2025
Ministeryo ng mga Apostol: Isang Gawain na Walang Ibang Makagagawa
Marso 2025


“Ministeryo ng mga Apostol: Isang Gawain na Walang Ibang Makagagawa,” Liahona, Mar. 2025.

Ministeryo ng mga Apostol: Isang Gawain na Walang Ibang Makagagawa

Kung paano naaantig ng pandaigdigang ministeryo ng mga Apostol ng Panginoon sa makabagong panahon ang mga tao para sa kabutihan.

larawan ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang Korum ng Labindalawang Apostol ay tumatayong mga saksi ni Jesucristo sa buong mundo. Kakaiba at mabigat ang calling nila. Matapos tawaging maglingkod, nagreretiro sila sa kanilang mararangal na propesyon para ilaan ang buong panahon at talento nila para pagpalain ang iba. Bawat isa ay may hatid na natatanging mga kaloob at talento sa calling nila, na hinahasa ng habambuhay na paglilingkod, pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo, at pagdaig sa mga hamon nang may pananampalataya sa Panginoon.

Kauupo pa lamang ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng kanyang asawang si Melanie sa kanilang upuan para makinig sa Christmas concert ng kanilang apo sa paaralan nang lumapit ang prinsipal at nagtanong kung maaaring bumati si Elder Rasband sa mga manonood.

Nang tumayo siya at tumingin sa mga tao at sa banda—na lahat ay sabik na magsimula ang programa—naisip niyang batiin lamang ang mga panauhin at sabihing maging maganda ang gabi nila. Ngunit naalala niya ang kanyang tungkulin bilang apostol na laging tumayo bilang isang natatanging saksi sa lahat ng lugar. “Mga binibini at ginoo,” sabi niya, “hindi ko maaaring palagpasin ang pagkakataon [dito] sa panahon ng pagsilang ni Cristo na magpatotoo sa Kanyang pangalan at sa Kanyang ministeryo.”

Saanman sila maglakbay, sinuman ang kanilang makilala, ang mensahe ng mga Apostol ay pagpapatibay kay Jesucristo bilang tumutubos na Anak ng Diyos. “Una sa lahat, noon pa man, kami ay mga saksi na totoong buhay ang Panginoong Jesucristo,” sabi ni Elder David A. Bednar.

“Si Jesucristo ang dahilan kaya tayo narito,” sabi ni Elder Dale G. Renlund sa mga Relief Society sister sa isang debosyonal sa London noong nakaraang taon. “Alam na alam ko na Siya ay buhay! … Ang tunay na himala ay nangyayari sa inyong buhay kapag alam ninyo ito sa inyong sarili.”

“Paano ko sila matutulungang palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo?” sabi ni Elder Quentin L. Cook sa mga miyembro sa Sydney, Australia, na isinalaysay kung paano nabuo ng tanong na iyon ang kanyang mga mensahe sa loob ng maraming taon.

Ang kanilang mga turo ay naghahayag ng pagmamadali at pananabik na nadarama nila para sa iba na maging banal para makita at madama ang Tagapagligtas at maranasan ang Kanyang nagbabayad-salang biyaya (tingnan sa 3 Nephi 11:15). Ang kanilang mga turo ay punung-puno ng pagmamahal at pag-unawa. Ang kanilang pagsamong magsisi ay banayad subalit matatag. Ang kanilang pananabik na lumago ang mga miyembro sa mga bagay ng Diyos ay malinaw at hindi maikakaila. Kapag narinig ng mga tao ang patotoong ibinigay ng isang Apostol, maaaring maantig ang kanilang puso at magbago ang kanilang buhay.

Mga Saksi ni Jesucristo

Bawat Apostol ay may dalang natatanging mga talento at karanasan sa gawaing iniatas sa kanya. Bawat isa ay kilala sa kanyang propesyon. Bawat isa ay naiiba ang personalidad at estilo, subalit magkakapareho ang kanilang mga katangian. Sila ay masaya, positibo, at nakapapanatag na makasama. Kaya kadalasan, ang mga nakakadaupang-palad ng isang Apostol ni Jesucristo ay humahanga sa kanilang likas na pagiging magalang at tunay.

Nagmamadali ang mga Apostol na magawa ang mga bagay-bagay—isang dahilan ay para magpala, umalo, at magpatotoo.

“Sa loob ng tatlong dekada, naging karangalan at pribilehiyo kong makasama ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawa. “Walang maibubukod, dahil bawat isa sa kalalakihang ito ay natulungan ako na maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo.

