Mga Dakilang Kaloob ng Kawalang-hanggan: Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Muli, Pagpapanumbalik ni Jesucristo
Nakatatagpo tayo sa Pasko ng Pagkabuhay kay Jesucristo ng kapayapaan, ang maging at pagiging kabilang—na tunay na nagtatagal at puno ng galak, saya at walang-hanggan.
Ilang taon na ang nakalipas, nagsaulo ang aming early-morning gospel class ng mga talata sa Biblia. Siyempre mas gusto kong isaulo ang maiikling talata. Kabilang dito ang Juan 11:35—ang pinakamaikling talata sa banal na kasulatan—”Umiyak si Jesus.”
Para sa akin ngayon, ang pag-iyak na iyon ni Jesus dahil sa kalungkutan at kagalakan ay nagpapatotoo sa mahimalang katotohanan: ang banal na Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao at natutuhan ayon sa laman kung paano tayo laging dadamayan at pagpapalain.
Kapag umiiyak tayo sa kalungkutan o kagalakan, ganap na nakauunawa si Jesucristo. Maaaring nariyan Siya sa mga sandaling lubos nating kailangan ang mga dakilang kaloob ng kawalang-hanggan: Pagbabayad-sala ni Jesucristo, Pagkabuhay na Muli, pagpapanumbalik.
Umiyak sina Maria at Marta dahil sa pagpanaw ng kanilang kapatid na si Lazaro. Sa matinding pagkahabag, umiyak si Jesus. Binuhay Niya si Lazaro.
Minasdan ni Jesus ang Jerusalem noong bisperas ng Paskua. Siya ay umiyak, dahil hindi Niya matipon ang Kanyang mga tao tulad ng pagtitipon ng isang inahing manok sa kanyang mga sisiw. Ngayon ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng pag-asa kapag nagdadalamhati tayo sa mga bagay na maaaring mangyari.
Ang Panginoon ng olibohan ay umiiyak habang nagtatanong Siya sa Kanyang mga tagapagsilbi, na maaaring kabilang tayo bilang mga ministering brother at sister, “Ano pa ba ang magagawa ko para sa aking olibohan?”
Umiiyak sa pagdadalamhati si Maria na nakatayo sa tabi ng libingan. Magiliw na nagtanong si Jesus, “Bakit ka umiiyak?” Batid Niya na “maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.” Ang pagkabuhay na muli ay nagdadala ng bukang-liwayway para sa lahat.
Sa lupain ng Aklat ni Mormon, nang tumayo sa harapan Niya ang matatapat, si Jesus ay napuspos ng kagalakan. Siya ay umiyak.
“At kinuha [Niya] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.
“At nang magawa na niya ito, siya ay muling tumangis.”
Ito ang Pasko ng Pagkabuhay kay Jesucristo: Tinutugon Niya ang mga inaasam ng ating puso at ang mga tanong ng ating kaluluwa. Pinapahid Niya ang ating mga luha, maliban sa ating mga luha ng kagalakan.
Kapag umiiyak tayo, humihingi tayo kung minsan ng paumanhin, nahihiya tayo. Ngunit ang malaman na nauunawaan ni Jesucristo ang mga pasakit at kagalakan ng buhay ay makapagbibigay sa atin ng lakas na higit pa sa ating sarili habang nararanasan natin ang pait at tamis ng buhay.
Sa Timog Amerika, isang ama ang umiyak. Ang galak ng kanyang buhay, ang kanyang batang anak na babae, ay namatay. “Ibibigay ko ang lahat para makita ko siyang muli,” pag-iyak niya sa akin. Umiyak din ako.
Sa paglalaan ng Puebla Mexico Temple, napaiyak sa kaligayahan ang isang butihing babae. Ang kanyang kaanyuan ay nagpapakita ng pananampalataya at sakripisyo. Sabi niya, “Todos mis hijos están aquí en el templo hoy”—“Lahat ng anak ko ay narito sa templo ngayon.” Ang mga henerasyong nagtitipon sa bahay ng Panginoon ay nagdudulot ng mga luha ng kagalakan at pasasalamat.
Sa isang malupit na digmaang sibil, ang mga pamilya at magkakapitbahay ay gumawa ng mga karumal-dumal na bagay sa isa’t isa. Ang mga luha ng paghihinagpis ay unti-unting napawi na nagbigay-daan sa pag-asa. Sa nangangatal na tinig, sinabi ng isang babae na mula sa isang maliit na nayon, “Kapitbahay, bago ako pumanaw, gusto kong malaman mo kung saan matatagpuan ang mga nawawala mong kapamilya.”
Isang masaya at magandang bride at guwapong groom ang ibinuklod sa bahay ng Panginoon. Ang babae ay 70 taong gulang, at ganoon din ang lalaki. Isang magandang bride, siya ay naghintay nang karapat-dapat para sa araw na iyon. Nahihiyang ikinampay-kampay niya ang kanyang damit-pangkasal. Napaluha kami sa kagalakan. Ang mga pangako ng Diyos ay natutupad. Ang Kanyang mga tipan ay naghahatid ng mga pagpapala.
