Ang Pag-ibig ng Diyos
Masaya akong sumasaksi na ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay ang pag-ibig ng Diyos. Ang Kanyang pag-ibig sa atin ay ganap, personal, at walang hanggan.
Noong isang tag-init habang naglalakbay sa isang liblib na lugar, ang aming pamilya ay natulog nang isang gabi sa labas sa ilalim ng maaliwalas na kalangitan. Kitang-kita namin sa kalangitan ang napakagandang Milky Way, na puno ng hindi mabilang na mga bituin at ng madalang na bulalakaw. Habang namamangha kami sa karingalan ng mga nilikha ng Diyos, nakadama kami ng malalim na koneksiyon sa Kanya. Ang aming mga batang anak, na lumaki sa Hong Kong, ay hindi pa nakakita ng ganoon. Walang-muwang nilang itinanong kung ang tirahan namin doon ay nasa ilalim din ng kalangitang iyon. Sinubukan kong ipaliwanag na pareho lang, pero dahil sa polusyon sa hangin at sa dami ng artipisyal na liwanag kung saan kami nakatira noon ay hindi namin makita ang mga bituing iyon kahit naroon lang ang mga iyon.
Itinuro sa mga banal na kasulatan na “ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.” Bagama’t pinalalabo ng nakalilitong mga panggagambala at mga tukso sa mundo ang ating espirituwal na paningin, kapag nanampalataya tayo sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, makatatanggap tayo ng malinaw na katiyakan na Sila ay totoo at nagmamalasakit sa atin.
Sa Aklat ni Mormon, nakakita si propetang Lehi ng “isang punungkahoy, na ang bunga ay kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao” at “napakatamis … higit pa sa lahat.” Nang tikman niya ang bunga, napuno ng labis na kagalakan ang kanyang kaluluwa, at ninais niya na matikman din ito ang kanyang pamilya. Nalaman natin na ang punungkahoy na ito ay kumakatawan sa “pag-ibig ng Diyos,” at tulad ni Lehi, makatatanggap din tayo ng masayang patotoo tungkol sa Diyos kapag inanyayahan natin Siya sa ating buhay.
Kinakatawan ni Jesucristo ang pag-ibig ng Ama sa Langit para sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, pinasan Niya ang ating mga kasalanan at nasugatan dahil sa ating mga kasamaan. Pinasan Niya ang ating mga kapighatian at mga kalungkutan, at dinala sa Kanyang sarili ang ating mga pasakit at karamdaman. Isinusugo Niya ang Espiritu Santo upang aluin tayo, at kabilang sa mga bunga ng Espiritu ang kagalakan, kapayapaan, at pananampalataya, na pumupuspos sa atin ng pag-asa at pag-ibig.
Bagama’t ang pag-ibig ng Diyos ay para sa lahat, marami ang masigasig na naghahanap nito, habang nais ng iba na madama ang pag-ibig ng Diyos pero hindi naniniwala na karapat-dapat sila rito. Ang iba naman ay pilit na sinusubukang patuloy na madama ito. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan at mga propeta ng Panginoon na lagi nating mararamdaman ang pag-ibig ng Diyos kapag, sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, paulit-ulit tayong nagsisisi, tunay na nagpapatawad, nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan, at walang pag-iimbot na naglilingkod sa iba. Nadarama natin ang pag-ibig ng Diyos kapag ginagawa natin ang mga bagay na naglalapit sa atin sa Kanya, tulad ng pakikipag-usap sa Kanya araw-araw sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at kapag tumitigil tayo sa paggawa ng mga bagay na nagpapalayo sa atin sa Kanya, tulad ng pagiging mapagmataas, palaaway, at mapanghimagsik.
Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “tanggalin, sa tulong ng Panginoon, ang mga dating basura sa ating buhay” at “isantabi ang pagkapoot.” Hinikayat Niya tayo na “patatagin ang ating mga espirituwal na pundasyon” sa pamamagitan ng “pagtutuon ng ating buhay sa Tagapagligtas at sa mga ordenansa at tipan ng Kanyang templo.” Ipinangako niya na “kapag tinutupad natin ang ating mga tipan sa templo, lalo nating natatamo ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Panginoon. … Nararanasan natin nang sagana ang dalisay na pagmamahal ni Jesucristo at ng ating Ama sa Langit!”
