Pangkalahatang Kumperensya
Mga Panahon ng Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


15:21

Mga Panahon ng Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay

(Mga Gawa 3:21)

Ang pinakamahalaga at maluwalhating “mabuting balita” ay ang mensahe na ipinanumbalik na ng Panginoong Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo at Simbahan sa mga huling araw.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inorganisa 195 taon na ngayon ang nakalipas, noong Abril 6, 1830.

Isang maliit na kongregasyon ng mga mananampalataya at kaibigan ang nagtipon para sa mahalaga at masayang okasyong ito. Isang matinding pagbuhos ng Espiritu ang nagpala sa lahat ng dumalo nang ibahagi ang ordenansa ng sakramento, igawad ang kaloob na Espiritu Santo, isagawa ang mga ordenasyon sa priesthood, at ipangaral ang mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa muling pagtatatag ng Kanyang Simbahan, itinalaga ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag ang 24-na-taong-gulang na si Joseph Smith bilang pinuno nito sa lupa: “isang tagakita, tagapagsalin, propeta, apostol ni Jesucristo, elder ng simbahan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos Ama, at ng biyaya ng inyong Panginoong Jesucristo.”

Taimtim kong dalangin na nawa’y tulungan tayo ng Espiritu Santo habang iniisip natin ang kahalagahan at patuloy na epekto ng natatanging kaganapang ito sa kasaysayan ng mundo.

Ang Unang Pangitain

Ang pormal na pag-organisa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay humantong sa sunud-sunod na mahimalang mga karanasan. Bago nangyari iyon, 10 taon na ang lumipas nang maganap ang una sa mga karanasang ito sa hilagang bahagi ng New York.

Noong tagsibol ng 1820, isang batang lalaking nagngangalang Joseph Smith ang nagpunta sa kakahuyan na malapit sa kanyang tahanan para manalangin. May mga tanong siya tungkol sa kaligtasan ng kanyang kaluluwa, at nais niyang “malaman kung alin sa lahat ng [simbahan] ang tama, upang malaman [niya] kung alin ang sasapian.” Nagtiwala si Joseph na sasagutin ng Diyos ang kanyang panalangin at gagabayan siya.

Pansinin na hindi lamang nanalangin si Joseph para malaman kung ano ang tama. Sa halip, ipinagdasal niyang malaman kung ano ang tama upang magawa niya ang tama. Nagtanong si Joseph nang may pananampalataya at determinadong kumilos alinsunod sa mga sagot na natanggap niya.

“Bilang kasagutan sa kanyang [taos-pusong] dalangin, nagpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak, na si Jesucristo kay Joseph at pinasimulan ang ‘pagpapanumbalik ng lahat ng bagay’ (Mga Gawa 3:21) tulad ng ibinadya sa Biblia. Sa pangitaing ito, nalaman niya na kasunod ng pagkamatay ng mga orihinal na Apostol, ang Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan ay nawala sa lupa.” Si Joseph Smith ay magiging kasangkapan sa muling pagpapanumbalik ng doktrina, awtoridad, at mga tipan at ordenansa ng sinaunang Simbahan ng Tagapagligtas.

Ang Unang Pangitain.

Pinagtibay ni Joseph: “Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!

Dahil sa pangitaing ito at sa sumunod na mga banal na karanasan, naunawaan ni Joseph Smith na kilala siya ng Diyos at ni Jesucristo bilang isang indibiduwal, may malasakit sa kanyang walang-hanggang kaligtasan, at may misyong ipagagawa sa kanya. Natuto rin siya ng mahahalagang aral tungkol sa mga katangian, pagkatao, at pagiging perpekto ng Panguluhang Diyos—at na ang Ama at ang Anak ay magkahiwalay at magkaibang mga Nilalang. Si Jesucristo ay literal na Anak ng Diyos sa espiritu at sa laman.

Ipinahayag ni Joseph Smith na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mga nilalang na may katawan. Sabi niya, “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu.”

Pinatototohanan ko na ang pagbisita ng Ama at ng Anak kay Joseph Smith ang naging panimulang kaganapan sa dakilang “pagpapanumbalik ng lahat ng bagay na winika ng bibig ng lahat ng mga banal na propeta mula pa sa simula ng daigdig.”

