“Sa Pamamagitan Nito ay Makikilala ng Lahat ng mga Tao na Kayo ay Aking mga Alagad”
Ang pagmamahal natin sa Diyos at sa Kanyang mga anak ay isang malakas na patotoo sa sanlibutan na ito talaga ang totoong Simbahan ng Tagapagligtas.
Maraming taon na ang nakalipas, kami ni Sister Uchtdorf ay naglakbay sa katimugang Germany. Iyon ay bago ang Pasko ng Pagkabuhay, at inanyayahan namin ang isang malapit na kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan, na sumama sa amin sa pagsamba sa araw ng Linggo. Mahal namin ang kaibigang ito, kaya normal at natural na ibahagi sa kanya ang nadarama namin tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan at anyayahan siyang pumunta at tingnan! Tinanggap niya ang paanyaya at sumama siya sa amin sa mga miting sa kalapit na branch.
Kung nakapagdala na kayo ng kaibigan sa simbahan sa unang pagkakataon, marahil ay alam na ninyo ang nadama ko noong umagang iyon ng Linggo. Gusto kong maging perpekto ang lahat. Ang aming kaibigan ay may mataas na pinag-aralan at espirituwal na tao. Taimtim akong umasa na ang mga miting sa branch na ito ay magbibigay ng magandang impresyon sa kanya at kakatawanin nang buong husay ang Simbahan.
Nagtitipon ang branch sa ilang paupahang kuwarto sa ikalawang palapag ng isang grocery store. Upang makarating doon, kinailangan naming umakyat sa hagdan sa likod ng gusali, na dinaraanan ang matinding amoy ng mga produkto na nakaimbak doon.
Nang magsimula ang sacrament meeting, naisip ko na ngayon lang ito naranasan ng kaibigan ko, at hindi ko maiwasang mapansin ang mga bagay na medyo ikinahiya ko. Ang pagkanta, halimbawa, ay hindi katunog ng Tabernacle Choir. Ang mga naiinip at maiingay na bata ay maririnig sa oras ng sakramento. Ginawa ng mga tagapagsalita ang lahat ng makakaya nila, pero hindi sila bihasa sa pagsasalita sa publiko. Hindi ako mapakali habang nasa miting, umaasang magiging mas maayos sa Sunday School.
Hindi ganoon ang nangyari.
Buong umaga akong nag-alala sa iisipin ng kaibigan namin tungkol sa simbahang ito na pinagdalhan namin sa kanya.
Kalaunan, habang pauwi kami, bumaling ako sa aming kaibigan para kausapin siya. Gusto kong ipaliwanag na ito ay maliit na branch lamang at hindi ito kumakatawan sa buong Simbahan. Pero bago ako makapagsalita, nagsalita siya.
“Napakaganda,” sabi niya.
Hindi ako nakapagsalita.
Sabi pa niya, “Natutuwa ako sa pakikitungo ng mga tao sa isa’t isa sa inyong simbahan. Tila magkakaiba ang pinagmulan nila, pero malinaw na totoong mahal nila ang isa’t isa. Ito ang naiisip ko na nais ni Cristo sa Kanyang Simbahan.”
Agad kong pinagsisihan ang ugali kong mapanghusga. Gusto kong perpekto ang mga miting para mapahanga ang kaibigan ko. Pero ang nagawa ng mga miyembro ng branch na ito ay perpektong diwa ng pagmamahal, kabaitan, pagtitiis, at habag.
Nang ang Pananampalataya ay Maragdagan sa Mundo
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, mahal ko ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ang totoo at buhay na Simbahan ng Tagapagligtas, at itinuturo nito ang ipinanumbalik na kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Narito ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang priesthood. Si Jesucristo mismo ang namumuno sa Simbahang ito, sa pamamagitan ng mga tagapaglingkod na Kanyang tinawag at binigyan ng awtoridad, at sa pamamagitan ng isang buhay na propeta, na si Pangulong Russell M. Nelson. Binigyan ng Tagapagligtas ang mga Banal sa mga Huling Araw ng natatanging misyon na tipunin ang mga anak ng Diyos at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Pinatototohanan ko na lahat ng ito ay totoo.
Pero mahalagang tandaan na kapag naranasan ng karamihan sa mga tao ang Simbahan ni Jesucristo sa unang pagkakataon, hindi nila iniisip ang tungkol sa awtoridad o mga ordenansa ng priesthood o ang pagtitipon ng Israel. Ang malamang na mapansin nila, higit sa lahat, ay ang nararamdaman nila nang kasama nila tayo at kung paano natin pinakikitunguhan ang isa’t isa.
