Digital Lamang
Pakikipagkita kay Jesucristo sa Bahay ng Panginoon
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa mga estudyante sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, noong Oktubre 10, 2023. Para mahanap ang buong mensahe, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Mabuti na lang at kahit hindi tayo perpekto, inaanyayahan tayo na maging mga panauhin Niya sa Kanyang bahay.
Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng mga templo at ng lahat ng nangyayari doon sa mga salitang ito:
“Ang templo ang sentro sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo. …
“Lahat ng pinaniniwalaan natin at lahat ng pangako ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang [tao] ay [nagsasama-sama] sa templo.”
Noon pa man ay nais at plano na ng ating Ama sa Langit na magkaroon ng sagradong lugar kung saan Siya magtuturo at makikipagtipan sa Kanyang mga anak. Tiyak na makahahanap at makatatanggap tayo ng patnubay at tulong ng Diyos mula sa halos kahit saang lokasyon, pero may isang bagay na natatangi tungkol sa mga lugar na iyon na kapwa ipinahayag ng Diyos na pag-aari Niya at pinabanal ng Kanyang presensya.
Ang Halamanan ng Eden ay isang banal na lugar—isang lugar na pinili, tinaniman, at pinaganda ng Diyos (tingnan sa Genesis 2:8, 15–18) at isang lugar kapwa ng pagtuturo at ng mga tipan para kina Adan at Eva. Nakipag-usap nang harapan sina Adan at Eva sa Ama at sa Anak sa halamanan, tinuruan tungkol sa plano ng Ama para sa Kanyang mga anak, at ibinuklod bilang mag-asawa para sa kawalang-hanggan (tingnan sa Genesis 2:21–24; Moises 3:20–25). Bago sila inutusang lisanin ang halamanan para harapin ang mga hamon ng mortalidad at ang palagiang pag-atake ng kaaway, bawat isa ay binigyan ng mga kasuotang yari sa balat—o, ang tinatawag natin ngayong garment (tingnan sa Genesis 3:21; Moises 4:27). Ang kahalagahan ng pagbibigay ng Diyos ng garment sa Kanyang mga pinagtipanang anak at ang pagtanggap at pagsusuot ng garment na iyon ng Kanyang mga pinagtipanang anak ay hindi dapat ituring na ordinaryo. Napakasagrado ng pagpapalitang ito ng pangako.
Sa ating panahon nagpakita ang Panginoon bilang nabuhay na mag-uli at niluwalhating nilalang sa Kirtland Temple matapos itong ilaan at ipinahayag Niya, “Sapagkat masdan, tinanggap ko ang bahay na ito, at ang aking pangalan ay malalagay rito; at ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito” (Doktrina at mga Tipan 110:7).
Dahil “ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman” (Mormon 9:9), tiwala ako na tinatanggap din ng Panginoon ang lahat ng Kanyang templo ngayon. Mabuti na lang at kahit hindi tayo perpekto, inaanyayahan tayo na maging mga panauhin Niya sa Kanyang bahay. Paulit-ulit Niyang ibinibigay sa atin ang paanyayang ito, at kung tatanggapin natin ito, ito—tulad ng ipinangako ni Pangulong Nelson—ay magpapala sa ating buhay “na hindi matatamo sa ibang paraan.” Dapat nating naising pumasok sa Kanyang bahay nang madalas dahil nasasabik si Jesucristo na makausap tayo roon.
Mabuti na lang at ang mga pagpapalang matatanggap natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ay ginagawang posible na maging handa tayong lahat na makapasok sa bahay ng Panginoon. Magkakaroon ng oposisyon sa anumang gayong plano dahil, sabi nga ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), “Ang mga templo ang pinakasentro ng espirituwal na lakas ng Simbahan. Dapat nating asahan na tatangkain ng kaaway na hadlangan tayo … habang hinahangad nating makibahagi sa sagrado at inspiradong gawaing ito” at makilala ang Tagapagligtas sa mas personal at sagradong paraan sa Kanyang bahay.