Ang Aklat ni Mormon

Ang pangalawa sa sunud-sunod na mahimalang mga karanasan na humantong sa pormal na pag-organisa ng ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas ay ang pagsasalin at paglabas ng Aklat ni Mormon.

Ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo.

“Binigyan si Joseph Smith ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos na magsalin ng isang sinaunang talaan: ang Aklat ni Mormon—Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Kabilang sa mga nasusulat sa mga sagradong pahina nito ang tala tungkol sa personal na ministeryo ni Jesucristo sa mga tao sa kanlurang bahagi ng mundo pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Muli. Itinuturo [ng Aklat ni Mormon] ang layunin ng buhay at ipinaliliwanag ang doktrina ni Cristo, na siyang sentro ng layuning iyon. Bilang katuwang na banal na kasulatan ng Biblia, nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon na lahat ng tao ay anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, na Siya ay may banal na plano para sa ating buhay, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nangungusap ngayon na katulad noong sinaunang panahon.”

Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas, “Naniniwala [tayo] na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto; naniniwala rin [tayo] na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.” Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo, pinagtitibay ang katotohanan ng Biblia, at ipinanunumbalik ang malilinaw at mahahalagang katotohanang nawala sa Biblia.

Ipinanumbalik ang Priesthood

Itinuturo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang orihinal na Simbahang itinatag ng Tagapagligtas, pati na ang banal na awtoridad, doktrina, at mga tipan at ordenansa nito, ay nawala sa mundo. Bilang bahagi ng ipinropesiyang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay sa mga huling araw, personal na iginawad ng mga sinaunang propeta at apostol ang awtoridad ng priesthood kay Joseph Smith at ipinagkatiwala sa kanya ang mga susi ng priesthood. Ito ang pangatlo sa sunud-sunod na mahimalang mga karanasan na humantong sa pormal na pag-organisa ng ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas.

Ang awtoridad ng priesthood ay tinutulutan ang mga lingkod ng Diyos na “kumatawan sa [Kanya] at kumilos sa Kanyang pangalan.” “Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood para sa mga anak ng Diyos.”

Pagpapanumbalik ng priesthood.

Sa patnubay ng Ama at ng Anak, ipinanumbalik ng nabuhay na muling si Juan Bautista, noong 1829, ang awtoridad na magbinyag sa pamamagitan ng ganap na paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Sa taon ding iyon, ipinanumbalik ng tatlo sa orihinal na Labindalawang Apostol—sina Pedro, Santiago, at Juan—ang pagkaapostol at karagdagang awtoridad at mga susi ng priesthood.

Anim na taon matapos ang pormal na pag-organisa ng Simbahan, sa Kirtland Temple, ipinagkatiwala nina Moises, Elias, at Elijah kay Joseph ang karagdagang awtoridad na kailangan upang maisakatuparan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.

Ipinagkatiwala ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel.

Ipinagkatiwala ni Elias ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham, pati na ang pagpapanumbalik ng tipang Abraham.

Ipinagkatiwala ni Elijah ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod, na nagbibigay ng awtoridad na nagpapahintulot sa mga ordenansang isinasagawa sa lupa na magkaroon ng bisa sa kawalang-hanggan, tulad ng pagsasama ng mga pamilya sa isang ugnayang walang hanggan na lampas pa sa kamatayan.

Ang Simbahan ni Jesucristo ay Inorganisa

Nang isalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, tumanggap siya ng mga paghahayag na nagpapahiwatig na muling itatatag ang Simbahan ni Jesucristo. Ngunit inatasan ng Panginoon si Joseph na huwag iorganisa kaagad ang Kanyang Simbahan. Sa halip, “sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at paghahayag” inihayag ng Panginoon kay Joseph “ang tiyak na araw … na nararapat [niyang] itatag [na] muli ang Kanyang Simbahan dito sa ibabaw ng mundo.”

Inorganisa lamang ang Simbahan sa wastong pagkakasunud-sunod matapos maipanumbalik ang priesthood at mailathala ang Aklat ni Mormon. Nakuha ang mga unang kopya ng Aklat ni Mormon noong Marso 26, 1830, at pormal na inorganisa ang Simbahan noong Abril 6.

Ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan. Nakasalig ang Simbahang ito sa sakdal na buhay ng pangunahing batong-panulok nito, si Jesucristo, at sa Kanyang walang-katapusang Pagbabayad-sala at literal na Pagkabuhay na Muli. Muling tumawag ng mga Apostol si Jesucristo at pinagkalooban sila ng awtoridad ng priesthood. Inaanyayahan Niya tayong lahat na lumapit sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, upang matanggap ang Espiritu Santo, ang mga ordenansa ng kaligtasan, at makamit ang walang-maliw na kagalakan.”

Ang Dispensasyon ng Kaganapan ng mga Panahon

Ang pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Joseph Smith, ang pagsasalin at paglabas ng Aklat ni Mormon, at ang pagpapanumbalik ng awtoridad at mga susi ng priesthood ay kinailangan sa pag-organisa ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon 195 taon na ang nakararaan ngayon.

Sa Lumang Tipan, binigyang-kahulugan ng propetang si Daniel ang isang panaginip tungkol sa isang batong matitibag mula sa bundok na hindi gamit ang mga kamay at pupunuin nito ang buong lupa. Isang taon matapos iorganisa ang Simbahan, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay muling “ipinagkatiwala sa tao sa mundo” at ang “ebanghelyo [ni Jesucristo] ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap.”

Pinatototohanan ko: Tinutupad na ng Panginoon ang Kanyang pangako. Itinatatag na sa lahat ng dako ng mundo ang ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas at ito ang kasangkapan ng Diyos upang “tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa.”

Ang gawain ng Panginoon sa mga huling araw “ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito ay paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; inasam nila nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon.”

Sa pinakadakila at huling dispensasyong ito ng ebanghelyo,“isang buo at husto at ganap na pagsasanib, at pag-uugnay na magkakasama ng mga dispensasyon, at mga susi, at mga kapangyarihan, at mga kaluwalhatian ay dapat mangyari, at ipahahayag mula sa mga araw ni Adan maging sa kasalukuyang panahon. At hindi lamang ito, kundi pati na yaong mga bagay na hindi pa ipinahahayag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig … [ay] ipahahayag … dito, sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.”

Paliwanag pa ni Propetang Joseph, “Lahat ng ordenansa at tungkulin na kinailangan sa Priesthood, sa ilalim ng mga tagubilin at kautusan ng Pinakamakapangyarihan sa alinmang dispensasyon, ay iiral lahat sa huling dispensasyon … upang isakatuparan ang panunumbalik na binigkas ng lahat ng mga Banal na Propeta.”

Mga Pangako at Patotoo

Tinangka kong ibuod ang mga pangunahing elemento ng pinakamahalaga at maluwalhating “mabuting balita” na matatanggap ng sinumang tao saanman sa mundo—ang mensahe na ipinanumbalik na ng Panginoong Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo at Simbahan sa mga huling araw.

Inaanyayahan ko ang lahat na alamin at patunayan ang mensaheng ito. Ipinapangako ko na ang mga taong “mapanalanging pag-aaralan ang mensahe ng Pagpapanumbalik at kikilos nang may pananampalataya ay pagpapalaing magkamit [sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo] ng kanilang sariling patotoo sa kabanalan nito at sa layunin nitong ihanda ang mundo para sa ipinangakong Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.” Kapag taimtim kayong nagdarasal na umaasa na kapwa makatanggap at kumilos alinsunod sa sagot mula sa Diyos, na tulad ng ginawa ng batang si Joseph Smith, ang inyong kakayahang makapansin at tumugon sa banal na patotoong iyon ay madaragdagan.

Pinatototohanan ko na ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan, ang ating Ama. Pinatototohanan at pinatutunayan ko na si Jesucristo ang Pinakamamahal at Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos.

At masaya kong pinatototohanan na nagpakita ang Ama at ang Anak sa batang si Joseph Smith, na nagpasimula ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw. Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo at naglalaman ng salita ng Diyos. Ang awtoridad ng priesthood na kumatawan sa Tagapagligtas at kumilos sa Kanyang pangalan ay muling matatagpuan sa mundo. At Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo na nakatala sa Bagong Tipan. Ipinapahayag ko ang aking tiyak na pagsaksi na totoo ang lahat ng ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.