakatulong ito sa atin na maunawaan ang tunay na “dahilan” sa lahat ng ginagawa natin bilang mga disipulo ng Tagapagligtas. Makakatulong ito sa atin na mapatatag ang ating koneksyon sa Diyos sa tipan, na nauunawaan ang Kanyang mga banal at walang-hanggang katotohanan—ang Kanyang mga walang-hanggan at lubos na katotohanan na hindi magbabago kailanman. Mga walang-hanggang katotohanang tulad ng, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Nakakatuwa na kung minsan dahil palagi nating ginagawa ang mga bagay hanggang sa maging tradisyon na ito, pinapayagan natin ang mga tradisyon o aktibidad na ito na diktahan ang mga pagsisikap natin na manampalataya kay Jesucristo. Tila ginagawa natin ang mga bagay na ito dahil nagawa na natin ito nang maraming taon nang hindi iniisip ang epekto nito sa ating koneksyon sa Tagapagligtas sa tipan.
Sa ating mundo, kadalasa’y nakatuon tayo sa ating ginagawa at sa palagiang pagsasakatuparan ng mga gawain at mithiin. Sa mga espirituwal na bagay may oportunidad tayong gawin ang higit pa sa paggawa lamang ng mga bagay-bagay o pagkakamit ng mga mithiin sa pamamagitan ng pag-unawa kung bakit natin ginagawa ang mga ito. Kung mauunawaan at maikokonekta natin na ang dahilan sa likod ng ating mga ginagawa ay nauugnay sa pagmamahal natin sa Tagapagligtas at sa ating Ama sa Langit, sa pagsasamantala sa mga oportunidad na ito, mauunawaan natin na kahit ang paggawa ng mabuti, tulad ng pagkakaroon ng mga aktibidad o tradisyon sa Simbahan at ang paggawa nito ay mabuti, kapag ikinokonekta natin ito sa “dahilan,” pagpapalain tayong maunawaan ang dahilan. Hindi lamang ito magiging paggawa ng mabubuting bagay o paggawa nito sa tamang paraan; tama rin ang ating dahilan.
Halimbawa, kapag nagtakda kayo ng mithiin na magbasa ng banal na kasulatan, mag-alay ng taos na panalangin, o maghanda ng aktibidad para sa inyong pamilya o ward, ang totoong mithiin ba ay isakatuparan lamang ang mga gawaing ito? O ang mga gawaing ito ba ang paraan, ang mga kasangkapang magagamit ninyo, para makamtan ang tunay na mithiin? Ang layunin ba ay magdaos lamang ng aktibidad dahil nagawa na natin ito nang maraming taon at pagkatapos ay lagyan ng tsek ang box na natapos na natin ito? O, muli, ang mga ito ba ang paraang ginagamit natin para pag-aralan, madama, at makaugnayan ang Tagapagligtas?
Unawain sana ninyo ang sinasabi ko tungkol sa pagkakaroon ng mga aktibidad at tradisyon o pagtatakda ng mga mithiin at pagsisikap na makamtan ang mga ito; walang masama rito. Gayunman, inaanyayahan ko kayong buksan ang inyong puso’t isipan sa oportunidad at pagpapalang maunawaan kung bakit natin ginagawa ang mga ito at kung paano natin maipamumuhay ang ating relihiyon.
Ang isang pangunahing halimbawa ng mga tradisyong nakasentro kay Cristo ay ang hamon ni Pangulong Dallin H. Oaks sa ating lahat sa ngalan ng Unang Panguluhan. Sabi ni Pangulong Oaks: “Sa pagpasok ng bagong taon na ito, maghanda tayo para sa pagdiriwang ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo sa Easter. … Anuman ang pinaniniwalaan o ginagawa ng iba, dapat nating ipagdiwang ang Pagkabuhay na Mag-uli ng ating buhay na Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga turo at pagtulong na magtatag ng mga tradisyon sa Easter sa ating buong lipunan, lalo na sa sarili nating pamilya.” Tulad ng nakikita ninyo, hindi lamang ito paanyaya na magkaroon ng mga tradisyon. Sa halip, ginagamit natin ang mga tradisyong ito bilang paraan para matuto pa tungkol sa Tagapagligtas at maalala ang Kanyang Pagkabuhay na Muli.
Habang lalo nating naiuugnay ang dahilan sa pagmamahal natin sa Tagapagligtas, lalo nating natatanggap ang ating kailangan o hinahanap. Sabi ni Pangulong Nelson: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo.” At nag-anyaya siya: “Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng paggaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya!”