Habang nagho-home teaching sa isang balong babae, natutuhan ng batang si Boyd K. Packer ang isang magandang aral. Kasunod ng pakikipagtalo sa kanyang asawa, nagbitiw ng masasakit na salita ang babae. Isang hindi inaasahang aksidente ang kumitil sa buhay ng kanyang asawa sa mismong araw na iyon. “Sa loob ng limampung taon,” paghikbi ng balo, “parang impiyerno ang buhay ko dahil ang huling mga salita na narinig niya mula sa akin ay masasakit at puno ng pagkapoot.”
Ang Pasko ng Pagkabuhay kay Jesucristo ay tumutulong sa atin na makipag-ayos, makipagsundo, ayusin ang ating mga relasyon, sa magkabilang panig ng tabing. Malulunasan ni Jesus ang pagdadalamhati; magpapatawad Siya. Mapapalaya Niya tayo at ang iba mula sa mga bagay na nasabi o nagawa natin o nila na gumagapos sa atin sa pagkabihag.
Ang Pasko ng Pagkabuhay kay Jesucristo ay nagpapadama sa atin ng pagsang-ayon ng Diyos. Sinasabi sa atin ng mundong ito na tayo ay masyadong matangkad, maliit, mataba, payat—hindi matalino, hindi maganda, o hindi sapat ang espirituwalidad. Sa pamamagitan ng espirituwal na pagbabago kay Jesucristo, matatakasan natin ang nagpapahinang perpeksiyonismo.
Sa kagalakan sa Pasko ng Pagkabuhay, inaawit natin, “Malaya na ang tao. Nagtagumpay si Cristo.” Ang Pagkabuhay na Muli ni Cristo ay nagpapalaya sa atin mula sa kamatayan, mula sa mga kahinaan at kapansanang pisikal. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagpapanumbalik din sa atin sa espirituwal. Ang Kanyang dugo ay lumabas sa bawat butas ng Kanyang balat, umiiyak ng dugo, upang makatakas tayo mula sa kasalanan at pagkahiwalay. Muli Niya tayong pinagkakaisa, nang buo at banal, sa isa’t isa at sa Diyos. Sa lahat ng mabubuting bagay, nagpapanumbalik si Jesucristo nang sagana—hindi lamang ang dating tayo kundi pati na rin ang buong potensiyal natin.
Ang buhay at liwanag ni Jesus ay nagpapatotoo sa pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak. Dahil mahal ng ating Diyos Ama ang lahat ng Kanyang mga anak sa lahat ng panahon at lupain, makikita natin ang Kanyang magiliw na paanyaya na lumapit at makatagpo ng kapayapaan at kagalakan sa Kanya sa maraming tradisyon at kultura. Saanman, kailanman, sinuman tayo, iisa ang banal na identidad natin bilang mga anak ng iisang Lumikha. Sa diwang iyan, ang mga tagasunod ng Islam, Judaismo, at Kristiyanismo ay pare-parehong nakatanggap ng sagradong pamana mula kay Amang Abraham at kabahagi ng tipan sa pamamagitan ng mga pangyayari sa sinaunang Egipto.
Si Amang Abraham ay pumunta sa Egipto at napagpala.
Alam ni Jose, na ipinagbiling alipin sa Egipto, ang panaginip ng Faraon tungkol sa pitong taon ng kasaganaan na susundan ng pitong taon ng taggutom. Nailigtas ni Jose ang kanyang pamilya at ang kanyang mga tao. Umiyak si Jose nang makita niya ang mas malaking plano ng Diyos, kung saan lahat ng bagay ay kumikilos sa ikabubuti ng mga tumutupad sa kanilang mga tipan.
Si Moises, na lumaki sa Egipto sa sambahayan ng Faraon, ay tumanggap at ipinanumbalik kalaunan ang mga susi para sa pagtitipon ng mga anak ng Diyos.
Bilang katuparan ng propesiya, sina Jose, Maria, at ang sanggol na si Cristo ay kumanlong sa Egipto. Sa Cairo, isang debotong Muslim ang mapitagang nagsabi: “Itinuturo ng Quran na sina Jose, Maria, at ang sanggol na si Jesus ay nakahanap ng kaligtasan at santuwaryo sa aming bansa. Sa bansa namin, si Jesus bilang isang sanggol ay kumain ng aming pagkain, natutong maglakad, bumigkas ng Kanyang mga unang salita. Dito sa bansa namin, naniniwala kami na ang mga puno ay yumuyukod para magbigay sa Kanya at sa Kanyang pamilya ng bunga. Napagpala ang aming mga tao at lupain noong narito Siya sa aming bansa.”
