Digital Lamang
Isang Bagong Simula—Paano Binago ng Kagalakan sa Pagsisisi ang Buhay Ko
Ang awtor ay naninirahan sa Papeete, Tahiti.
Hindi ko binalak kailanman na magpabinyag, pero nang matutuhan ko ang tungkol sa kaloob na pagsisisi, nagbago ang lahat.
Noong 16 anyos ako, pinayagan ako ng nanay ko na makipagkita sa mga missionary pero sinabi niya sa akin na hindi ako maaaring magpabinyag kailanman. Natawa ako. Hindi na niya kailangang sabihin iyon sa akin. Alam ko na ayaw kong magpabinyag.
Nakipagkilala lang ako noong una sa mga missionary bilang paggalang lang. Tinanong ako ng isang kaibigan kung magiging interesado akong makausap sila, at pumayag ako dahil ayaw kong masaktan siya.
Patuloy akong tinuruan ng mga missionary pero hindi ko sineryoso ang mga turo nila, dahil alam ko na hindi ako magpapabinyag.
Isang Pag-aayuno at Isang Himala
Nang anyayahan ako ng mga missionary na magpabinyag kalaunan, sinabi ko na hindi papayag ang nanay ko. Iminungkahi ng tatay ng kaibigan ko na mag-ayuno kami at humingi ng tulong sa Ama sa Langit na mapalambot ang puso ng nanay ko.
Hindi ako kumbinsido na mababago ng pag-aayuno ang puso ng nanay ko, pero pumayag akong subukan iyon. Nag-ayuno kami ng pamilya ng kaibigan ko at ng mga missionary para payagan ako ng nanay ko na magpabinyag.
Hindi nagtagal pagkatapos naming mag-ayuno, sabay kaming naghapunan ng nanay ko. Hindi ko inasahan na babaling siya sa akin at sasabihing, “Alam mo, kung gusto mong magpabinyag, desisyon mo iyan.”
Hindi ako makapaniwala sa narinig ko.
Inulit niya ang sinabi niya. “Maaari kang magpabinyag.”
Natakot ako. Hindi ko na maidadahilan ang nanay ko para hindi ako magpabinyag. Kailangan ko talagang magdesisyong mag-isa. Nagsimula akong makinig sa mga missionary nang may bukas na isipan.
Isang Pagkakataong Isilang na Muli
Nang simulan kong makinig sa mga lesson ng missionary nang may tunay na layunin, unti-unti kong naramdaman ang pagmamahal ng Diyos. Dumating ito bilang isang damdamin ng kapayapaan at katiyakan. Dahil sa nadama kong pagmamahal para sa Kanya, hindi ko makayanang isipin na hindi ako malinis sa Kanyang harapan. Handa akong isuko ang lahat ng hindi naaayon sa mga utos ng Diyos.
Naaalala ko na inisip ko, “Sana mabago ko ang buhay ko.”
Kaya nang basta banggitin ng kaibigan ko na ang binyag ay parang pagsilang na muli (tingnan sa Mosias 27:25), halos hindi ko mapigilan ang tuwa ko. Alam ko na ang kailangan kong gawin.
Nabinyagan ako at nakapagmisyon na sa Canada para tulungan ang ibang mga tao na madama ang kagalakang nadama ko sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang Kagalakan ng Araw-araw na Pagsisisi
Ang kagalakang nadama ko nang mabinyagan ako ay hindi lang isang beses ko nadama. Nadarama ko pa rin ang payapa at malinis na pakiramdam na iyon tuwing humihingi ako ng kapatawaran sa panalangin.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. …
“… Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili.”
Ang araw-araw na pagsisisi ay naghahatid sa akin ng malaking kagalakan. Nadarama ko ang kapayapaan sa pagkaalam na mahal ako ng Diyos kahit hindi ako perpekto. Maaari kong harapin ang bukas nang may pag-asa dahil alam ko na sa tuwing magsisisi ako nang may tunay na layunin, maaari akong mapatawad (tingnan sa Moroni 6:8).