“Nang magtipon kami kamakailan para magpakuha ng larawan ng korum, nakadama ako ng labis na pasasalamat na maging bahagi ng patuloy na kaayusan ng sinauna at makabagong mga disipulo ni Jesucristo.

“Ang mga pangalan at mukha … sa korum na ito ay nagbabago sa paglipas ng panahon, ngunit yaong mahalaga ay nananatili: tinanggap ng bawat apostol ang utos na ‘maging natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig’ [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:23]. Wala nang ibang mas matamis na gawaing maibibigay kaninuman, ni anumang mas mabuting grupo ng kalalakihan para gawin ito.”

si Elder Dieter F. Uchtdorf habang nagsasalita sa BYU Jerusalem Center

Nagsalita si Elder Dieter F. Uchtdorf sa isang espesyal na kumperensya ng Jerusalem District sa BYU Jerusalem Center noong Abril 22, 2023.

“Labis kong nadarama ngayon ang pasasalamat sa Tagapagligtas dahil naisip namin ang Kanyang sakripisyo sa dalawang espesyal na lugar,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf, habang naglilibot sa mga sagradong lugar sa Israel noong 2023. “Dinalaw namin ang Libingan sa Hardin,” kung saan maaaring naihimlay ang katawan ni Cristo.

“Binisita rin namin ang lugar na itinuturing ng ilan na Halamanan ng Getsemani. Nang maglakad kami sa napakatatandang puno ng olibo, nakinig kami sa mga talata sa banal na kasulatan na naglalarawan sa sagradong sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin sa halamanan at sa krus.

“Ang matinding paghihirap ni Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ay nararapat sa ating lubos na paggalang at buong pagpipitagan. Gayundin, ang magagandang kaganapang nangyari sa ikatlong araw kasunod ng pagpapako sa Kanya sa krus ay nararapat magkaroon ng puwang sa pagpipitagan at walang-hanggang pasasalamat sa ating puso’t isipan.

“Bilang disipulo ni Cristo, pinagpala akong ipahayag ang aking patotoo na Siya ay buhay!”

Sa isang social media post tungkol sa pagpipitagan sa Panginoon, hinikayat ni Elder Gerrit W. Gong, “Lagi tayong magsalita nang may mainit at mapitagang pasasalamat para sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos at sa mga kabutihan, awa, at biyaya ni Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.”

Paghahanda Bilang Apostol

“Mahabang panahon ang iniuukol ng Panginoon sa pagtuturo sa isang Apostol,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “Kapag tinawag ang taong iyon sa Labindalawa, may natatanging bagay na inaasahan ang Panginoon na iaambag ng taong iyon.”

Dumarating sa landas ng bawat Apostol ang mga pagsubok—“mga pagsusuri sa katapangan at pagtitiis”—laging sinisiyasat ang kaluluwa, na kung minsa’y nanganganib na pala.

“Laging may pagsubok,” sabi ni Pangulong Nelson, na inilalarawan ang gawain sa paglilingkod sa Panginoon. “Handa ka bang gumawa ng talagang mahihirap na bagay? Kapag naipakita mo na handa kang gawin ang iyong bahagi, tutulungan ka Niya.”

Habang nagsasalita sa mga miyembro sa Australia, ikinuwento ni Elder Cook ang isang bahagi ng kanyang karanasan kung paano nadama ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na hindi sila handa at may kulang sa kanila tulad ng nadarama ng mga lider ng ward kung minsan. “Ang maging Apostol, sa paglilingkod sa Panginoon, ay lubhang nakapagpapakumbaba,” sabi niya.

Bilang bagong tawag na Apostol, ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen na bagama’t nadama niya na may kulang sa kanya at nakadama siya ng pagpapakumbaba, naaliw siya dahil napagpala siya ng Panginoon ng isa man lamang na kwalipikasyon: “Alam ko nang walang pag-aalinlangan at buong linaw sa [pamamagitan ng] kapangyarihan ng [Espiritu Santo] na si Jesus ang Cristo, ang Pinakamamahal na Anak ng Diyos.”

“Tinanong ako kung ano ang pakiramdam ng maging pinakabagong Apostol,” sabi ni Elder Patrick Kearon isang araw matapos siyang tawagin sa Korum ng Labindalawa.