Gayunman, natutuhan ko sa paglipas ng mga taon na ang pagdalo lamang sa templo ay hindi sapat. May kailangang mangyari sa atin dahil sa paggugol natin ng oras sa bahay ng Panginoon. Kailangan nating lisanin ang Kanyang bahay na nagbago na tayo kaysa noong pumasok tayo, ngunit ang resultang iyan ay hindi palaging madaling makamit.
Lubos na Makinabang sa Karanasan sa Templo
Ilang taon na ang nakararaan nabasa ko ang isang aklat na pinamagatang The Temple: Where Heaven Meets Earth [Ang Templo: Kung Saan Nagtatagpo ang Langit at Lupa], na isinulat ng yumaong si Truman G. Madsen, na ginugol ang halos buong buhay niya sa pag-aaral tungkol sa mga ordenansa at tipan ng templo. Sa aklat na iyon, tinukoy ni Brother Madsen ang tatlong bagay na nadama niya na minsang humadlang sa kanya na lubos na makinabang sa karanasan sa templo.
1. Pag-aralan ang mga Talata sa Banal na Kasulatan tungkol sa Templo
Ang unang hamon na tinukoy niya na humadlang sa kanya na lubos na mapansin at matanggap ang mga natatanging pagpapala ng bahay ng Panginoon—o, tulad ng pagkalarawan dito ng dakilang patriyarkang si Jacob, “ang pintuan ng langit” (Genesis 28:17)—ay na hindi siya kailanman nagsikap na “basahing mabuti ang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa templo.”
Nalaman ko rin na ang pinakamainam na mapagkukunan ng kaalaman at pag-unawa tungkol sa templo ay mula sa masusing pag-aaral ng mga banal na kasulatan na nakatuon sa templo. Halimbawa, hayaan ninyong ibahagi ko ang tatlong talata sa banal na kasulatan na maaaring makatulong sa inyo na mas pahalagahan ang kahalagahan ng pagpapahid [ng langis] na ginagawa sa loob ng templo:
1. “[At] binuhusan [ni Moises] ng kaunting langis ang ulo ni Aaron upang italaga siya, [upang pabanalin siya]” (Levitico 8:12).
2. “Nang magkagayo’y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul …, at sinabi, … ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lulukob sa iyo, at magsasalita ka ng propesiya na kasama [ng mga propeta] at magiging ibang lalaki” (1 Samuel 10:1, 6; tingnan din sa talata 5).
3. “Kaya’t kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan [si David] sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon” (1 Samuel 16:13).
Para sa mga taong naghahangad na makaunawa at makaugnay sa mga ordenansa ng templo sa mas makabuluhang paraan, gumugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan na tumutukoy sa templo at mga ordenansa sa templo. Kung gagawin ninyo ito, mamamangha kayo sa ihahayag sa inyo ng Panginoon. Tutal, Siya ay isang Diyos na nangako na ihahayag ang “lahat ng bagay na nauukol sa [Kanyang] kaharian” sa Kanyang mga pinagtipanang anak (Doktrina at mga Tipan 76:7).
2. Isakripisyo ang Inyong mga Kasalanan sa mga Dambana ng Templo
Ang pangalawang problemang tinukoy ni Brother Madsen ay na siya ay “pinahirapan ng iba’t ibang klase ng hindi pagkamarapat at di-gaanong naging sabik na baguhin ang lahat ng iyon.” Ipinahayag ng Panginoon ang sumusunod “Aking ibinibigay sa inyo … ang isang kautusan na … pabanalin ang inyong sarili; oo, dalisayin ang inyong mga puso, at linisin ang inyong mga kamay at inyong mga paa sa harapan ko, upang akin kayong gawing malinis” (Doktrina at mga Tipan 88:74).