Ang plano ng Diyos tungkol sa moral at mortal na kalayaang pumili ay nagbibigay-daan sa atin na matuto sa pamamagitan ng ating sariling karanasan. Ang ilan sa ating mga pinakadakilang aral sa buhay ay nagmumula sa mga bagay na hindi natin pipiliin. Dahil sa pagmamahal, si Jesucristo ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay at dinakila sa lahat ng bagay. Nagagalak Siya sa ating banal na kakayahan na maging malikhain at masaya, sa ating kabaitan na walang inaasam na gantimpala, sa ating pananampalataya tungo sa pagsisisi at kapatawaran. At umiiyak Siya sa kalungkutan dahil sa ating napakatinding pagdurusa, kalupitan, kawalang-katarungan—na kadalasang dulot ng pagpili ng tao—pati ang kalangitan at ang Diyos ng langit.
Bawat Pasko ng Pagkabuhay sa panahon ng tagsibol ay nagpapatotoo na ang magkakasunod na espirituwal na kaganapan at pagkakaugnay ay mga bahagi ng banal na huwaran ng pagbabayad-sala, pagkabuhay na muli, at pagpapanumbalik sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang sagrado at simbolikong pagkakaugnay na ito ay hindi aksidente o nagkataon lamang. Ipinagdiriwang ng Linggo ng Palaspas, Semana Santa, at Pasko ng Pagkabuhay ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli ni Cristo. Ngayong araw, tuwing Abril 6 ginugunita natin ang pagkakatatag at pagkakabuo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang Pagpapanumbalik na ito ang dahilan kung bakit nagtitipon tayo tuwing unang Linggo ng Abril sa pangkalahatang kumperensya.
Ang pagpapanumbalik ay dumating din nang ibalik ng nabuhay na muling si Jesucristo, Moises, Elias, at Elijah ang mga susi at awtoridad ng priesthood sa bagong inilaan na Kirtland Temple noong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, 1836. Sa tagpong iyon noong araw na iyon sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, dumating ang awtoridad at mga pagpapala ng Diyos na tipunin ang Kanyang mga anak, ihanda ang Kanyang mga anak na bumalik sa Kanya, at pagbuklurin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ang pagpapanumbalik sa araw na iyon ay katuparan ng propesiya dahil naganap ito sa Pasko ng Pagkabuhay at Paskua.
Kabilang ang Kirtland Temple, binisita ko kamakailan ang mga sagradong lugar sa Ohio kung saan nakita ni Propetang Joseph at ng iba pa sa pangitain ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Nakita ni Propetang Joseph ang mga kaganapan sa langit. Sa langit, ang Ama sa Langit, sa pamamagitan ni Jesucristo, ay “inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay” sa isang kaharian ng kaluwalhatian. Maliban lamang ang mga yaon na sadyang “itinakwil ang Anak matapos siyang ipahayag ng Ama.”
Nang magsimula ang Kanyang ministeryo sa mundo, ipinahayag ni Jesus ang Kanyang misyon na pagpalain ang bawat isa sa atin ng lahat ng handa nating tanggapin—sa bawat panahon, sa bawat lupain, sa bawat sitwasyon. Pagkatapos mag-ayuno nang 40 araw, si Jesus ay nagpunta sa sinagoga at nagbasa, “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako’y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha; [pagalingin ang bagbag ang puso]. Ako’y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi.”
Mga dukha, bagbag ang puso, bihag, bulag, naaapi—iyan ang bawat isa sa atin.
Ipinagpatuloy sa aklat ni Isaias ang mga pangako ng Mesiyas na pag-asa, kaligtasan, katiyakan: “Pagkalooban sila na tumatangis sa Zion … bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo, sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan, sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan.”
Kaya, ipinapahayag natin, “Ako’y magagalak na mabuti sa Panginoon, ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos, sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan, kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran.”
Tuwing Pasko ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin, bilang simbolikong kabuuan, ang dakilang kaloob ng kawalang-hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo: ang Kanyang Pagbabayad-sala; ang Kanyang literal (at ang pangako sa atin) na Pagkabuhay na Muli; ang Pagpapanumbalik ng Kanyang Simbahan sa mga huling araw na may mga susi at awtoridad ng priesthood upang pagpalain ang lahat ng anak ng Diyos. Nagagalak tayo dahil sa mga damit ng kaligtasan at balabal ng katuwiran. Tayo ay sumisigaw ng “Hosanna sa Diyos at sa Kordero!”
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Nawa’y matagpuan natin sa pagbabayad-sala, pagkabuhay na muli, at pagpapanumbalik ni Jesucristo—ang kapayapaan, maging, at pagiging kabilang—na tunay na nagtatagal at puno ng galak, saya at walang-hanggan, ang dalangin ko sa Kanyang banal na pangalan, si Jesucristo, amen.