Mensahe Ng Area
Ang Mga Himnong Tagalog ay Naghahatid ng Pag-Asa at Kapayapaan
Ang musika ay kadalasang tinatawag na pangkalahatang wika ng kaluluwa, pero kapag naisalin at kinanta sa sariling wika, ang kapangyarihan nitong magpagaling, magbigay-sigla, at kumonekta ay lumalalim sa mga paraan na hindi kayang mailarawan sa mga salita.
Ito ang mismong kapangyarihan na nadama ko nang magsama-sama ang aming buong team para kantahin at irekord ang mga sagradong Tagalog na himno. Bukod sa mapitagang himig ng mismong awitin, kapag naisalin sa Tagalog, ang himno ay nagiging mas personal, at tumatagos sa bawat puso. Lubusan na ngayong nauunawaan ng aking isipan, kaluluwa at katawan ang kahulugan nito. Bawat salita na namumutawi sa aking mga labi ay sampung beses na mas makahulugan, na parang sa akin mismo ang mga salitang binibigkas ko sa pagkanta ng mga sagradong himnong ito. Walang duda, na ito ay inspiradong proyekto na direktang nagmula sa itaas.
Ang isang maliwanag na pagpapala na kaagad na bumuhos sa akin sa proyektong ito ay ang matinding kapayapaan na nadama ko—hindi lamang sa sandaling iyon kundi sa buhay ko. Para ibahagi nang kaunti ang aking kuwento, ilang linggo bago sumapit ang aming pilot recording, medyo nauutal pa rin ako bilang resulta ng Bagyong Kristine. Binaha ang bahay namin, at nasira ang marami sa pag-aari namin at hindi na makumpuni pa. Magulo at walang katiyakan ang paligid ko, at naging balisa ako at nag-aalala.
Sa kabila nito, hindi ako nag-atubili kahit minsan sa pagdalo sa recording session, nalalaman na mapatitibay at mapalalakas ako sa pagsisikap ko sa abot-kaya ko. Sa buong sesyon, nasiyahan kami sa itinuturing namin na kabilang sa pinakamasasayang sandali ng aming buhay. Nagtrabaho kaming mabuti, pero parang hindi ito trabaho: nagtawanan kami, nagbiruan, at tinulungan ang isa’t isa habang inirerekord ang mga awitin sa Tagalog. Tunay na ang Panginoon ay nasa mumunting detalye ng ating buhay. Alam Niyang kailangan ko munang itigil ang ibang bagay na ginagawa ko at maranasan ang kapayapaan na hatid ng Kanyang musika, na ibabahagi sa kagila-gilalas na mga tao.
Ang isa pang natutuhan ko na pahahalagahan ko mula sa proyektong ito ay ang masaksihan ang kahandaang tumulong ng bawat miyembro ng team. Mula sa mga lider na naatasan sa proyektong ito, hanggang sa recording staff, at sa mga mang-aawit—bawat tao ay sabik na gumawa pa, na ibigay ang kanilang 100%, gawing komportable ang pakiramdam ng iba, at pangalagaan ang isa’t isa. Ipinagmamalaki ko na sa Simbahan, tinuturuan tayong maging hindi makasarili, mabait, at mapagkawanggawa. Umaasa ako na madarama ang mga katangiang ito ng lahat ng makikinig sa mga sagradong himno sa Tagalog.
Isang mabisang talata na sumasalamin sa “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” ay mula sa 2 Nephi 26:24, at ito mismo ang nadama ko sa mga recording session para sa mga himnong Tagalog. Ang mga awitin, na kinanta sa Tagalog, ay tumimo sa aking puso at nagbigay sa akin ng pag-asa at kapayapaan na perpekto at hindi natitinag—ang uri ng kapayapaan na tanging kay Cristo matatagpuan. Ang uri ng pag-asa na nagmumula sa Kanyang sagradong mga salita. Kaakibat nito, hinihikayat ko tayong lahat, miyembro man o hindi, na makibahagi sa proyektong ito sa pamamagitan ng pagsuporta at paggamit ng mga himnong Tagalog hangga’t maaari. Nagpapatotoo ako na ang mga awiting ito ay mapapasaatin para kantahin.