Pangkalahatang Kumperensya
“Magbalik sa Akin … Upang Mapagaling Ko Kayo”
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


11:3

“Magbalik sa Akin … Upang Mapagaling Ko Kayo”

Mayroong kasiyahan sa langit sa mga taong bumabalik. Hindi pa huli ang lahat upang kayo ay bumalik.

Minsang kaming nanirahan sa isang tahanang napaliligiran ng mayabong na mga puno. Katabi ng pasukan nito ay may magandang puno ng willow. Isang malungkot na gabi, isang napakalakas na bagyo ang dumating at ang willow ay natumba. Ito ay nakahiga sa lupa na ang mga ugat ay nabunot at isa itong nakalulungkot na tanawin.

Handa na akong paandarin ang chainsaw at putulin ang puno para gawing panggatong nang dumating ang aming kapitbahay na tumatakbo upang pigilan ako. Pinagalitan niya ako sa pagsuko sa puno, at mariin niyang ipinayo na huwag ko itong putulin. Itinuro niya ang isang ugat na nasa lupa pa rin at sinabing kung itatayo namin ang puno, puputulin ang mga sanga nito, at patatabain ito, ang mga ugat ay kakapit muli.

Natumbang puno ng willow.
Isang ugat ng puno na nakakapit pa rin sa lupa.

Nag-alinlangan ako at nagduda kung paanong ang isang puno na talagang natumba at nasalanta ay maaaring maligtas at muling mabuhay. Nangatwiran ako na kung ito man ay magsisimulang muling lumago, tiyak na hindi na ito makaliligtas sa susunod na bagyo. Ngunit dahil nalalaman ko na naniniwala ang kapitbahay namin na may pag-asa pa ang puno, itinuloy namin ang plano.

Katawan ng puno na walang sanga.
Mga palatandaan ng pag-usbong sa puno.

At ang resulta? Makalipas ang ilang panahon, nakita namin ang mga senyales ng buhay habang ang puno ay nagsisimulang magkaroon ng ugat. Ngayon, 12 taon ang nakalipas, ang puno ay mayabong at puno ng buhay na may matitibay na ugat, at muli ay nakaaambag sa kagandahan ng hardin.

Mayabong at malusog na puno.

Habang nakikipagpulong sa mga Banal sa iba’t ibang bahagi ng mundo, naalala ko itong puno ng willow at kung paano nagkaroon ng pag-asa kahit tila nawala na ang lahat. Ang ilan ay minsang nagkaroon ng mga patotoo sa ebanghelyo na matatag at mayabong tulad ng willow. Pagkatapos, dahil sa magkakaibang personal na dahilan, ang mga patotoong iyon ay humina at humantong sa pagkawala ng pananampalataya. Ang iba ay nakakapit gamit lamang ang pinakapayat na mga ugat na konektado sa lupa ng ebanghelyo.

Ngunit muli’t muli, nabibigyang-inspirasyon ako ng mga kuwento ng napakaraming tao na piniling panibaguhin ang kanilang pagiging disipulo at bumalik sa kanilang tahanan, ang Simbahan. Kaysa isantabi ang kanilang pananampalataya at paniniwala tulad ng walang-halagang panggatong, sila ay tumugon sa mga espirituwal na paramdam at sa magiliw na paanyaya na bumalik.

Dumalo ako sa isang stake conference sa Korea kung saan nagbahagi ang isang nagbabalik na miyembro: “Nagpapasalamat ako sa mga kapatid na lalaki para sa kanilang kahandaang tanggapin ang aking kakulangan ng pananampalataya at mga kahinaan, para sa kanilang pakikipag-ugnayan sa akin, at para sa mga miyembro na palaging mabait sa akin. Marami pa rin akong nakakasamang mga kaibigan na hindi gaanong aktibo sa Simbahan. Nakakatawa ito, ngunit sinasabihan nila ang isa’t isa na bumalik sa Simbahan upang maibalik ang kanilang pananampalataya. Sa tingin ko lahat sila ay naghahangad ng pananampalataya.”

Sa lahat ng naghahangad ng pananampalataya, inaanyayahan namin kayong bumalik. Nangangako ako na ang inyong pananampalataya ay mapalalakas kapag kayo ay muling sasamba kasama ng mga Banal.

Isang dating missionary mula sa Africa ang sumulat sa isang senior na lider ng Simbahan, na humihingi ng tawad at kapatawaran dahil nasaktan ito sa kanyang mga turo tungkol sa ilang kultural na tradisyon, na naging dahilan ng pag-alis niya sa Simbahan. Mapagkumbaba niyang sinabi: “Nakalulungkot na napakalaki ng naging kapalit ng paghihinanakit ko 15 taon na ang nakararaan. Napakaraming nawala sa akin—higit pa kaysa kaya kong isipin. Labis akong nahihiya dahil sa kapinsalaang maaaring naidulot ko, ngunit higit sa lahat, masaya ako na nahanap ko ang landas pabalik.”