May kaibigan ako na nabiyayaan ng magandang pamilya at trabaho. Nagbago ito nang hindi na siya makapagtrabaho dahil sa karamdaman, na sinundan ng diborsyo. Naging mahirap ang mga taon mula noon, ngunit ang pagmamahal niya sa kanyang mga anak at ang mga tipan na ginawa niya sa Diyos ang nagpatibay sa kanya. Isang araw nalaman niya na muling ikinasal ang kanyang dating asawa at hiniling na kanselahin ang kanilang pagkabuklod sa templo. Siya ay nabalisa at nalito. Naghanap siya ng kapayapaan at pag-unawa sa bahay ng Panginoon. Isang araw matapos ang pagbisita niya, natanggap ko mula sa kanya ang sumusunod na mensahe:
“Napakaganda ng karanasan ko sa templo kagabi. Sa tingin ko halata talaga na marami pa rin akong kinikimkim na sama-ng-loob. … Alam ko na kailangan kong magbago, at nagdasal ako nang buong linggo para magawa iyon. … Kagabi sa templo literal kong nadama na inalis ng Espiritu ang hinanakit sa aking puso. … Napakalaking ginhawa na makalaya mula rito. … Isang napakabigat na pisikal na pasanin na gumugupo sa akin ang naalis.”
Bagama’t may mga hamon pa rin siya sa buhay, pinahahalagahan ng kaibigan ko ang karanasang iyon sa bahay ng Panginoon, kung saan ang mapagpalayang kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos ay nakatulong sa kanya na madamang mas mapalapit sa Diyos, mas maging positibo sa buhay, at hindi gaanong mag-alala tungkol sa hinaharap.
Kapag nararanasan natin ang pag-ibig ng Diyos, mapapasan natin nang may kagaanan ang ating mga pasanin at matiyaga at masayang susunod sa Kanyang kalooban. Tiwala tayo na aalalahanin ng Diyos ang Kanyang mga tipan sa atin, dadalawin tayo sa ating mga paghihirap, at ililigtas tayo mula sa pagkaalipin. Nanaisin din natin na ibahagi ang kagalakang nadarama natin sa ating pamilya at mga mahal sa buhay. Tulad sa pamilya ni Lehi, ang bawat tao ay may kalayaang pumili kung kakain ng bunga o hindi, ngunit ang oportunidad na ibinigay sa atin ay magmahal, magbahagi, at mag-anyaya sa paraang madarama ng mga mahal natin sa buhay ang pag-ibig ng Diyos.
Upang matulungan ang iba na madama ang pag-ibig ng Diyos, kailangan nating linangin sa ating sarili ang mga katangiang katulad ng kay Cristo gaya ng pagpapakumbaba, pag-ibig sa kapwa-tao, habag, at pagtitiis, at pagtulong sa iba na bumaling sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa dalawang dakilang utos na ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa.
Isa sa aming mga anak na lalaki ang nahirapang mapabilang at may ilang isyu sa pagpapahalaga sa sarili noong siya ay tinedyer. Nagdasal kaming mag-asawa para malaman kung paano siya matutulungan, at handa kaming gawin ang ipagagawa sa amin ng Panginoon. Isang araw nadama kong tanungin ang elders quorum president ko kung may kakilala siya na nangangailangan na maaari kong bisitahin kasama ang aking anak. Matapos mag-isip, hiniling niya sa amin na bisitahin ang isang babaeng may malaking problema sa kalusugan at, nang may pahintulot ng branch president, dalhin ang sakramento sa kanya linggu-linggo. Tuwang-tuwa ako pero nag-alala rin tungkol sa kung ano ang magiging reaksiyon ng anak ko sa lingguhang gawaing ito.
Sa una naming pagbisita, nahabag ang aming puso sa butihing babaeng ito, dahil patuloy ang sakit na nararamdaman niya. Lubos ang pasasalamat niya para sa sakramento, at masaya kami sa pagkikipag-usap sa kanya at sa asawa niya. Pagkatapos ng ilang pagbisita, nasa biyahe ako isang Linggo at hindi ko masasamahan ang aking anak pero ipinaalala ko sa kanya ang aming assignment. Pag-uwi ko, sabik akong malaman kung ano ang nangyari sa pagbisita niya. Sumagot ang anak ko na sa palagay niya ay hindi nakagagawa ang mga kaklase niya ng mga nakatutuwang bagay na tulad nito. At ipinaliwanag niya na isinama niya ang kanyang kapatid para tumulong, at maayos na naidaos ang sakramento, pero nalungkot ang sister na ito sa buong linggo dahil nag-imbita siya ng mga kaibigan sa bahay para manood ng pelikula, pero hindi gumana ang kanyang video player. Sinabi ng anak ko na nagsaliksik siya sa internet, nakita ang problema, at inayos niya ito kaagad. Nadama niya na naging kapaki-pakinabang siya, naging masaya, at tiwala na magagawa niyang mapasaya ang araw ng sister na ito. Nadama niya ang pag-ibig ng Diyos para sa kanya.