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring na “kung kayo o ako ay pupunta sa templo nang hindi sapat ang kadalisayan, hindi natin makikita, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang mga espirituwal na turo tungkol sa Tagapagligtas na matatanggap natin sa templo.” Kaya mahalaga ang pagsisisi sa paghahayag sa templo, at mahalaga ang paghahayag sa templo sa pagbabagong dapat ay maranasan nating lahat mula sa pakikipagkita kay Jesucristo sa templo.
Ang lingguhang paglahok sa ordenansa ng sakramento ay makakatulong din sa atin na maging malinis at manatiling malinis. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento nang karapat-dapat, pinaninibago natin ang tipan sa binyag bukod sa iba pang mga tipan, at pinaninibago ng Panginoon ang paglilinis na nangyari nang ipanganak tayo sa tubig at sa Espiritu. Naniniwala ako na mahalaga ang pagtanggap ng sakramento nang may higit na pagpipitagan kung nais nating maging mas karapat-dapat sa paghahayag sa templo.
Ang dalawang sandali sa tipan, yaong sa sakramento at sa templo, ay hindi mapaghihiwalay. Itinutuon tayo ng dalawang ito sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kung makikinig tayo sa Espiritu habang tumatanggap tayo ng sakramento, ibubulong nito sa ating espiritu kung ano ang kailangan nating baguhin para mas lubos na makinabang sa oras natin sa templo. Kapag nangyari iyon, mayroon tayong dalawang pagpipilian. Maaari nating hangaring takpan ang ating mga kasalanan tulad nina Adan at Eva na hinangad na takpan ang kanilang kahubaran ng mga dahon ng igos (tingnan sa Genesis 3:7), o maaari nating gawin ang ginawa ng ama ni Haring Lamoni at “talikuran” (Alma 22:18) ang lahat ng kasalanang iyon na ipinabatid sa atin ng Espiritu. Ang pagiging handang isakripisyo ang ating mga kasalanan—para epektibong ilagay ang mga iyon sa mga dambana ng templo—ay maaaring magresulta sa pagkakaroon natin ng karanasan sa bahay ng Panginoon na katulad ng karanasan nina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple nang ipahayag ng Panginoon, “Masdan, ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa inyo; kayo ay malinis na sa aking harapan; samakatwid, itaas ang inyong mga ulo at magsaya” (Doktrina at mga Tipan 110:5).
3. Hangarin ang Espiritu upang Maunawaan ang Sinisikap ng Panginoon na Ituro sa Inyo sa Pamamagitan ng mga Simbolo
Ang pangatlong balakid na tinukoy ni Brother Madsen ay na “noon pa man ay tutol na [siya] sa ritwal at simbolismo.” OK lang na aminin na nang una nating maranasan ang mga ordenansa ng templo, ang ritwal at simbolikong mga aspeto ng mga ordenansa ay medyo nakakalito at maaaring hindi tayo gaanong naging komportable dito. Ngunit ang unang reaksyong iyon ay hindi nangangahulugan na dapat tayong tumigil sa mga pagsisikap nating maunawaan kung ano ang sinisikap na ituro sa atin ng Panginoon o, higit sa lahat, ang ipinagkakaloob Niya sa atin. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Kung hindi pa kayo mahilig na dumalo sa templo, magpunta nang mas madalas—hindi nang [mas madalang].” At, idaragdag ko pa, kasama ng pagpapadalas ng pagpunta ninyo sa templo, pumunta na hinahanap ang Tagapagligtas.
Ipinahayag ng Panginoon na “ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa ng ebanghelyo at humahawak ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.
“Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (Doktrina at mga Tipan 84:19–20; tingnan din sa talata 21–22).