Sa inyong lahat na natatanto ang nawala sa inyo, inaanyayahan namin kayong bumalik upang muli ninyong matikman ang nagpapaligayang bunga ng ebanghelyo.

Isang kapatid na babae sa Estados Unidos ang nawala sa Simbahan nang maraming taon. Ang kuwento ng kanyang pagbabalik ay naglalaman ng matinding aral para sa mga magulang at mga miyembro ng pamilya na nagdadalamhati sa isang mahal sa buhay na lumihis ng landas. Isinulat niya:

“Maaari kong mailista ang napakaraming dahilan kung bakit ako lumayo sa Simbahan, sa ebanghelyo, at pati na rin sa aking pamilya. Ngunit hindi na mahalaga ang mga iyon. Hindi ako gumawa ng isang malaking desisyong iwan ang Simbahan—siguro isang libong desisyon ang ginawa ko. Ngunit ang isang bagay na alam ko noon pa man ay gumawa ang mga magulang ko ng isang malaking desisyon at pinanindigan nila ito. Nagdesisyon sila na mahalin ako.

“Imposibleng malaman ko kung gaano karaming luha ang pumatak, kung gaano karami ang mga gabing hindi makatulog, o kung ilang taos-puso na nagsusumamong panalangin ang sinambit alang-alang sa akin. Hindi nila ipinadama sa akin ang aking mga kasalanan; bagkus, minahal nila ako kahit patuloy pa rin ako sa aking mga kasalanan. Hindi nila ipinadama na hindi ako tanggap sa kanilang tahanan at mga pagtitipon ng pamilya; ang mga pakiramdam na iyon ay dahil sa mga nagawa ko. Patuloy nila akong tinanggap. Maaaring nakita nila na unti-unting nagdidilim ang aking liwanag sa paglipas ng panahon. Ngunit alam nila na kung sino ako noon ay isang anino lamang ng kung magiging sino ako sa hinaharap.

“Tulad ng pagiging kumplikado ng aking landas palayo sa Simbahan, gayundin ang aking pagbabalik. Ngunit ang isang bagay na hindi naging mahirap sa pagbabalik ay ang pakiramdam na uuwi ako sa isang lugar kung saan ako kabilang.”

Ang mensahe ko ngayon ay sadyang para sa lahat na minsang nadama ang Espiritu ngunit nagtatanong kung sila ba ay makababalik o kung may lugar ba para sa inyo sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucisto. Ito ay para din sa sinumang halos bibigay na o natutuksong umalis.

Ang mensaheng ito ay hindi isang hamon, at hindi ito pagkukundena. Isa itong paanyaya na ipinaaabot nang may pag-ibig at tapat na pagnanais na malugod kayong tanggapin sa inyong pagbabalik sa inyong espirituwal na tahanan.

Dalangin kong madama ninyo ang pagpapatibay ng Espiritu Santo habang naririnig ninyo ngayon ang magiliw na paanyaya at napakagandang pangakong ito mula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo:

“Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”

Kada linggo ay marami ang tumutugon sa paanyaya ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagbalik sa pagkadisipulo at sa mga aktibidad ng Simbahan, tahimik at mapagkumbabang hinahangad ang paggaling na ipinapangako ni Jesus. At salungat sa mga kuwento na kung minsan ay kumakalat, nakatala ang mga bilang ng ating mga kabataan na pinipiling manatiling matatag at palaguin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Nang ilan sa mga tagasunod ni Jesus sa Capernaum ay natuklasang mahirap sundin ang Kanyang mga turo at nagpasiyang umalis, bumaling Siya sa Kanyang mga Apostol at nagtanong, “Ibig din ba ninyong umalis?”

Ito ang tanong na kailangang sagutin ng bawat isa sa atin habang kinakaharap natin ang sarili nating mga pagsubok. Ang tugon ni Pedro kay Jesus ay panghabang-panahon at makabuluhan: “Kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.”

Kaya habang isinasaalang-alang ninyo ang paanyaya ng Tagapagligtas na bumalik sa Kanya, ano ang maaari ninyong matutuhan mula sa kuwento tungkol sa puno ng willow?

  1. Ang paglalakbay pabalik ay kadalasang hindi madali o komportable, ngunit sulit ito. Nang muli naming itayo ang willow, lahat ng mga sanga nito ay pinutol. Hindi ito maganda. Maaaring madama rin natin na tayo ay mahina habang iwinawaksi natin ang mga dating gawi at inaalis ang kapalaluan. Ang pagtutuon ng inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo—ang katawan ng puno at mga ugat nito—ay magbibigay sa inyo ng pag-asa at tapang na gawin ang unang hakbang pabalik.

  2. Umabot ng maraming taon bago muling mabawi ng aming willow ang lakas at kagandahan nito. Ngayon, ito ay higit na malakas at mas maganda kumpara noon. Maging matiyaga habang lumalago ang inyong pananampalataya at patotoo. Kabilang dito ang hindi pagpapaapekto sa mga padalus-dalos na komento gaya ng “Bakit nawala ka ng maraming taon?”