Pagnilayan ito sa inyong puso’t isipan: Naniniwala ba kayo na sa paanyaya ni Pangulong Nelson ay nais niyang tulungan tayong maghanda ng checklist para magkaroon tayo ng mas maraming kaalaman at matapos ang maraming gawain upang makitang nagawa na natin ang paanyaya niya mula sa ating mga listahan ng gagawin? O inaanyayahan ba niya tayong isipin ang mga aspekto ng mga walang-hanggang katotohanan at alituntuning ito bilang isang oportunidad na maunawaan ang “dahilan” at iugnay ang pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas sa tipan sa ating habambuhay na paglalakbay bilang disipulo?
Hayaan ninyong ilarawan ko ang alituntuning sinisikap kong iparating. Ang isang opsiyon, ay maaaring ang basahin ang lahat ng mga mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya, at kapag natapos ko, lalagyan ko ng tsek ang paanyayang ito sa aking listahan ng gagawin nang wala nang iba pang gagawin sa aking nabasa. Nauunawaan ko na matindi ang sitwasyong ito, pero posible ito. Siguro, marami ang nasa pagitan nito at ng ideyal na dapat mangyari.
Ang paanyaya ay pag-aralan at pagnilayan ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at gamitin ang mga ito para tukuyin at unawain ang magagawa ng bawat isa para mas bumuti.
Kapag tinanggap natin ang paanyaya, na inuunawa ang dahilan sa likod nito, magkakaroon tayo ng mas maraming oportunidad na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Maiintindihan natin na dahil mahal ko ang Tagapagligtas, gusto kong matuto nang higit pa tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga salita ng mga buhay na propeta. At dahil mahal ko ang kapwa ko, ibabahagi ko ang mga turo ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa iba, simula sa mga mahal ko sa buhay.
Sa dalawang halimbawang ito, ginagawa ninyo ang tama. Sa isa, tila ang mithiin ay gamitin ang paraang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas, na ibinigay sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensiya. Ang pangalawang bersiyon ay sumasaklaw sa malaking pagpapala na malaman ang mga dahilan sa likod nito, na nagbibigay ng paraan para maunawaan ang walang-hanggang katotohanan at mga pagpapalang ipinangako sa lahat ng tao na itinutuon ang kanilang buhay sa mga turo at buhay ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, sana’y madama at makita ninyo ang kahalagahan ng pag-uugnay ng ating mga gawain sa pagmamahal natin sa Tagapagligtas. Sa globalisadong mundo, maraming tinig ang susubukang maimpluwensyahan kayo at, kung maaari, ay paniwalain kayo na hindi na kailangan ang ilang mahahalagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga tinig na ito ay nagsisimula sa mahalagang katotohanan tungkol sa pangangailangan ng pagpapanumbalik sa mga huling araw na ito, kabilang na ang pangangailangang magkaroon ng kaharian ng Diyos sa lupa, na kinakatawan ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Maaari kayong makarinig ng mga tinig na iginigiit na ang personal na kaugnayan o pag-unawa lamang sa Tagapagligtas ay sapat na at na ang relihiyon o ipinanumbalik na Simbahan ay hindi kailangan o hindi mahalaga. Inaanyayahan ko kayo na magdahan-dahan sa pag-iisip o huwag magpaapekto sa impluwensya ng mapanlinlang na mga ideyang ito at maging mas mabilis na maalala ang matagal nang sinasabi at itinuturo sa atin ng Tagapagligtas mula pa noong sinaunang panahon—simula sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin at pag-uugnay ng pagmamahal natin sa Kanila bilang dahilan para sundin Sila.
Pumarito ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak at kinausap si Joseph Smith para ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo at pasimulan ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon, ang Kanyang kaharian sa lupa. Samakatwid, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang paraang itinatag ng Ama sa Langit para ma-access ang mga tipan na nagbibigay-daan para makabalik tayo sa Kanya. Kaya, kailangan natin ng higit pa sa personal na relasyon sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak; kailangan natin ang mahahalagang ordenansa ng priesthood para makipagtipan sa Kanila. Naglalaan ito ng kaugnayan sa Kanila sa tipan at binibigyan tayo ng access sa Kanilang pagmamahal sa tipan, kaya posibleng matamo ang pinakamataas na kaharian ng kaluwalhatian na inihanda para sa mga tunay at tapat sa kanilang mga tipan.
Pinatototohanan ko nang buong lakas ng aking kaluluwa ang katotohanan at kabanalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Mahal Niya kayo. Alam Niya ang nangyayari sa inyong buhay. Nakaunat ang Kanyang mga bisig, nag-aanyaya na “Lumapit kayo sa akin, … at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.”
Mahal ko ang Tagapagligtas, at ang pagmamahal ko sa Kanya ang aking “dahilan.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.