Ang magagandang simbolikong aspeto ng mga ordenansa sa templo ay makakatulong sa atin na maunawaan at madama ang literal na kapangyarihan ng kabanalan na likas sa mga ordenansang iyon. Hindi na bago ang mga ito kundi “inorden ng Panginoon at inihanda bago pa sa pagkakatatag ng daigdig” (Doktrina at mga Tipan 128:5). Tulad ng itinuro ni Orson F. Whitney ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Diyos ay nagtuturo gamit ang mga simbolo; ito ang paborito Niyang paraan ng pagtuturo.”
Kung aanyayahan natin ang Espiritu sa ating puso’t isipan, pinatototohanan ko na matutuklasan natin na ang mga ritwal at simbolikong aspeto ng mga ordenansa sa templo ay talagang pamilyar sa atin, at mapapansin natin na ang kapangyarihan ng kabanalan na dumadaloy sa ating buhay kapag iginagalang natin ang mga ito ay tumitiyak sa kakayahan nating bumalik at manahan sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit. Tulad ng ipinayo ni Pangulong Nelson: “Ang endowment sa templo ay ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag. Dahil dito, mauunawaan itong mabuti sa pamamagitan ng paghahayag, na marubdob na hinahangad nang may dalisay na puso.”
4. Hanapin si Jesucristo Habang Nakikilahok sa mga Ordenansa sa Templo
Gusto kong idagdag ang sarili kong pang-apat na pagkakamali na nagagawa ng napakarami sa atin kapag pumapasok tayo sa templo para sumamba. Napakadalas nating balewalain ang katotohanan na lahat ng simbolismo sa templo ay itinutuon tayo kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa papel na ginagampanan Niya sa “[pagsasa]katuparan [ng] kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Marahil iyan ang dahilan kaya ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith “na ang lahat ng pagpasok ng inyong mga tao, sa bahay na ito, ay magawa sa pangalan ng Panginoon;
“Nang ang lahat ng kanilang mga paglabas mula sa bahay na ito ay maging sa pangalan ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 109:17–18; tingnan din sa talata 19).
Marami sa mga hamon na mayroon ang mga tao na hindi madama ang nais nilang madama sa templo ay nagmumula sa kabiguan nilang hanapin ang Panginoon habang nakikilahok sa mga ordenansa sa templo. Siya ang dahilan kaya tayo nagpupunta sa templo. Siya na ating Ama sa Langit ang nagnanais na magkita tayo sa templo. Siya ang sentro ng bawat simbolo, bawat ordenansa, bawat tipan, at bawat inaasam na pagpapala sa templo. Ang paghahanap kay Cristo sa templo ay nagbibigay-daan para maunawaan natin kung bakit tayo nasa templo at kung bakit dapat tayong bumalik doon.
Sa kanyang sulat sa mga Hebreo, ipinahayag ni Pablo ang sumusunod na tumutukoy sa pagpasok sa pinakabanal na bahagi ng sinaunang templo:
“Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,
“Na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buhay na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman” (Mga Hebreo 10:19–20).
Lalo pang nilinaw ni Juan ang talatang ito sa banal na kasulatan nang banggitin niya na sinabi ni Jesus na “sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Kapag nakatayo tayo sa tabi ng tabing ng templo, Siya na ating tagapagtanggol sa Ama ay simbolikong nakatayo sa pagitan natin at ng Ama, nagsasabing:
“Ama, masdan ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan, na inyong lubos na kinalulugdan; masdan ang dugo ng inyong Anak na nabuhos, ang dugo niya na inyong ibinigay upang ang inyong sarili ay luwalhatiin;
“Kaya nga, Ama, iligtas ang mga kapatid kong ito na naniniwala sa aking pangalan, upang sila ay makaparito sa akin at magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Doktrina at mga Tipan 45:4–5).
Ang sandali na simboliko tayong pumapasok sa presensya ng Diyos sa pagdaan sa tabing ay tumutulong sa atin na pahalagahan kung bakit itinuro ni Joseph Smith na “kailangan natin ang Templo nang higit sa anumang bagay.”