  3. Ang willow ay hindi makatatagal kung wala ang patuloy na pagmamalasakit at pag-aalaga. Mapalalago ninyo ang inyong pananampalataya at patotoo habang kayo ay nagpapakabusog sa hapag ng sakramento kada linggo at habang sumasamba kayo sa bahay ng Panginoon.

  4. Tulad ng puno ng willow na kailangan ang sinag ng araw upang muling tumubo ang mga sanga at dahon nito, ang inyong patotoo ay lalago rin habang nananatili kayong madaling makahiwatig sa mga paramdam at pagpapatibay ng Espiritu. Matuto mula kay Amulek, na inilarawan ang kanyang panahon bilang isang hindi aktibong miyembro sa pamamagitan ng pagsasabing, “Ako ay tinawag nang maraming ulit at ako ay tumangging makinig.

  5. Alam ng kapitbahay ko kung ano ang kahihinatnan ng willow. Alam din ng Panginoon ang inyong banal na potensiyal at ang kahihinatnan ng inyong pananampalataya at patotoo. Hindi Siya kailanman susuko sa inyo. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng nasira ay maaaring pagalingin.

Pinatototohanan ko na nagagalak ang langit sa mga taong bumabalik. Kayo ay kailangan, at minamahal kayo. Nagpapatotoo ako na si Jesucristo ay ating Tagapagligtas at na pagpapalain Niya ang lahat ng babalik sa Kanya ng karagdagang kapayapaan at malaking kagalakan. Ang kanyang bisig ng awa ay hindi nakatikom ngunit bukas ang mga ito at nakaunat sa inyo. Hindi pa huli ang lahat upang kayo ay bumalik. Lakip ang buong pagmamahal sa aming puso, malugod namin kayong tinatanggap. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ito ang mission home sa Washington Spokane Mission noon hanggang ngayon. Ang mga retrato ng puno ng willow ay kinunan ng aking asawang si Jacqui.

  2. 3 Nephi 9:13. Tandaan na ang paanyayang magsisi ay para sa bawat isa sa atin. Tingnan sa 1 Juan 1:8 (“Kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili”) at ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na araw-araw magsisi, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 98–99.

  3. Tingnan sa Quentin L. Cook, “Facing Life and Faith Challenges” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Nob. 14, 2023), Gospel Library: “Para sa inyong impormasyon, ang bilang ng mga kabataan at young adult na aktibo o nananatili sa Simbahan ay mas mataas ang bilang kaysa noon, na taliwas sa ipinapakalat ng marami. Nadagdagan nang malaki ang bilang ng mga missionary na tinawag na maglingkod. Ang porsiyento ng pakikibahagi sa Simbahan para sa bagong henerasyon ay nagpapakita ng patuloy na pagtaas. Bukod pa rito, dumarami rin ang bilang ng mga young adult na dumadalo sa institute.

    Tingnan din sa D. Todd Christofferson at Clark G. Gilbert, “Video: Elder Christofferson Challenges Narrative, Says Spirit Working in Youth,” Church News, Dis. 13, 2024, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  4. Juan 6:67.

  5. Juan 6:68.

  6. Tingnan sa Alma 5:28.

  7. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Patabain ang mga Ugat, at Lalago ang mga Sanga,” Liahona, Nob. 2024, 102: “Si Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang ugat ng ating patotoo.” Lahat ng iba pang bagay ay sanga lamang. … Sa pagpapalakas sa ating patotoo kay Jesucristo, iniisip ko kung napagkakamalan natin minsan na ang mga sanga ay mga ugat. … Patabain ang mga ugat, at lalago ang mga sanga.”

  8. Tingnan sa Alma 32:41.

  9. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 119: “Ang pag-uukol ng mas maraming oras sa templo ay nagpapatatag ng pananampalataya. At ang inyong paglilingkod at pagsamba sa templo ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal.”

    Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2024, 122: “Ito ang aking pangako. Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa templo. … Wala nang higit na magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dakilang plano ng Diyos.”

  10. Tingnan sa Alma 32:28.

  11. Alma 10:6.

  12. Tingnan sa Patrick Kearon, “Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo,” Liahona, Mayo 2024, 87: “Ang Diyos ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa inyo.”

  13. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Mga Sirang Bagay na Aayusin,” Liahona, Mayo 2006, 69–71.

  14. Tingnan sa Lucas 15:11–32; Doktrina at mga Tipan 18:13.

  15. Tingnan sa Juan 15:9.

  16. Tingnan sa Alma 5:33.

  17. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” Liahona, Nob. 2024, 122: “Hindi napakaaga o napakahuli para maging tapat kayong disipulo ni Jesucristo. Pagkatapos ay mararanasan ninyo ang lubos na mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.”

    Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” 99: “Kung sa tingin ninyo ay nalayo kayo sa landas ng tipan nang napakatagal at walang paraan para makabalik, iyan ay hindi totoo.”