“Nadama ko ang lahat ng emosyon na maiisip ng tao, at alam ko na higit pa ito sa makakaya ko. Pero magsusumamo ako para sa tulong. Naniniwala talaga ako sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas. At alam ko na tutulong Sila. At inaasahan ko iyon. At gagawin ko ang lahat, sa paglipas ng panahon, na maging katulad ng isang Apostol na maaaring nasa inyong imahinasyon.

“Kaya nga sa araw na ito kapag nahihirapan ako, 24 na oras matapos akong tawagin, na unawain ito, kung sa pakiramdam mo ay may ipinagagawa sa iyo … na higit pa sa pinaniniwalaan mong makakaya mo, ganyan din ang pakiramdam ko.”

Mga lider ng Simbahan na nakipagkita sa hari at reyna ng Tonga

Pinangunahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang delegasyon ng mga pinuno ng Simbahan, kabilang na si Elder Gerrit W. Gong, sa pagbisita sa hari at reyna ng Tonga noong 2019. Nakipagkita ang mga apostol sa mga dignitaryo at pinuno ng estado sa tungkulin nilang buksan ang pintuan ng mga bansa para sa ebanghelyo. Maraming taon ang kailangan sa paghahanda sa mga Apostol para sa kanilang dakilang tungkulin, sabi ni Pangulong Nelson.

Mga Embahador sa Mundo

Sa pagtukoy sa Doktrina at mga Tipan 107:23, kung saan tinatawag ng Panginoon ang Labindalawang Apostol na maging “mga espesyal na saksi ng pangalan ni Cristo sa buong mundo,” sinabi ni Pangulong Nelson: “Bawat miyembro ng Labindalawa ay isang Apostol para sa buong mundo. Kailangan niyang malaman ang bawat bahagi ng mundo, pati na ang mga tao at wika at kasaysayan.”

Ang kanilang gawain ay ginagawa sa buong mundo. Nakikipagkita sila sa mga pinuno ng estado, lokal na dignitaryo, media, at miyembro ng Simbahan sa malalaki at mga pribadong lugar. Ang mga oras ay maaaring mahaba at malaki ang hinihingi. Bilang mga embahador ng Panginoong Jesucristo, ang buhay nila ay hindi na sa kanila.

Noong napakarami nilang iskedyul, 12-araw na paglilibot sa buong daigdig para magministeryo sa anim na bansa sa Europe—kung saan madalas silang makatulog sa gabi habang sakay ng eroplano sa pagitan ng mga bansa—nakipagkita si Elder D. Todd Christofferson sa mga pinuno ng pamahalaan, full-time missionary, at lokal na mga miyembro ng Simbahan.

Mahalaga ang pakikipagkita sa Ministry of Culture and Media sa Croatia, kung saan nag-alok siya ng tulong ng Simbahan sa maraming refugee na dumadagsa sa kanyang bansa mula sa Ukraine na winasak ng digmaan. “Natuklasan namin … na maraming iba’t ibang paraan … na maaari tayong magtulungan, lalo na [sa pagtulong] sa mga taong lubhang nangangailangan,” sabi ni Elder Christofferson.

Si Elder Gary E. Stevenson na bumabati sa mga tao sa Tanzania

Matapos kausapin ang mga lokal na pinuno sa Dar es Salaam, Tanzania, para ipahayag ang donasyon ng Simbahan sa isang malaking proyektong pangkawanggawa noong 2024, nakipagkita si Elder Gary E. Stevenson sa mga miyembro at missionary.

Sa siyam-na-araw na paglalakbay papunta sa ilang bansa sa Africa noong nakaraang taon, binisita ni Elder Gary E. Stevenson ang Makuburi Health Center sa Dar es Salaam, Tanzania, kung saan tumutulong ang Simbahan sa pagpapalawak ng center. “Kapag nakikita namin ang paglilingkod na ibinibigay sa mga ina at bata dito,” sabi ni Elder Stevenson, “naaantig ang puso namin.”

Bilang paggunita sa ika-30 taong anibersaryo ng Simbahan sa Cambodia, nakipagkita si Elder Renlund sa prime minister ng Cambodia, na inilarawan niya bilang “isang pambihirang tao.”