Kung sa kabila ng lahat ng inyong pagsisikap ay mahirap ang buhay, kung sa akala ninyo ay hindi pinakikinggan ang inyong mga panalangin, o kung hindi ninyo nadarama ang pag-ibig ng Diyos, nais naming malaman ninyo na bawat pagsisikap ninyo ay mahalaga at, kasintiyak ng mga bituin sa kalangitan, kayo ay kilala, naririnig at minamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Minsan, noong nakasakay ang Kanyang mga disipulo sa isang bangka na “hinahampas ng mga alon,” ang Tagapagligtas ay naglakad sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila at pinanatag sila, sinasabing, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.” Nang naisin ni Pedro na maglakad papunta sa Tagapagligtas sa ibabaw ng tubig, pinalapit siya ni Jesus, na nagsabing, “Halika.” At nang mawala ang pokus ni Pedro at magsimulang lumubog, kaagad na iniabot ng Tagapagligtas ang Kanyang kamay para hawakan siya at sagipin habang sinasabing, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”
Kapag hinahampas ng hangin ang ating buhay, handa ba tayong maging masaya at matapang? Paano natin maaalala na hindi tayo pinababayaan ng Tagapagligtas at na malapit Siya sa atin, marahil sa mga paraan na hindi pa natin nakikita? Handa ba tayong lumapit sa Kanya nang may pananampalataya lalo na kung tila imposibleng tahakin ang landas na nasa ating harapan? At paano Niya tayo sinasagip kapag nahihirapan tayo? Paano natin Siya isasaalang-alang nang tapat sa bawat pag-iisip, nang hindi nag-aalinlangan o natatakot.”
Kung nais ninyong madama ang pag-ibig ng Diyos nang mas masagana sa inyong buhay, maaari bang anyayahan ko kayo na gawin ang sumusunod:
-
Una, huminto nang madalas upang alalahanin na kayo ay anak ng Diyos at isipin ang mga bagay na ipinagpapasalamat ninyo.
-
Pangalawa, manalangin araw-araw, hinihiling sa Ama sa Langit na tulungan kayo na malaman kung sino sa paligid ninyo ang nangangailangan na madama ang pag-ibig Niya.
-
Pangatlo, taos-pusong magtanong kung ano ang magagawa ninyo para matulungan ang taong iyon na madama ang pag-ibig ng Diyos.
-
At pang-apat, kumilos kaagad sa inspirasyong natanggap ninyo.
Kung patuloy tayong mananalangin at hihingi para sa iba, ipapakita sa atin ng Diyos ang mga taong maaari nating tulungan. At kung kikilos tayo kaagad, tayo ang magiging paraan Niya sa pagsagot sa kanilang mga panalangin. Sa paggawa nito, matatanggap natin balang araw ang mga sagot sa ating mga panalangin at madarama natin ang pag-ibig ng Diyos sa ating sariling buhay.
Ilang buwan na ang nakalipas habang nasa biyahe sa Vietnam, kami ng asawa ko ay sakay ng eroplano na lumipad sa kasagsagan ng malakas na bagyo. Matindi ang pag-uga ng eroplano, at makikita mula sa bintana ang madilim na kaulapan, malakas na ulan, at kidlat. Matapos ang mahaba at mapuwersang pag-angat, ang eroplano sa wakas ay pumaibabaw sa mga ulap ng bagyo at pumailanlang sa maluwalhating tanawing ito. Muling naipaalala sa amin ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo at nadama ang Kanilang dakilang pag-ibig sa atin.
Mga minamahal kong kaibigan, bilang isang tao na nakaranas ng pag-ibig ng Diyos, masaya kong pinatototohanan na ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang pag-ibig ng Diyos. Ang Kanyang pag-ibig sa atin ay ganap, personal, at walang hanggan. Habang tayo ay tapat na sumusunod sa Kanya, nawa’y mapuspos tayo ng Kanyang pagmamahal at maging tulad tayo ng isang parola na gumagabay sa iba tungo sa Kanyang pag-ibig. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.