2025
Ang Kagalakan at Kahalagahan ng mga Pamilya
Marso 2025


Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media

Ang Kagalakan at Kahalagahan ng mga Pamilya

Tingnan kung ano ang naituro ng mga buhay na propeta at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa pamilya.

Si Jesucristo na may kasamang mga batang musmos

Ni Michael Malm

Bawat isa sa atin ay kabilang sa pamilya ng Diyos. Ang ating pamilya sa langit ang huwaran para sa ating pamilya sa lupa at nilayon na tulungan tayong maging tulad ng ating mga magulang sa langit.

Tinawag ni Pangulong Russell M. Nelson ang tahanan na “ang dakilang laboratoryo ng pag-ibig.” Sa iba’t ibang hamon at tagumpay, ang pamumuhay sa mga pamilya ay tumutulong sa atin na matutong magpasensya, maging mabait sa kapwa, magsakripisyo, magpatawad, gumalang, at magmahal.

Nagsalita na ang mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pamilya. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa mga paksang ito sa social media, kabilang na ang mga sumusunod:

Ang mga Anak ay mga Kayamanan sa Lupa at sa Langit

Pangulong Dallin H. Oaks

“Ang aking mga anak, apo, at mga apo-sa-tuhod … ay kabilang sa pinakamalalaking kagalakan sa aking buhay.

“Sa paggawa ninyo ng mga desisyon tungkol sa inyong buhay at sa inyong pamilya—o inyong magiging pamilya—tandaan sana na ang mga tunay na kayamanan sa lupa at sa langit ay ang ating mga anak at ating mga inapo.

“Nagpapasalamat ako araw-araw sa isang mapagmahal na Ama sa Langit na nagkaloob sa akin ng pamilyang ito na mahal na mahal ko.”

Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, Facebook, Mar. 1, 2023, facebook.com/dallin.h.oaks.

Ang Inyong Sakripisyo ay Napapansin

Pangulong Jeffrey R. Holland

“Sa mga ina saanman na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya, nais kong sabihin … na ang inyong sakripisyo ay napapansin—ng mga pinuno ng Simbahan at ng ating Ama sa Langit na laging naghahangad na pangalagaan ang Kanyang mga anak.

“Kapag natapos na ang kabanatang ito ng ating buhay sa lupa at naglaho na ang lahat ng karangalan ng mundo, naniniwala ako na ang mabubuting ina ang unang makakarinig ng mga salitang, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin: … Pumasok ka sa [aking kapahingahan]’ (Mateo 25:21).”

Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Dis. 21, 2023, facebook.com/jeffreyr.holland.

Palakihin ang Inyong mga Anak nang May Pagmamahal na Tulad ni Cristo

Elder Dieter F. Uchtdorf

“Bagama’t mahirap ang mga unang taon ng buhay ko dahil sa digmaan at sa mga alalahaning dulot nito, napakapalad ko na maging bahagi ng isang pamilya na nagmahal sa akin. …

“Sa mga unang taon na ito, hindi pa naituturo sa pamilya ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Napakahirap ng panahong iyon. Subalit may masasayang alaala pa rin ako ng mga lokasyong ito dahil sa pagmamahal ng pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay.

“Marahil nag-aalala ang ilan sa inyo na mga magulang (o magiging mga magulang balang-araw) tungkol sa mundo kung saan palalakihin ninyo ang inyong mga anak. Iminumungkahi ko na kung magtutuon kayo sa pagpapalaki sa inyong mga anak nang may pagmamahal na tulad ni Cristo at pagtuturo sa kanila na mahalin ang ating Ama sa Langit at ang Tagapagligtas na si Jesucristo, pagkakalooban sila ng kakayahang makayanan ang lahat ng hamon sa buhay. Madarama nila ang kagalakan at kapayapaang nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo ng Tagapagligtas sa kabila ng mga hirap.”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Hulyo 17, 2024, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Posible ang mga Walang-Hanggang Pamilya Dahil sa mga Tipan