Sinabi ng Apostol, na isang dating cardiologist, sa prime minister na magdo-donate ang Simbahan ni Jesucristo ng halos US $2.2 milyon upang makapagdagdag ng isang cardiac center sa isang ospital sa Siem Reap, na mga 200 milya (320 km) sa hilaga ng Phnom Penh, para makapagbigay ng mas mahusay na pangangalaga sa kalusugan sa mga katulad ng tiyo ng prime minister, na namatay dahil sa acute coronary syndrome.

si Elder Dale G. Renlund nang makipagkita sa prime minister ng Cambodia

Kinamayan ni Elder Dale G. Renlund si Samdech Moha Borvor Thipadei HUN Manet, Punong Ministro ng Kaharian ng Cambodia, sa Phnom Penh noong Enero 22, 2024. Ang makasaysayang miting ang unang pagkakataon na nakipagpulong ang isang lider ng Simbahan sa pinuno ng pamahalaan ng Kaharian ng Cambodia.

“Nagkaroon ako ng pribilehiyong makasama ang mga miyembro, lider, at missionary sa Ulaanbaatar, Mongolia, at sa Kyoto, Hiroshima, Fukuoka, Sapporo, at Tokyo, Japan,” sabi ni Elder Ulisses Soares matapos bumisita sa Asia North Area noong 2024. “Sa bawat pagkikita o personal na pakikipag-ugnayan, nadama ko ang hindi kapani-paniwalang pagmamahal at pananampalataya ng mga taong ito para sa Panginoon. Ang kanilang kahanga-hangang mga kuwento ng pagbabalik-loob ay lubos na nakaantig sa akin at nagpalakas ng aking patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo sa lupa.

“… Kaylaking pagpapala para sa akin ang madama ang Espiritu ng Panginoon at ang Kanyang pagmamahal sa mabubuting disipulong ito ni Cristo sa mga bansang ito.”

Gawain ng mga Apostol

Ang pagbubukas ng pintuan sa ebanghelyo sa iba’t ibang bansa ay isang mahalagang responsibilidad ng apostol: “Ang Labindalawa bilang sinugo, humahawak ng mga susi, upang buksan ang pintuan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ebanghelyo ni Jesucristo” (Doktrina at mga Tipan 107:35).

Sa karanasan ni Pangulong Nelson bilang miyembro ng Labindalawa, nabuksan ang mga pintuan sa ebanghelyo sa ibang paraan. Kung minsa’y iniimpluwensyahan ng Espiritu ang isang pinuno ng pamahalaan hanggang sa “magsimulang magbago ang isip niya tungkol sa atin,” sabi ni Pangulong Nelson. Sa isa pang pagkakataon isang lalaking ayaw makipag-usap sa mga pinuno ng Simbahan ang tinanggal sa katungkulan, at binigyan kami ng Panginoon “ng isang lalaking makakausap namin.” Sa bawat pagkakataon, sinabi ni Pangulong Nelson, “ang mensahe [mula sa langit] sa akin ay iisa: ‘Gawin ang lahat ng iyong makakaya. … Makipagsapalaran ka. Pagkatapos kapag hindi mo na kaya, tutulungan kita.’”

Ang kagalakan ng gawain ng isang Apostol, sabi nila, ay dumarating kapag binalanse mo ang mahihirap na pangangailangang magsalita sa malalaking grupo pati na ang pag-minister sa indibiduwal. Binisita nila ang mga miyembro sa kanilang tahanan para magbasbas, magpasalamat, o magbigay ng kinakailangang payo.

Sabi ni Elder Bednar: “Nagsusugo ang Panginoon ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawa sa partikular na mga lugar sa partikular na mga pagkakataon kung saan nakakatagpo kami ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw at iba pa na madalas ay nahihirapan o nangangailangan ng kapanatagan at katiyakan. Ang Diyos ang nagsasaayos ng mga pakikipag-ugnayang iyon.”

si Elder David A. Bednar na nakikipagkamay sa isang batang lalaki

Binati ni Elder David A. Bednar at ng kanyang asawang si Susan ang mga tao matapos magsalita sa isang miting sa Toluca, Mexico, noong Nobyembre 5, 2023.

Kung minsa’y hayag na hayag ang kanilang paglilingkod, tulad noong makibahagi si Elder Stevenson sa isang tanyag na news conference sa Nairobi, Kenya, na nakabrodkast nang live sa pambansang telebisyon. “Ang isang tanong na maaaring nasa … inyong isipan ay, ‘Ano ang isang Apostol?’” sabi ni Elder Stevenson sa brodkast. “Kami … ay tinawag na magtungo sa mga bansa ng mundo at magpatotoo sa pagiging banal na Anak ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”

“Tungkol sa Kanya ang lahat,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf. “Kumakatawan kami sa Kanya. Lahat ng ito ay tungkol sa Diyos at sa Kanyang kadakilaan at Kanyang kahalagahan para sa kaligayahan ng Kanyang mga anak.”