“Kayo’y magmahalan sa isa’t isa,” sabi ni Jesus. “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay Aking mga alagad.” Kadalasan, ang unang patotoo ng isang tao tungkol kay Jesucristo ay dumarating kapag nakadarama siya ng pagmamahal sa mga disipulo ni Jesucristo.
Ipinahayag ng Tagapagligtas na ipinanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan upang “ang pananampalataya … ay maragdagan sa mundo.” Samakatuwid, kapag bumibisita ang mga tao sa mga miting natin sa Simbahan, nais ng Tagapagligtas na lumisan sila na may mas malakas na pananampalataya sa Kanya! Ang pagmamahal na nadarama ng ating mga kaibigan kapag kasama tayo ay mas maglalapit sa kanila kay Jesucristo! Iyan ang ating simpleng mithiin sa tuwing nagtitipon tayo.
Sinuman na naghahangad ng mas malakas na pananampalataya kay Cristo o mas mapalapit sa Ama sa Langit ay dapat makaramdam ng kapanatagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pag-anyaya sa kanila sa ating mga miting ay maaaring maging kasing normal at natural na gaya ng pag-anyaya natin sa kanila sa ating mga tahanan.
Ang Ideyal at ang Realidad
Ngayon, napagtanto ko na ang pagiging ideyal ang inilalarawan ko. At sa mortal na buhay na ito, bihira nating nararanasan ang ideyal. At “hanggang sa ganap na araw” laging magkakaroon ng puwang sa pagitan ng ideyal at ng realidad. Kaya, ano ang dapat nating gawin kapag ang Simbahan ay tila hindi tulad ng perpektong araw? Kapag ang ating ward, sa anumang kadahilanan, ay hindi pa rin nagkakaroon ng ganap na pananampalataya o pagmamahal? O kapag dama natin na hindi tayo kabilang?
Ang isang bagay na hindi natin dapat gawin ay ang sukuan kung ano ang ideyal!
Kasama sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon ang mahalagang babala na ito: “Kung may mga pagkakamali,” sabi rito, “ang mga yaon ay kamalian ng mga tao; dahil dito, huwag ninyong hatulan ang mga bagay ng Diyos.”
Maaari bang magkaroon ang isang aklat—o simbahan o tao—ng mga “kapintasan” at “kamalian” at maging gawain pa rin ng Diyos?
Ang sagot ko ay isang matunog na oo!
Kaya, habang sinusunod natin ang mataas na pamantayan ng Panginoon, maging mapagpasensya rin tayo sa isa’t isa. Bawat isa sa atin ay natututo pa rin, at lahat tayo ay umaasa sa Tagapagligtas para sa anumang pag-unlad na ating nagagawa. Totoo iyan sa bawat isa sa atin, at totoo ito sa kaharian ng Diyos sa lupa.
Inaanyayahan tayo ng Panginoon na hindi lang sumapi sa Kanyang kaharian kundi maging sabik ding patatagin ito. Nasa isipan ng Diyos ang isang grupo ng mga tao na may “isang puso at isang isipan.” At upang maging isa ang puso, dapat nating pagsikapang magkaroon ng dalisay na puso, at nangangailangan iyan ng malaking pagbabago ng puso.
Pero hindi ibig sabihin niyan na baguhin ang aking puso para iayon sa inyong puso. Hindi rin ibig sabihin nito na baguhin ang inyong puso para iayon sa aking puso. Ibig sabihin nito ay babaguhin natin ang ating puso at iaayon ito sa Tagapagligtas.
Kung wala pa tayo roon, tandaan: sa tulong ng Panginoon, walang imposible.
Pagiging Akma at Kabilang
At kung sa pakiramdam ninyo ay hindi kayo nababagay, dapat ninyong malaman na hindi kayo nag-iisa. Hindi ba’t lahat tayo ay nakaranas na ng mga sitwasyon sa buhay na parang estranghero tayo sa silid? Maraming beses ko nang naranasan iyan. Noong 11 taong gulang ako, napilitan kaming iwan ang aming tahanan at lumipat sa isang di-pamilyar na rehiyon. Ibang-iba ang lahat ng bagay mula sa nakasanayan ko na. At dahil sa punto ng aking pagsasalita naging malinaw sa ibang bata na iba ako sa kanilang nakasanayan. Sa panahong kailangan ko ng kaibigan at pagtanggap, nakadama ako ng lungkot at pag-iisa.