Elder Quentin L. Cook

“Posible ang walang-hanggang kasal at mga walang-hanggang pamilya dahil sa mga tipan na ginagawa natin sa Diyos sa Kanyang mga banal na templo. Inaanyayahan ko tayong lahat na gawing prayoridad ang kasal sa templo. Lahat ng handang makipagtipan sa Diyos at sa isa’t isa ay inaanyayahang makibahagi sa mga ordenansa sa templo na nagbubuklod sa atin. Ang mga pamilya, sa totoo lang, ay walang hanggan at pinakamahalaga sa plano ng Diyos.”

Elder Quentin L. Cook, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Ene. 18, 2024, facebook.com/quentin.lcook.

Bahagi Kayo ng Pamilya ng Panginoon

Elder Quentin L. Cook

“Ang plano ng ating Ama ay tungkol sa mga pamilya. Hindi magiging masaya ang kawalang-hanggan kung wala sila. …

“Tinitiyak ko sa inyo na kung kayo ay may asawa o wala, may malaki o maliit na pamilya, bahagi pa rin kayo ng pamilya ng Panginoon. Nagagalak ako na sapat ang laki ng dakilang plano ng kaligtasan para sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit. At pinasasalamatan ko lalo na ang paglalaan ng paraan sa plano ng Diyos na magpatuloy ang mga ugnayan ng pamilya hanggang sa kabilang-buhay. Pinatototohanan ko na kapag bumalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos, makakasama natin nang walang hanggan ang mga taong pinakamamahal natin.”

Elder Quentin L. Cook, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Mayo 15, 2023, facebook.com/quentin.lcook.

Hindi Tayo Dapat Matakot

Elder Ronald A. Rasband

“Maraming bata pang mag-asawa ang nag-aalala tungkol sa pagpapalaki ng mga anak sa kalagayan ng mundo ngayon.

“Ilang taon na ang nakalipas, isa sa mga anak naming babae at ang kanyang asawa ay nagtanong sa amin ni Sister Rasband ng isang tanong na napakahalaga at nakaiimpluwensiya sa buhay:

‘Ligtas at makabubuti pa ba na magkaroon ng mga anak sa tila masama at nakakatakot na mundong ginagalawan natin?’ Ang sagot namin sa kanila ay isang matatag na ‘Oo, mas okey pa sa okey,’ habang nagbabahagi kami ng mga pangunahing turo ng ebanghelyo at ng aming mga taos-pusong impresyon at karanasan sa buhay.

“Alam ng Panginoon na kung minsan sa ating buhay ay makararamdam tayo ng takot. Naramdaman ko na iyon at gayundin kayo.

“Itinuro sa atin ng Panginoon sa mga banal na kasulatan, ‘Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa, sapagkat ako’y Diyos mo; aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran’ (Isaias 41:10).

“Seryoso[ng pinag-isipan ng aming anak at manugang] ang pinag-usapan namin nang gabing iyon; nagdasal at nag-ayuno sila at nakapagpasiya sa kanilang sarili. Masaya at maligaya para sa kanila—at sa amin na mga lolo at lola—nabiyayaan na sila ngayon ng pitong magagandang anak.

“Oo, nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon, ngunit habang tinutularan natin ang halimbawa ng ating Tagapagligtas, hindi tayo kailangang matakot. Dalangin ko na sa paggawa natin nito, hindi tayo mabagabag ng mga panahon na nabubuhay tayo o ng mga problemang dumarating sa atin.”

Elder Ronald A. Rasband, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Mayo 12, 2024, facebook.com/RonaldARasband.

Ang mga Matwid na Hangarin ay Nilayong Magpala sa Ating mga Ugnayan

Sister Kristin M. Yee

“Sa huling ilang speaking assignment, nadama kong isama ang ideya na ang ating mga calling, trabaho, edukasyon, at iba pang matwid na mga hangarin ay nilayong magpala sa ating mga ugnayan—ang ugnayan natin sa Diyos, pamilya, at isa’t isa. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, ‘Ang landas ng tipan ay tungkol sa ating ugnayan sa Diyos.’ Ang iba’t ibang aspetong ito ng ating buhay ay isang kaparaanan sa layuning iyan, na pangalagaan at pagpalain ang mga walang-hanggang ugnayan.