Tapat na Igalang at Isuot ang Temple Garment
Noong unang panahon, ang sagradong kasuotan ay isinusuot upang tulungan ang mga pinagtipanang anak ng Diyos na “maalala ang lahat ng mga utos ng Panginoon at gawin ang mga iyon, upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata” (Mga Bilang 15:39). Gayon pa rin ngayon. Kamangha-mangha at sagradong sandali ang makatanggap ng garment habang nasa bahay ng Panginoon, na may lahat ng simbolikong kahulugan nito—ang pinakamahalaga rito ay ang pag-alaala sa sakripisyo ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani at sa krus at sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. “Ang temple garment ay pisikal na nagpapaalala sa mga sagradong pangako na ginawa [natin] sa [ating] Ama sa Langit, at ipinapaalala nito sa [atin] ang mga pagpapalang matatanggap [natin] kung tutuparin [natin] ang [ating] mga pangako.” Tinutulungan din tayo ng garment na igalang ang tipan sa sakramento na “lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa [atin]; nang sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (Doktrina at mga Tipan 20:77).
May itinuro si Pangulong Nelson na napakalalim tungkol sa temple garment na pinahintulutan niyang ibahagi ko: “Ang inyong garment ay simbolo ng tabing [ng templo]; ang tabing ay simbolo ng Panginoong Jesucristo. Kaya kapag isinuot ninyo ang inyong garment, madarama ninyo na talagang dinadamitan ninyo ang inyong sarili ng napakasagradong simbolo ng Panginoong Jesucristo—ang Kanyang buhay, Kanyang ministeryo, at Kanyang misyon, na magbayad-sala para sa bawat anak na babae at anak na lalaki ng Diyos.”
Matatagpuan natin ang ating Tagapagligtas sa templo, sa lahat ng aspeto nito, at matatagpuan natin Siya sa simbolismo ng garment. Sa pagsusuot ng garment, ipinahahayag natin sa Diyos na nagagalak tayo sa pagtataglay ng pangalan ni Jesus sa Kanyang banal na bahay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:26), at lagi natin Siyang naaalala.
Sa templo, maaari kayong tumanggap ng kapangyarihang labanan at daigin ang espirituwal na mga pag-atake ng kaaway sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan. Sa templo, maaari kayong tumanggap ng garment, hindi lamang kahit anong garment kundi garment ng banal na priesthood. At sa templo maaari kayong makipagkita kay Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Nelson na “sa tuwing may inilalaan na isang templo, mas maraming liwanag ang dumarating sa mundo.” Naniniwala ako na hindi ang mga ilaw sa labas ng templo ang tinutukoy niya. Sa palagay ko ang tinutukoy niya ay tayo, na mga pinagtipanang anak ng Diyos, dahil tuwing papasok tayo sa templo nang karapat-dapat, tumatanggap tayo at lumilisan nang may dagdag na liwanag.
Pinatototohanan ko na sabik ang Diyos na makipagtipan sa atin sa Kanyang templo, isang tipan na magpapabago, tulad ng pinatotohanan ni Pangulong Nelson, sa “ating ugnayan sa Kanya magpakailanman” at pagpapalain “tayo nito ng karagdagang pagmamahal at awa [Niya].” Pinatototohanan ko na kapag inihanda at dinalisay natin ang ating sarili, ihahayag ni Cristo ang Kanyang sarili sa atin sa Kanyang bahay sa makapangyarihan at personal na mga paraan. Pinatototohanan ko na ang patuloy na paggalang sa at pagsusuot ng temple garment ay magbibigay-kakayahan sa atin na alalahanin si Jesucristo, na “[ma]sandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:14), at matamo ang espirituwal na proteksyong kailangan upang maragdagan ang ating pag-asa na balang-araw ay magiging mga tagapagmana tayo na kasama Niya sa kaharian ng ating Ama (tingnan sa Roma 8:16–17;Doktrina at mga Tipan 84:38).