Dito sa mundo, karamihan sa mga pagkakaiba na napapansin natin—mga pagkakaiba na ginagamit ng ilan sa atin para ibukod ang isa’t isa—ay may kinalaman sa mga bagay sa mundo: pisikal na anyo, nasyonalidad, wika, pananamit, kaugalian, at iba pa. Pero “hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”
Mula sa Kanyang pananaw, may isang kategorya na mas mahalaga sa lahat ng iba pa: anak ng Diyos. At lahat tayo ay talagang akma rito.
Natural lang na naisin nating makasama ang mga taong katulad natin ang ayos, pagsasalita, kilos, at pag-iisip. May lugar para diyan.
Pero sa Simbahan ng Tagapagligtas, tinitipon natin ang lahat ng mga anak ng Diyos na handang magtipon at naghahanap ng katotohanan. Hindi ang ating pisikal na kaanyuan, pananaw sa pulitika, ating kultura, o etnisidad ang nagbubuklod sa atin. Hindi ang magkakaparehong background natin ang dahilan kaya tayo nagkakaisa. Ang dahilan ay ang ating iisang layunin, ang ating pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa, ang ating katapatan kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Tayo ay “iisa kay Cristo.”
Ang pagkakaisang hangad natin ay hindi ang patayuin ang lahat sa iisang lugar kundi ang ituon ang lahat sa iisang direksyon—kay Jesucristo. Tayo ay nagkakaisa hindi dahil sa kung saan tayo nanggaling kundi kung saan tayo nagsisikap na makarating, hindi dahil sa kung sino tayo kundi sa kung sino ang hangad nating maging tayo.
Iyan ang layunin ng totoong Simbahan ni Cristo.
Isang Katawan
Kung mahal ninyo ang Diyos, kung nais ninyong mas makilala Siya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang Anak, kung gayon kabilang kayo rito. Kung masigasig ninyong sinisikap na sundin ang mga kautusan ng Tagapagligtas—kahit hindi pa kayo perpekto rito—kung gayon nababagay kayo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
At paano kung naiiba kayo sa mga tao sa paligid ninyo? Hindi ibig sabihin niyan na hindi na kayo kabilang—kayo ay kinakailangang bahagi ng katawan ni Cristo. Lahat ay kailangan sa katawan ni Cristo. Nahihiwatigan ng mga tainga ang mga bagay na hindi mahihiwatigan ng mga mata. Nagagawa ng mga paa ang mga bagay na hindi mahusay na magagawa ng mga kamay.
Hindi nangangahulugan iyan na ang trabaho ninyo ay baguhin ang lahat ng tao para maging katulad ninyo. Pero ang ibig sabihin nito ay may mahalaga kayong maiaambag—at may mahalagang bagay kayo na dapat matutuhan!
Isang Tinig
Sa bawat sesyon ng pangkalahatang kumperensya, nakaririnig tayo ng mga nakasisiglang musika mula sa mahuhusay na koro. Habang nakikinig kayo, mapapansin ninyo na hindi lahat ng mang-aawit ay kumakanta ng magkakaparehong nota. Kung minsan isang bahagi ang kumakanta ng melodiya, kung minsan ay ang iba. Pero lahat sila ay nag-aambag sa magandang tunog, at sila ay ganap na nagkakaisa. Bawat miyembro ng koro ay may pangunahing layunin: ang purihin ang Diyos at ituon ang ating puso sa Kanya. Dapat nakatuon ang isip at puso ng bawat isa sa parehong banal na layunin. At kapag nangyari iyan, sila ay talagang nagiging isang tinig.
Kung hindi pa kayo miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, inaanyayahan namin kayo na sumama sa amin habang nagagalak kami sa “awit ng mapagtubos na pag-ibig” ng Tagapagligtas. Kailangan namin kayo. Mahal namin kayo. Ang Simbahan ay lalo pang uunlad sa inyong pagsisikap na maglingkod sa Panginoon at sa Kanyang mga anak.
Kung naipakita na ninyo, sa binyag, at pakikipagtipan sa Diyos, ang inyong hangaring “lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao,” salamat sa pagiging bahagi ninyo sa dakila at banal na gawaing ito at sa pagtulong sa Simbahan ni Jesucristo ayon sa nais ng Tagapagligtas.
Tulad ng natutuhan ko sa kaibigan ko sa Germany, ang pagmamahal natin sa Diyos at sa Kanyang mga anak ay malakas na patotoo sa sanlibutan na ito ang talagang totoong Simbahan ng Tagapagligtas.
Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos na maging matiyaga ngunit masigasig na sundin ang mga pamantayan na ibinigay sa atin ng ating Tagapagligtas, Manunubos, at Panginoon—upang malaman ng lahat na tayo ay Kanyang mga disipulo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.