Ang kanilang gawain kung minsan ay nakakaapekto sa ating personal na buhay—nang literal. Isang araw ay kinumpuni ni Elder Bednar ang bubong ng kanyang bahay at nagpunta sa isang lokal na tindahan para bumili ng ilang supply. Nakasuot siya ng damit-pantrabaho: kaswal na pantalon at sapatos, T-shirt, at baseball hat.

“May isang lalaking lumapit sa akin habang pumipili ako ng mga supply ko at sinabing, ‘Elder Bednar, hindi kayo makakapagtago.’ Nagkatawanan kami, pagkatapos ay nagtanong siya, ‘Puwede po bang magtanong?’

“Sumagot ako, ‘Ah, kaya nga ako narito.’

“Nagtatakang sagot niya, ‘Ano ang ibig n’yong sabihin?’

“Sabi ko, ‘… Narito ako dahil alam ng Diyos na magkikita tayo sa tindahang ito at na may gusto kang itanong. Sige lang at itanong mo na sa akin.’

“Nag-usap kami sa pasilyo nang mga 15 minuto, at sinikap kong tulungan siya na malaman ang sagot sa tanong niya. Nagkataon nga lang ba na nakatagpo ko ang butihing lalaking ito sa lokal na tindahang iyon? O nangyari iyon dahil sa isang mapagmahal na Tagapagligtas na … tumugon sa mga alalahanin ng isang tapat na lalaki—ng isang tao?

“Naniniwala ako na sa gawain ng Panginoon, walang nagkataon lamang. Malaki ang kahalagahan ng mga kaluluwa sa paningin ng Diyos.”

si Elder Neil L. Andersen kasama ang mga tao sa Pilipinas

Nagpakuha ng retrato si Elder Neil L. Andersen noong Pebrero 22, 2024, sa Jaime Cardinal Sin Village, Manila, Philippines, kung saan tatlong tangke ng tubig ang kinumpuni ng Simbahan.

Pagharap sa mga Hamon nang May Pananampalataya sa Panginoon

Malawak at masalimuot ang mga problemang kinakaharap ng mga Apostol ngayon. Humihingi sila ng inspirasyon kapag sila ay nagtuturo at nagmi-minister sa pandaigdigang kongregasyon ng mahigit 17 milyong mga miyembro ng Simbahan na sinusubok ng mga hamon tulad ng kaguluhan sa pulitika, pornograpiya, walang-humpay na mga impluwensya sa social media, o kawalang-katiyakan ng ekonomiya. Ang alitan sa pagitan ng mga bansa ay nakakagambala sa gawain. Ang pagguho ng mga tradisyonal na pinahahalagahan ay humahamon sa katatagan ng lipunan.

Ang mga miyembro ng Labindalawa ay seryoso sa kanilang mga responsibilidad at sabik na magpalakas ng pananampalataya sa isang mundong lalong nawawalan ng pananampalataya.

“Malinaw na ang kapangyarihan ng Panginoon ay umiimpluwensya sa mga pinuno ng Simbahan, at nagtutulak sa kanila na … magmadali,” sabi ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang kailangan nating itanong sa ating sarili ay, ‘Sumasabay ba tayo sa [ating mga pinuno]?’ Bawat isa sa atin ay kailangang maghandang sagutin ang tanong na iyan. Tinitiyak ko sa inyo na iyan ay isang paksang dapat talakayin ng Korum ng Labindalawang Apostol. … Hindi ito ang panahon para magpahinga o maghinay-hinay sa ating mga calling. …”

“… Kailangan tayong maging handang sumabay sa ating mga pinuno, humakbang sa kanilang bawat malaking hakbang.”

“Bilang mga alagad ni Jesucristo, hinahangad nating maging katulad ng ating Tagapagligtas at tularan ang Kanyang halimbawa sa lahat ng ating ginagawa,” sabi ni Elder Uchtdorf. “Mula nang sandaling tumahak tayo sa landas tungo sa pagkadisipulo, nagsimulang dumating sa atin ang nakikita at di-nakikitang mga biyaya mula sa Diyos.

“Saanman tayo naroon, maaari tayong lumakad sa landas ng pagkadisipulo ngayon. Magpakumbaba tayo; manalangin tayo sa ating Ama sa Langit nang buong puso at ipahayag ang ating hangaring mapalapit sa Kanya at matuto sa Kanya.”