“Ang ating mga tawag na maglingkod at ang mga pagpapalang ibinibigay sa ating pamilya ay mas magkakaugnay kaysa inaakala natin. Hindi natin mapaghihiwalay ang dalawa. Tulad ng talata sa Marcos na itinuturo sa atin ang alituntunin na ‘ang Sabbath ay ginawa para sa tao, at hindi ang tao para sa Sabbath’ (Marcos 2:27), ang ating mga calling, ministering assignment, trabaho, at edukasyon ay nilayong pagpalain tayo at ang ating pakikipagtipan sa Diyos—at, samakatwid, ang lahat ng iba pa nating ugnayan.

“… Kapag tiningnan natin ang mga bahaging ito ng ating buhay bilang mga paraan na nilayon ng Diyos upang pagpalain ang ating ugnayan sa Kanya at sa iba, makatatanggap tayo ng banal na hangarin, patnubay, pang-unawa, lakas, kaligayahan, at kapayapaan.

“Mahal namin kayo at ipinagdarasal namin na pagpalain kayo habang personal kayong nakikipagtipan sa Diyos.”

Sister Kristin M. Yee, Facebook, Hulyo 21, 2024, facebook.com/reliefsocietyworldwide.

Sabihin sa mga Tao Kung Gaano Ninyo Sila Kamahal

Sister Tamara W. Runia

“Pitong taon pagkaraan ng kanyang pagpanaw, nakatanggap ako ng text mula sa anak kong lalaki—o parang ganoon.

“Katatapos lang ipagdiwang ng aking tinedyer na apong lalaki (na kanyang anak) ang kanyang kaarawan at ibinigay sa kanya ang lumang cell phone ng tatay niya bilang regalo.

“At hindi ko pa rin na-update ang contact information.

“Dahil gusto kong makita kung ano ang sinabi namin ng aking anak sa isa’t isa sa mga huling araw ng kanyang buhay, nagsimula akong mag-scroll sa mga nakaraang text.

“Nakita ko ang maraming maiikling mensahe tungkol sa mga gawain at mga kaganapan sa pamilya. Nalungkot ako habang tumatagal ang paghahanap ko sa isang text na nagsasabi lang ng, ‘Mahal kita.’

“Alam ko na alam niya na mahal ko siya, pero naisip ko kung nakalagpas ba sa akin ang huling pagkakataong sabihin iyon nang minsan pa.

“Simula noon, sinikap ko nang tapusin ang bawat text ko sa ‘Salamat’ o ‘Mahal na mahal kita.’

“Nais kong tumigil KA ngayon din at tingnan mo ang mga text MO.

“Kung minsa’y abalang-abala tayo sa pagsasabi sa isa’t isa ng mga apurahang bagay kaya nalilimutan nating sabihin ang pinakamahalagang bagay: Mahal kita.

“Inaanyayahan ko kayong i-text o sabihan ang mga taong mahal ninyo at kasama ninyo sa buhay kung gaano ninyo sila kamahal.

“Huwag na tayong maghintay ng isang segundo pa para ipaalam sa kanila kung gaano sila kahalaga sa atin.

“I-text ninyo sila. Sabihan ninyo sila.

“Ipinapangako ko sa inyo na hindi ninyo ito pagsisisihan!

“‘Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos’ (1 Juan 4:7).”

Sister Tamara W. Runia, Facebook, Hulyo 23, 2024, facebook.com/youngwomenworldwide.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Paksa at mga Tanong, “Pamilya,” Gospel Library.

  2. Russell M. Nelson, “Our Sacred Duty to Honor Women,” Liahona, Mayo 1999, 40.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 11.